Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagpapatahimik sa Isang Kakila-kilabot na Bagyo

Pagpapatahimik sa Isang Kakila-kilabot na Bagyo

Kapitulo 44

Pagpapatahimik sa Isang Kakila-kilabot na Bagyo

ANG maghapon ni Jesus ay lipos ng gawain, kasali na ang pagtuturo sa karamihan na nasa tabing-dagat at pagkatapos ay pagpapaliwanag nang sarilinan sa kaniyang mga alagad may kinalaman sa mga ilustrasyon. Nang sumapit ang gabi, sinabi niya: “Tumawid tayo sa kabilang ibayo.”

Naroon sa silangang baybayin ng Dagat ng Galilea ang rehiyon na tinatawag na ang Decapolis, buhat sa Griegong deʹka, na ang ibig sabihin ay “sampu,” at poʹlis, nangangahulugang “siyudad.” Ang mga siyudad ng Decapolis ay isang sentro ng kulturang Griego, bagaman marahil ang mga ito ay tahanan din ng maraming Judio. Datapuwat, ang gawain ni Jesus sa lugar na iyan ay totoong limitado. Kahit na sa kaniyang pagdalaw na ito gaya ng makikita natin sa bandang huli, siya ay napigil ng pamamalagi roon nang matagal.

Nang hilingin ni Jesus na sila’y umalis upang tumungo sa kabilang ibayo, siya’y dinala ng mga alagad doon sa bangka. Gayunman, napansin din ang kanilang pag-alis. Hindi nagtagal at ang mga iba’y sumakay sa kani-kanilang mga bangka upang sumama sa kanila. Hindi naman napakalayo ang ibayo. Sa katunayan, ang Dagat ng Galilea ay isa lamang malaking look na mga 13 milya ang haba at sa pinakamalaki ay 7 1/2 milya ang luwang.

Mauunawaan kung bakit napagod si Jesus. Kaya, pagkatapos na sila’y gumaod na palayo, siya’y humiga na sa bandang likod ng bangka, inihimlay ang kaniyang ulo sa isang unan, at nakatulog nang mahimbing. Marami sa mga apostol ang may karanasang mga magdaragat, palibhasa’y matagal ding nangisda sila sa Dagat ng Galilea. Kaya’t sila ang nangasiwa sa paglalayag ng bangka.

Subalit hindi ito isang madaling biyahe. Dahilan sa mas mainit na temperatura ng tubig sa gawing ibabaw ng loók, na mga 700 piye ang baba sa patag ng dagat, at sa mas malamig na hangin sa karatig na mga bundok, malalakas na hangin ang paminsan-minsan ay umiihip paibaba at lumikha ng biglaang malalakas na bagyo sa loók. Ito na nga ang nangyari ngayon. Hindi nagtagal at ang bangka ay sinasalpok ng mga alon at hinambalos ng tumitilamsik na tubig, kung kaya’t halos mapunô ng tubig at lumubog. Gayunman, si Jesus ay patuloy pa ring natutulog!

Ang may karanasang mga magdaragat ay buong pagkabalisang nagsikap na ugitan ang bangka. Tiyak na sila noong una’y nakaraos din sa ganoong mga bagyo. Ngunit sa pagkakataong ito ay wala na silang maisip gawin. Sa pangamba na nanganganib ang kanilang buhay, ginising nila si Jesus. ‘Panginoon, bale wala ba ito sa iyo? Tayo’y lulubog na!’ ang bulalas nila. ‘Iligtas mo kami, kami’y malulunod!’

Nang siya’y magising na, iniutos ni Jesus sa hangin at sa dagat: “Tumahimik kayo!” At ang nagngangalit na hangin ay huminto at ang dagat ay naging kalmado. Siya’y bumaling sa kaniyang mga alagad at nagtanong: ‘Bakit kayo takot na takot? Wala pa ba kayong anumang pananampalataya?’

Sa sinabing iyan, ang mga alagad ay pinangibabawan ng pambihirang takot. ‘Sino nga bang talaga ang taong ito?’ ang tanong nila sa isa’t isa, ‘sapagkat siya’y nag-uutos kahit na sa hangin at sa tubig, at ang mga ito’y tumatalima sa kaniya.’

Anong laking kapangyarihan ang ipinakita ni Jesus! Anong laking kasiguruhan ang malaman na ang ating Hari ay may kapangyarihan sa kalikasan at pagka siya’y lubusang nagbigay-pansin sa lupa nating ito sa panahon ng paghahari ng kaniyang Kaharian, lahat ng tao ay tatahan sa katiwasayan buhat sa kakila-kilabot na mga kalamidad sa kalikasan!

Nang matapos na ang bagyo, si Jesus at ang kaniyang mga alagad ay ligtas na sumapit sa silangang pampang. Marahil yaong mga ibang bangka ay nakaligtas sa kabagsikan ng bagyo at nakauwi rin pagkatapos. Marcos 4:35–​5:1; Mateo 8:18, 23-27; Lucas 8:22-26.

▪ Ano ba ang Decapolis, at nasaan ito?

▪ Ano ang dahilan at may malalakas na bagyo sa Dagat ng Galilea?

▪ Nang hindi sila mailigtas ng kanilang kahusayan bilang mga magdaragat, ano ang ginawa ng mga alagad?