Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Maraming mga Alagad ang Huminto ng Pagsunod kay Jesus

Maraming mga Alagad ang Huminto ng Pagsunod kay Jesus

Kapitulo 55

Maraming mga Alagad ang Huminto ng Pagsunod kay Jesus

SI Jesus ay nagtuturo sa isang sinagoga sa Capernaum tungkol sa kaniyang bahagi bilang tunay na tinapay na galing sa langit. Ang kaniyang pahayag ay maliwanag na karugtong ng pagtalakay na nagsimula nang siya’y masumpungan ng mga tao sa kanilang pagbabalik buhat sa silangang panig ng Dagat ng Galilea, na kung saan nagsikain sila ng makahimalang ibinigay na mga tinapay at isda.

Ipinagpatuloy ni Jesus ang kaniyang mga sinasabi, na ganito: “Ang tinapay na aking ibibigay ay ang aking laman alang-alang sa buhay ng sanlibutan.” Dalawang taon lamang bago noon, noong tagsibol ng 30 C.E., sinabi ni Jesus kay Nicodemo na ganiyan na lang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan na anupa’t ibinigay niya ang kaniyang Anak bilang isang Tagapagligtas. Samakatuwid, ipinakikita ngayon ni Jesus na ang sinuman buhat sa sanlibutan ng sangkatauhan na simbolikong kumakain ng kaniyang laman, sa pamamagitan ng pananampalataya sa hain na malapit na niyang ihandog, ay maaaring tumanggap ng buhay na walang-hanggan.

Gayunman, ang mga tao ay natisod sa sinabi ni Jesus. “Paano tayo mabibigyan ng taong ito ng kaniyang laman upang kanin natin?” ang tanong nila. Ibig ni Jesus na maunawaan ng kaniyang mga tagapakinig na ang pagkain ng kaniyang laman ay gagawin sa isang simbolikong paraan. Kaya nga, upang idiin ito, siya’y nagsalita ng isang bagay na lalong karima-rimarim kung ilalagay sa literal.

“Maliban na inyong kanin ang laman ng Anak ng tao at inumin ang kaniyang dugo,” ang sabi ni Jesus, “kayo ay walang buhay sa inyong sarili. Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay may buhay na walang-hanggan, at siya’y aking bubuhaying muli sa huling araw; sapagkat ang aking laman ay tunay na pagkain, at ang aking dugo ay tunay na inumin. Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay nananatiling kaisa ko, at ako’y kaisa niya.”

Totoo naman, ang turo ni Jesus ay masakit na pakinggan kung kanibalismo ang kaniyang tinutukoy. Subalit, ang totoo, ang tinutukoy ni Jesus ay hindi ang literal na pagkain ng laman o pag-inom ng dugo. Kaniya lamang idiniriin na lahat ng tatanggap ng buhay na walang-hanggan ay kailangang sumampalataya sa hain na kaniyang ihahandog pagka kaniyang inialay na ang kaniyang sakdal na katawang tao at ibinuhos ang kaniyang dugo. Gayunman, maging ang marami man sa kaniyang mga alagad ay hindi nagtangka na maunawaan ang kaniyang turo at sa gayo’y nagsitutol: “Nakagigitla ang pananalitang ito; sino ang makikinig dito?”

Sa pagkaalam na marami sa kaniyang mga alagad ang nagbubulungan, sinabi ni Jesus: “Ito ba’y nakapagpapatisod sa inyo? Ano nga, kung makita ninyong umaakyat ang Anak ng tao sa kinaroonan na niya noong una? . . . Ang mga salitang sinalita ko sa inyo ay pawang espiritu at pawang buhay. Subalit may ilan diyan sa inyo na hindi sumasampalataya.”

Nagpatuloy pa si Jesus: “Dahil dito’y sinasabi ko sa inyo, Walang sinumang makalalapit sa akin maliban sa ipagkaloob iyon sa kaniya ng Ama.” Nang marinig iyan, marami sa kaniyang mga alagad ang nagsialis at hindi na sumunod sa kaniya. Kaya bumaling si Jesus sa kaniyang 12 apostol at nagtanong: “Ibig ba ninyong magsialis din?”

Si Pedro ay tumugon: “Panginoon, kanino pa kami magsisiparoon? Ikaw ang may mga salita ng buhay na walang-hanggan; at kami’y sumasampalataya at nakikilala namin na ikaw ang Banal na Isa ng Diyos.” Anong inam na kapahayagan ng katapatan, bagaman si Pedro at ang mga iba pang apostol ay marahil hindi pa lubusang nakauunawa ng turo ni Jesus sa bagay na ito!

Bagama’t nalugod sa tugon ni Pedro, sinabi ni Jesus: “Hindi baga ako ang pumili sa inyong labindalawa? Subalit isa sa inyo ay isang maninirang-puri.” Ang tinutukoy niya’y si Judas Iscariote. Posible na sa puntong ito nahalata na ni Jesus kay Judas ang isang bagay na “magsisimula,” o isang pagpapasimula, ng paglakad sa isang maling landas.

Hindi pa gaanong nagtatagal ay binigo ni Jesus ang pag-asa ng mga tao sa pamamagitan ng pagtanggi sa kanilang pagtatangkang gawin siyang hari, at baka sila’y nangangatuwiran na, ‘Paano nga magiging Mesiyas ito kung hindi siya papayag na humawak ng matuwid na katungkulan ng Mesiyas?’ Ito rin naman ay siyang bagay na nananariwa sa kaisipan ng mga tao. Juan 6:51-71; 3:16.

▪ Ukol kanino ibinibigay ni Jesus ang kaniyang laman, at papaanong ang mga ito ay ‘kumakain ng kaniyang laman’?

▪ Ano pang mga sinabi ni Jesus ang nakagitla sa mga tao, subalit ano ba ang kaniyang idiniriin?

▪ Nang marami ang humintong sumunod kay Jesus, ano ang itinugon ni Pedro?