Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Nagdadalantao Ngunit Walang Asawa

Nagdadalantao Ngunit Walang Asawa

Kapitulo 4

Nagdadalantao Ngunit Walang Asawa

SI Maria ay nasa ikatlong buwan ng pagdadalantao. Maaalaala mo na sa pagsisimula ng kaniyang pagdadalantao ay nakipisan siya kay Elizabeth, subalit ngayon ay umuwi na siya sa Nasaret. Hindi na magtatagal at mabubunyag sa madla ang kaniyang kalagayan sa kaniyang sariling bayan. Tunay na siya’y nasa isang maselang na kalagayan!

At ang lalong nagpapalubha sa kalagayang iyon ay ang bagay na si Maria’y nakatakdang ikasal sa karpinterong si Jose. At batid niya na, sa ilalim ng batas ng Diyos sa Israel, ang isang babae na nakatakdang ikasal sa isang lalaki subalit kusang nakipagtalik sa ibang lalaki ay kailangang batuhin hanggang sa mamatay. Papaano nga niya maipaliliwanag kay Jose ang kaniyang pagdadalantao?

Yamang si Maria ay tatlong buwang napawalay, matitiyak natin na si Jose ay sabik na makita siya. Nang sila’y magkita, malamang na ibinalita ni Maria iyon sa kaniya. Marahil ay ginawa niya ang lahat upang ipaliwanag na ang kaniyang ipinagdadalantao ay sa pamamagitan ng banal na espiritu ng Diyos. Subalit, gaya ng inyong maguguniguni, ito ay isang napakahirap na bagay na paniwalaan ni Jose.

Batid ni Jose ang marangal na pagkababae ni Maria. At sa malas ay malaki ang pag-ibig niya rito. Gayunman, anuman ang gawin niyang paliwanag, talagang para siyang nasipingan ng ibang lalaki. Magkagayunman, hindi ibig ni Jose na si Maria’y batuhin hanggang sa mamatay o mapabilad sa kahihiyan. Kaya’t ipinasiya niya na lihim na hiwalayan ito. Noong panahong iyon, ang mga magkakatipan ay itinuturing na kasal na, at diborsiyo ang kailangan upang mapawalang-bisa ang isang tipanan.

Nang maglaon, samantalang pinag-iisipan ni Jose ang mga bagay na ito, siya’y nakatulog. Ang anghel ni Jehova ay napakita sa kaniya sa panaginip at ang sabi: “Huwag kang mangamba na iuwi sa iyong tahanan si Maria bilang iyong asawa, sapagkat siya’y nagdadalantao sa pamamagitan ng banal na espiritu ng Diyos. Siya’y manganganak ng isang lalaki, at tatawagin mo ang kaniyang pangalan na Jesus, sapagkat ililigtas niya ang kaniyang bayan sa kanilang mga kasalanan.”

Nang magising si Jose, kaylaki ng kaniyang pasasalamat! Walang atubiling ginawa niya ang sinabi ng anghel. Kaniyang dinala si Maria sa kaniyang tahanan. Sa katunayan, ang pangmadlang aksiyong ito ang nagsilbing seremonya ng kasal, na nagbibigay ng patalastas na si Jose at si Maria ay kasal na. Subalit si Jose ay hindi sumiping kay Maria habang siya’y nagdadalantao kay Jesus.

Narito! Si Maria ay kagampan na, ngunit isinasakay siya ni Jose sa isang asno. Saan sila pupunta at bakit sila maglalakbay gayong si Maria ay malapit na malapit nang manganak? Lucas 1:​39-41, 56; Mateo 1:​18-25; Deuteronomio 22:​23, 24.

▪ Ano ang nasa kaisipan ni Jose nang kaniyang malaman na nagdadalantao si Maria, at bakit?

▪ Papaano nga mahihiwalayan ni Jose si Maria gayong hindi pa naman sila kasal?

▪ Anong pangmadlang aksiyon ang nagsilbing seremonya ng kasal para kay Jose at kay Maria?