Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagpapagaling sa Isang Taong Isinilang na Bulag

Pagpapagaling sa Isang Taong Isinilang na Bulag

Kapitulo 70

Pagpapagaling sa Isang Taong Isinilang na Bulag

NANG tangkain ng mga Judio na batuhin si Jesus, hindi siya umalis sa Jerusalem. Pagtagal-tagal, noong Sabbath, siya at ang kaniyang mga alagad ay naglalakad sa siyudad nang kanilang makita ang isang lalaki na bulag na sapol pa sa pagsilang. Ang tanong ng mga alagad kay Jesus: “Rabbi, sino ang nagkasala, ang tao bang ito o ang kaniyang mga magulang, kung kaya siya isinilang na bulag?”

Marahil ang mga alagad ay naniniwala, gaya ng mga ilang rabbi, na ang isang tao ay maaaring magkasala kung nasa tiyan ng kaniyang ina. Subalit si Jesus ay sumagot: “Hindi dahil sa ang taong ito ay nagkasala, ni ang kaniyang mga magulang man, kundi upang mahayag sa kaniya ang mga gawa ng Diyos.” Ang pagkabulag ng taong iyon ay hindi dahil sa isang espesipikong kamalian o kasalanan na ginawa ng taong iyon o ng kaniyang mga magulang man. Ang kasalanan ng unang taong si Adan ay nagbunga sa lahat ng tao ng pagiging di-sakdal, at sa gayo’y pagmamana ng mga kapansanan na tulad baga ng pagsisilang sa isa na bulag. Ang kapansanang ito sa taong ito ay nagbibigay ngayon ng pagkakataon para ipahayag ni Jesus ang mga gawa ng Diyos.

Idiniriin ni Jesus ang mahigpit na pangangailangan na gawin ang mga gawang ito. “Kinakailangan nating gawin ang mga gawa niyaong nagsugo sa akin samantalang araw,” aniya. “Dumarating ang gabi, na walang taong makagagawa. Samantalang ako’y nasa sanlibutan, ako ang ilaw ng sanlibutan.” Hindi na magtatagal noon at ang kamatayan ni Jesus ay magbubulusok sa kaniya sa kadiliman ng libingan na kung saan wala na siyang magagawang anuman. Samantala, siya ay pinagmumulan ng kaliwanagan sa sanlibutan.

Pagkatapos masabi ang mga bagay na ito, si Jesus ay lumura sa lupa at pinapagputik ang lura. Kaniyang inilagay ito sa mga mata ng bulag at sinabi sa kaniya: “Humayo ka at maghugas sa batis ng Siloam.” Ang lalaki ay tumalima. At nang magkagayon, siya’y nakakita! Siya’y nagbalik na tuwang-tuwa, palibhasa’y noon lamang siya nakakita sa tanang buhay niya!

Ang mga kapitbahay at ang mga iba pa na nakakakilala sa kaniya ay takang-taka. “Hindi baga ang taong ito ang nakaupo at nagpapalimos?” ang tanong nila. “Siya nga,” ang sagot ng iba. Subalit ang iba’y hindi makapaniwala: “Hindi, kundi nakakamukha lamang niya ito.” Subalit ang sabi ng tao: “Ako nga.”

“Paano nga ang pagkadilat ng iyong mga mata?” ang ibig malaman ng mga tao.

“Ang lalaking tinatawag na Jesus ay gumawa ng putik at ipinahid iyon sa aking mga mata at sinabi sa akin, ‘Pumaroon ka sa Siloam at maghugas ka.’ Kaya ako’y naparoon at naghugas at tumanggap ng paningin.”

“Nasaan ang taong iyon?” ang tanong nila.

“Hindi ko alam,” ang sagot niya.

Ngayon ang taong dating bulag ay dinala ng mga tao sa kanilang mga pinunong relihiyoso, ang mga Fariseo. Muli ngang tinanong naman siya ng mga Fariseo kung paano tumanggap siya ng kaniyang paningin. “Nilagyan niya ng putik ang ibabaw ng aking mga mata, at naghugas ako at ako’y nakakita,” ang sabi ng tao.

Tunay, ang mga Fariseo ay dapat sanang nakigalak sa napagaling na pulubi! Subalit sa halip, kanilang pinagwikaan si Jesus. “Ang taong ito’y hindi galing sa Diyos,” ang sabi nila. Bakit ganito ang sabi nila? “Sapagkat siya’y hindi nangingilin ng Sabbath.” Gayunman ang mga ibang Fariseo ay nanggilalas: “Paano bagang makagagawa ng gayong mga tanda ang isang taong makasalanan?” Kaya’t nagkaroon ng pagkakabaha-bahagi sa gitna nila.

Kaya, kanilang tinanong ang taong iyon: “Ano ang masasabi mo tungkol sa kaniya, na siyang nagpadilat ng iyong mga mata?”

“Siya’y isang propeta,” ang tugon niya.

Ang mga Fariseo ay ayaw maniwala rito. Sila’y kumbinsido na tiyak na mayroong lihim na kasunduan si Jesus at ang taong ito na linlangin ang mga tao. Kaya upang lutasin ang bagay na iyon, kanilang ipinatawag ang mga magulang ng pulubi upang kanilang tanungin sila. Juan 8:59; 9:1-18.

▪ Ano ang dahilan ng pagkabulag ng taong iyon, at ano ang hindi dahilan nito?

▪ Ano ba ang gabi na pagka dumating ay walang taong makagagawa?

▪ Nang ang tao ay mapagaling, ano ba ang epekto niyaon sa mga taong nakakakilala sa kaniya?

▪ Paano nagkabaha-bahagi ang mga Fariseo dahilan sa paggaling ng taong iyon?