Pumunta sa nilalaman

Ang Sanlibutan Bang Ito’y Makaliligtas?

Ang Sanlibutan Bang Ito’y Makaliligtas?

Ang Sanlibutan Bang Ito’y Makaliligtas?

Walang ibang salinlahi ang nakarinig nang labis na usap-usapan hinggil sa katapusan ng sanlibutan. Marami ang natatakot na ang daigdig ay magwawakas sa isang nuklear na pagkatupok. Inaakala ng iba na polusyon ang makasisira sa daigdig. Ang iba naman ay nababahala na ang kaguluhan sa ekonomiya ay lilikha ng alitan sa pagitan ng mga tao.

Magwawakas bang talaga ang sanlibutang ito? Kung magwawakas nga, ano ang ibig sabihin nito? May sanlibutan na bang nagwakas noon?

Isang Sanlibutan ang Nagwawakas​—Hinahalinhan ng Iba

Oo, isang sanlibutan ang nagwakas. Isaalang-alang ang sanlibutan na naging napakasama noong mga kaarawan ni Noe. Ang Bibliya ay nagsasabi: “Ang sanlibutan noon ay napahamak nang apawan ng tubig.” Nagsasabi rin ang Bibliya: “Hindi nagpigil [ang Diyos] ng pagpaparusa sa isang sinaunang sanlibutan, ngunit si Noe, na mángangarál ng katuwiran, ay iningatang ligtas kasama ng pito pa nang gunawin niya ang isang sanlibutan ng mga taong balakyot.”​—2 Pedro 2:​5; 3:6.

Pansinin kung ano ang kahulugan at hindi kahulugan ng wakas ng sanlibutan na iyon. Hindi iyon nangangahulugan ng wakas ng sangkatauhan. Si Noe at ang kaniyang pamilya ay nakaligtas sa pangglobong Baha. Nakaligtas din ang planetang Lupa at ang magandang mabituing kalangitan. Ang napuksa ay “ang sanlibutan ng mga taong balakyot,” isang balakyot na sistema ng mga bagay.

Sa wakas, habang nagsidami ang supling ni Noe, isa namang sanlibutan ang lumitaw. Ang ikalawang sanlibutang iyan, o sistema ng mga bagay, ay umiiral hanggang sa panahon natin ngayon. Ang kasaysayan niyaon ay napunô ng digmaan, krimen, at karahasan. Ano ang mangyayari sa sanlibutang ito? Makaliligtas kaya ito?

Ang Hinaharap ng Sanlibutang Ito

Pagkatapos sabihin na nakaranas ng pagkawasak ang sanlibutan noong kaarawan ni Noe, ang ulat ng Bibliya ay nagpapatuloy: “Sa pamamagitan ng gayunding salita ang mga langit at ang lupa ngayon ay iniingatan para sa apoy.” (2 Pedro 3:7) Oo, gaya ng sabi ng isa pang manunulat sa Bibliya: “Ang sanlibutan [ang isa na umiiral ngayon] ay lumilipas.”​—1 Juan 2:17.

Hindi ibig sabihin ng Bibliya na ang literal na lupa o ang mabituing langit ay lilipas, yamang hindi lumipas ang mga ito noong kaarawan ni Noe. (Awit 104:5) Bagkus, ang sanlibutang ito, na may “mga langit,” o namamahalang mga pinuno sa ilalim ng impluwensiya ni Satanas, at ang “lupa” nito, o lipunan ng mga tao, ay para bang lilipulin sa apoy. (Juan 14:​30; 2 Corinto 4:4) Ang sanlibutang ito, o sistema ng mga bagay, ay tiyak na mapupuksa gaya ng kung paano napuksa noon ang sanlibutan bago ang Baha. Binanggit pa nga ni Jesus ang tungkol sa kalagayan noong “mga kaarawan ni Noe” bilang isang halimbawa ng kung ano ang mangyayari bago ang katapusan ng sanlibutang ito.​—Mateo 24:​37-39.

Kapansin-pansin, nang sabihin ni Jesus ang tungkol sa mga kaarawan ni Noe, iyon ay kasagutan sa tanong ng kaniyang mga apostol: “Ano ang magiging tanda ng iyong pagparito, at ng katapusan ng sanlibutan?” (Mateo 24:​3, King James Version) Alam ng mga tagasunod ni Jesus na ang sanlibutang ito ay magwawakas. Nakatakot ba sa kanila ang hinaharap na ito?

Sa kabaligtaran, nang ilarawan ni Jesus ang mga pangyayari na magaganap bago ang wakas ng sanlibutan, kaniyang hinimok sila na magalak ‘sapagkat ang kanilang kaligtasan ay malapit na.’ (Lucas 21:28) Oo, ang kaligtasan buhat kay Satanas at sa kaniyang balakyot na sistema ng mga bagay tungo sa isang mapayapang bagong sanlibutan!​—2 Pedro 3:13.

Subalit kailan magwawakas ang sanlibutang ito? Ano ang “tanda” na ibinigay ni Jesus sa kaniyang “pagparito, at sa katapusan ng sanlibutan”?

“Ang Tanda”

Ang Griegong salita rito na isinaling “pagparito” ay pa·rou·siʹa, at ang ibig sabihin ay “pagkanaririto,” yaon ay, aktuwal na naririto. Kaya pagka nakita na “ang tanda,” hindi iyon nangangahulugan na malapit nang dumating si Kristo kundi na siya ay nakabalik na at narito na. Iyon ay nangangahulugan na siya ay nagpasimula nang mamahala nang di-nakikita bilang isang makalangit na hari at na malapit na niyang lipulin ang kaniyang mga kaaway.​—Apocalipsis 12:​7-12; Awit 110:​1, 2.

Hindi nagbigay si Jesus ng isang lamang pangyayari bilang “ang tanda.” Kaniyang inilarawan ang maraming pangyayari at mga kalagayan sa daigdig. Lahat ng mga ito ay magaganap sa panahon na tinatawag ng mga manunulat ng Bibliya na “mga huling araw.” (2 Timoteo 3:​1-5; 2 Pedro 3:​3, 4) Isaalang-alang ang ilan sa mga bagay na inihula ni Jesus na magiging tanda ng “mga huling araw.”

“Ang bansa ay titindig laban sa bansa at ang kaharian laban sa kaharian.” (Mateo 24:7) Ang digmaan sa modernong panahon ay naging mas malawak higit kailanman. Isang historyador ang nagsabi: “Ang Unang Digmaang Pandaigdig [nagpasimula noong 1914] ang kauna-unahang ‘panlahatang’ digmaan.” Subalit, ang ikalawang digmaang pandaigdig ay higit na mapangwasak. At patuloy na winawasak ng digmaan ang lupa. Oo, ang mga salita ni Jesus ay nagkakaroon ng katuparan sa isang madulang paraan!

“Magkakaroon ng kakapusan sa pagkain.” (Mateo 24:​7) Pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig I ay marahil dumating ang pinakamalaking taggutom sa buong kasaysayan. Sumunod din ang matinding taggutom pagkatapos ng Digmaang Pandaigidig II. Apektado ng salot ng malnutrisyon ang hanggang sa sangkalima ng populasyon ng daigdig, pumapatay ng mga 14 na milyong bata bawat taon. Tunay, nagkaroon nga ng “kakapusan sa pagkain”!

“Magkakaroon ng malalakas na lindol.” (Lucas 21:11) Sa katamtaman, halos sampung beses ang dami ng mga namamatay bawat taon sa lindol mula noong 1914 kaysa nakaraang mga dantaon. Isaalang-alang ang ilan lamang sa malalakas na lindol: 1920, Tsina, 200,000 ang namatay; 1923, Hapón, 99,300 ang nasawi; 1939, Turkey, 32,700 ang namatay; 1970, Peru, 66,800 ang namatay; at 1976, Tsina, halos 240,000 (o, ayon sa ilang ulat, 800,000) ang nasawi. Tunay nga, “malalakas na lindol”!

“Mga salot sa iba’t ibang dako.” (Lucas 21:11) Pagkatapos na pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig I, mga 21 milyong tao ang namatay dahil sa trangkaso Española. Ang Science Digest ay nag-ulat: “Walang ibang naging mas malupit, mas mabilis na pagdapo ng kamatayan sa buong kasaysayan.” Mula noon, ang sakit sa puso, kanser, AIDS, at maraming iba pang mga salot ang pumatay sa daan-daang milyong tao.

“Paglago ng katampalasanan.” (Mateo 24:12) Ang ating daigdig simula noong 1914 ay nakilala bilang daigdig ng krimen at karahasan. Sa maraming lugar ang isa ay hindi na nakadarama na ligtas sa mga lansangan maging sa araw. Sa gabi ang mga tao ay nananatili sa kanilang mga tahanan na nakakandado at mga pintong may harang, takot na lumabas.

Maraming iba pang mga bagay ang inihulang magaganap sa mga huling araw, at ang lahat ng mga ito ay natutupad. Nangangahulugan ito na ang wakas ng sanlibutan ay malapit na. Subalit, nakatutuwa, may mga makaliligtas. Pagkatapos sabihin na “ang sanlibutan ay lumilipas,” ang Bibliya ay nangangako: “Ang gumagawa ng kalooban ng Diyos ang mananatili magpakailanman.”​—1 Juan 2:17.

Kaya dapat nating matutunan ang kalooban ng Diyos at gawin iyon. Kung magkagayon tayo ay maaaring makaligtas sa katapusan ng sanlibutang ito upang magtamasa nang walang-hanggang mga pagpapala sa bagong sanlibutan ng Diyos. Ang Bibliya ay nangangako na sa panahong iyon: “At papahirin . . . ng Diyos ang bawat luha sa mga mata [ng tao], at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni magkakaroon pa ng dalamhati o ng panambitan man o ng hirap pa man.”​—Apocalipsis 21:​3, 4.

Malibang ipahiwatig, lahat ng pagsipi sa Bibliya ay mula sa New World Translation of the Holy Scriptures.

[Picture Credit Line sa pahina 6]

Pinanggalingan ng Larawan: Eruplano: Larawan ng USAF. Bata: Larawan ng WHO ni W. Cutting. Lindol: Y. Ishiyama, Hokkaido University, Hapon.