Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Paghahanap sa Nawala

Paghahanap sa Nawala

Kapitulo 85

Paghahanap sa Nawala

SI Jesus ay sabik na hanapin at matagpuan yaong mga taong mapakumbabang maglilingkod sa Diyos. Kaya’t siya’y naghanap at nakipag-usap sa balana tungkol sa Kaharian, kasali na yaong mga kilalang mga makasalanan. Ang gayong mga tao ngayon ay lumapit upang makinig sa kaniya.

Nang makita nila ito, ang mga Fariseo at eskriba ay pumintas kay Jesus dahil sa pakikisama niya sa mga taong kanilang itinuturing na di-karapat-dapat. Sila’y nagsabi: “Ang taong ito’y nakikisama sa mga makasalanan at nakikisalo sa kanila.” Iyon ay alangang-alangan sa kanilang dangal! Ang mga karaniwang tao ay tinatrato ng mga Fariseo at mga eskriba na mistulang yagit sa ilalim ng kanilang mga paa. Sa katunayan ginagamit nila ang salitang Hebreo na ‘am ha·’aʹrets, “mga tao ng lupain [lupa],” upang ipakita ang kanilang pandidiri sa gayong mga tao.

Sa kabilang panig, lahat ay tinatrato ni Jesus nang may dangal, kabaitan, at pagkahabag. Kaya naman, marami sa mga dukhang ito, kasali na ang mga taong napabantog dahilan sa gawang masama, ay sabik na makinig sa kaniya. Subalit kumusta ang pagpintas ng mga Fariseo kay Jesus dahil sa paggugol ng lakas alang-alang doon sa mga taong itinuturing nilang di-karapat-dapat?

Ang kanilang pagtutol ay sinagot ni Jesus sa pamamagitan ng paggamit ng isang ilustrasyon. Siya’y nagsalita buhat sa sariling punto-de-vista ng mga Fariseo, na waring sila ay matuwid at ligtas sila sa kulungan na inilaan ng Diyos, samantalang ang kamuhi-muhing mga ‘am ha·’aʹrets ay nangaligaw ng landas at sila’y napahamak. Makinig habang siya’y nagtatanong:

“Aling tao sa inyo na kung may isang daang tupa, at mawala ang isa sa mga yaon ay hindi iiwan ang siyamnapu’t siyam sa ilang at hahanapin ang nawala hanggang sa ito’y kaniyang masumpungan? At pagka nasumpungan niya ay pinapasan ito sa kaniyang balikat at natutuwa. At pagdating niya sa kaniyang tahanan ay titipunin niya ang kaniyang mga kaibigan at ang kaniyang mga kapitbahay, at sasabihin sa kanila, ‘Makigalak kayo sa akin, sapagkat nasumpungan ko ang aking tupang nawala.’ ”

Pagkatapos ay ipinakita ni Jesus ang kinakapitan ng kuwentong ito, at nagpaliwanag: “Sinasabi ko sa inyo na magkakaroon ng higit na kagalakan sa langit dahil sa isang makasalanang nagsisi kaysa siyamnapu’t siyam na taong matuwid na hindi kailangang mangagsisi.”

Ang turing ng mga Fariseo sa kanilang sarili ay mga matuwid at sa gayo’y hindi na kailangang magsisi pa. Nang ang ilan sa kanila ay pumintas kay Jesus mga dalawang taon na ang nakalipas dahilan sa pakikisalo sa mga maniningil ng buwis at mga makasalanan, kaniyang sinabi sa kanila: “Ako’y naparito upang tumawag, hindi ng matuwid na mga tao, kundi ng mga makasalanan.” Ang matuwid-sa-sarili na mga Fariseo, na hindi nakakakita ng kanilang pangangailangan na magsisi, ay hindi nagdudulot ng kagalakan sa langit. Subalit tunay na kagalakan naman ang dulot ng nagsisising mga makasalanan.

Upang makaibayong idiin ang punto na ang pagpapabalik-loob sa napaligaw na mga makasalanan ay isang dahilan para sa malaking kagalakan, si Jesus ay nagbida ng isa pang ilustrasyon. Sinabi niya: “Aling babae na may sampung putol na pilak, na kung mawalan siya ng isang putol, ay hindi baga magpapaningas ng isang ilawan at magwawalis sa kaniyang bahay at maghahanap na maingat hanggang sa kaniyang matagpuan iyon? At pagka kaniyang natagpuan na ay tinatawag niya ang mga babaing kaniyang mga kaibigan at mga kapitbahay, at sasabihin, ‘Makigalak kayo sa akin sapagkat natagpuan ko na ang salaping pilak na nawala sa akin.’ ”

Pagkatapos ay nagbigay si Jesus ng isang nahahawig na pagkakapit. Siya’y nagpatuloy sa pagsasabi: “Gayundin, sinasabi ko sa inyo, na may kagalakan sa gitna ng mga anghel ng Diyos dahilan sa isang makasalanan na nagsisisi.”

Anong kahanga-hanga ang ganitong maibiging pagmamalasakit ng mga anghel ng Diyos sa pagbabalik-loob ng naligaw na mga makasalanan! Ito’y lalo nang gayon yamang ang dati’y dukhang, hinahamak na mga ‘am ha·’aʹrets na ito ay sa wakas napapahanay na maging bahagi ng makalangit na Kaharian ng Diyos. Ang bunga nito, sila’y nakaaabot sa isang puwesto sa langit na mas mataas kaysa taglay ng mga anghel mismo! Subalit imbis na manibugho o makadama na sila’y hinahamak, mapakumbabang nauunawaan ng mga anghel na ang makasalanang mga taong ito ay napaharap at nagtagumpay sa mga situwasyon sa buhay na magsasangkap sa kanila upang maglingkod bilang nakikiramay at mahabaging mga hari at mga saserdote sa langit. Lucas 15:​1-10; Mateo 9:13; 1 Corinto 6:​2, 3; Apocalipsis 20:6.

▪ Bakit nakisama si Jesus sa kilalang mga makasalanan, at anong pamimintas ang bumangon buhat sa mga Fariseo?

▪ Ano ang pagkamalas ng mga Fariseo sa mga karaniwang tao?

▪ Anong mga ilustrasyon ang ginamit ni Jesus, at ano ang maaari nating matutuhan buhat sa mga ito?

▪ Bakit ang kagalakan ng mga anghel ay kapansin-pansin?