Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Si Jesus at ang mga Astrologo

Si Jesus at ang mga Astrologo

Kapitulo 7

Si Jesus at ang mga Astrologo

ILANG kalalakihan ang nagmula sa Silangan. Sila ay mga astrologo​—ang mga taong nag-aangkin na nagbibigay ng kahulugan sa lagay ng mga bituin. Nang sila’y nasa kanilang lugar sa Silangan, nakita nila ang isang bagong bituin, at kanilang sinundan iyon daan-daang milya patungong Jerusalem.

Nang makarating sa Jerusalem ang mga astrologo, sila’y nagtanong: “Nasaan ang ipinanganak na hari ng mga Judio? Sapagkat aming nakita ang kaniyang bituin sa silanganan, at naparito kami upang siya’y sambahin.”

Nang marinig ito ni Haring Herodes sa Jerusalem, nagulumihanan siya. Kaya tinawag niya ang mga pangulong saserdote at siniyasat kung saan kaya ipanganganak ang Kristo. Ibinabatay ang kanilang tugon sa Kasulatan, sila’y sumagot: “Sa Bethlehem.” Nang magkagayon, ipinatawag ni Herodes ang mga astrologo at sinabi sa kanila: “Magsiparoon kayo at ipagtanong nang buong-ingat ang tungkol sa sanggol, at pagkasumpong ninyo sa kaniya ay ipagbigay-alam ninyo sa akin, upang ako nama’y makaparoon at siya’y sambahin.” Ngunit, ang totoo, ibig ni Herodes na matagpuan ang sanggol upang ito’y patayin!

Nang sila’y makaalis, isang kamangha-manghang bagay ang naganap. Ang bituin na kanilang nakita nang sila’y nasa Silangan ay nauuna sa kanila. Maliwanag, ito’y hindi isang pangkaraniwang bituin, kundi ito’y bukod-tanging inilaan upang sila’y patnubayan. Patuloy itong sinundan ng mga astrologo hanggang sa ito’y huminto sa mismong tahanan na kinaroroonan nina Jose at Maria.

Nang pumasok ang mga astrologo sa tahanan, natagpuan nila si Maria kasama ng kaniyang anak, si Jesus. Nang magkagayo’y nagpatirapa silang lahat sa kaniya. At inilabas nila ang kanilang mga dalang sisidlan na punô ng mga handog na ginto, kamangyan, at mira. Pagkaraan, nang sila’y babalik na lamang upang ipagbigay-alam kay Herodes kung nasaan ang sanggol, sila’y binabalaan ng Diyos na huwag itong gawin. Kaya sila’y umuwi sa kanilang lupain sa ibang daan.

Sino sa palagay mo ang naglaan ng bituin na kumikilos sa kalangitan upang patnubayan ang mga astrologo? Tandaan, hindi sila inakay agad ng bituin kay Jesus sa Bethlehem. Sa halip, sila’y inakay sa Jerusalem kung saan nakita nila si Haring Herodes, na ibig pumatay kay Jesus. At maaari niyang nagawa sana kung hindi nakialam ang Diyos at binabalaan ang mga astrologo na huwag ipagbigay-alam kay Herodes kung nasaan si Jesus. Iyon ang kaaway ng Diyos, si Satanas na Diyablo, na ibig pumatay kay Jesus, at kinasangkapan niya ang bituing iyon upang maisakatuparan niya ang kaniyang layunin. Mateo 2:​1-12; Mikas 5:2.

▪ Ano ang nagpapakita na ang bituing nakita ng mga astrologo ay hindi isang karaniwang bituin?

▪ Nasaan si Jesus nang matagpuan siya ng mga astrologo?

▪ Bakit natin napag-alaman na si Satanas ang naglaan ng bituin upang patnubayan ang mga astrologo?