Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Sa Betania, sa Bahay ni Simon

Sa Betania, sa Bahay ni Simon

Kapitulo 101

Sa Betania, sa Bahay ni Simon

NANG lisanin ni Jesus ang Jerico, siya’y pumatungo naman sa Betania. Ang paglalakbay ay halos buong maghapon, palibhasa’y umakyat pa sila nang mga 19 na kilometro sa baku-bakong lugar. Ang Jerico ay humigit-kumulang 250 metro ang baba sa dagat, at ang Betania naman ay mga 760 metro ang taas sa dagat. Maaalaala ninyo na ang Betania ang bayan ni Lasaro at ng kaniyang mga kapatid na babae. Ang munting bayang iyon ay humigit-kumulang tatlong kilometro ang layo sa Jerusalem, yamang iyon ay nasa silangang dalisdis ng Bundok ng Olibo.

Marami ang nagsidating na sa Jerusalem para sa pagdiriwang ng Paskuwa. Sila’y nagsidating na maaga upang dumaan muna sa seremonyal na paglilinis. Baka sila’y nakahipo ng isang bangkay o nakagawa ng isang bagay na nagpaparumi sa kanila. Kaya’t kanilang sinunod ang mga paraan upang linisin ang kanilang sarili para tanggapin sila sa pagdiriwang ng Paskuwa. Samantalang ang mga naunang nagsirating na ito ay nagtitipon sa templo, pinag-iisipan ng marami kung si Jesus kaya ay dadalo sa pagdiriwang ng Paskuwa.

Ang Jerusalem ay sentro ng pagtatalu-talo tungkol kay Jesus. Batid ng karamihan na nais ng mga pinunong relihiyoso na sunggaban siya upang maipapatay. Sa katunayan, sila’y nagbigay ng utos na kung ang sinuman ay makaalam ng kaniyang kinaroroonan, kailangang ipaalam nila iyon sa mga pinunong ito. Makatatlong beses noong kalilipas na mga buwan​—sa Kapistahan ng Tabernakulo, sa Kapistahan ng Pag-aalay, at pagkatapos na kaniyang buhaying-muli si Lasaro—​sinikap ng mga pinunong ito na patayin siya. Kaya naman, ang mga tao ay may pagtatakang nagtanong, magpapakita pa kaya uli si Jesus sa madla? “Ano sa akala ninyo?” ang tanong nila sa isa’t isa.

Samantala, si Jesus ay dumating sa Betania anim na araw bago ganapin ang Paskuwa, na pumapatak sa araw ng Nisan 14 ayon sa kalendaryong Judio. Dumating si Jesus sa Betania Biyernes ng hapon, na siyang pasimula ng Nisan 8. Tiyak na hindi siya naglakbay patungong Betania ng araw ng Sabado sapagkat ang paglalakbay kung Sabbath​—mula sa paglubog ng araw ng Biyernes hanggang sa paglubog ng araw ng Sabado—​ay ibinabawal ng kautusang Judio. Marahil ay nagpunta si Jesus sa tahanan ni Lazaro, gaya ng ginagawa niya dati, at doon nagpalipas ng Biyernes ng gabi.

Subalit, isa namang taga-Betania ang nag-anyaya kay Jesus at sa kaniyang mga kasamahan para doon maghapunan ng gabi ng Sabado. Ang taong iyon ay si Simon, isang dating ketongin, na noong nakaraan ay marahil pinagaling ni Jesus. Sa kaniyang kasipagan, si Marta ay naglingkod sa mga bisita. Ngunit, gaya ng kinaugalian niya, si Maria ay maasikaso kay Jesus, ngayon ay sa paraan na nagbangon ng pagtatalu-talo.

Si Maria ay nagbukas ng isang sisidlang alabastro, o botelya, na naglalaman ng kalahating kilo ng mabangong unguento, “taganas na nardo.” Ito’y napakamamahalin. Sa katunayan, ang halaga nito ay katumbas ng halos kita sa isang taon! Nang ibuhos ni Maria ang unguento sa ulo ni Jesus at sa kaniyang mga paa at punasan ang kaniyang mga paa ng kaniyang buhok, ang mabangong amoy ay lumaganap sa buong bahay.

Ang mga alagad ay nangagalit at nagtanong: “Bakit inaaksaya ito?” Nang magkagayo’y sumagot si Judas Iscariote: “Bakit hindi ipinagbili ang mabangong unguentong ito ng tatlong daang denaryo at ibinigay sa mga dukha?” Subalit ang totoo’y hindi naman talagang ipinagmamalasakit ni Judas ang mga dukha, sapagkat siya’y nagnanakaw na sa kahon ng salapi na iniingatan ng mga alagad.

Si Maria ay ipinagtanggol ni Jesus. “Pabayaan ninyo siya,” ang utos niya. “Bakit ninyo binabagabag ang babae? Ginawan niya ako nang mabuti. Sapagkat laging nasa inyo ang mga dukha, at kailanma’t ibig ninyo ay palaging magagawan ninyo sila nang mabuti, datapuwat ako’y hindi laging nasa inyo. Ginawa niya ang magagawa niya; bago pa man ay binuhusan na niya ng mabangong unguento ang aking katawan upang ihanda ako sa paglilibing. Katotohanang sinasabi ko sa inyo, saanman ipangaral ang mabuting balitang ito sa buong sanlibutan, ang ginawa ng babaing ito ay sasaysayin din bilang pag-aalaala sa kaniya.”

Si Jesus ay mahigit na ngayong 24 na oras na nasa Betania, at napabalita roon na siya’y naroroon nga. Kaya naman marami ang nagpuntahan sa bahay ni Simon upang makita nila si Jesus, subalit sila’y nagpunta rin upang makita si Lasaro, na naroroon din. Kaya’t ang mga punong saserdote ay nagsanggunian upang ipapatay hindi lamang si Jesus kundi pati si Lasaro. Ito’y dahilan sa maraming tao ang sumampalataya na kay Jesus dahilan sa nakita nila na buháy yaong kaniyang binuhay-muli buhat sa mga patay! Oo, anong pagkasama-sama nga ng mga pinunong relihiyosong ito! Juan 11:​55–​12:​11; Mateo 26:​6-13; Marcos 14:​3-9; Gawa 1:12.

▪ Anong pagtatalo ang naganap sa templo sa Jerusalem, at bakit?

▪ Bakit Biyernes nang dumating si Jesus sa Betania sa halip na Sabado?

▪ Nang dumating si Jesus sa Betania, saan malamang nagpalipas siya ng Sabbath

▪ Anong ginawa ni Maria ang nagbangon ng pagtatalu-talo, at papaano siya ipinagtanggol ni Jesus?

▪ Ano ang nagpapakita na totoong pagkasama-sama na ng mga punong saserdote?