Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagtuturo sa Pamamagitan ng mga Ilustrasyon

Pagtuturo sa Pamamagitan ng mga Ilustrasyon

Kapitulo 43

Pagtuturo sa Pamamagitan ng mga Ilustrasyon

MARAHIL si Jesus ay nasa Capernaum nang kaniyang pagwikaan ang mga Fariseo. Sa bandang dulo ng araw ring iyon ay nilisan niya ang bahay at naparoon sa karatig na Dagat ng Galilea, na kung saan nagkakatipon ang karamihan ng mga tao. Doon ay sumakay siya sa isang bangka, naglayag, at sa mga taong nasa tabing-dagat ay sinimulan niyang turuan sila ng tungkol sa Kaharian ng langit. Kaniyang ginawa iyon sa pamamagitan ng sunud-sunod na mga talinghaga, o mga ilustrasyon, na bawat isa’y nasa tanawin na kilalang-kilala ng mga tao.

Una, binanggit ni Jesus ang isang manghahasik na naghahasik ng binhi. Ang ilang binhi ay nahulog sa tabi ng daan at kinain ng mga ibon. Ang ibang binhi naman ay nahulog sa lupa na sa ilalim ay pulos bato. Dahil sa hindi malalim ang mga ugat, ang mga bagong tanim ay nalanta dahil sa napakainit na sikat ng araw. Ang iba pang mga binhi ay nahulog sa dawagan, na uminis sa tumubong halaman. Sa katapus-tapusan, may mga binhi na nahulog sa mabuting lupa at namunga ng makasandaan, ang iba’y animnapu, at ang iba’y tatlumpu.

Sa isa pang ilustrasyon, inihambing ni Jesus ang Kaharian ng Diyos sa isang taong naghahasik ng binhi. Habang lumalakad ang mga araw, samantalang ang tao’y natutulog at pagkagising niya, ang binhi ay tumubo. Hindi batid ng tao kung papaano nagkagayon. Iyon ay lumaki nang sa ganang sarili at nagbunga. Nang mahinog na ang bunga, inani iyon ng tao.

Isinaysay ni Jesus ang ikatlong ilustrasyon tungkol sa isang tao na naghahasik ng mabuting binhi, ngunit “habang natutulog ang mga lalaki,” isang kaaway ang dumating at naghasik ng panirang damo sa gitna ng trigo. Itinanong ng mga utusan ng taong iyon kung bubunutin ang mga damo. Ngunit siya’y tumugon: ‘Huwag, baka mabunot ninyo pati ang trigo. Pabayaan ninyong lumaki muna silang magkasama hanggang sa pag-aani. Saka ko sasabihin sa mga mang-aani na piliin ang mga damong panira at sunugin at ang trigo naman ay ilagay sa kamalig.’

Ipinagpatuloy ni Jesus ang kaniyang pagsasalita sa karamihan ng tao, at siya’y nagbigay ng dalawa pang ilustrasyon. Kaniyang ipinaliwanag na “ang kaharian ng langit” ay gaya ng isang butil ng mustasa na itinatanim ng isang tao. Bagaman ito ang kaliit-liitan sa lahat ng binhi, sabi niya, ito’y lumalaki hanggang sa maging pinakamalaki sa lahat ng gugulayin. Ito’y nagiging isang punungkahoy na pinupuntahan, at nasisilungan ng mga ibon ang mga sanga.

May mga iba sa ngayon na tumututol na mayroon pang mas maliit na mga binhi kaysa mga binhi ng mustasa. Subalit hindi isang aralin sa botanika ang ibinibigay noon ni Jesus. Sa mga binhing kilalang-kilala ng taga-Galilea noong kaniyang kaarawan, ang binhi ng mustasa ang talagang pinakamaliit. Kaya’t kanilang naunawaan ang pambihirang paglaki na ipinaghalimbawa ni Jesus.

Katapus-tapusan, “ang kaharian ng langit” ay inihambing ni Jesus sa lebadura na kinuha ng isang babae at inihalo sa tatlong malalaking takal ng arina. Pagtatagal, aniya, ang buong masa ng tinapay ay nahaluan na at tinagos na nito.

Pagkatapos magbigay ng limang ilustrasyon, pinaalis na ni Jesus ang karamihan ng tao at siya’y bumalik sa bahay na kaniyang tinutuluyan. Hindi nagtagal at ang kaniyang 12 mga apostol at ang mga iba pa ay pumaroon sa kaniya.

Pakikinabang sa mga Ilustrasyon ni Jesus

Nang ang mga alagad ay magsilapit kay Jesus pagkatapos na siya’y magpahayag sa karamihan ng mga tao sa dalampasigan, sila’y sabik na malaman ang tungkol sa kaniyang bagong paraan ng pagtuturo. Ah, kanilang napakinggan siya sa paggamit ng mga ilustrasyon noon pa man, subalit hindi gayon kalawak ang kaniyang paggamit niyaon. Kaya’t sila’y nagtanong: “Bakit nga ba kinakausap mo sila sa pamamagitan ng mga ilustrasyon?”

Ang isang dahilan kung bakit gayon ay upang tuparin ang mga salita ng propeta: “Bubukhin ko ang aking bibig sa mga ilustrasyon, ihahayag ko ang mga bagay na natatago sapol nang pagkatatag.” Subalit higit pa ang ibig sabihin nito. Ang kaniyang paggamit ng mga ilustrasyon ay upang tumulong na maisiwalat ang saloobin ng puso ng mga tao.

Ang totoo, karamihan ng tao ay interesado kay Jesus dahil sa siya’y mahusay magkuwento at gumawa ng himala, hindi dahil sa ibig nilang sila’y maglingkod sa kaniya bilang Panginoon at sumunod sa kaniya nang walang pag-iimbot. Ayaw nilang magambala sa kanilang pagkakilala sa mga bagay-bagay o sa kanilang paraan ng pamumuhay. Ayaw nila na ang mensahe ay makatagos sa kanila nang ganoong kalalim.

Kaya’t sinabi ni Jesus: “Kaya naman nagsasalita ako sa kanila sa pamamagitan ng paggamit ng mga ilustrasyon, sapagkat bagaman nagsisitingin, ay hindi sila nakakakita, at bagaman nakikinig, ay hindi sila nakakarinig, ni hindi nila nauunawaan iyon; at natutupad sa kanila ang hula ni Isaias, na nagsasabi, ‘ . . . Sapagkat ang puso ng bayang ito ay tumanggi.’ ”

“Subalit,” ang patuloy pa ni Jesus, “maligaya ang inyong mga mata sapagkat nakakakita, at ang inyong mga pandinig sapagkat nakakarinig. Sapagkat katotohanang sinasabi ko sa inyo, Maraming mga propeta at matuwid na mga tao ang nagnanasang makita ang mga bagay na inyong nakikita at hindi nila nakita, at marinig ang mga bagay na inyong naririnig at hindi nila narinig.”

Oo, ang 12 apostol at ang kanilang mga kasama ay may mga pusong handang tumanggap. Kaya naman sinabi ni Jesus: “Sa inyo ipinagkaloob na makaunawa ng banal na mga lihim ng kaharian ng langit, subalit sa mga taong iyon ay hindi ito ipinagkaloob.” Dahilan sa kanilang paghahangad na makaunawa, sa kaniyang mga alagad ay ipinaliwanag ni Jesus ang ilustrasyon ng manghahasik.

“Ang binhi ay ang salita ng Diyos,” ang sabi ni Jesus, at ang lupa ay ang puso. Tungkol sa binhing napahasik sa mabatong tabing-daan, ganito ang paliwanag niya: “Dumating ang Diyablo at inagaw ang binhi sa kanilang mga puso upang sila’y huwag magsisampalataya at maligtas.”

Sa kabilang dako naman, ang binhing napahasik sa lupa na batuhan ang ilalim ay tumutukoy sa puso ng mga tao na tumanggap sa salita nang may kagalakan. Datapuwat, dahilan sa ang salita’y hindi makapag-ugat sa gayong mga puso, ang mga taong ito’y humiwalay pagsapit ng panahon ng pagsubok o ng pag-uusig.

Tungkol naman sa binhi na nahulog sa mga tinik, ang patuloy ni Jesus, ito’y tumutukoy sa mga tao na nakarinig ng salita. Subalit, ang mga ito ay napahiwalay rin dahilan sa mga kabalisahan at mga kayamanan at kalayawan ng buhay na ito, kaya sila’y lubusang napigil at wala silang naibungang anuman.

Sa katapus-tapusan, tungkol sa binhing napahasik sa mabuting lupa, ang sabi ni Jesus, ito yaong mga tao na, pagkatapos makarinig ng salita na taglay ang mainam at mabuting puso, kanilang iningatan iyon at nagbunga nang may pagtitiis.

Anong laking pagpapala ang tinamo ng mga alagad na humanap kay Jesus upang makarinig ng paliwanag sa kaniyang mga turo! Nilayon ni Jesus na ang kaniyang mga ilustrasyon ay maunawaan upang makapagturo sa iba ng katotohanan. “Ang isang ilawan ay hindi tinatakpan ng isang panukat na basket o inilalagay sa ilalim ng higaan, hindi ba?” ang tanong niya. Hindi, kundi “ito’y inilalagay sa isang lalagyan ng ilaw.” At idinagdag pa ni Jesus: “Kaya nga, ingatan ninyo kung papaano kayo nakikinig.”

Pinagpala sa Pagtanggap ng Higit Pang Turo

Pagkatapos tanggapin ang paliwanag ni Jesus tungkol sa ilustrasyon ng maghahasik, nais pang matuto ng mga alagad. “Ipaliwanag mo sa amin,” ang pakiusap nila, “ang ilustrasyon ng mga panirang damo sa bukid.”

Anong laking pagkakaiba ng saloobin ng mga alagad kung ihahambing sa karamihan ng tao na nasa tabing-dagat! Ang mga taong iyon ay walang taimtim na hangarin na makaalam ng kahulugan ng mga ilustrasyon, palibhasa’y nasisiyahan sila sa balangkas lamang ng mga bagay na iniharap sa kanila. Upang ipakita ang pagkakaiba ng mga tagapakinig na nasa tabing-dagat at ng kaniyang mga alagad na mausisa na nagsilapit sa kaniya sa bahay, sinabi ni Jesus:

“Sa panukat na iyong isinusukat, doon kayo susukatin, oo, higit pa ang idaragdag sa inyo.” Ang mga alagad ay sumusukat kay Jesus ng maalab na interes at atensiyon, kaya naman sila ay pinagpala sa pagtanggap ng higit pang turo. Kaya naman, bilang sagot sa pagtatanong ng kaniyang mga alagad, ipinaliwanag ni Jesus:

“Ang maghahasik ng mabuting binhi ay ang Anak ng tao; ang bukid ay ang sanlibutan; at ang mabuting binhi, ang mga ito ang mga anak ng kaharian; ngunit ang mga panirang damo ay yaong mga anak ng balakyot na isa, at ang kaaway na naghasik ng mga iyan ay ang Diyablo. Ang pag-aani ay isang katapusan ng isang sistema ng mga bagay, at ang mga manggagapas ay mga anghel.”

Pagkatapos ipakilala ang bawat bahagi ng kaniyang ilustrasyon, binanggit naman ni Jesus ang kahihinatnan. Sa katapusan ng sistema ng mga bagay, sinabi niya na ang mga manggagapas, o mga anghel, ang magbubukod sa tulad-panirang damong imitasyong mga Kristiyano buhat sa tunay na “mga anak ng kaharian.” Pagkatapos “ang mga anak ng balakyot na isa” ay tatatakan para puksain, ngunit ang mga anak ng Kaharian ng Diyos, “ang mga matuwid,” ay sisikat nang buong kaningningan sa Kaharian ng kanilang Ama.

Pagkatapos ay pinagpala ni Jesus ang kaniyang mausisang mga alagad at binigyan sila ng tatlo pang mga ilustrasyon. Una, kaniyang sinabi: “Ang kaharian ng langit ay tulad ng kayamanang natatago sa bukid, na nasumpungan ng isang tao at ikinubli iyon; at sa kaniyang kagalakan ay yumaon siya at ipinagbili ang kaniyang mga pag-aari at binili niya ang bukid na iyon.”

“Gayundin naman,” ang pagpapatuloy niya, “ang kaharian ng langit ay katulad ng isang naglalakbay na mangangalakal na naghahanap ng magagandang perlas. Nang masumpungan niya ang isang mamahaling perlas, yumaon siya at agad na ipinagbili ang lahat niyang ari-arian at binili niya iyon.”

Si Jesus mismo ay katulad ng taong nakatuklas ng natatagong kayamanan at gaya ng mangangalakal na nakasumpong ng mamahaling perlas. Kaniyang ipinagbili ang lahat ng bagay, wika nga, iniwan niya ang isang marangal na puwesto sa langit at naging isang hamak na tao. Pagkatapos, bilang isang tao sa lupa, siya’y dumanas ng kadustaan at abang pag-uusig, lahat na ito’y upang patunayan na siya’y karapat-dapat maging Tagapamahala sa Kaharian ng Diyos.

Ang hamon ay nakaharap din sa mga tagasunod ni Jesus upang ipagbili ang lahat ng bagay upang makamit ang dakilang gantimpala ng pagiging isang kasamang tagapamahala ni Kristo o isang makalupang sakop ng Kaharian. Atin bang ituturing na ang pagkakaroon ng bahagi sa Kaharian ng Diyos ay isang bagay na lalong mahalaga kaysa anupaman sa buhay, bilang isang di matutumbasang kayamanan o isang mamahaling perlas?

Sa katapus-tapusan, “ang kaharian ng langit” ay itinutulad ni Jesus sa isang lambat na nakakahuli ng lahat ng uri ng isda. Pagkatapos pagbukud-bukurin ang mga isda, ang di karapat-dapat ay itinatapon ngunit ang mabubuti ay itinitira. Kaya, ang sabi ni Jesus, ganiyan ang mangyayari sa katapusan ng sistema ng mga bagay; ang mga anghel ang magbubukod ng mga balakyot buhat sa mga matuwid, at ang mga balakyot ay inilalaan sa pagkapuksa.

Si Jesus mismo ang nagsimula ng proyektong ito sa pangingisda, at ang kaniyang unang mga alagad ay tinawag niya na “mga mamamalakaya ng mga tao.” Sa patnubay ng mga anghel, ang gawaing pangingisda ay nagpapatuloy sa loob ng lumipas na mga siglo. Sa wakas ay dumating din ang panahon upang hilahin na ang “lambat,” na sumasagisag sa mga organisasyon sa lupa na nag-aangking Kristiyano.

Bagaman ang di karapat-dapat na mga isda ay ibinubulid sa kapahamakan, salamat nga at tayo ay maibibilang na ‘mabubuting isda’ na ibinubukod. Sa pamamagitan ng pagpapakita ng ganoon ding marubdob na hangarin na gaya ng nakita sa mga alagad ni Jesus sa pagkakaroon ng higit pang kaalaman at kaunawaan, tayo ay pagpapalain upang tumanggap hindi lamang ng higit pang turo kundi ng pagpapala ng Diyos na buhay na walang hanggan. Mateo 13:1-52; Marcos 4:1-34; Lucas 8:4-18; Awit 78:2; Isaias 6:9, 10.

▪ Kailan at saan nagsalita si Jesus sa pamamagitan ng mga ilustrasyon sa karamihan ng tao?

▪ Anong limang ilustrasyon ang isinaysay ni Jesus sa karamihan ng tao?

▪ Bakit sinabi ni Jesus na ang binhi ng mustasa ang pinakamaliit sa lahat ng binhi?

▪ Bakit gumamit si Jesus ng mga ilustrasyon sa kaniyang pagsasalita?

▪ Papaano ipinakita ng mga alagad ni Jesus na sila’y naiiba sa karamihan ng mga tao?

▪ Anong paliwanag ang ibinigay ni Jesus tungkol sa ilustrasyon ng manghahasik?

▪ Papaanong ang mga alagad ay naiiba kaysa karamihan ng mga tao sa tabing-dagat?

▪ Sino o ano ang kinakatawan ng maghahasik, ng bukid, ng mabuting binhi, ng kaaway, ng pag-aani, at ng mga manggagapas?

▪ Ano pang tatlong karagdagang ilustrasyon ang ibinigay ni Jesus, at ano ang maaari nating matutuhan buhat sa mga ito?