Ang Hamon ng Pagkakaiba-iba ng Relihiyon
Bilang edukador, kayo po’y napapaharap sa isang hamon na bihirang makaharap ng mga edukador noong nakaraang mga siglo—ang pagkakaiba-iba ng relihiyon.
NOONG panahon ng Edad Medya, ang mga mamamayan ng isang bansa ay karaniwan nang pare-pareho ang relihiyon. Noon lamang pagtatapos ng ika-19 na siglo, sa Europa ay iilan lamang ang kilalang pangunahing mga relihiyon: Ang Katolisismo at Protestantismo sa kanluran, ang Orthodox at Islam sa silangan, at Judaismo. Walang alinlangan, ang pagkakaiba-iba ay mas laganap ngayon sa Europa at sa buong daigdig. Naitatag ang mga bagong relihiyon, na maaaring inaring sarili ng ilang tagaroon mismo o ipinasok ng mga dayuhan at mga refugee.
Kaya nga, sa mga bansa sa ngayon gaya ng Australia, Britanya, Pransiya, Alemanya, at Estados Unidos, makasusumpong tayo ng maraming Muslim, Budista, at mga Hindu. Kasabay nito, ang mga Saksi ni Jehova, bilang mga Kristiyano, ay aktibong naglilingkod sa mahigit na 230 lupain; sila’y naging ikalawa sa pinakamalaking relihiyon sa Italya at sa Espanya. Sa bawat isa sa 13 bansa, ang kanilang aktibong mga miyembro ay umaabot sa mahigit na 100,000.—Tingnan ang kahon “ Mga Saksi ni Jehova—Isang Pambuong-Daigdig na Relihiyon.”
Ang pagkakaiba-iba ng lokal na mga gawaing panrelihiyon ay maaaring magharap ng mga hamon sa mga edukador. Halimbawa, ang ilang mahahalagang tanong ay maaaring ibangon may kinalaman sa popular na mga selebrasyon: Dapat bang ipilit sa bawat estudyante ang lahat ng mga pagdiriwang—anuman ang kaniyang relihiyon? Ang karamihan ay baka hindi naman makakita ng anumang masama sa gayong mga pagdiriwang. Gayunman, hindi ba dapat na igalang din ang pangmalas ng mga pamilyang kabilang sa isang grupo ng minorya? At mayroon pang isang salik na dapat isaalang-alang: Sa mga bansang ang batas ay naghihiwalay sa relihiyon at Estado at sa gayo’y hindi inilalakip ang mga relihiyosong tagubilin sa kurikulum, hindi kaya ipagpalagay ng iba na hindi magiging makatuwiran kung ang gayong mga pagdiriwang ay gagawing sapilitan sa paaralan?
Mga Kapanganakan
Maaari pa ngang lumikha ng di-pagkakaunawaan ang mga pagdiriwang na sa wari’y kaunti lamang ang kaugnayan sa relihiyon, kung mayroon man. Totoo ito sa mga kapanganakan, na ipinagdiriwang sa maraming paaralan. Bagaman iginagalang ng mga Saksi ni Jehova ang karapatan ng iba na ipagdiwang ang kapanganakan, tiyak na batid ninyo na mamarapatin pa nilang huwag makibahagi sa gayong mga pagdiriwang. Ngunit marahil ay hindi ninyo nababatid ang mga dahilan kung bakit sila at ang kanilang mga anak ay nagpasiyang huwag makilahok sa mga pagdiriwang na ito.
Tinatawag ng le livre des religions (The Book of Religions), isang ensayklopidiya na malawakang ipinamahagi sa Pransiya, ang kaugaliang ito na isang ritwal at itinala na kabilang sa “seremonyang sekular.” Bagaman itinuring na di-nakasasamang sekular na kaugalian sa ngayon, ang mga pagdiriwang ng kapanganakan sa katunayan ay nagmula sa paganismo.
Ganito ang sabi ng The Encyclopedia Americana (edisyon ng 1991): “Ang sinaunang daigdig ng Ehipto, Gresya, Roma, at Persia ay nagdiwang ng mga kapanganakan ng mga diyos, hari, at mga maharlika.” Isiniwalat ng mga awtor na sina Ralph at Adelin Linton ang saligang dahilan nito. Sa kanilang aklat na The Lore of Birthdays, isinulat nila: “Ang Mesopotamia at Ehipto, ang pinagmulan ng sibilisasyon, ang siya ring unang mga lupain na ang mga lalaki ay umaalaala at nagdiriwang sa kanilang mga kapanganakan. Ang pag-iingat ng mga rekord ng kapanganakan ay mahalaga noong sinaunang panahon pangunahin nang dahil sa ang petsa ng kapanganakan ay kailangan sa paggawa ng horoscope.” Ang tuwirang kaugnayang ito sa astrolohiya ay isang dahilan ng labis na pagkabahala para sa sinumang umiiwas sa astrolohiya dahil sa sinasabi ng Bibliya tungkol dito.—Isaias 47:13-15.
Hindi kataka-taka kung gayon, mababasa natin sa The World Book Encyclopedia: “Hindi ipinagdiwang ng sinaunang mga Kristiyano ang Kaniyang [ni Kristo] kapanganakan sapagkat
itinuturing nila na ang selebrasyon ng kapanganakan ninuman ay isang kaugaliang pagano.”—Tomo 3, pahina 416.Taglay ang bagay na ito sa isipan, minarapat ng mga Saksi ni Jehova na huwag makibahagi sa mga pagdiriwang ng kapanganakan. Walang pagsala, ang pagsilang ng isang sanggol ay isang maligaya, kahanga-hangang pangyayari. Mangyari pa, lahat ng magulang ay nasisiyahan habang ang kanilang mga anak ay lumalaki at sumusulong sa paglipas ng bawat taon. Ang mga Saksi ni Jehova man ay nakasusumpong ng malaking kagalakan sa pagpapakita ng kanilang pag-ibig sa kanilang pamilya at mga kaibigan sa pamamagitan ng pagbibigayan ng mga regalo at sama-samang pagkakasayahan. Ngunit, dahil sa pinagmulan ng mga pagdiriwang ng kapanganakan, mas nanaisin nilang gawin ito sa ibang pagkakataon sa buong santaon.—Lucas 15:22-25; Gawa 20:35.
Pasko
Ang Pasko ay ipinagdiriwang sa buong daigdig, maging sa maraming di-Kristiyanong mga bansa. Yamang ang kapistahang ito ay tinatanggap ng karamihan sa mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan,
totoong waring nakapagtataka na minamarapat ng mga Saksi ni Jehova na huwag ipagdiwang ito. Bakit gayon?Gaya ng maliwanag na sinasabi ng maraming ensayklopidiya, ang kapanganakan ni Jesus ay walang-saligang itinakda sa Disyembre 25 upang itapat sa paganong kapistahan ng Romano. Pansinin ang sumusunod na mga pahayag na kinuha sa iba’t ibang reperensiya:
“Ang petsa ng kapanganakan ni Kristo ay hindi alam. Hindi sinasabi ng mga Ebanghelyo ang araw ni ang buwan.”—New Catholic Encyclopedia, Tomo III, pahina 656.
“Karamihan ng mga kaugalian kung Pasko na ngayo’y palasak sa Europa, o nakaulat mula noong sinaunang panahon, ay hindi tunay na mga kaugaliang Kristiyano, kundi mga kaugaliang pagano na kinuha o tinanggap ng Simbahan. . . . Ang Saturnalia sa Roma ay nagbigay ng modelo para sa karamihan ng mga kaugalian ng pagsasaya kung kapaskuhan.”—Encyclopædia of Religion and Ethics (Edinburgh, 1910), pinatnugutan ni James Hastings, Tomo III, pahina 608-9.
“Ang Pasko ay ipinagdiriwang na tuwing Disyembre 25 sa lahat ng mga simbahang Kristiyano simula pa noong ikaapat na siglo. Noong panahong iyon, ito ang petsa ng paganong kapistahan ng winter-solstice na tinatawag na ‘Pagsilang (Latin, natale) ng Araw,’ yamang ang araw ay waring ipinanganak na muli dahil sa ang mga araw minsan pa’y naging mas mahahaba. Sa Roma, inilakip ng simbahan ang napakapopular na kaugaliang ito . . . sa pamamagitan ng pagbibigay rito ng bagong kahulugan.”—Encyclopædia Universalis, 1968, (Pranses) Tomo 19, pahina 1375.
“Ang pagkakaroon ng kapistahan ng Pasko ay naimpluwensiyahan ng paghahambing sa mga paganong pagdiriwang ng Sol Invictus (Mithra). Sa kabilang dako, ang Disyembre 25, bilang ang araw ng winter solstice, ay inakalang kaisa ng liwanag na biglang suminag sa sanlibutan sa pamamagitan ni Kristo, at ang sagisag ng Sol Invictus ay inilipat kung gayon kay Kristo.”—Brockhaus Enzyklopädie, (Aleman) Tomo 20, pahina 125.
Nang mapag-alaman ang mga katotohanan tungkol sa Pasko, ano ang naging reaksiyon ng ilan? Ganito ang komento ng The Encyclopædia Britannica: “Noong 1644 ipinagbawal ng mga puritanong Ingles ang anumang pagsasaya o mga serbisyong panrelihiyon ayon sa
batas ng Parlamento, sa dahilang ito [ang Pasko] ay isang paganong kapistahan, at ipinag-utos na ito’y tuparin bilang pag-aayuno. Ibinalik ni Charles II ang kapistahan, subalit nanghawakan ang mga taga-Scotland sa pangmalas ng mga Puritano.” Hindi nagdiwang ng Pasko ang sinaunang mga Kristiyano, ni nagdiriwang man nito ang mga Saksi ni Jehova sa ngayon o nakikibahagi sa mga gawain na may kinalaman sa Pasko.Gayunman, ang Bibliya ay sumasang-ayon sa pagbibigayan ng mga regalo o pag-aanyaya sa pamilya at mga kaibigan para sa isang masayang pagsasalu-salo sa ibang mga okasyon. Hinihimok nito ang mga magulang na sanayin ang kanilang mga anak na maging tunay na bukas-palad, sa halip na magbigay ng regalo dahil lamang sa ito’y inaasahan ng karamihan. (Mateo 6:2, 3) Ang mga anak ng mga Saksi ni Jehova ay tinuruang maging mapagpaubaya at magalang, at lakip dito ang pagkilala sa karapatan ng iba na magdiwang ng Pasko. Sa kabilang dako naman, nagpapasalamat sila kapag ang kanilang pasiyang huwag makibahagi sa mga pagdiriwang ng Pasko ay iginagalang.
Iba Pang mga Pagdiriwang
Gayon pa rin ang paninindigan ng mga Saksi ni Jehova sa iba pang mga relihiyoso o may pagkarelihiyosong mga kapistahan na nagaganap sa buong taon ng pag-aaral sa iba’t ibang lupain, gaya ng mga kapistahan kung Hunyo sa Brazil, Epiphany sa Pransiya, Karnibal sa Alemanya, Setsubun sa Hapón, at Halloween sa Estados Unidos. May kinalaman dito o sa anumang iba pang espesipikong pagdiriwang na hindi nabanggit dito, ang mga magulang na Saksi o ang kanilang mga anak ay tiyak na matutuwa sa pagsagot sa anumang tanong ninyo.