Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pag-alis sa Tahanan ni Jairo at Muling Pagdalaw sa Nasaret

Pag-alis sa Tahanan ni Jairo at Muling Pagdalaw sa Nasaret

Kapitulo 48

Pag-alis sa Tahanan ni Jairo at Muling Pagdalaw sa Nasaret

NAGING totoong magawain ang araw na iyon para kay Jesus​—pagbibiyahe sa dagat buhat sa Decapolis, pagpapagaling sa babaing inaagasan, at pagbuhay-muli sa anak na babae ni Jairo. Subalit hindi pa tapos ang maghapon. Maliwanag na samantalang lumilisan si Jesus sa tahanan ni Jairo, dalawang lalaking bulag ang sumunod sa kaniyang likuran, at sumigaw: “Maawa ka sa amin, ikaw na Anak ni David.”

Sa pagtawag kay Jesus na “Anak ni David,” ang mga lalaking ito ay nagpahayag ng kanilang paniniwala na si Jesus ang tagapagmana ng trono ni David, samakatuwid siya ang ipinangakong Mesiyas. Gayunman, wari ngang hindi pansin ni Jesus ang kanilang paghingi ng tulong, marahil upang subukin ang kanilang katiyagaan. Subalit ang mga lalaking iyan ay hindi huminto. Sila’y sumunod kay Jesus saanman siya pumaroon upang makituloy, at pagpasok niya sa bahay, sila’y kasunod niyang pumasok.

Doon ay nagtanong si Jesus: “Kayo ba’y sumasampalataya na magagawa ko ito?”

“Opo, Panginoon,” ang sagot nila nang may pagtitiwala.

Kaya, kasabay ng paghipo ni Jesus sa kanilang mga mata, sinabi niya: “Ayon sa inyong pananampalataya ganiyan nawa ang mangyari sa inyo.” At biglang-bigla na sila’y nakakita! Pagkatapos ay mahigpit na pinagbilinan sila ni Jesus: “Huwag ninyong ipagmakaingay iyan sa kaninuman.” Subalit palibhasa’y galak na galak sila, hindi nila pinansin ang utos ni Jesus at kanilang ikinalat ang balita tungkol sa kaniya sa buong kapaligiran.

Samantalang paalis na ang mga lalaking ito, ang mga tao’y nagdala roon ng isang lalaking inaalihan ng demonyo at pinaging pipi ng demonyo. Pinalabas ni Jesus ang demonyo, at sa isang iglap ay nagsalita ang taong iyon. Ang lubhang karamihan ay nanggilalas sa mga himalang ito, at sila’y nagsabi: “Kailanman ay wala pang nakitang ganito sa Israel.”

Naroroon din naman ang mga Fariseo. Hindi nila maitatwa ang mga himala, subalit sa kanilang balakyot na saloobin ng kawalang-pananampalataya kanilang inulit ang kanilang paratang tungkol sa pinagmumulan ng mga paghihimala ni Jesus, na ang sabi: “Sa pamamagitan nga ng hari ng mga demonyo nagpapalabas ka ng mga demonyo.”

Hindi nagtagal pagkatapos ng mga pangyayaring ito, si Jesus ay bumalik sa kaniyang sariling bayan ng Nasaret, ngayon ay kasama niya ang kaniyang mga alagad. Mga isang taon lamang ang nakalipas, kaniyang dinalaw ang sinagoga at siya’y nagturo roon. Bagaman ang mga tao ay sa unang pagkakataong iyon nanggilalas sa kaniyang kaakit-akit na mga salita, nang dakong huli ay natisod sila sa kaniyang turo at pinagsikapan nilang patayin siya. Ngayon, si Jesus ay naawa at minsan pang nagtangka na tulungan ang kaniyang dating mga kapitbahay.

Samantalang sa mga ibang lugar ay pinagdudumugan ng mga tao si Jesus, dito ay maliwanag na hindi ganoon ang ginawa nila. Kaya, kung Sabbath, siya’y nagpupunta sa sinagoga upang magturo. Karamihan ng mga nakikinig sa kaniya ay nagtataka. “Saan ba kinuha ng taong ito ang kaniyang karunungan at ang makahimalang mga gawaing ito?” ang tanong nila. “Hindi ba ito ang anak ng karpintero? Hindi ba ang kaniyang ina’y tinatawag na si Maria, at ang kaniyang mga kapatid ay sina Santiago at Jose at Simon at Judas? At ang kaniyang mga kapatid na babae, hindi ba’t sila’y kapiling natin? Saan, kung gayon, kinuha ng taong ito ang lahat ng mga bagay na ito?”

‘Si Jesus ay isa lamang tagarito na katulad natin,’ ang pangangatuwiran nila. ‘Nakita natin siyang lumaki, at kilala natin ang kaniyang pamilya. Paano ngang siya’y magiging ang Mesiyas?’ Kaya naman sa kabila ng lahat ng ebidensiya​—ang kaniyang dakilang karunungan at mga himala​—kanilang tinanggihan siya. Dahilan sa siya’y kilalang-kilala nila, kahit ang kaniyang mga kamag-anak ay natisod sa kaniya, kaya sinabi ni Jesus: “Ang isang propeta ay walang kapurihan sa kaniyang sariling lupain at sa gitna ng kaniyang mga kamag-anakan at sa kaniyang sariling bahay.”

Oo, si Jesus ay takang-taka sa kanilang kakulangan ng pananampalataya. Kaya’t hindi siya gumawa ng anumang himala roon maliban sa pagpapatong ng kaniyang mga kamay sa mga ilang may sakit at kaniyang pinagaling sila. Mateo 9:27-34; 13:54-58; Marcos 6:1-6; Isaias 9:7.

▪ Sa pagtawag kay Jesus na “Anak ni David,” ano ang ipinakikita ng mga lalaking bulag na kanilang pinaniniwalaan?

▪ Anong paliwanag tungkol sa mga himala ni Jesus ang tinanggap ng mga Fariseo?

▪ Bakit naawa si Jesus at bumalik upang tulungan yaong mga nasa Nasaret?

▪ Papaano tinanggap si Jesus sa Nasaret, at bakit?