Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Paghahanda ng Pagharap sa Pag-uusig

Paghahanda ng Pagharap sa Pag-uusig

Kapitulo 50

Paghahanda ng Pagharap sa Pag-uusig

PAGKATAPOS itagubilin sa kaniyang mga apostol ang mga paraan ng pangangaral, si Jesus ay nagbabala sa kanila tungkol sa mga mananalansang. Sinabi niya: “Narito! Sinusugo ko kayong gaya ng mga tupa sa gitna ng mga lobo . . . Magpakaingat kayo sa mga tao; sapagkat kayo’y ibibigay nila sa mga lokal na hukuman, at kayo’y hahampasin nila sa kanilang mga sinagoga. Oo, kayo’y dadalhin sa harap ng mga gobernador at mga hari dahil sa akin.”

Sa kabila ng matinding pag-uusig na haharapin ng kaniyang mga tagasunod, si Jesus ay nagbigay ng tiyak na pangako: “Pagka kayo’y ibinigay nila, huwag ninyong ikabalisa kung papaano o kung ano ang inyong sasabihin; sapagkat sa oras na iyon ay ipagkakaloob sa inyo ang inyong sasabihin; sapagkat hindi kayo ang magsasalita, kundi ang espiritu ng inyong Ama ang magsasalita sa pamamagitan ninyo.”

“At,” ang patuloy pa ni Jesus, “ibibigay ng kapatid ang kapatid sa kamatayan, at ng ama ang kaniyang anak, at maghihimagsik ang mga anak laban sa mga magulang at sila’y ipapapatay.” Isinusog niya: “Kayo’y magiging tampulan ng poot ng lahat ng tao dahil sa aking pangalan; ngunit ang magtiis hanggang wakas ang siyang maliligtas.”

Ang pangangaral ay pinakamahalaga. Ito ang dahilan kung kaya idiniin ni Jesus na kailangan ang pag-iingat upang makapagpatuloy na malaya upang magsagawa ng gawain. “Pagka kayo’y pinag-usig nila sa isang lunsod, magsitakas kayo tungo sa ibang lunsod,” aniya, “sapagkat katotohanang sinasabi ko sa inyo, Sa anumang paraan ay hindi ninyo matatapos pangaralan ang sirkito ng mga lunsod ng Israel hanggang sa dumating ang Anak ng tao.”

Totoo nga na ibinigay ni Jesus ang tagubiling ito, babala, at pampatibay-loob sa kaniyang 12 apostol, subalit inilaan din naman ito sa mga makikibahagi sa pandaigdig na pangangaral pagkamatay at pagkabuhay-muli niya. Ito’y ipinakikita sa kaniyang pagsasabi na ang kaniyang mga alagad ay ‘kapopootan ng lahat ng tao,’ hindi lamang ng mga Israelita na pinagsuguan sa mga apostol upang pangaralan. At, maliwanag na ang mga apostol ay hindi dinala sa harap ng mga gobernador at mga hari nang sila’y suguin ni Jesus sa kanilang maikling panahon ng pangangaral. Isa pa, noon ang mga mananampalataya ay hindi naman ibinibigay sa kamatayan ng mga miyembro ng pamilya.

Kaya naman sa pagsasabing hindi matatapos ng kaniyang mga alagad ang kanilang sirkito na pinangangaralan “hanggang sa dumating ang Anak ng tao,” sinalita sa atin ni Jesus ang isang hula na nagsasabing hindi matatapos ng kaniyang mga alagad ang pangangaral sa sirkito ng buong tinatahanang lupa tungkol sa natatatag na Kaharian ng Diyos bago ang niluwalhating Haring si Jesu-Kristo ay dumating bilang hinirang ni Jehova na mamumuksa sa Armagedon.

Sa pagpapatuloy ng kaniyang mga tagubilin sa pangangaral, sinabi ni Jesus: “Ang alagad ay hindi mataas sa kaniyang guro, ni mataas man ang alipin sa kaniyang panginoon.” Kaya naman ang mga tagasunod ni Jesus ay tatanggap ng ganoon ding masamang trato at pag-uusig gaya ng tinanggap niya dahil sa pangangaral ng Kaharian ng Diyos. Gayunman ay nagpayo siya: “Huwag kayong matakot sa nagsisipatay ng katawan datapuwat hindi makapatay ng kaluluwa; kundi bagkus ang katakutan ninyo’y yaong makapupuksa ng kapuwa kaluluwa at katawan sa Gehenna.”

Si Jesus ang siyang magbibigay ng halimbawa sa bagay na ito. Lakas-loob na titiisin niya ang kamatayan imbis na ikompromiso ang kaniyang katapatan sa Isa na may lubos na kapangyarihan, si Jehovang Diyos. Oo, si Jehova na makapupuksa ng “kaluluwa” (dito’y tumutukoy sa panghinaharap na mga pagpapala na maaaring kamtin ng isa bilang isang kaluluwang buháy) o kaya’y makabubuhay-muli ng isang tao upang magtamasa ng buhay na walang-hanggan. Isang maibigin, maawaing makalangit na Ama nga si Jehova!

Pagkatapos ay pinatitibay-loob ni Jesus ang kaniyang mga alagad sa isang paghahalimbawa na nagtatampok sa maibiging pangangalaga sa kanila ni Jehova. “Hindi baga ipinagbibili ang maya ng dalawa isang pera?” ang tanong niya. “Gayunman, kahit isa sa kanila’y hindi nahuhulog sa lupa kung hindi kalooban ng inyong Ama. Maging ang buhok ninyo ay bilang na lahat. Kaya, huwag kayong matakot: higit kayong mahalaga kaysa maraming maya.”

Ang mensahe ng Kaharian na inihabilin ni Jesus sa kaniyang mga alagad na ipangaral ay magdadala ng pagkakabaha-bahagi sa mga sambahayan, pagka may mga miyembro ng pamilya na tumanggap nito at ang iba naman ay tumanggi rito. “Huwag ninyong isipin na naparito ako upang magdala ng kapayapaan sa lupa,” ang paliwanag niya. “Naparito ako upang magdala, hindi ng kapayapaan, kundi ng tabak.” Samakatuwid, upang ang isang miyembro ng pamilya ay tumanggap sa katotohanan ng Bibliya kailangan ang lakas ng loob. “Siyang umiibig sa ama o sa ina nang higit kaysa akin ay hindi karapat-dapat sa akin,” ang sabi ni Jesus, “at siyang umiibig sa anak na lalaki o anak na babae nang higit kaysa akin ay hindi karapat-dapat sa akin.”

Sa pagtatapos ng kaniyang mga tagubilin, ipinaliwanag ni Jesus na yaong mga tumatanggap sa kaniyang mga alagad ay tumatanggap din sa kaniya. “At sinumang magpainom sa isa sa maliliit na ito ng kahit isang sarong tubig na malamig dahil sa siya’y isang alagad, katotohanang sinasabi ko sa inyo, sa anumang paraan ay hindi siya mawawalan ng kagantihan.” Mateo 10:16-42.

▪ Anong mga babala ang ibinigay ni Jesus sa kaniyang mga alagad?

▪ Anong pampatibay-loob at pang-aliw ang ibinigay niya sa kanila?

▪ Bakit ang mga tagubilin ni Jesus ay kapit din sa modernong-panahong mga Kristiyano?

▪ Sa papaanong ang isang alagad ni Jesus ay hindi mataas sa kaniyang guro?