Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Paghahanda sa mga Apostol Para sa Kaniyang Pagyaon

Paghahanda sa mga Apostol Para sa Kaniyang Pagyaon

Kapitulo 116

Paghahanda sa mga Apostol Para sa Kaniyang Pagyaon

TAPOS na ang hapunan sa memoryal, ngunit si Jesus at ang kaniyang mga apostol ay naroon pa rin sa silid sa itaas. Bagaman hindi na magtatagal at yayaon na si Jesus, siya’y marami pang mga bagay na sasabihin. “Huwag magulumihanan ang inyong puso,” ang pang-aliw niya sa kanila. “Magsisampalataya kayo sa Diyos.” Ngunit ang susog pa niya: “Magsisampalataya rin kayo sa akin.”

“Sa bahay ng aking Ama ay maraming tahanan,” ang patuloy pa ni Jesus. “Ako’y pupunta roon upang maghanda ng dako para sa inyo . . . upang kung saan ako naroroon kayo man ay dumoon din. At kung saan ako paroroon ay malalaman ninyo ang daan.” Hindi maintindihan ng mga apostol na ang tinutukoy pala ni Jesus ay ang pag-alis upang pumaroon sa langit, kaya nagtanong si Tomas: “Panginoon, hindi namin nalalaman kung saan ka paroroon. Papaano ngang malalaman namin ang daan?”

“Ako ang daan at ang katotohanan at ang buhay,” ang sagot ni Jesus. Oo, tanging sa pagtanggap sa kaniya at pagtulad sa kaniyang landasin ng buhay makapapasok ang sinuman sa makalangit na bahay ng Ama sapagkat, gaya ng sabi ni Jesus: “Sinuman ay hindi makaparoroon sa Ama kundi sa pamamagitan ko.”

“Panginoon, ipakita mo sa amin ang Ama,” ang pakiusap ni Felipe, “at sapat na ito para sa amin.” Maliwanag na ibig ni Felipe na si Jesus ay magbigay ng isang nakikitang kaanyuan ng Diyos, gaya ng ipinakita noong sinaunang panahon sa mga pangitain kina Moises, Elias, at Isaias. Ngunit, ang totoo, ang mga apostol ay may isang bagay na mas mainam kaysa mga ganoong uri ng pangitain, gaya ng sabi ni Jesus: “Malaon nang panahong ako’y inyong kasama, gayunman, hindi mo ako nakikilala, Felipe? Ang nakakita sa akin ay nakakita rin sa Ama.”

Makikita kay Jesus ang ganap na larawan ng kaniyang Ama kung kaya’t ang pakikipamuhay at pagmamasid sa kaniya ay, sa katunayan, parang totohanang nakikita mo ang Ama. Gayunman, ang Ama ay lalong higit na nakatataas sa Anak, gaya ng kinikilala ni Jesus: “Ang mga bagay na aking sinasabi sa inyo ay hindi ko sinasalita sa aking ganang sarili.” Sa kaniyang makalangit na Ama wastong ibinibigay ni Jesus ang lahat ng kapurihan para sa kaniyang mga turo.

Anong laking pampatibay-loob na marinig ng mga apostol si Jesus ngayon na sabihin sa kanila: “Siyang sa akin ay sumasampalataya, gagawin din naman niya ang mga gawang aking ginagawa; at lalong dakilang mga gawa kaysa rito ang gagawin niya”! Hindi ibig sabihin ni Jesus na ang kaniyang mga tagasunod ay gagawa ng lalong dakilang mga gawang kahima-himala kaysa kaniyang mga ginawa. Hindi, kundi ibig niyang sabihin na sila’y magsasagawa ng ministeryo sa loob ng lalong mahabang panahon, sa isang lalong malawak na lugar, at sa lalong higit na maraming tao.

Hindi pababayaan ni Jesus ang kaniyang mga alagad pagkatapos ng kaniyang pagyaon. “Anumang inyong hingin sa aking pangalan,” ang kaniyang pangako, “ito’y aking gagawin.” At, sinabi pa niya: “Ako’y hihiling sa Ama at kayo’y bibigyan niya ng isa pang katulong upang sumainyo magpakailanman, ang espiritu ng katotohanan.” Nang malaunan, pagkatapos na umakyat na siya sa langit, sa kaniyang mga alagad ay ibinuhos ni Jesus ang banal na espiritu, ang isa pang katulong na ito.

Nalalapit na ang pagyaon ni Jesus, gaya ng kaniyang sinasabi: “Kaunti pang panahon at hindi na ako makikita ng sanlibutan.” Si Jesus ay magiging isang espiritung nilalang na hindi makikita ng sinumang tao. Ngunit muli na namang nangangako si Jesus sa kaniyang tapat na mga apostol: “Inyong makikita ako, sapagkat ako’y nabubuhay at kayo’y mangabubuhay rin.” Oo, si Jesus ay hindi lamang pakikita sa kanila sa anyong tao pagkatapos na siya’y buhaying-muli kundi sa takdang panahon kaniyang bubuhaying-muli sila sa buhay upang makasama niya sa langit bilang mga espiritung nilalang.

Ngayon ay sinasalita ni Jesus ang payak na alituntunin: “Ang mayroon ng aking mga utos at tinutupad ang mga yaon, siya ang umiibig sa akin. At ang umiibig sa akin ay iibigin ng aking Ama, at siya’y iibigin ko at ako’y magpapakahayag sa kaniya ng aking sarili.”

Sa puntong ito si apostol Judas, na siya ring tinatawag na Tadeo, ay sumabad: “Panginoon, ano’t mangyayari na sa amin ka magpapakahayag at hindi sa sanlibutan?”

“Kung ang sinuman ay umiibig sa akin,” ang tugon ni Jesus, “kaniyang tutuparin ang aking salita, at siya’y iibigin ng aking Ama . . . Ang hindi umiibig sa akin ay hindi tumutupad ng aking mga salita.” Di-gaya ng kaniyang masunuring mga tagasunod, ang sanlibutan ay hindi nagbibigay-pansin sa mga turo ni Kristo. Kaya naman hindi siya nagpapakahayag sa kanila ng kaniyang sarili.

Sa panahon ng kaniyang makalupang ministeryo, maraming mga bagay ang itinuro ni Jesus sa kaniyang mga apostol. Papaano nila matatandaang lahat iyon, lalo na yamang, hanggang sa mga sandaling ito, hindi nila gaanong naiintindihan ang gayong karaming bagay? Nakatutuwa naman, si Jesus ay nangako: “Ang tagatulong, ang banal na espiritu, na susuguin ng Ama sa aking pangalan, ang isang ito ang magtuturo sa inyo ng lahat ng bagay at magpapaalaala sa inyo ng lahat ng bagay na sinabi ko sa inyo.”

Sila’y muling inaliw ni Jesus, na ang sabi: “Kapayapaan ang iniiwan ko sa inyo, ang aking kapayapaan ay ibinibigay ko sa inyo. . . . Huwag magulumihanan ang inyong puso.” Totoo, yayaon na si Jesus, ngunit siya’y nagpaliwanag: “Kung ako’y inyong iniibig, kayo’y magagalak dahil sa ako’y paroroon sa Ama, sapagkat ang Ama ay lalong dakila kaysa akin.”

Ang natitirang panahon ni Jesus sa piling nila ay maikli. “Hindi na ako magsasalita pa nang marami sa inyo,” aniya, “sapagkat dumarating ang pinuno ng sanlibutan. At siya’y walang kapangyarihan sa akin.” Si Satanas na Diyablo, na nakapasok na kay Judas at nagkaroon ng kapangyarihan sa kaniya, ang siyang pinuno ng sanlibutan. Ngunit si Jesus ay walang anumang makasalanang kahinaan na maaaring samantalahin ni Satanas upang italikod siya sa paglilingkod sa Diyos.

Pagtatamasa ng Matalik na Kaugnayan

Kasunod ng alaalang hapunan, si Jesus ay nagpapatibay-loob sa kaniyang mga apostol sa isang impormal na puso-sa-pusong usapan. Maaaring noon ay lampas na ang hatinggabi. Kaya sinabi ni Jesus: “Magsitindig kayo, at magsialis tayo rito.” Gayunman, bago sila umalis, si Jesus, dahil sa kaniyang pag-ibig sa kanila, ay nagpatuloy nang pagsasalita, nagbigay ng isang nagpapasiglang ilustrasyon.

“Ako ang tunay na punò ng ubas, at ang aking Ama ang magsasaka,” ang pagpapasimula niya. Ang Dakilang Magsasaka, si Jehovang Diyos, ang nagtanim ng simbolikong punong-ubas na ito nang kaniyang pahiran si Jesus ng banal na espiritu sa kaniyang bautismo noong taglagas ng 29 C.E. Ngunit nagpatuloy si Jesus sa pagpapakita na ang punò ng ubas ay hindi lamang sa kaniya sumasagisag, na nagsasabi: “Ang bawat sanga sa akin na hindi nagbubunga ay inaalis niya, at bawat sanga na nagbubunga ay nililinis niya, upang lalong magbunga. . . . Hindi makapamumunga ang sangang hindi nananatiling nakakabit sa punò, gayundin naman na hindi kayo makapamumunga, kung hindi kayo mananatili sa akin. Ako ang punong-ubas, kayo ang mga sanga.”

Noong Pentecostes, makalipas ang 51 araw, ang mga apostol at ang mga iba pa ay naging mga sanga ng punong-ubas nang ibuhos sa kanila ang banal na espiritu. Sa wakas, 144,000 ang magiging sanga ng makasagisag na punong-ubas. Kasama ng pinaka-punò, si Jesu-Kristo, ang mga ito ay bumubuo ng makasagisag na punong-ubas na nagsisibol ng mga bunga ng Kaharian ng Diyos.

Ipinaliliwanag ni Jesus ang pinaka-susi sa pamumunga: “Ang nananatili sa akin, at ako sa kaniya, ang siyang namumunga nang sagana; sapagkat wala kayong magagawa kung kayo’y hiwalay sa akin.” Subalit, kung ang isang tao’y hindi namumunga, ani Jesus, “siya’y itinatapon sa labas gaya ng sanga at matutuyo; at ang gayong mga sanga ay tinitipon ng mga tao at inihahagis sa apoy at nasusunog.” Sa kabilang panig, ipinangangako ni Jesus: “Kung kayo’y magsipanatili sa akin at ang mga salita ko’y magsipanatili sa inyo, hingin ninyo ang anumang inyong ibigin at gagawin sa inyo.”

Isa pa, sinabi ni Jesus sa kaniyang mga apostol: “Sa ganito’y lumuluwalhati ang aking Ama, na kayo’y patuloy na magbunga nang marami at patunayang kayo’y mga alagad ko.” Ang bungang ninanais ng Diyos buhat sa mga sanga ay ang kanilang pagpapakita ng tulad-Kristong katangian, lalo na ang pag-ibig. Isa pa, yamang si Kristo’y isang tagapagbalita ng Kaharian ng Diyos, kasali rin sa ninanasang bunga ang kanilang gawaing paggawa ng mga alagad gaya ng ginawa niya.

“Magsipanatili kayo sa aking pag-ibig,” ngayo’y payo ni Jesus. Gayunman, papaano nga magagawa iyan ng kaniyang mga apostol? “Kung tinutupad ninyo ang aking mga utos,” aniya, “kayo’y magsisipanatili sa aking pag-ibig.” Sa pagpapatuloy, ipinaliwanag ni Jesus, “Ito ang aking utos, na kayo’y mangag-ibigan sa isa’t isa gaya ng pag-ibig ko sa inyo. Walang may lalong dakilang pag-ibig kaysa rito, na ibigay ng isang tao ang kaniyang kaluluwa alang-alang sa kaniyang mga kaibigan.”

Sa mga ilang oras na lamang, ipakikita ni Jesus ang nakahihigit na pag-ibig na ito sa pamamagitan ng pagbibigay ng kaniyang buhay alang-alang sa kaniyang mga apostol, at gayundin sa lahat ng mga iba pa na magsasagawa ng pananampalataya sa kaniya. Ang kaniyang halimbawa ay dapat mag-udyok sa kaniyang mga tagasunod na magkaroon ng katulad na mapagsakripisyo-sa-sariling pag-ibig sa isa’t isa. Ang pag-ibig na ito ang pagkakakilanlan sa kanila, gaya ng sinabi ni Jesus una pa rito: “Sa ganito’y makikilala ng lahat na kayo’y aking mga alagad, kung kayo’y may pag-ibig sa isa’t isa.”

Sa pagpapakilala kung sino ang kaniyang mga kaibigan, sinabi ni Jesus: “Kayo’y aking mga kaibigan kung gagawin ninyo ang mga bagay na aking iniuutos sa inyo. Hindi ko na kayo tatawaging mga alipin, sapagkat hindi nalalaman ng alipin kung ano ang ginagawa ng kaniyang panginoon. Ngunit tinatawag ko kayong mga kaibigan, sapagkat ang lahat ng mga bagay na naririnig ko sa aking Ama ay ipinaalam ko sa inyo.”

Anong mahalagang kaugnayan na taglayin​—ang maging matalik na mga kaibigan ni Jesus! Ngunit upang patuloy na tamasahin ang kaugnayang ito, ang kaniyang mga tagasunod ay kailangang “patuloy na magbunga.” Kung gagawin nila iyon, sinabi ni Jesus, “ano man ang inyong hilingin sa Ama sa aking pangalan kaniyang [ibibigay] iyon sa inyo.” Tunay, ito ay isang dakilang gantimpala sa pagsisibol ng bunga ng Kaharian! Pagkatapos na muling payuhan ang kaniyang mga apostol na “mag-ibigan sa isa’t isa,” ipinaliwanag ni Jesus na sila’y kapopootan ng sanlibutan. Gayunman, kaniyang inaliw sila: “Kung kayo’y kinapopootan ng sanlibutan, inyong talastas na ako muna ang kinapopootan bago kayo.” Pagkatapos ay isiniwalat ni Jesus kung bakit napopoot ang sanlibutan sa kaniyang mga tagasunod, na nagsasabi: “Sapagkat kayo’y hindi bahagi ng sanlibutan, kundi kayo’y pinili ko sa sanlibutan, kaya napopoot sa inyo ang sanlibutan.”

Sa pagpapatuloy pa ng dahilan kung bakit napopoot ang sanlibutan, si Jesus ay nagpatuloy pa: “Ang lahat ng mga bagay na ito ay gagawin nila sa inyo dahil sa aking pangalan, sapagkat hindi nila nakikilala ang sa akin ay nagsugo [si Jehovang Diyos].” Ang kahima-himalang mga gawa ni Jesus, sa katunayan, ang humatol sa mga napopoot sa kaniya, gaya ng kaniyang sinabi: “Kung ako sana’y hindi gumawa sa gitna nila ng mga gawang hindi ginawa ng sinumang iba, sila’y hindi sana magkakaroon ng kasalanan; datapuwat ngayon ay kanilang nakita at kinapootan nila ako at ang aking Ama.” Sa gayon, gaya ng sinabi ni Jesus, ang kasulatan ay natupad: “Ako’y kinapootan nila nang walang kadahilanan.”

Gaya ng ginawa niya mas maaga rito, muli na namang inaliw sila ni Jesus sa pangakong siya’y magsusugo ng katulong, ang banal na espiritu, na siyang mabisang aktibong puwersa ng Diyos. “Ang isang iyan ang magpapatotoo tungkol sa akin; at kayo naman ay magpapatotoo.”

Higit Pang Payo sa Pagyaon

Si Jesus at ang mga apostol ay nakagayak nang lumisan sa silid sa itaas. “Ang mga bagay na ito’y aking sinalita sa inyo upang kayo’y huwag mangatisod,” ang patuloy niya. Pagkatapos ay nagbigay siya ng mahalagang babala: “Sa mga sinagoga ay palalayasin kayo ng mga tao. Ang totoo, dumarating ang oras na sinumang pumatay sa inyo ay mag-aakalang siya’y nakapaghandog ng banal na paglilingkod sa Diyos.”

Maliwanag na ang mga apostol ay lubhang nabahala sa babalang ito. Bagaman una pa rito ay sinabi ni Jesus na sila’y kapopootan ng sanlibutan, hindi niya kapagdakang inihayag na sila’y papatayin. “Ang mga bagay [na ito] ay hindi ko sinabi sa inyo sa pasimula,” ang paliwanag ni Jesus, “sapagkat ako’y kasama ninyo.” Subalit, anong inam nga na sila’y patiunang bigyan ng impormasyong ito upang sila’y makapaghanda bago siya yumaon!

“Subalit ngayon,” ang patuloy ni Jesus, “ako’y paroroon sa nagsugo sa akin, ngunit sinuman sa inyo ay walang nagtatanong sa akin, ‘Saan ka paroroon?’ ” Mas maaga noong gabing iyon, sila’y nagtanong tungkol sa kung saan siya paroroon, ngunit ngayon sila ay lubhang nabigla sa kaniyang sinabi sa kanila kung kaya’t nalimutan nilang magtanong nang higit pa tungkol dito. Gaya ng sinabi ni Jesus: “Dahil sa sinalita ko sa inyo ang mga bagay na ito ay napuno ng kalumbayan ang inyong mga puso.” Ang mga apostol ay nalumbay hindi lamang dahil sa kanilang napag-alaman na sila’y magdaranas ng kakila-kilabot na pag-uusig at papatayin kundi dahil sa sila’y lilisanin ng kanilang Panginoon.

Kaya’t nagpaliwanag si Jesus: “Sa ikabubuti ninyo kung kaya ako aalis. Sapagkat kung hindi ako aalis, ang tagatulong ay sa ano mang paraan hindi paririto sa inyo; ngunit kung ako’y yumaon, siya’y susuguin ko sa inyo.” Bilang isang tao, si Jesus ay makalalagi lamang sa isang lugar nang minsanan, ngunit kung siya’y nasa langit na, kaniyang masusugo ang tagatulong, ang banal na espiritu ng Diyos, sa kaniyang mga tagasunod saan man sila naroroon sa lupa. Kaya’t ang pagyaon ni Jesus ay magiging kapaki-pakinabang.

Ang banal na espiritu, ang sabi ni Jesus, ay “magbibigay sa sanlibutan ng kapani-paniwalang ebidensiya tungkol sa kasalanan at tungkol sa katuwiran at tungkol sa paghatol.” Ang kasalanan ng sanlibutan, ang hindi pagsampalataya nito sa Anak ng Diyos, ay malalantad. Bukod dito, ang kapani-paniwalang ebidensiya ng pagkamatuwid ni Jesus ay matatanghal sa pamamagitan ng kaniyang pag-akyat tungo sa Ama. At ang pagkabigo ni Satanas at ng kaniyang balakyot na sanlibutang sirain ang katapatan ni Jesus ay kapani-paniwalang ebidensiya na ang pinuno ng sanlibutan ay nahatulan na.

“Mayroon pa sana akong maraming sasabihin sa inyo,” ang patuloy ni Jesus, “ngunit ngayon ay hindi pa ninyo kayang dalhin.” Kaya si Jesus ay nangako na pagka kaniyang ibinuhos na ang banal na espiritu, na siyang aktibong puwersa ng Diyos, ito ang aakay sa kanila tungo sa pagkaunawa ng mga bagay na ito ayon sa kanilang kakayahan na maintindihan ang mga ito.

Ang lalong higit na hindi naunawaan ng mga apostol ay ang kamatayan ni Jesus at pagkatapos ay magpapakita siya sa kanila matapos na siya’y buhaying-muli. Kaya sila’y nagtanungan sa isa’t isa: “Ano itong sinasabi niya sa atin, ‘Sandali na lamang at ako’y hindi na ninyo makikita, at, muli, sandali pa at ako’y inyong makikita,’ at, ‘sapagkat ako’y paroroon sa Ama’?”

Natanto ni Jesus na sila’y ibig magtanong sa kaniya, kaya’t siya’y nagpaliwanag: “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Kayo’y magsisiiyak at magsisipanaghoy, datapuwat ang sanlibutan ay magagalak; kayo’y mangalulumbay, datapuwat ang inyong kalumbayan ay magiging kagalakan.” Nang araw ring yaon, kinahapunan, nang si Jesus ay patayin, ang makasanlibutang mga pinunò ng relihiyon ay nangagalak, ngunit ang mga alagad ay nangalumbay. Gayunman, ang kanilang kalumbayan ay naging kagalakan, nang si Jesus ay buhayin! At ang kanilang kagalakan ay nagpatuloy nang kaniyang sangkapan sila ng kapangyarihan noong Pentecostes upang maging kaniyang mga saksi sa pamamagitan ng pagbubuhos sa kanila ng banal na espiritu ng Diyos!

Sa paghahambing ng kalagayan ng mga apostol sa kalagayan ng isang babae kung nanganganak, sinabi ni Jesus: “Ang babae, pagka nanganganak, ay nalulumbay, sapagkat dumating na ang kaniyang oras.” Ngunit sinabi ni Jesus na hindi na niya naaalaala pa ang kaniyang hirap minsang maisilang ang kaniyang sanggol, at pinatibay niya ang kaniyang mga apostol, na sinasabi: “At kayo nga sa ngayon ay may kalumbayan; ngunit muli ko kayong makikita [pagka ako’y binuhay-muli] at magagalak ang inyong puso, at walang makapag-aalis sa inyo ng inyong kagalakan.”

Magpahanggang sa oras na ito, ang mga apostol ay hindi pa humihiling ng anuman sa pangalan ni Jesus. Ngunit ngayon ay kaniyang sinasabi: “Kung kayo’y hihingi ng anuman sa Ama ay ibibigay niya iyon sa inyo sa aking pangalan. . . . Sapagkat mahal nga kayo ng Ama, dahil sa ako’y mahal ninyo at naniniwala kayong nagmula ako sa Ama bilang kinatawan niya. Nagbuhat ako sa Ama at naparito ako sa sanlibutan. At, lilisanin ko ang sanlibutan at ako’y paroroon sa Ama.”

Ang mga salita ni Jesus ay malaking pampatibay-loob sa mga apostol. “Dahil dito’y sumasampalataya kami na ikaw ay nagbuhat sa Diyos,” ang sabi nila. “Ngayon ba’y nagsisisampalataya kayo?” ang tanong ni Jesus. “Narito! Dumarating ang oras, oo, dumating na nga, na kayo’y mangangalat bawat isa sa inyo at ako’y iiwanan ninyong mag-isa.” Bagaman waring hindi kapani-paniwala, ito’y naganap bago natapos ang magdamag!

“Ang mga bagay na ito’y sinabi ko sa inyo upang sa pamamagitan ko’y magkaroon kayo ng kapayapaan.” Ang pagtatapos na sabi ni Jesus: “Sa sanlibutan ay mayroon kayong kapighatian, ngunit kayo’y magpakatibay-loob! Dinaig ko ang sanlibutan.” Dinaig ni Jesus ang sanlibutan sa pamamagitan ng tapat na pagganap sa kalooban ng Diyos sa kabila ng sinikap ni Satanas at ng kaniyang sanlibutan na gawin upang sirain ang katapatan ni Jesus.

Katapusang Panalangin sa Silid sa Itaas

Palibhasa’y napukaw ng matimyas na pag-ibig sa kaniyang mga apostol, sila’y inihanda ni Jesus para sa kaniyang nalalapit na pagyaon. Bueno, pagkatapos payuhan at aliwin sila sa wakas, ang kaniyang mga mata ay itiningin niya sa langit at hiniling sa kaniyang Ama: “Luwalhatiin mo ang iyong anak, upang ikaw ay luwalhatiin ng iyong anak, gaya nang ibinigay mo sa kaniya ang kapamahalaan sa lahat ng laman, upang bigyan niya ng buhay na walang-hanggan, ang lahat ng ibinigay mo sa kaniya.”

Isang lubhang nakapupukaw na tema ang ipinasok ni Jesus​—buhay na walang-hanggan! Yamang binigyan ng “kapamahalaan sa lahat ng laman,” si Jesus ay makapagkakaloob ng mga kapakinabangan na bunga ng kaniyang inihandog na pantubos sa buong namamatay na sangkatauhan. Gayunman, ang pinagkakalooban niya ng “buhay na walang-hanggan” ay yaon lamang mga may pagsang-ayon ng Ama. Sa pagpapatuloy sa temang ito ng buhay na walang-hanggan, si Jesus ay nagpatuloy ng kaniyang pananalangin:

“Ito’y nangangahulugan ng buhay na walang-hanggan, ang kanilang pagkuha ng kaalaman tungkol sa iyo, ang tanging tunay na Diyos, at sa isa na iyong sinugo, si Jesu-Kristo.” Oo, ang kaligtasan ay depende sa ating pagkuha ng kaalaman tungkol sa Diyos at sa kaniyang Anak. Ngunit higit pa ang kailangan kaysa kaalaman lamang na nasa isip.

Kailangang sila’y makilalang lubos ng isang tao, na pinauunlad ang isang may pagkaunawang pakikipagkaibigan sa kanila. Ang mga bagay ay kailangang makilala ng isa gaya ng pagkakilala nila at tingnan ang mga bagay-bagay ayon sa kanilang nakikita. At higit sa lahat, kailangang pagsikapan ng isang tao na tularan ang kanilang walang-katulad na mga katangian sa pakikitungo sa iba.

Ang isinunod na sinabi ni Jesus sa panalangin ay: “Niluwalhati kita sa lupa, naganap ko ang gawa na ipinagawa mo sa akin.” Pagkatapos na gawin ang iniatas sa kaniya hanggang sa puntong ito at sa pagtitiwala na siya’y magtatagumpay sa hinaharap, siya’y humiling: “Ama, luwalhatiin mo ako na kasama mo ng kaluwalhatiang taglay ko nang ako’y kasama mo bago naging gayon ang sanlibutan.” Oo, ngayon ay humihiling siya na ibalik siya sa kaniyang dating kaluwalhatian sa langit sa pamamagitan ng isang pagkabuhay-muli.

Tungkol sa kabuuan ng kaniyang pangunahing gawain sa lupa, sinabi ni Jesus: “Ipinahayag ko ang iyong pangalan sa mga tao na ibinigay mo sa akin mula sa sanlibutan. Sila’y iyo, at sila’y ibinigay mo sa akin, at tinupad nila ang iyong salita.” Ginamit ni Jesus ang pangalan ng Diyos, na Jehova, sa kaniyang ministeryo at ipinakita niya ang tamang pagbigkas niyaon, ngunit higit pa ang ginawa niya upang ang pangalan ng Diyos ay mahayag sa kaniyang mga apostol. Kaniya ring pinalawak ang kanilang kaalaman at pagpapahalaga kay Jehova, sa kaniyang personalidad, at sa kaniyang mga layunin.

Sa pagkilala kay Jehova bilang kaniyang Ulo, ang Isa na pinaglilingkuran niya, mapakumbabang sinabi ni Jesus: “Ang mga salitang ibinigay mo sa akin ay ibinigay ko sa kanila, at kanilang tinanggap at tunay na nakilala nilang ako’y nanggaling sa iyo bilang iyong kinatawan, at sila’y nagsipaniwalang ako’y sinugo mo.”

Upang ipakita ang pagkakaiba ng kaniyang mga tagasunod at ng natitirang bahagi ng sangkatauhan, sumunod na panalangin ni Jesus: “Idinadalangin ko, hindi ang sanlibutan, kundi yaong mga ibinigay mo sa akin . . . Nang ako’y kasama nila ay iningatan ko sila . . . , at sila’y binantayan ko, at isa man sa kanila’y walang napahamak kundi ang anak ng kapahamakan,” samakatuwid nga, si Judas Iscariote. Sa mismong sandaling ito, si Judas ay patungo na sa kaniyang kasuklam-suklam na misyong ipagkanulo si Jesus. Sa gayon, si Judas ay walang kamalay-malay na tumutupad ng Kasulatan.

“Kinapootan sila ng sanlibutan,” ang pagpapatuloy ng pananalangin ni Jesus. “Hindi ko hinihiling na alisin mo sila sa sanlibutan, kundi ingatan mo sila mula sa masama. Hindi sila bahagi ng sanlibutan, gaya ko na hindi bahagi ng sanlibutan.” Ang mga tagasunod ni Jesus ay nasa sanlibutan, ang organisadong lipunang ito ng tao na pinamamahalaan ni Satanas, ngunit sila ay hiwalay sa sanlibutan at kailangang laging manatiling hiwalay rito at sa mga kabalakyutan nito.

“Pakabanalin mo sila sa pamamagitan ng katotohanan,” ang patuloy pa ni Jesus, “ang salita mo ay katotohanan.” Dito ang kinasihang Kasulatang Hebreo, na dito siya patuloy na sumisipi, ay tinawag ni Jesus na “ang katotohanan.” Ngunit ang kaniyang itinuro sa kaniyang mga alagad at ang kanilang isinulat nang malaunan sa ilalim ng pagkasi bilang ang Kasulatang Griegong Kristiyano ay “ang katotohanan” din naman. Ang katotohanang ito ay maaaring magpabanal sa isang tao, lubusang bumago sa kaniyang buhay, at gawin siyang isang taong hiwalay sa sanlibutan.

“Hindi lamang sila ang idinadalangin [ni Jesus], kundi pati rin sila na mga sumasampalataya [sa kaniya] sa pamamagitan ng kanilang salita.” Samakatuwid ipinananalangin ni Jesus yaong magiging kaniyang mga pinahirang tagasunod at iba pang mga alagad sa hinaharap na titipunin pa sa “isang kawan.” Ano ba ang kaniyang hinihiling para sa lahat ng mga ito?

“Upang silang lahat ay maging isa, gaya mo, Ama, na kaisa ko at ako’y kaisa mo, . . . upang sila’y maging isa na gaya naman natin na iisa.” Si Jesus at ang kaniyang Ama ay hindi literal na iisang persona, ngunit sila’y nagkakaisa sa lahat ng bagay. Si Jesus ay nanalangin na ang kaniyang mga tagasunod ay magtamasa rin sana ng ganitong pagkakaisa upang “makilala ng sanlibutan na ikaw ang nagsugo sa akin at sila’y iyong iniibig na gaya ko na iniibig mo.”

Alang-alang sa kaniyang magiging pinahirang mga tagasunod, si Jesus ay humihiling ngayon sa kaniyang makalangit na Ama. Ng ano? “Ibig kong kung saan ako naroroon, sila man ay dumoon ding kasama ko, upang makita nila ang kaluwalhatian ko na ibinigay mo sa akin, sapagkat ako’y iyong inibig bago natatag ang sanlibutan,” samakatuwid nga, bago nagkaanak sina Adan at Eva. Malaon pa bago nangyari iyon, iniibig na ng Diyos ang kaniyang bugtong na Anak, na naging si Jesu-Kristo.

Sa pagtatapos ng kaniyang panalangin, muling idiniin ni Jesus: “Ipinakilala ko sa kanila ang iyong pangalan at ipakikilala ko, upang ang pag-ibig na iniibig mo sa akin ay sumakanila at ako’y makaisa nila.” Para sa mga apostol, nasasangkot sa pangalan ng Diyos ang personal na pagkakilala sa pag-ibig ng Diyos. Juan 14:​1–​17:​26; 13:​27, 35, 36; 10:​16; Lucas 22:​3, 4; Exodo 24:10; 1 Hari 19:​9-13; Isaias 6:​1-5; Galacia 6:16; Awit 35:19; 69:4; Kawikaan 8:​22, 30.

▪ Saan ba pupunta si Jesus, at ano ang isinagot niya kay Tomas tungkol sa pagpunta roon?

▪ Sa pamamagitan ng kaniyang hiniling, maliwanag na ano ang ibig ni Felipe na ibigay ni Jesus?

▪ Bakit ang isang nakakita kay Jesus ay nakakita rin sa Ama?

▪ Papaanong ang mga tagasunod ni Jesus ay gagawa ng mga gawang lalong dakila kaysa kaniyang mga ginawa?

▪ Sa anong diwa walang kapangyarihan kay Jesus si Satanas?

▪ Kailan itinanim ni Jehova ang simbolikong punong-ubas, at kailan at papaano nagiging bahagi ng punong-ubas ang mga iba pa?

▪ Sa wakas, ilan ang nagiging mga sanga ng simbolikong punong-ubas?

▪ Anong bunga ang ibig ng Diyos buhat sa mga sanga?

▪ Papaano tayo magiging mga kaibigan ni Jesus?

▪ Bakit kinapopootan ng sanlibutan ang mga tagasunod ni Jesus?

▪ Anong babala ni Jesus ang nakabahala sa kaniyang mga apostol?

▪ Bakit hindi naitanong ng mga apostol kay Jesus ang tungkol sa kung saan siya paroroon?

▪ Ano higit sa lahat ang hindi maunawaan ng mga apostol?

▪ Papaano ipinakikita ni Jesus na ang kalagayan ng mga apostol ay magbabago buhat sa kalumbayan tungo sa kagalakan?

▪ Ano ang sinabi ni Jesus na malapit nang gawin ng mga apostol?

▪ Papaano dinadaig ni Jesus ang sanlibutan?

▪ Sa anong diwa binigyan si Jesus ng “kapamahalaan sa lahat ng laman”?

▪ Ano ang ibig sabihin ng pagkuha ng kaalaman tungkol sa Diyos at sa kaniyang Anak?

▪ Sa anu-anong paraan ipinahayag ni Jesus ang pangalan ng Diyos?

▪ Ano “ang katotohanan,” at papaano ‘nagpapabanal’ iyon sa isang Kristiyano?

▪ Papaanong ang Diyos, ang kaniyang Anak, at lahat ng mga tunay na mananamba ay iisa?

▪ Kailan “natatag ang sanlibutan”?