Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Paglaanan ang Hinaharap ng Praktikal na Karunungan

Paglaanan ang Hinaharap ng Praktikal na Karunungan

Kapitulo 87

Paglaanan ang Hinaharap ng Praktikal na Karunungan

KATATAPOS lamang ni Jesus ng pagkukuwento tungkol sa alibughang anak sa isang pulutong na kinabibilangan ng kaniyang mga alagad, mga mandarayang maniningil ng buwis at iba pang kilalang mga makasalanan, at mga eskriba at Fariseo. Ngayon sa pagpapahayag sa kaniyang mga alagad, siya’y nagbida ng isang paghahalimbawa tungkol sa isang taong mayaman na tumanggap ng di-kaaya-ayang ulat tungkol sa kaniyang tagapamanihala ng bahay, o katiwala.

Sang-ayon kay Jesus, tinawag ng taong mayaman ang kaniyang katiwala at sinabihan siya na kaniyang paaalisin na siya. “Ano ang gagawin ko, yamang inaalis sa akin ng panginoon ko ang pagiging katiwala?” ang naisip ng katiwala. “Ang pagdudukal ng lupa ay wala akong kaya, ang magpalimos ay nahihiya ako. Ah! Alam ko na ang gagawin ko, upang, kung mapaalis ako sa pagiging katiwala, ako ay tatanggapin ng mga tao sa kanilang tahanan.”

Ano ba ang balak ng katiwala? Tinawag niya yaong mga may utang sa kaniyang panginoon. “Magkano ba ang utang mo?” ang tanong niya.

Ang sagot ng una, ‘2,200 litro ng langis olibo.’

‘Abutin mo ang iyong kasulatan at agad isulat mo ang 1,100,’ ang sabi niya rito.

Tinanong niya ang isa pa: ‘Ngayon ikaw naman, gaano ang utang mo?’

Aniya, ‘22,000 litro ng trigo.’

‘Abutin mo ang iyong kasulatan at isulat mo ang 18,000.’

Ang katiwala ay may karapatang bawasan ang halagang utang sa kaniyang panginoon, yamang siya’y tagapamanihala pa ng ari-arian ng kaniyang panginoon. Sa pagbabawas ng naturang mga halaga, kaniyang kinakaibigan yaong mga gaganti sa kaniya ng pabor pagka siya’y nawalan na ng kaniyang trabaho.

Nang makita ng panginoon ang nangyaring iyon, siya’y humanga. Sa katunayan, kaniyang “pinuri ang katiwala, bagaman di-matuwid, sapagkat siya’y kumilos na taglay ang praktikal na karunungan.” Oo, isinusog ni Jesus: “Ang mga anak ng sistemang ito ng mga bagay ay mas matalino sa praktikal na paraan sa kanilang sariling lahi kaysa sa mga anak ng ilaw.”

Ngayon, upang ipakita ang aral para sa kaniyang mga alagad, si Jesus ay nagpatibay-loob: “Makipagkaibigan kayo sa pamamagitan ng di-matuwid na kayamanan, upang, kung mabigo ang gayon, kayo’y tanggapin nila sa walang-hanggang mga tahanang dako.”

Hindi pinupuri ni Jesus ang katiwala dahilan sa kaniyang kalikuan kundi dahilan sa kaniyang malayong pananaw, na praktikal na karunungan. Malimit na “ang mga anak ng sistemang ito ng mga bagay” ay tuso ng paggamit ng kanilang salapi o posisyon upang makipagkaibigan sa mga taong makagaganti sa kanila ng mga pabor. Samakatuwid ang mga lingkod ng Diyos, “ang mga anak ng ilaw,” ay nangangailangan din na gamitin ang kanilang materyal na mga ari-arian, ang kanilang “di-matuwid na kayamanan,” sa isang matalinong paraan upang sila’y makinabang.

Subalit gaya ng sinabi ni Jesus, sila’y dapat makipagkaibigan sa pamamagitan ng mga kayamanang ito sa mga maaaring tumanggap sa kanila “sa walang-hanggang mga tahanang dako.” Para sa mga kabilang sa munting kawan, ang mga dakong ito ay nasa langit; para sa mga “ibang tupa” naman, ang mga ito ay nasa lupang Paraiso. Yamang tanging ang Diyos na Jehova at ang kaniyang Anak ang maaaring tumanggap sa mga tao upang mapapunta sa mga dakong ito, tayo’y dapat magsipag na pasulungin ang pakikipagkaibigan sa kanila sa pamamagitan ng paggamit ng anumang “di-matuwid na kayamanan” na mayroon tayo sa pagtustos sa mga kapakanan ng Kaharian. At kung magkagayon, kapag bumagsak na o pumanaw ang materyal na mga kayamanan, na tiyak namang mangyayari, ang ating walang-hanggang kinabukasan ay malalagay sa kasiguruhan.

Si Jesus ay nagpatuloy ng pagsasabi na ang mga taong tapat sa pag-aasikaso sa kahit na mga materyal, o kaliit-liitan, na mga bagay na ito ay magiging tapat din sa pag-aasikaso sa mga bagay-bagay na lalong mahalaga. “Samakatuwid,” ang patuloy pa niya, “kung hindi ninyo pinatunayang kayo’y mapagtapat kung tungkol sa di-matuwid na kayamanan, sino ang magkakatiwala sa inyo ng tunay na kayamanan [samakatuwid nga, ng espirituwal, o pang-Kaharian, na mga kapakanan]? At kung hindi ninyo pinatunayang kayo’y mapagtapat kung tungkol sa kayamanan ng iba [ang mga kapakanang pang-Kaharian na ipinagkakatiwala ng Diyos sa kaniyang mga lingkod], sino ang sa inyo’y magbibigay ng para sa inyong sarili [ang gantimpalang buhay sa walang-hanggang mga tahanang dako]?”

Talagang tayo’y hindi maaaring maging mga tunay na lingkod ng Diyos at kasabay nito’y paalipin sa di-matuwid na kayamanan, ang materyal na kayamanan, gaya ng patapos na sinabi ni Jesus: “Walang aliping makapaglilingkod sa dalawang panginoon; sapagkat, kaniyang kapopootan ang isa at iibigin yaong ikalawa, o dili kaya’y magtatapat sa isa at pawawalang-halaga ang ikalawa. Hindi kayo makapaglilingkod sa Diyos at sa mga kayamanan.” Lucas 15:​1, 2; 16:​1-13; Juan 10:16.

▪ Papaanong ang katiwala sa halimbawang ibinigay ni Jesus ay nakikipagkaibigan sa mga taong makatutulong sa kaniya sa bandang huli?

▪ Ano ba ang “di-matuwid na kayamanan,” at papaano tayo magkakaroon ng mga kaibigan sa pamamagitan ng mga iyan?

▪ Sino ang tatanggap sa atin sa “walang-hanggang mga tahanang dako,” at anong mga dako ito?