Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Manggagawa sa Ubasan

Mga Manggagawa sa Ubasan

Kapitulo 97

Mga Manggagawa sa Ubasan

“MARAMING mga una,” ang kasasabi-sabi lamang ni Jesus, “na mangahuhuli at mga huli na mangauuna.” Ngayon ay kaniyang ipinaghalimbawa ito sa pamamagitan ng pag-iistorya. “Ang kaharian ng langit,” pasimula niya, “ay tulad sa isang tao, isang punò ng sambahayan, na lumabas pagkaumagang-umaga upang umupa ng mga manggagawa para sa kaniyang ubasan.”

Nagpatuloy si Jesus: “Nang [ang punò ng sambahayan] ay makipagkasundo na sa mga manggagawa sa upa na isang denaryo sa bawat araw, kaniyang sinugo sila sa kaniyang ubasan. Nang siya’y lumabas nang malapit na ang ikatlong oras, nakita niya ang mga iba sa pamilihan na nangakatayong walang ginagawa; at sinabi niya sa kanila, ‘Magsiparoon din naman kayo sa ubasan, at bibigyan ko kayo ng makatuwirang upa.’ At sila’y nagsiyaon. Lumabas siyang muli nang malapit na ang mga oras na ikaanim at ikasiyam at gayundin ang ginawa. Sa wakas, nang malapit na ang ikalabing-isang oras siya ay lumabas at nakasumpong ng mga iba na nangakatayo, at sinabi niya sa kanila, ‘Bakit kayo’y nangakatayo rito sa buong maghapon na walang ginagawa?’ At sinabi nila sa kaniya, ‘Sapagkat walang sinumang umupa sa amin.’ Sinabi niya sa kanila, ‘Kayo’y magsiparoon din sa ubasan.’ ”

Ang punò ng sambahayan, o may-ari ng ubasan, ay ang Diyos na Jehova, at ang ubasan ay ang bansang Israel. Ang mga manggagawa sa ubasan ay yaong mga taong nasa ilalim ng tipang Kautusan; sila ay yaong espesipikong mga Judio na nabubuhay noong kaarawan ng mga apostol. Tanging ang maghapunang mga manggagawa ang tinanggap sa isang kasunduan ng pag-upa. Ang upa ay isang denaryo para sa maghapong trabaho. Yamang “ang ikatlong oras” ay ika-9:00 n.u., yaong mga tinawag noong ika-3, ika-6, ika-9, at ika-11 oras ay nagtrabaho, ayon sa pagkakasunud-sunod, ng 9, 6, 3, at 1 oras lamang.

Ang 12-oras, o buong-araw, na mga manggagawa ay kumakatawan sa mga lider na Judio na okupadong patuluyan sa relihiyosong paglilingkod. Sila’y di-tulad ng mga alagad ni Jesus, na, sa kalakhang bahagi ng kanilang buhay, ay mga mangingisda ang hanapbuhay o iba pang pinagkakakitaang gawain. Noon lamang taglagas ng 29 C.E. sinugo ng “punò ng sambahayan” si Jesu-Kristo upang tipunin ang mga ito para maging kaniyang mga alagad. Sa gayo’y sila ang ‘nangahuli,’ o ang ika-11-oras na mga manggagawa sa ubasan.

Sa katapus-tapusan, ang simbolikong maghapon ay nagtatapos sa pagkamatay ni Jesus, at sumapit na ang oras upang bayaran ang mga manggagawa. Ang di-karaniwang alituntunin na unang binabayaran ang huli ay sinunod, gaya ng ipinaliliwanag: “At nang dumating ang hapon, sinabi ng Panginoon ng ubasan sa kaniyang katiwala, ‘Tawagin mo ang mga manggagawa at bayaran mo sila ng kaupahan sa kanila, na mula sa mga huli hanggang sa mga una.’ At paglapit ng mga manggagawa sa ika-11 oras, bawat isa sa kanila ay tumanggap ng denaryo. At nang magsilapit ang mga nauna, ang akala nila’y magsisitanggap sila nang higit; subalit sila’y nagsitanggap din bawat tao ng isang denaryo. At nang kanilang tanggapin iyon sila’y nagbulung-bulungan laban sa punò ng sambahayan at ang sabi, ‘Isa lamang oras ang ginugol nitong mga huli; gayunman sila’y ipinantay mo sa amin na mga nangagbata ng hirap sa maghapon at ng init na nakasusunog!’ Datapuwat siya’y sumagot at sinabi sa isa sa kanila, ‘Kaibigan, hindi kita ginagawan nang masama. Nakipagkasundo ka sa akin sa halagang isang denaryo, di ba? Kunin mo ang ganang iyo at humayo ka sa iyong lakad. Ibig kong bigyan itong huli na gaya rin ng sa iyo. Hindi baga matuwid na aking gawin ang ibig ko sa aking pag-aari? O masama ang mata mo sapagkat ako’y mabuti?’ ” Bilang pagtatapos, ay inulit ni Jesus ang isang puntong binanggit na niya noon pa, na: “Kaya’t ang mga huli ay mauuna, at ang mga una ay mahuhuli.”

Ang pagtanggap sa denaryo ay naganap, hindi nang mamatay si Jesus, kundi noong Pentecostes 33 C.E., nang si Kristo, ang “katiwala,” ay magbuhos ng banal na espiritu sa kaniyang mga alagad. Ang mga alagad na ito ni Jesus ay katulad ng “mga huli,” o ng mga manggagawa sa ika-11-oras. Ang denaryo ay hindi kumatawan sa kaloob na banal na espiritu mismo. Ang denaryo ay isang bagay na gagamitin ng mga alagad dito sa lupa. Iyon ay isang bagay na nangangahulugan ng kanilang ikabubuhay, ang kanilang buhay na walang-hanggan. Iyon ay ang pribilehiyo na maging isang espirituwal na Israelita, pinahiran upang mangaral tungkol sa Kaharian ng Diyos.

Hindi nalaunan at ang mga naunang manggagawang iyon ay nakapansin na nabayaran na ang mga alagad ni Jesus, at kanilang nakita ang mga ito na gumagamit ng makasagisag na denaryo. Subalit higit pa ang ibig nila bukod sa banal na espiritu at sa kaugnay na mga pribilehiyo tungkol sa Kaharian. Ang kanilang pagbubulungan at mga pagtutol ay humantong sa pag-uusig sa mga alagad ni Kristo, ‘ang huling’ mga manggagawa sa ubasan.

Ang katuparan bang iyan noong unang siglo ang tanging katuparan ng ilustrasyon ni Jesus? Hindi, ang klero ng Sangkakristiyanuhan sa ika-20 siglong ito, dahilan sa kanilang mga posisyon at mga pananagutan, ang mga ‘nauna’ na kinuha para magtrabaho sa makasagisag na ubasan ng Diyos. Kanilang itinuturing na ang nag-alay na mga mangangaral na kaugnay ng Watch Tower Bible and Tract Society ang siyang “mga huli” na binigyan ng mahalagang atas sa paglilingkuran sa Diyos. Subalit, ang totoo, ang mismong mga ito, na hinahamak-hamak ng klero, ang nagsitanggap ng denaryo​—ang karangalan sa paglilingkod bilang pinahirang mga embahador ng makalangit na Kaharian ng Diyos. Mateo 19:​30–​20:​16.

▪ Ano ba ang kinakatawan ng ubasan? Kani-kanino kumakatawan ang may-ari ng ubasan at ang 12-oras at 1-oras na mga manggagawa?

▪ Kailan nagtapos ang simbolikong araw ng paggawa, at kailan ginawa ang pagbabayad?

▪ Ano ba ang kinakatawan ng pagbabayad ng denaryo?