Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Tinatapos ni Jesus ang Lahat ng Kahilingan ng Diyos

Tinatapos ni Jesus ang Lahat ng Kahilingan ng Diyos

Kapitulo 133

Tinatapos ni Jesus ang Lahat ng Kahilingan ng Diyos

KAPAG inalis na ng Mandirigmang Haring si Jesu-Kristo si Satanas at ang kaniyang di-matuwid na sanlibutan, kaylaking dahilan ng kagalakan mayroon! Ang mapayapang Sanlibong Taóng Paghahari ni Jesus ay magsisimula na rin sa wakas!

Sa ilalim ng pangangasiwa ni Jesus at ng kaniyang kasamang mga hari, lilinisin ng mga nakaligtas sa Armagedon ang mga kasiraang naiwan ng matuwid na digmaang iyon. Malamang na ang mga nakaligtas sa lupa ay magkakaanak pa rin sa isang panahon, at ang mga ito’y makikibahagi sa nakalulugod na gawain ng paglilinang sa lupa tungo sa isang napakarikit na tulad-parkeng halamanan.

Sa itinakdang panahon ay pangyayarihin ni Jesus na lumabas mula sa libingan ang di-mabilang na milyun-milyon upang tamasahin ang magandang Paraisong ito. Gagawin niya ito bilang katuparan ng kaniyang pangako: “Dumarating ang oras na lahat ng nasa mga alaalang libingan ay . . . magsisilabas.”

Kabilang sa bubuhayin ni Jesus ay ang dating manlalabag-batas na namatay sa tabi niya sa pahirapang tulos. Tandaan na si Jesus ay nangako sa kaniya: “Katotohanang sinasabi ko sa iyo sa araw na ito, Ikaw ay makakasama ko sa Paraiso.” Hindi, ang taong iyon ay hindi dadalhin sa langit upang mamahala bilang hari kasama ni Jesus, ni magiging isang tao muli si Jesus at mamumuhay sa Paraiso sa lupa kasama niya. Sa halip, si Jesus ay makakasama ng dating manlalabag-batas sa diwa na siya’y bubuhayin Niyang muli tungo sa Paraiso at titiyakin na ang kaniyang mga pangangailangan, kapuwa pisikal at espirituwal, ay napangangalagaan, gaya ng inilarawan sa susunod na pahina.

Isip-isipin! Sa ilalim ng mapagmahal na pangangalaga ni Jesus, ang buong pamilya ng mga tao​—ang mga nakaligtas sa Armagedon, ang kanilang mga anak, at ang libu-libong milyon na mga binuhay-muling mga patay na naging masunurin sa kaniya—​ay susulong tungo sa kasakdalan ng pagkatao. Sa pamamagitan ng kaniyang maharlikang Anak, si Jesu-Kristo, mananahan si Jehova kasama ng mga tao sa espirituwal na paraan. “At,” gaya ng tinig na narinig ni Juan mula sa langit, “papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng dalamhati man o ng pananambitan o hirap pa man.” Walang sinumang tao sa lupa ang maghihirap o magkakasakit.

Sa pagtatapos ng Sanlibong Taóng Paghahari ni Jesus, ang kalagayan ay magiging kagaya ng orihinal na layunin ng Diyos nang sabihin niya sa unang mag-asawa, sina Adan at Eva, na magpakarami at punuin ang lupa. Oo, ang lupa ay mapupuno ng isang matuwid na lahi ng sakdal na mga tao. Iyan ay dahilan sa ang mga pakinabang ng haing pantubos ni Jesus ay umiiral na sa bawat isa. Ang kamatayan dahilan sa pagkakasala ni Adan ay mawawala na!

Sa gayon, matutupad na ni Jesus ang lahat ng kahilingan ni Jehova sa kaniya. Kaya nga, sa katapusan ng sanlibong taon, kaniyang ibibigay ang Kaharian at ang pinasakdal na angkan ng mga tao sa kaniyang Ama. Pagkatapos ay kakalagan ng Diyos si Satanas at ang kaniyang mga demonyo mula sa kalaliman sa patay na kalagayan. Sa anong layunin?

Bueno, sa pagtatapos ng sanlibong taon, karamihan ng mga nabubuhay sa Paraiso ay yaong mga binuhay na muli na hindi pa nasusubok ang kanilang pananampalataya. Bago namatay, hindi nila kailanman naalaman ang mga pangako ng Diyos kung kaya hindi sila makapagpahayag ng pananampalataya sa mga iyon. Ngayon, pagkatapos na buhaying-muli at maturuan ng katotohanan ng Bibliya, naging madali para sa kanila ang paglilingkod sa Diyos, na walang anumang pananalansang, sa Paraiso. Subalit kung bibigyan ng pagkakataon si Satanas na pigilin sila sa patuluyang paglilingkod sa Diyos, mapatutunayan ba nilang sila’y tapat sa ilalim ng pagsubok? Upang masagot ang katanungang ito, pakakawalan si Satanas.

Ang kapahayagang ibinigay kay Juan ay nagsisiwalat na pagkatapos ng Sanlibong Taóng Paghahari ni Jesus, si Satanas ay magtatagumpay sa pagpapatalikod sa di-tiyak na bilang ng mga tao mula sa paglilingkod sa Diyos. Subalit, kapag natapos na ang huling pagsubok, si Satanas, ang kaniyang mga demonyo, at lahat ng mga naitalikod niya ay malilipol magpakailanman. Sa kabilang dako, ang mga lubusang nasubok, tapat na mga naligtas ay patuloy na mabubuhay upang tamasahin ang mga pagpapala ng kanilang makalangit na Ama sa panahong walang-hanggan.

Maliwanag, si Jesus ay gumanap, at patuloy na gaganap, ng isang mahalagang papel sa pagsasagawa ng nakalulugod na mga layunin ng Diyos. Isang lubos na kasiya-siyang kinabukasan ang ating matatamasa bilang bunga ng lahat ng kaniyang nagawa bilang ang dakilang makalangit na Hari ng Diyos. Gayunman, hindi natin malilimutan ang lahat ng kaniyang ginawa samantalang siya’y isang tao.

Si Jesus ay kusang-loob na nanaog sa lupa at tinuruan tayo tungkol sa kaniyang Ama. Higit pa rito ay nagpakitang-halimbawa siya ng mahahalagang katangian ng Diyos. Napupukaw ang ating mga puso kapag isinasaalang-alang natin ang kaniyang kahanga-hangang tibay ng loob at pagkalalaki, ang kaniyang walang-kapantay na karunungan, ang kaniyang napakahusay na kakayahan bilang isang guro, ang kaniyang walang-takot na pangunguna, at ang kaniyang mapagmahal na awa at empatiya. Kapag naaalaala natin ang kaniyang di-mailarawang pagdurusa samantalang ipinagkakaloob ang pantubos, upang matamo lamang nating-muli ang buhay, tiyak na ang ating mga puso’y magpapahalaga para sa kaniya!

Tunay, kahanga-hanga ang lalaking ito na ating nakilala sa pag-aaral na ito ng buhay ni Jesus! Hindi mapag-aalinlanganan at sukdulan ang kaniyang kadakilaan. Tayo’y napakikilos na ulitin ang mga salita ng Romanong gobernador na si Poncio Pilato: “Narito! Ang tao!” Oo, tunay, “Ang tao,” ang pinakadakilang tao na nabuhay kailanman!

Sa ating pagtanggap ng kaniyang kaloob na haing pantubos, ang bigat ng kasalanan at kamatayan na minana kay Adan ay maaalis sa atin, at si Jesus ay magiging ating “Walang-Hanggang Ama.” Ang lahat ng magtatamo ng buhay na walang-hanggan ay dapat na kumuha ng kaalaman hindi lamang sa Diyos kundi rin naman sa kaniyang Anak, si Jesu-Kristo. Nawa ang pagbabasa at pag-aaral mo ng aklat na ito ay makatulong sa iyo na kumuha ng ganitong nagbibigay-buhay na kaalaman! 1 Juan 2:​17; 1:7; Juan 5:​28, 29; 3:​16; 17:​3; 19:​5; Lucas 23:​43; Genesis 1:​28; 1 Corinto 15:​24-28; Apocalipsis 20:​1-3, 6-10; 21:​3, 4; Isaias 9:6.

▪ Ano ang magiging maligayang pribilehiyo ng mga nakaligtas sa Armagedon at ng kanilang mga anak?

▪ Sino pa ang magtatamasa ng Paraiso bukod sa mga nakaligtas sa Armagedon at sa kanilang mga anak, at sa anong diwa makakasama nila si Jesus?

▪ Ano ang magiging kalagayan sa katapusan ng sanlibong taon, at ano ang gagawin ni Jesus sa panahong iyon?

▪ Bakit pakakawalan si Satanas mula sa kalaliman, at ano sa wakas ang mangyayari sa kaniya at sa lahat ng sumunod sa kaniya?

▪ Papaano nagiging ating “Walang-hanggang Ama” si Jesus?