Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagtakas Mula sa Isang Malupit na Hari

Pagtakas Mula sa Isang Malupit na Hari

Kapitulo 8

Pagtakas Mula sa Isang Malupit na Hari

GINISING ni Jose si Maria upang sabihin ang isang mahalagang balita. Kapapakita lamang sa kaniya ng anghel ni Jehova, na nagsasabi: “Magbangon ka, dalhin mo ang sanggol at ang kaniyang ina at tumakas ka hanggang sa Ehipto, at dumoon ka hanggang sa sabihin ko sa iyo; sapagkat hahanapin ni Herodes ang sanggol upang siya’y puksain.”

Kagyát, ang tatlo ay tumakas. At tamang-tama sapagkat nalaman na ni Herodes na nilinlang siya ng mga astrologo at lumisan na sa bansa. Tandaan, dapat sanang nag-ulat sila sa kaniya kapag nakita nila si Jesus. Galit na galit si Herodes. Kaya, taglay ang pagsisikap na mapatay si Jesus, nagbigay siya ng utos na patayin ang lahat ng mga batang lalaki sa Bethlehem at sa mga distrito nito na may gulang na dalawang taon pababa. Ibinatay niya ang pagtantiya sa edad na ito ayon sa impormasyon na nakuha niya maaga pa mula sa mga astrologo na dumating mula sa Silangan.

Ang pagpaslang sa lahat ng mga batang lalaki ay isang bagay na nakapanghihilakbot na makita! Isa-isang pinapasok ng mga sundalo ni Herodes ang mga bahay. At kapag nakakita sila ng batang lalaki, inaagaw nila yaon mula sa bisig ng kaniyang ina. Hindi natin alam kung ilang sanggol ang kanilang napatay, subalit ang malawakang pagtangis at panaghoy ng mga ina ay tumupad ng hula sa Bibliya ng propeta ng Diyos na si Jeremias.

Samantala, si Jose at ang kaniyang pamilya ay matiwasay na nakarating sa Ehipto, at sila’y naninirahan na roon. Subalit isang gabi ang anghel ni Jehova ay muling napakita kay Jose sa panaginip. “Magbangon ka, dalhin mo ang sanggol at ang kaniyang ina,” ang sabi ng anghel, “at pumatungo ka sa lupain ng Israel, sapagkat nangamatay na ang nangagmimithi sa buhay ng sanggol.” Kaya bilang katuparan ng isa pang hula sa Bibliya na nagsasabing ang Anak ng Diyos ay tatawagin mula sa Ehipto, ang pamilya ay bumalik sa kanilang lupang-tinubuan.

Sa malas ay ibig ni Jose na manirahan sa Judea, sa dati nilang tirahan sa lunsod ng Bethlehem bago sila tumakas tungo sa Ehipto. Ngunit napag-alaman niya na ang malupit na anak ni Herodes na si Archelaus ang siyang naghahari noon sa Judea, at sa isa pang panaginip ay binabalaan siya ni Jehova mula sa panganib. Kaya si Jose at ang kaniyang pamilya ay naglakbay patungo sa hilaga at nanirahan sa lunsod ng Nasaret sa Galilea. Dito sa komunidad na ito, malayo sa sentro ng relihiyosong buhay ng mga Judio, lumaki si Jesus. Mateo 2:​13-23; Jeremias 31:​15; Oseas 11:1.

▪ Nang hindi bumalik ang mga astrologo, anong nakapanghihilakbot na bagay ang ginawa ni Herodes, subalit papaano pinangalagaan si Jesus?

▪ Pagbabalik mula sa Ehipto, bakit hindi nanirahan muli si Jose sa Bethlehem?

▪ Ano-anong hula mula sa Bibliya ang natupad sa loob ng panahong ito?