Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagtuturo kay Nicodemo

Pagtuturo kay Nicodemo

Kapitulo 17

Pagtuturo kay Nicodemo

SAMANTALANG siya’y nasa Paskuwa ng 30 C.E., nagsagawa si Jesus ng pambihirang mga tanda, o mga himala. Bilang resulta, maraming tao ang sumampalataya sa kaniya. Si Nicodemo, isang miyembro ng Sanedrin, ang mataas na hukuman ng mga Judio, ay nasiyahan at ibig pang matuto nang higit. Kaya dinalaw niya si Jesus sa kadiliman ng gabi, marahil nangangamba siyang masira ang kaniyang reputasyon sa ibang pinunong mga Judio kung siya’y makikita.

“Rabbi,” ang sabi niya, “nalalaman naming ikaw ay isang guro na nagbuhat sa Diyos; sapagkat walang makagagawa ng mga tanda na iyong ginagawa maliban na kung sumasakaniya ang Diyos.” Bilang sagot, sinabi ni Jesus kay Nicodemo na upang makapasok sa Kaharian ng Diyos, ang isang tao ay kailangang “ipanganak na muli.”

Gayunman, papaanong ang isang tao ay maipanganganak na muli? “Makapapasok baga siyang bilang ikalawa sa tiyan ng kaniyang ina at ipanganak?” ang tanong ni Nicodemo.

Hindi, hindi iyan ang kahulugan ng ipanganak na muli. “Maliban na ang tao’y ipanganak ng tubig at ng espiritu,” ang paliwanag ni Jesus, “hindi siya makapapasok sa kaharian ng Diyos.” Nang si Jesus ay bautismuhan at bumaba sa kaniya ang banal na espiritu, siya sa gayon ay ipinanganak “ng tubig at ng espiritu.” Kasabay ng pagpapahayag mula sa langit, ‘Ito ang aking Anak na aking sinang-ayunan,’ ibinalita ng Diyos na siya’y nagdala ng isang espirituwal na anak na nagtataglay ng pag-asang makapasok sa makalangit na Kaharian. Pagkaraan, sa Pentecostes 33 C.E., ang iba pang nabautismuhan ay tatanggap ng banal na espiritu at sa gayo’y ipanganganak ding muli bilang espirituwal na mga anak ng Diyos.

Subalit ang papel ng tanging taong Anak ng Diyos ay mahalaga. “Kung papaanong itinaas ni Moises sa ilang ang ahas,” sinabi ni Jesus kay Nicodemo, “ay gayon kinakailangang itaas ang Anak ng tao, upang ang sinumang sumampalataya sa kaniya ay magkaroon ng buhay na walang-hanggan.” Oo, kung papaanong ang mga Israelitang yaon na tinuklaw ng makamandag na mga ahas ay kinailangang tumingin sa ahas na tanso upang maligtas, gayundin ang mga tao ay kailangang magsagawa ng pananampalataya sa Anak ng Diyos upang maligtas sa kanilang namamatay na kalagayan.

Bilang pagdiriin sa maibiging papel ni Jehova rito, sumunod na sinabi ni Jesus kay Nicodemo: “Gayon na lamang ang pagsinta ng Diyos sa sanlibutan na ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang sinumang sumampalataya sa kaniya ay huwag mapahamak kundi magkaroon ng buhay na walang-hanggan.” Sa gayon, dito sa Jerusalem anim na buwan lamang ang nakararaan pagkatapos na simulan ang kaniyang ministeryo, nilinaw ni Jesus na siya ang gagamitin ng Diyos na Jehova sa pagliligtas ng sangkatauhan.

Nagpatuloy pa si Jesus sa pagpapaliwanag kay Nicodemo: “Sapagkat sinugo ng Diyos ang Anak sa sanlibutan, hindi upang hatulan ang sanlibutan,” na, hatulan iyon nang masama, o sumpain iyon, anupa’t hinahatulan ang lahi ng mga tao ng pagkalipol. Bagkus, gaya ng sabi ni Jesus, siya’y sinugo “upang ang sanlibutan ay maligtas sa pamamagitan niya.”

Si Nicodemo ay pumunta kay Jesus sa likod ng kadiliman dahil sa pangamba. Kaya nakasasabik na tinapos ni Jesus ang kaniyang pakikipag-usap sa kaniya sa pagsasabing: “At ito ang kahatulan, na ang liwanag [na isinasagisag ni Jesus sa kaniyang buhay at mga turo] ay naparito sa sanlibutan ngunit inibig pa ng mga tao ang kadiliman kaysa liwanag, sapagkat masasama ang kanilang mga gawa. Sapagkat siyang namihasa sa paggawa ng masama ay napopoot sa liwanag at hindi lumalapit sa liwanag, upang huwag masaway ang kaniyang mga gawa. Ngunit ang gumagawa ng katotohanan ay lumalapit sa liwanag, upang mahayag na ang kaniyang mga gawa ay ginawa na kaayon ng sa Diyos.” Juan 2:​23–​3:​21; Mateo 3:​16, 17; Gawa 2:​1-4; Bilang 21:9.

▪ Ano ang nag-udyok sa pagdalaw ni Nicodemo, at bakit sa gabi niya isinagawa?

▪ Ano ang kahulugan ng “ipanganak na muli”?

▪ Papaano inilarawan ni Jesus ang kaniyang papel para sa ating kaligtasan?

▪ Ano ang kahulugan na si Jesus ay hindi sinugo upang hatulan ang sanlibutan?