Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Paglalakbay sa Jerusalem

Mga Paglalakbay sa Jerusalem

Kapitulo 10

Mga Paglalakbay sa Jerusalem

DUMATING na ang tagsibol. At panahon na para sa pamilya ni Jose, kasama ng mga kaibigan at mga kamag-anak, na isagawang muli ang kanilang taunang paglalakbay sa Jerusalem sa panahon ng tagsibol upang ipagdiwang ang Paskuwa. Habang sila’y papaalis patungo sa mga 100-kilometrong biyahe, naroroon ang karaniwang kasabikan. Si Jesus ay 12 taóng gulang na ngayon, at sabik na sabik sa pinakahihintay na pagdiriwang.

Para kay Jesus at sa kaniyang pamilya, ang Paskuwa ay hindi lamang isang-araw na kapistahan. Sila’y nananatili para sa sumunod na pitong-araw na Pagdiriwang ng Tinapay na Walang-lebadura, na itinuturing nilang bahagi ng kapistahan ng Paskuwa. Bilang resulta, ang buong panahon ng kanilang paglalakbay mula sa kanilang tahanan sa Nasaret, kasali na ang pagtigil nila sa Jerusalem, ay umaabot ng mga dalawang linggo. Subalit sa taóng ito, dahilan sa isang bagay na may kaugnayan kay Jesus, iyon ay kinailangang magtagal-tagal.

Nahayag ang problema habang naglalakbay pauwi mula sa Jerusalem. Inakala ni Jose at Maria na si Jesus ay kasama sa grupo ng mga kamag-anak at kaibigan na naglalakbay na sama-sama. Gayunma’y hindi siya nakita nang sila’y huminto sa kinagabihan, at hinanap nila siya mula sa mga kasamang naglalakbay. Hindi siya matagpuan. Kaya sina Jose at Maria ay bumalik sa Jerusalem upang hanapin siya.

Buong maghapon silang naghanap, ngunit nabigo. Nang sumunod na araw ay hindi pa rin nila siya natagpuan. Hanggang sa noong ikatlong araw, sila’y tumungo sa templo. Doon, sa isa sa mga bulwagan nito, nakita nila si Jesus na nakaupo sa gitna ng mga gurong Judio, habang nakikinig sa kanila at nagtatanong.

“Anak, bakit mo ginawa sa amin ang ganiyan?” ang tanong ni Maria. “Narito ang iyong ama at ako na hinahanap kang may hapis.”

Nagtaka si Jesus kung bakit hindi nila alam kung saan siya matatagpuan. “Bakit ninyo ako hinahanap?” ang tanong niya. “Di-baga talastas ninyo na dapat akong maglumagak sa bahay ng aking Ama?”

Hindi maunawaan ni Jesus kung bakit hindi nalaman ng kaniyang mga magulang ito. Pagkatapos niyaon, bumalik na si Jesus kasama ng kaniyang mga magulang at nagpatuloy na magpasakop sa kanila. Siya’y nagpatuloy na lumaki sa karunungan at sa pangangatawan at sa pagbibigay-lugod sa Diyos at sa mga tao. Oo, mula sa kaniyang pagkabata, si Jesus ay nagpakita ng isang mainam na halimbawa hindi lamang sa pagtataguyod sa espirituwal na mga intereses kundi rin naman sa pagpapakita ng paggalang sa kaniyang mga magulang. Lucas 2:​40-52; 22:7.

▪ Anong paglalakbay sa panahon ng tagsibol ang regular na ginagawa ni Jesus kasama ng kaniyang pamilya, at gaano katagal iyon?

▪ Ano ang nangyari sa ginawa nilang paglalakbay nang si Jesus ay 12 taóng gulang?

▪ Anong halimbawa ang ipinakita ni Jesus para sa mga kabataan sa ngayon?