Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kailangan ang Panalangin at Pagpapakumbaba

Kailangan ang Panalangin at Pagpapakumbaba

Kapitulo 94

Kailangan ang Panalangin at Pagpapakumbaba

UNA pa, nang siya’y nasa Judea, si Jesus ay nagbigay ng halimbawa tungkol sa kahalagahan ng pagiging matiyaga sa pananalangin. Ngayon, sa kaniyang katapusang pagpunta sa Jerusalem, muli na naman niyang idiniriin ang pangangailangan ng hindi panlulupaypay sa panalangin. Marahil si Jesus ay naroon pa rin sa Samaria o Galilea nang kaniyang ilahad sa kaniyang mga alagad ang isa pang paghahalimbawang ito:

“May isang hukom sa isang bayan na hindi natatakot sa Diyos at walang paggalang sa kaninumang tao. Ngunit sa bayang iyon ay may isang babaing balo na siya’y naparoroong madalas sa kaniya, na nagsasabi, ‘Iganti mo ako sa aking kaalit.’ Bueno, may ilang panahon na siya’y tumanggi, ngunit pagkatapos ay sinabi niya sa kaniyang sarili, ‘Bagaman hindi ako natatakot sa Diyos o gumagalang sa kaninumang tao, gayunman, dahilan sa patuloy na nililigalig ako ng balong ito, siya’y igaganti ko, upang huwag na niya akong patuloy na bagabagin ng kapaparito.’ ”

Pagkatapos ay ipinakita ni Jesus kung papaano kumakapit ang kaniyang inilahad na ito, na ang sabi: “Pakinggan ninyo ang sinabi ng hukom, bagaman siya’y liko! Hindi baga pangyayarihin ng Diyos na ang kaniyang mga pinili na sumasamo sa kaniya araw at gabi ay malapatan ng katarungan, bagaman siya’y matiisin sa kanila?”

Hindi naman ibig sabihin ni Jesus na ipinahihiwatig niyang ang Diyos na Jehova sa anumang paraan ay kagaya ng likong hukom na iyon. Bagkus, kung kahit na ang isang likong hukom ay tutugon sa walang panlulupaypay na pagsusumamo, tiyak na ang Diyos, na sakdal sa katuwiran at kabutihan, ay tutugon kung ang kaniyang mga lingkod ay hindi manlulupaypay ng pananalangin. Kaya’t si Jesus ay nagpatuloy: “Sinasabi ko sa inyo, pangyayarihin [ng Diyos] na mabilis na malapatan sila ng katarungan.”

Malimit na ang katarungan ay ipinagkakait sa mga maralita at dukha, samantalang ang malalakas at mayayaman ay kalimitang binibigyan ng pabor. Subalit hindi lamang pangyayarihin ng Diyos na ang mga balakyot ay malapatan ng makatarungang parusa kundi titiyakin din niya na ang kaniyang mga lingkod ay nilalapatan ng katarungan sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng walang-hanggang buhay. Subalit ilang mga tao ang matatag na naniniwalang pangyayarihin ng Diyos na mabilis na mailapat ang katarungan?

Bilang pagtukoy lalo na sa pananampalataya na may kaugnayan sa bisa ng panalangin, si Jesus ay nagtanong: “Pagdating ng Anak ng tao, makasumpong kaya siyang talaga ng pananampalataya sa lupa?” Bagaman ang tanong ay hindi sinagot, marahil ipinahihiwatig na ang gayong pananampalataya ay hindi magiging palasak pagdating ni Kristo na taglay ang kapangyarihan sa Kaharian.

Kabilang sa mga tagapakinig ni Jesus ang ilan na may kasiguruhan sa sarili na mayroon sila ng pananampalataya. Sila’y nagtitiwala na sila’y matuwid, at kanilang hinahamak-hamak ang iba. Ang ilan sa mga alagad ni Jesus ay maaari rin namang kasali sa grupo. Kaya’t ang sumusunod na paghahalimbawa ay sa gayong mga tao ikinapit niya:

“Dalawang lalaki ang nagsipanhik sa templo upang manalangin, ang isa’y Fariseo at ang isa’y maniningil ng buwis. Ang Fariseo ay nananalangin sa kaniyang sarili ng ganito, ‘Oh Diyos, salamat at hindi ako gaya ng ibang mga tao, ng mga mangingikil, liko, mangangalunya, o dili kaya’y gaya ng maniningil na ito ng buwis. Ako’y makalawang nag-aayuno sa isang linggo, nagbibigay ako ng ikapu ng lahat ng aking kita.’ ”

Ang mga Fariseo ay kilala bilang mapagparangalan ng kanilang pagkamatuwid upang hangaan ng iba. Ang karaniwang mga araw para sa kanilang takdang mga pag-aayuno ay kung mga araw ng Lunes at Huwebes, at sila’y walang palya ng pagbibigay ng ikapu ng kahit na pinakamaliliit na mga yerbabuena sa parang. Mga ilang buwan bago pa noon, ang kanilang pagkamuhi sa mga karaniwang tao ay nahalata noong panahon ng Kapistahan ng mga Tabernakulo nang kanilang sabihin: “Ang karamihang ito na hindi nakaaalam ng Kautusan [samakatuwid nga, ang ibinibigay rito ng mga Fariseo na kahulugan] ay mga isinumpa.”

Sa pagpapatuloy ng kaniyang paghahalimbawa, binanggit ni Jesus ang isa sa gayong taong “isinumpa”: “Ngunit ang maniningil ng buwis na nakatayo sa malayo ay ayaw na ang kaniyang mga mata’y itingin man lamang sa langit, kundi dinadagukan ang kaniyang dibdib, na nagsasabi, ‘Oh Diyos, kahabagan mo ako na isang makasalanan.’ ” Dahilan sa mapagpakumbabang kinikilala ng maniningil ang kaniyang mga kahinaan, sinabi ni Jesus: “Sinasabi ko sa inyo, Nanaog at umuwi sa kaniyang bahay ang taong ito na inaring-matuwid kaysa roon sa isa; sapagkat ang bawat nagmamataas sa kaniyang sarili ay mabababa, ngunit ang nagpapababa sa kaniyang sarili ay matataas.”

Sa gayo’y muli na namang idiniin ni Jesus na kailangang maging mapagpakumbaba. Palibhasa’y lumaki sa isang lipunan na kung saan ang matuwid-sa-sariling mga Fariseo ay totoong maimpluwensiya at ang laging idiniriin ay ang posisyon at ranggo, hindi nga kataka-takang kahit ang mga alagad ni Jesus ay apektado. Gayunman, anong inam na mga aralin sa pagpapakumbaba ang itinuturo ni Jesus! Lucas 18:​1-14; Juan 7:49.

▪ Bakit ipinagkaloob ng likong hukom ang kahilingan ng babaing balo, at anong aral ang itinuturo ng paghahalimbawang ibinigay ni Jesus?

▪ Anong pananampalataya ang hahanapin ni Jesus pagdating niya?

▪ Kanino ikinakapit ni Jesus ang kaniyang paghahalimbawa tungkol sa Fariseo at sa maniningil ng buwis?

▪ Anong saloobin ng mga Fariseo ang dapat na iwasan?