Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Papel ng mga Magulang

Ang Papel ng mga Magulang

Walang alinlangan, ang pagpapalaki sa mga anak upang maging timbang na mga adulto sa lipunan sa ngayon ay hindi madaling tungkulin.

INILATHALA ng U.S. National Institute of Mental Health ang mga resulta ng isang surbey sa mga magulang na itinuturing na matagumpay​—yaong ang mga anak, na may edad na mahigit 21, “ay kapaki-pakinabang na mga adulto na waring mahusay na nakikibagay sa ating lipunan.” Tinanong ang mga magulang na ito: ‘Batay sa inyong sariling karanasan, ano ang pinakamabuting payo na maibibigay ninyo sa ibang magulang?’ Ang pinakamalimit na sagot ay ito: ‘Pakamahalin sila,’ ‘disiplinahin sa kanilang ikagagaling,’ ‘gugulin ang panahon nang magkasama,’ ‘ituro sa mga anak na makilala ang tama at mali,’ ‘paunlarin ang paggalang sa isa’t isa,’ ‘talagang pakinggan sila,’ ‘patnubayan sila sa halip na sermonan,’ at ‘maging realistiko.’

Ang mga edukador ay may mahalagang papel na ginagampanan sa paghubog ng mahusay-makibagay na mga binata at dalaga

Gayunman, ang mga magulang ay hindi nag-iisa sa pagpapagal upang makahubog ng mahusay-makibagay na mga binata at dalaga. Ang mga edukador man ay may mahalagang papel na ginagampanan dito. Ganito ang komento ng isang makaranasang tagapayo sa paaralan: “Ang pangunahing layunin ng pormal na edukasyon ay upang makipagtulungan sa mga magulang sa pagpapalaki ng responsableng mga anak na binata at dalaga na lubusang hinubog sa intelektuwal, pisikal, at emosyonal na paraan.”

Kaya nga ang mga magulang at ang mga edukador ay may iisa lamang layunin​—ang makahubog ng mga kabataang magiging maygulang at timbang na mga adulto sa hinaharap na nasisiyahan sa buhay at nakasusumpong ng kanilang angkop na dako sa lipunan na kanilang ginagalawan.

Kamanggagawa, Hindi Kakompetensiya

Gayunman, bumabangon ang mga suliranin kapag ang mga magulang ay hindi nakikipagtulungan sa mga edukador. Halimbawa, ang ilang magulang ay lubos na nagwawalang-bahala sa edukasyon ng kanilang mga anak; ang iba’y nagsisikap na makipagkompetensiya sa mga guro. Sa pagtalakay sa kalagayang ito, isang babasahin sa wikang Pranses ang nagsabi: “Hindi na nag-iisang kapitan ngayon ang guro. Palibhasa’y wala nang nasa isip ang mga magulang kundi ang tagumpay ng kanilang mga anak, kanilang iniisa-isa ang mga aklat-aralin, hinahatulan at pinipintasan ang mga paraan ng pagtuturo, at karaka-rakang nagagalit sa unang mababang marka ng kanilang mga anak.” Ang ganiyang mga paggawi ay panghihimasok sa kaukulang karapatan ng mga guro.

Nadarama ng mga Saksi ni Jehova na mas natutulungan ang kanilang mga anak kapag ang mga magulang ay nakikipagtulungan sa mga edukador, masipag at matulungin sa pagpapakita ng interes sa edukasyon ng kanilang mga anak

Nadarama ng mga Saksi ni Jehova na mas natutulungan ang kanilang mga anak kapag ang mga magulang ay nakikipagtulungan sa mga edukador, masipag at matulungin sa pagpapakita ng interes sa edukasyon ng kanilang mga anak. Ang gayong pakikipagtulungan, sa kanilang paniniwala, ay totoong mahalaga sapagkat ang inyo pong tungkulin bilang isang edukador ay patuloy na bumibigat.

Ang mga Suliranin Ngayon sa Paaralan

Palibhasa’y naaaninag ang lipunan bilang kinabibilangan ng mga ito, ang mga paaralan ay hindi ligtas mula sa mga suliranin ng lipunan sa kabuuan. Ang mga suliraning panlipunan ay mabilis na tumitindi sa paglipas ng mga taon. Bilang paglalarawan sa mga kalagayan sa isang paaralan sa Estados Unidos, ang The New York Times ay nag-ulat: “Natutulog ang mga estudyante sa klase, nagbabantaan sila sa isa’t isa sa mga pasilyong punung-puno ng kung anu-anong dibuho na di na kayang burahin, nilalait nila ang matitinong estudyante. . . . Halos lahat ng estudyante ay nakikipagpunyagi sa mga suliraning gaya ng pag-aalaga sa mga sanggol, pakikitungo sa nakabilanggong mga magulang at ang maligtasan ang karahasan ng iba’t ibang barkada. Sa anumang araw, halos sangkalima ang lumiliban sa klase.”

Ang lalo nang nakatatakot ay ang lumalagong pandaigdig na suliranin ng karahasan sa mga paaralan. Ang paminsan-minsang awayan tulad ng pagtulak at pagsalya ay napalitan na ng kinaugaliang pamamaril at pananaksak. Naging mas palasak ang mga sandata, mas matitindi ang mga pagsalakay, mas madaling sumilakbo ang galit ng mga bata at nasa mas nakababatang edad.

Totoo na hindi lahat ng bansa ay napapaharap sa ganitong malagim na mga kalagayan. Gayunman, maraming edukador sa buong daigdig ang napapaharap sa kalagayang binanggit ng wikang Pranses na lingguhang babasahin na Le Point: “Hindi na iginagalang ang guro; wala na siyang awtoridad.”

Ang matagumpay na mga magulang ay gumugugol ng panahon kasama ng kanilang mga anak

Ang gayong pagkawalang-galang sa awtoridad ay napakapanganib sa lahat ng mga bata. Kaya nga ang mga Saksi ni Jehova ay nagsisikap na ikintal sa kanilang mga anak ang pagkamasunurin at paggalang sa awtoridad, mga katangiang karaniwan nang hindi matatagpuan sa buhay ngayon sa paaralan.