Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Tunay na Tinapay na Galing sa Langit”

“Tunay na Tinapay na Galing sa Langit”

Kapitulo 54

“Tunay na Tinapay na Galing sa Langit”

SA NAKARAANG araw ay tunay na naganap ang maraming bagay. Makahimalang pinakain ni Jesus ang libu-libo at pagkatapos ay tumakas siya upang iwasan ang pagtatangka ng mga tao na gawin siyang hari. Nang gabing iyon siya’y lumakad sa ibabaw ng maunos na karagatan ng Galilea; kaniyang sinagip si Pedro, na nagsimulang lumubog nang ito’y lumalakad sa maunos na dagat; at kaniyang pinakalma ang mga alon upang iligtas ang kaniyang mga alagad sa pagkalubog ng kanilang bangka.

Ngayon natagpuan si Jesus malapit sa Capernaum ng mga taong makahimalang pinakain niya sa gawing hilagang-silangan ng Dagat ng Galilea at nagtanong na: “Kailan ka pa dumating dito?” Sila’y pinagwikaan ni Jesus at sinabi niya na kaya nila hinahanap siya ay dahil lamang sa umaasa silang kaniyang pakakanin na naman sila ng libre. Kaniyang hinimok sila na magtrabaho, hindi dahil sa pagkain na napapanis, kundi dahil sa pagkain na nananatili ukol sa buhay na walang-hanggan. Kaya nagtanong ang mga tao: “Ano ang kailangan naming gawin upang magawa namin ang mga gawa ng Diyos?”

Isa lamang gawain ang binanggit ni Jesus bilang pinakamahalaga. “Ito ang gawa ng Diyos,” ang paliwanag niya, “na kayo’y sumampalataya sa kaniya na sinugo ng Isang iyan.”

Gayumpaman, ang mga tao ay hindi sumampalataya kay Jesus, sa kabila ng mga himala na kaniyang ginawa. Nakapagtataka, pagkatapos ng lahat ng kagila-gilalas na mga bagay na kaniyang ginawa, sila’y nagtatanong: “Ano nga ang iyong ginagawa na pinaka-tanda, upang aming makita at sumampalataya kami sa iyo? Ano ang ginagawa mo? Ang aming mga ninuno ay nagsikain ng manna sa iláng, gaya ng nasusulat, ‘Tinapay na galing sa langit ang sa kanila’y kaniyang ipinakain.’ ”

Bilang tugon sa kanilang paghingi ng isang tanda, nilinaw ni Jesus ang Pinagmulan ng kahima-himalang mga pagkaing iyon, na ang sabi: “Hindi si Moises ang nagbigay sa inyo ng tinapay na galing sa langit, kundi ang aking Ama ang nagbigay sa inyo ng tunay na tinapay na galing sa langit. Sapagkat ang tinapay ng Diyos ay yaong bumababang mula sa langit at nagbibigay ng buhay sa sanlibutan.”

“Panginoon,” ang sabi ng mga tao, “bigyan mo kaming palagi ng tinapay na ito.”

“Ako ang tinapay ng buhay,” ang sabi ni Jesus. “Ang lumalapit sa akin ay hindi magugutom kailanman, at ang sumasampalataya sa akin ay hindi mauuhaw kailanman. Datapuwat sinabi ko sa inyo, Nakita pa nga ninyo ako ngunit hindi kayo sumampalataya. Ang lahat ng ibinibigay sa akin ng Ama ay magsisilapit sa akin, at ang lumalapit sa akin sa anumang paraan ay hindi ko itataboy; sapagkat ako’y bumaba buhat sa langit upang gawin, hindi ang aking kalooban, kundi ang kalooban niya na nagsugo sa akin. Ito ang kalooban niya na nagsugo sa akin, na lahat ng ibinigay sa akin ay huwag kong iwala ang anuman kundi buhayin kong mag-uli sa huling araw. Sapagkat ito ang kalooban ng aking Ama, na ang bawat nakakita sa Anak at sumampalataya sa kaniya ay magkaroon ng buhay na walang-hanggan.”

At ang mga Judio nga ay nagbulung-bulungan tungkol kay Jesus sapagkat kaniyang sinabi, “Ako ang tinapay na bumababang galing sa langit.” Sa kaniya’y wala silang nakita kundi isang anak ng kaniyang mga magulang kaya gaya rin ng mga taga-Nazaret, sila’y tumutol na nagsasabi: “Hindi ba ito si Jesus na anak ni Jose, na ang ama at ina ay kilala natin? Paano nga nangyari na ngayo’y kaniyang sinasabi, ‘Ako’y bumaba galing sa langit’?”

“Huwag kayong magbulung-bulungan,” ang tugon ni Jesus. “Walang taong makalalapit sa akin maliban sa ang Ama, na nagsugo sa akin, ang maglapit sa kaniya sa akin; at siya’y aking bubuhaying-muli sa huling araw. Nasusulat sa Mga Propeta, ‘At silang lahat ay tuturuan ni Jehova.’ Bawat nakarinig sa Ama at natuto ay lumalapit sa akin. Hindi sa ang sinuma’y nakakita sa Ama, kundi yaong nanggaling sa Diyos; siya ang nakakita sa Ama. Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Ang sumasampalataya ay may buhay na walang-hanggan.”

Sa pagpapatuloy, inulit ni Jesus: “Ako ang tinapay ng buhay. Nagsikain ang inyong mga magulang ng manna sa iláng subalit sila’y nangamatay pa rin. Ito ang tinapay na bumababang galing sa langit, upang ang sinumang makakain ay huwag mamatay. Ako ang tinapay na buháy na bumababang galing sa langit; kung ang sinuman ay kumain ng tinapay na ito siya’y mabubuhay magpakailanman.” Oo, sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesus, na siyang sinugo ng Diyos, ang mga tao ay maaaring magkaroon ng buhay na walang-hanggan. Walang manna, o anumang ibang tinapay, ang nagbibigay niyan!

Ang diskusyon tungkol sa tinapay na galing sa langit ay maliwanag na nagsimula hindi pa nagtatagal pagkatapos na matagpuan si Jesus ng mga tao malapit sa Capernaum. Subalit iyon ay nagpapatuloy, at umabot sa sukdulan sa dakong huli samantalang si Jesus ay nagtuturo sa isang sinagoga sa Capernaum. Juan 6:25-51, 59; Awit 78:24; Isaias 54:13; Mateo 13:55-57.

▪ Anong mga pangyayari ang nauna bago tinalakay ni Jesus ang tungkol sa tinapay na galing sa langit?

▪ Dahilan sa ginawa ni Jesus noong mga sandaling iyon, bakit ang paghiling ng isang tanda ay hindi nararapat?

▪ Bakit ang mga Judio ay nagbulung-bulungan dahil sa sinabi ni Jesus na siya ang tunay na tinapay na galing sa langit?

▪ Saan naganap ang diskusyon tungkol sa tinapay na galing sa langit?