Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Sampung Ketongin ang Pinagaling Nang Huling Paglalakbay ni Jesus sa Jerusalem

Sampung Ketongin ang Pinagaling Nang Huling Paglalakbay ni Jesus sa Jerusalem

Kapitulo 92

Sampung Ketongin ang Pinagaling Nang Huling Paglalakbay ni Jesus sa Jerusalem

BINIGO ni Jesus ang pagsisikap ng Sanedrin na patayin siya sa pamamagitan ng pag-alis sa Jerusalem at paglalakbay upang pumaroon sa siyudad ng Efraim, marahil 24 na kilometro lamang humigit-kumulang sa gawing hilagang-silangan ng Jerusalem. Doon ay nanatili siyang kapiling ng kaniyang mga alagad, malayo sa kaniyang mga kaaway.

Gayunman, ang panahon ng Paskuwa nang 33 C.E. ay palapit nang palapit, at hindi nagtagal at si Jesus ay naglalakbay na naman. Siya’y tumawid ng Samaria at naparoon sa Galilea. Ito ang kaniyang huling pagdalaw sa lugar na ito bago naganap ang kaniyang kamatayan. Samantalang nasa Galilea, malamang na siya at ang kaniyang mga alagad ay nakisama sa iba na patungo sa Jerusalem para sa pagdiriwang ng Paskuwa. Ang dinaanan nila ay yaong ruta na bumabagtas ng purok ng Perea, nasa gawing silangan ng Ilog Jordan.

Sa may pasimula ng paglalakbay, samantalang si Jesus ay papasok sa isang nayon na naroon sa Samaria o dili kaya’y nasa Galilea, siya’y sinalubong ng sampung lalaki na may sakit na ketong. Ang kakila-kilabot na sakit na ito ay unti-unting umaagnas sa mga bahagi ng katawan ng isang tao​—ang kaniyang mga daliri ng kamay, mga daliri ng paa, tainga, ilong, at kaniyang labi. Upang ang iba’y huwag mahawa, ang Kautusan ng Diyos ay nagsasabi tungkol sa isang ketongin: “Tatakpan niya ang kaniyang bigote at hihiyaw, ‘Karumal-dumal, karumal-dumal!’ Sa buong panahong siya’y may sakit ng salot na iyon ay magiging karumal-dumal siya. . . . Siya’y tatahang nakabukod.”

Ang sampung ketongin ay sumusunod sa mga ibinabawal ng Kautusan sa mga ketongin at sila’y malayung-malayo kay Jesus. Gayunman, sila’y humiyaw nang malakas: “Jesus, Guro, maawa ka sa amin!”

Nang makita sila sa malayo, iniutos ni Jesus: “Kayo’y humayo at pakita sa mga saserdote.” Ito’y sinabi ni Jesus sapagkat ang Kautusan ng Diyos ay nagbibigay-karapatan sa mga saserdote na ipahayag na magaling na ang mga ketongin na gumaling sa kanilang karamdaman. Sa ganitong paraan ang gayong mga tao ay sinasang-ayunan na muling mamuhay na kasama ng mga taong walang sakit.

Ang sampung ketongin ay may tiwala sa kapangyarihan ni Jesus na maghimala. Kaya sila’y dali-daling naparoon upang makipagkita sa mga saserdote, bagaman sila’y hindi pa napagagaling noon. Samantalang papunta roon, ang kanilang pananampalataya kay Jesus ay ginanti. Sila’y nagsimulang makakita at makadama na sila pala’y gumaling na!

Siyam sa pinagaling na mga ketongin ang nagpatuloy sa kanilang paroroonan, subalit ang isang ketongin, isang Samaritano, ay bumalik upang hanapin si Jesus. Bakit? Sapagkat siya’y lubhang napasasalamat dahil sa nangyari sa kaniya. Kaniyang pinuri ang Diyos ng kaniyang malakas na tinig, at nang kaniyang masumpungan si Jesus, siya’y nagpatirapa, at kaniyang pinasalamatan ito.

Bilang tugon ay sinabi ni Jesus: “Ang sampu ay nalinis, hindi ba? Nasaan, kung gayon, ang siyam? Walang sinuman sa kanila na nagbalik upang lumuwalhati sa Diyos kundi ang taong ito ng ibang bansa?”

At pagkatapos ay sinabi niya sa lalaking Samaritano: “Magtindig ka at yumaon ka sa iyong lakad; pinagaling ka ng iyong pananampalataya.”

Kapag ating nababasa ang tungkol sa pagpapagaling ni Jesus sa sampung ketongin, dapat nating isapuso ang aral na ipinahihiwatig ng kaniyang katanungan: “Nasaan, kung gayon, ang siyam?” Ang kawalang-utang na loob na ipinakita ng siyam ay isang malubhang kahinaan. Tayo ba, tulad ng Samaritano, ay kikilala ng utang na loob dahil sa mga bagay na tinanggap natin sa Diyos, kasali na ang tiyak na pangakong buhay na walang hanggan sa matuwid na bagong sanlibutan ng Diyos? Juan 11:54, 55; Lucas 17:​11-19; Levitico 13:​16, 17, 45, 46; Apocalipsis 21:​3, 4.

▪ Papaano binigo ni Jesus ang pagsisikap na patayin siya?

▪ Saan sumunod na naglakbay si Jesus, at ano ang kaniyang pupuntahan?

▪ Bakit ang mga ketongin ay doon sa malayo nakatayo, at bakit sila sinabihan ni Jesus na pumaroon sa mga saserdote?

▪ Anong aral ang makukuha natin sa karanasang ito?