Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pasimula ng Isang Napakahalagang Araw

Pasimula ng Isang Napakahalagang Araw

Kapitulo 105

Pasimula ng Isang Napakahalagang Araw

NANG lisanin ni Jesus ang Jerusalem noong Lunes ng gabi, siya’y bumalik sa Betania sa silangang dalisdis ng Bundok ng Olibo. Dalawang araw ng kaniyang pangkatapusang ministeryo sa Jerusalem ang natapos. Tiyak na muling ginugol ni Jesus ang gabi sa piling ng kaniyang kaibigang si Lazaro. Sapol nang dumating buhat sa Jerico noong Biyernes, ito ang ikaapat na gabi niya sa Betania.

Ngayon, maaga ng Martes, Nisan 11, siya at ang kaniyang mga alagad ay naglalakbay muli. Ito’y isang napakahalagang araw ng ministeryo ni Jesus, na siya’y pinakamagawain hanggang noon. Ito ang huling araw na siya’y makikita sa templo. At ito ang huling araw ng kaniyang pangmadlang ministeryo bago nangyari ang paglilitis at pagpatay sa kaniya.

Ang dinaanan ni Jesus at ng kaniyang mga alagad ay iyon ding ruta na bumabagtas sa Bundok ng Olibo patungo sa Jerusalem. Sa daang iyon pagkagaling nila sa Betania, napansin ni Pedro ang punungkahoy na sinumpa ni Jesus noong sinundang umaga. “Rabbi, tingnan mo!” ang kaniyang bulalas, “ang punong igos na iyong sinumpa ay natuyo.”

Subalit bakit pinatay ni Jesus ang punungkahoy? Kaniyang ipinakita kung bakit nang kaniyang sabihin: “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Kung kayo’y may pananampalataya at hindi nag-aalinlangan, hindi lamang magagawa ninyo ang ginawa ko sa punong igos, kundi kung sabihin ninyo sa bundok na ito [ang Bundok ng Olibo na inyong kinatatayuan], ‘Mapataas ka at mapabulusok ka sa dagat,’ iyon ay mangyayari. At lahat ng mga bagay na inyong hilingin sa panalangin, na may pananampalataya, ay inyong tatanggapin.”

Kaya’t sa pangyayaring natuyo ang punungkahoy, si Jesus ay nagbibigay sa kaniyang mga alagad ng isang mapapakinabangang aral tungkol sa kanilang pangangailangan na magkaroon ng pananampalataya sa Diyos. Gaya ng kaniyang sinabi: “Lahat ng bagay na inyong idadalangin at hihilingin ay manampalataya kayo na para na rin ngang tinanggap ninyo, at inyong tatanggapin.” Anong pagkahala-halagang aral na dapat nilang matutuhan, lalo na dahil sa nakasisindak na mga pagsubok na malapit nang dumating! Datapuwat, may isa pang kaugnayan ang pagkatuyo ng punong igos at ang katangian ng pananampalataya.

Ang bansang Israel, tulad nitong punong igos, ay may anyong nakadadaya. Bagaman ang bansa ay nasa isang pakikipagtipan sa Diyos at may panlabas na anyong animo’y sumusunod sa kaniyang mga kautusan, ito’y napatunayang walang pananampalataya, baog sa mabubuting bunga. Dahilan sa kawalan ng pananampalataya, ito man din ay nakahilig na tanggihan ang sariling Anak ng Diyos! Kaya’t sa ganoong pagsumpa sa di-namumungang punong igos upang matuyo, buong diing ipinakikita ni Jesus kung ano ang magiging resulta para sa bansang ito na walang bunga, walang pananampalataya.

Di-nalaunan, si Jesus at ang kaniyang mga alagad ay pumasok sa Jerusalem, at gaya ng kanilang kinaugalian, sila’y nagtungo sa templo, na kung saan nagsimula si Jesus ng pagtuturo. Ang mga pangulong saserdote at mga matatandang lalaki sa bayan, walang alinlangan dahil sa sumasaisip nila ang ginawa ni Jesus noong sinundang araw laban sa mga nagpapalit ng salapi, ay naghamon sa kaniya: “Sa anong kapamahalaan ginagawa mo ang mga bagay na ito? At sino ang sa iyo’y nagbigay ng kapamahalaang ito?”

Bilang sagot ay sinabi ni Jesus: “Tatanungin ko rin naman kayo ng isang tanong. Kung inyong sasabihin sa akin, sasabihin ko rin sa inyo kung sa anong kapamahalaan ginagawa ko ang mga bagay na ito: Ang bautismo ni Juan, saan baga nanggaling? sa langit o sa mga tao?”

Ang mga saserdote at matatandang lalaki ay nagsimulang nag-usap-usap tungkol sa kung papaano sila sasagot. “Kung ating sasabihin, ‘Sa langit,’ sasabihin niya sa atin, ‘Bakit nga hindi ninyo siya pinaniwalaan?’ Datapuwat kung sasabihin namin, ‘Buhat sa mga tao,’ tayo’y natatakot sa karamihan, sapagkat kinikilala nilang lahat na si Juan ay isang propeta.”

Hindi alam ng mga pinuno kung ano ang isasagot. Kaya’t sila’y tumugon kay Jesus: “Hindi namin alam.”

Kaya naman, si Jesus ay nagsabi: “Hindi ko rin naman sasabihin sa inyo kung sa anong kapamahalaan ginagawa ko ang mga bagay na ito.” Mateo 21:​19-27; Marcos 11:​19-33; Lucas 20:1-8.

▪ Ano ba ang mahalagang dapat malaman tungkol sa Martes, Nisan 11?

▪ Anong mga aral ang ibinibigay ni Jesus nang kaniyang papangyarihin na matuyo ang punong igos?

▪ Papaano sinasagot ni Jesus yaong mga nagtatanong kung sa anong kapamahalaan ginagawa niya ang mga bagay-bagay?