Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Paggawa ng Mabuti Kung Sabbath

Paggawa ng Mabuti Kung Sabbath

Kapitulo 29

Paggawa ng Mabuti Kung Sabbath

NOON ay tagsibol ng 31 C.E. Mga ilang buwan ang lumipas sapol nang makausap ni Jesus ang babae sa balon sa Samaria nang siya’y patungo sa Galilea galing sa Judea.

Ngayon, pagkatapos ng malaganap na pagtuturo sa buong Galilea, umalis si Jesus patungo uli sa Judea, at dito’y nangaral siya sa mga sinagoga. Kung ihahambing ang atensiyon na ibinigay ng Bibliya sa kaniyang ministeryo sa Galilea, walang gaanong sinasabi ito tungkol sa ginawa ni Jesus sa Judea sa panahon ng kaniyang pagdalaw na ito at noong mga buwan na siya’y narito pagkatapos ng nakaraang Paskuwa. Marahil hindi gaanong masigla ang pagtanggap sa kaniya sa Judea di-gaya sa Galilea.

Hindi nagtagal at si Jesus ay patungo na sa pangunahing lunsod ng Judea, ang Jerusalem, para sa Paskuwa ng 31 C.E. Dito, malapit sa Pintuang-Bayan para sa mga tupa, ay narito ang tangke na tinatawag na Bethzatha, na kung saan pumaparito ang maraming maysakit, bulag, at lumpo. Sila’y naniniwala na nakapagpapagaling ang tubig ng tangkeng ito pagka nilusungan.

Noon ay Sabbath, at nakita ni Jesus ang isang lalaki sa tangke na 38 taon nang may sakit. Palibhasa’y alam niya ang matagal na pagkakasakit ng taong iyon, si Jesus ay nagtanong: “Ibig mo bang gumaling?”

Sinagot niya si Jesus: “Ginoo, walang taong maglusong sa akin sa tangke pagka ang tubig ay nakalawkaw na; ngunit samantalang ako’y pababa ay nakalulusong na muna ang iba bago ako.”

Ang sabi ni Jesus sa kaniya: “Magtindig ka, buhatin mo ang iyong higaan at lumakad ka.” Kapagdaka’y gumaling ang tao, binuhat ang kaniyang higaan at lumakad!

Ngunit nang makita ng mga Judio ang taong iyon, sinabi nila: “Sabbath ngayon, at hindi matuwid na buhatin mo ang iyong higaan.”

Sinagot sila ng taong iyon: “Ang nagpagaling sa akin ang nagsabi, ‘Buhatin mo ang iyong higaan at lumakad ka.’ ”

“Sino ba yaong taong nagsabi sa iyo, ‘Buhatin mo ito at lumakad ka’ ”? ang tanong nila. Si Jesus ay umalis na dahilan sa karamihan ng tao, at ang pangalan ni Jesus ay hindi alam ng taong pinagaling niya. Nang malaunan, si Jesus at ang taong iyon ay nagkasalubong sa templo, at nakilala ng tao kung sino ang nagpagaling sa kaniya.

Kaya’t hinanap ng napagaling na taong iyon ang mga Judio upang sabihin sa kanila na si Jesus ang nagpagaling sa kaniya. Nang malaman ito, ang mga Judio ay naparoon kay Jesus. Sa anong dahilan? Upang malaman ba nila kung sa pamamagitan ng anong paraan nagagawa niya ang mga kababalaghang ito? Hindi, kundi upang siraan siya dahilan sa ginagawa niya ang kabutihang ito sa araw ng Sabbath. At kanilang pinasimulang usigin pa siya! Lucas 4:​44; Juan 5:​1-16.

▪ Gaano katagal na sapol nang huling dalawin ni Jesus ang Judea?

▪ Bakit ang tangke na tinatawag na Bethzatha ay popular na popular?

▪ Anong himala ang ginawa ni Jesus sa tangke, at ano ang epekto nito sa mga Judio?