Ang Layunin ng Brosyur na Ito
ANG pilosopong Olandes na si Spinoza ay sumulat: “Sinisikap kong huwag pagtawanan ang mga paggawi ng tao, huwag silang iyakan, ni sila’y kamuhian, kundi sila’y unawain.” Bilang isang edukador, kayo po’y napapaharap sa hamon na sikaping maunawaan ang mga pananaw, pinagmulan, at mga paninindigan ng mga estudyanteng nasa ilalim ng inyong pangangalaga, kasali na ang mga mag-aarál na anak ng mga Saksi ni Jehova. Kung minsan, ang mga estudyanteng ito ay naninindigan sa isang wari’y naiibang pangmalas sa ilang isyu. Subalit kapag ang gayong paggawi ay maliwanag na dahil sa relihiyoso at moral na mga paninindigan ng estudyante, nararapat lamang na sila’y pag-ukulan ninyo ng atensiyon. Ang brosyur na ito ay ginawa ng Watch Tower Bible and Tract Society (ang ahensiyang tagapaglathala ng mga Saksi ni Jehova) at sinadya upang tulungan kayong higit pang maunawaan ang mga estudyanteng Saksi. Inaasahan naming pag-uukulan ninyo ng panahon na basahin itong mabuti.
Ang pag-unawa sa mga paniniwalang relihiyoso ng iba ay hindi nangangahulugang tatanggapin ninyo o susundin ang mga iyon, at ang pagpapabatid ay hindi pangungumberte. Hindi hangarin ng brosyur na ito na igiit sa inyo o sa inyong mga estudyante ang mga relihiyosong pangmalas ng mga Saksi. Ang tanging hangad namin ay ang ipabatid sa inyo ang tungkol sa mga simulain at paniniwalang itinuturo ng kani-kanilang magulang sa ilan ninyong estudyante upang maging mas madali para sa inyo na maunawaan ang mga batang Saksi at makipagtulungan sa kanila. Sabihin pa, maaaring hindi palaging nagkakasuwato ang itinuturo sa mga bata at ang kanilang ginagawa, yamang ang bawat bata ay natututong magpasulong ng kaniyang sariling budhi.
Gaya ng karamihan sa mga magulang, nais ng mga Saksi ni Jehova na makinabang nang lubusan ang kanilang mga anak sa kanilang pag-aaral. Sa layuning iyan, tinuturuan nila ang kanilang mga anak na makipagtulungan sa kanilang mga guro. Samantala, nagpapahalaga naman ang mga magulang na Saksi at ang kanilang mga anak kapag sila’y pinakikitunguhan ng mga edukador taglay ang pang-unawa at paggalang.
Ang mga Saksi ni Jehova ay mga Kristiyanong kilalang-kilala sa buong daigdig. Gayunman, sila’y hindi nauunawaan kung minsan. Samakatuwid, umaasa po kami na kayo’y tutulungan ng brosyur na ito na maunawaan pang higit ang mga batang Saksi na nasa ilalim ng inyong pangangalaga. Lalo na, umaasa kaming mauunawaan ninyo kung bakit, sa ilang partikular na mga kalagayan, sinasabi nilang sila’y may karapatang maging iba.