Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagpitas ng Trigo sa Sabbath

Pagpitas ng Trigo sa Sabbath

Kapitulo 31

Pagpitas ng Trigo sa Sabbath

NOON si Jesus at ang kaniyang mga alagad ay paalis na sa Jerusalem upang bumalik sa Galilea. Panahon ng tagsibol noon, at sa mga bukid ay may mga uhay na ng trigo. Ang mga alagad ay nagugutom. Kaya’t sila’y pumitas ng mga binutil at nagsikain. Ngunit dahilan sa iyon ay isang araw ng Sabbath, napansin sila sa kanilang ginawang iyon.

Hindi pa nagtatagal noon na ang mga pinunong relihiyoso sa Jerusalem ay nagtangkang patayin si Jesus dahilan sa umano’y paglabag sa Sabbath. Ngayon ang mga Fariseo ang nagpaparatang. “Narito! Ang iyong mga alagad ay gumagawa ng hindi matuwid na gawin kung sabbath,” ang sabi nila.

Sinasabi ng mga Fariseo na ang pagpitas ng trigo at pagkukuskos niyaon sa kamay upang kainin ay pag-aani at paggiik. Ngunit ang kanilang mahigpit na pagpapakahulugan kung ano nga ang trabaho ay nagpaging mabigat sa Sabbath, samantalang sa talaga’y isa iyon na panahon ng kasayahan at pagpapatibay sa espirituwalidad. Kaya sa tugon ni Jesus ay gumamit siya ng mga halimbawa sa Kasulatan upang ipakita na hindi nilayon ng Diyos na Jehova ang gayong walang katuwirang mahigpit na pagpapasunod ng Kaniyang kautusan ng Sabbath.

Sinabi ni Jesus na nang si David at ang kaniyang mga tauhan ay nagugutom, sila’y huminto sa tabernakulo at kanilang kinain ang handog na tinapay. Ang mga tinapay na iyon ay inalis na sa harap ni Jehova at hinalinhan ng panibago, at ang mga ito karaniwan na ay inireserba para kanin ng mga saserdote. Subalit, sa ilalim ng gayong mga kalagayan, si David at ang kaniyang mga tauhan ay hindi hinatulan nang kanilang kanin ang mga ito.

Bilang isa pang halimbawa, sinabi ni Jesus: “Hindi ba ninyo nabasa sa Kautusan na sa mga araw ng sabbath ay niwawalang galang ng mga saserdote sa templo ang sabbath at sila’y hindi nagkakasala?” Oo, kahit na Sabbath ang mga saserdote ay nagkakatay ng mga hayop at gumagawa ng mga iba pang bagay sa templo para ihanda ang mga hayop na ihahandog! “Ngunit sinasabi ko sa inyo,” ang sabi ni Jesus, “na isang lalong dakila kaysa templo ang naririto.”

Sa pagpapayo sa mga Fariseo, sinabi pa ni Jesus: “Kung nalalaman lamang ninyo kung ano ang kahulugan nito, ‘Habag ang ibig ko, at hindi hain,’ hindi sana ninyo hinatulan ang mga walang kasalanan.” Pagkatapos ay sinabi niya bilang pagtatapos: “Sapagkat ang Anak ng tao ay Panginoon ng sabbath.” Ano ba ang ibig sabihin ni Jesus? Ang tinutukoy ni Jesus ay ang kaniyang mapayapang pamamahala sa Kaharian sa loob ng isang libong taon.

Sa loob ng 6,000 taon na ngayon, ang sangkatauhan ay dumaranas na ng mahirap na pagkaalipin sa ilalim ni Satanas na Diyablo, at karahasan at digmaan ang kaayusang umiiral. Sa kabilang panig, ang dakilang paghahari ni Kristo sa Sabbath ay magiging isang panahon ng pamamahinga buhat sa lahat ng gayong pagdurusa at pang-aapi. Mateo 12:​1-8; Levitico 24:​5-9; 1 Samuel 21:​1-6; Bilang 28:​9; Oseas 6:​6.

▪ Ano ang paratang sa mga alagad ni Jesus, at papaano iyon sinagot ni Jesus?

▪ Anong kamalian ng mga Fariseo ang ipinakilala ni Jesus?

▪ Sa papaano ngang si Jesus ay “Panginoon ng sabbath”?