Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Sinisikap ng mga Saksi ni Jehova na itanim ang tunay na Kristiyanong moralidad sa kanilang mga anak

Mga Pamantayang Moral na Karapat-dapat sa Paggalang

Mga Pamantayang Moral na Karapat-dapat sa Paggalang

Sa buong kasaysayan, ang matatapang na lalaki at babae ay nanindigan bagaman salungat sa pag-iisip ng nakararami noong kanilang kapanahunan. Nabata nila ang mga kalupitan sa pulitika, relihiyon, at lahi, anupat madalas na ibinibigay ang kanilang buhay para sa kanilang simulain.

ANG SINAUNANG mga Kristiyano ang lalo nang may tibay-loob. Sa panahon ng matitinding pag-uusig noong unang tatlong siglo, marami sa kanila ang pinatay ng mga paganong Romano dahil sa pagtangging sumamba sa emperador. Noong minsan, nagtayo ng isang altar sa arena. Upang matamo ang kanilang kalayaan, magsusunog lamang ng isang karampot na insenso ang mga Kristiyano bilang pagkilala sa banal na katayuan ng emperador. Subalit, iilan lamang ang nakipagkompromiso. Minabuti ng karamihan ang mamatay sa halip na talikuran ang kanilang pananampalataya.

Sa modernong panahon, gayundin ang paninindigan ng mga Kristiyanong Saksi ni Jehova kung tungkol sa pagiging neutral sa pulitika. Halimbawa, ang kanilang matatag na paninindigan sa harap ng Nazismo ay isang bagay na mapatutunayan sa mga ulat ng kasaysayan. Bago at noong panahon ng ikalawang digmaang pandaigdig, humigit-kumulang sa sangkapat ng mga Saksing Aleman ang namatay, karamihan ay sa mga kampong piitan, sapagkat sila’y nanatiling neutral at tumangging magsabi ng “Heil Hitler.” Ang maliliit na anak ay pilit na inihiwalay sa kanilang Saksing mga magulang. Sa kabila ng panggigipit, nanatiling matatag ang mga bata at tumangging mahawahan ng mga turong di-maka-Kasulatan na tinangkang ipilit sa kanila ng iba.

Ang Pagsaludo sa Bandila

Ang mga Saksi ni Jehova ay hindi naman karaniwang tampulan ng gayong mapait na pag-uusig sa ngayon. Gayunman, bumabangon kung minsan ang mga di-pagkakaunawaan dahil sa pasiya ayon sa budhi ng mga batang Saksi na huwag makilahok sa mga seremonyang makabayan, gaya ng pagsaludo sa bandila.

“Ibigay kay Cesar ang nauukol kay Cesar​—at sa Diyos ang nauukol sa Diyos”—Mateo 22:​21, Jerusalem Bible

Ang mga anak ng mga Saksi ni Jehova ay tinuturuan na huwag pigilan ang iba sa pagsaludo sa bandila; ang bawat isa ang dapat magpasiya. Gayunman, ang paninindigan ng mga Saksi mismo ay matatag: Hindi sila sumasaludo sa bandila ng alinmang bansa. Sa anumang paraan ay hindi ito nagpapahiwatig ng kawalan ng paggalang. Tunay na iginagalang nila ang bandila ng anumang bansang pinaninirahan nila, at ipinakikita nila ang paggalang na ito sa pamamagitan ng pagtalima sa mga batas ng bansa. Hindi sila kailanman nag-aabala sa anumang uri ng mga gawaing labag sa pamahalaan. Sa katunayan, naniniwala ang mga Saksi na ang kasalukuyang mga pamahalaan ng tao ay bahagi ng “kaayusan ng Diyos” na pinahihintulutan niyang umiral. Kaya itinuturing nila ang kanilang mga sarili na nasa ilalim ng banal na utos na magbayad ng buwis at igalang ang “nakatataas na mga awtoridad” na ito. (Roma 13:​1-7) Ito’y kasuwato ng popular na pangungusap ni Kristo: “Ibigay kay Cesar ang nauukol kay Cesar​—at sa Diyos ang nauukol sa Diyos.”​—Mateo 22:​21, Katolikong Jerusalem Bible.

‘Ngunit bakit naman,’ marahil ay itatanong ng ilan, ‘ang mga Saksi ni Jehova ay ayaw gumalang sa bandila sa pamamagitan ng pagsaludo rito?’ Iyon ay sapagkat ang pangmalas nila sa pagsaludo sa bandila ay isang gawang pagsamba, at ang pagsamba ay nauukol sa Diyos; dahil sa budhi, hindi sila makasasamba sa sinuman o sa anumang bagay maliban sa Diyos. (Mateo 4:10; Gawa 5:29) Samakatuwid, nagpapasalamat sila kapag iginagalang ng mga edukador ang paninindigang ito at pinahihintulutan ang mga batang Saksi na maging tapat sa kanilang paniniwala.

Hindi kataka-taka, ang mga Saksi ni Jehova ay hindi nag-iisa sa paniniwalang ang bandila ay may kaugnayan sa pagsamba, gaya ng ipinakikita sa sumusunod na mga komento:

“Ang mga bandila noong una ay halos isang bagay na ukol sa relihiyon lamang. . . . Ang tulong ng relihiyon ay tila baga laging kinakailangan upang bigyan ng kabanalan ang mga bandila ng mga bansa.” (Amin ang italiko.)​—Encyclopædia Britannica.

“Ang bandila, katulad ng krus, ay sagrado. . . . Ang mga alituntunin at regulasyon may kaugnayan sa saloobin ng tao sa mga pambansang sagisag ay gumagamit ng mapuwersa, makahulugang mga salita, gaya ng, ‘Paglilingkuran sa Bandila,’ . . . ‘Pagpipitagan sa Bandila,’ ‘Debosyon sa Bandila.’ ” (Amin ang italiko.)​—The Encyclopedia Americana.

“Ang mga Kristiyano ay tumangging . . . maghandog sa kagalingan ng [Romanong] emperador​—na halos siyang katumbas ngayon ng pagtangging sumaludo sa bandila o bumigkas ng panunumpa ng katapatan.”​—Those About to Die (1958), ni Daniel P. Mannix, pahina 135.

Tatlong kabataang lalaking Hebreo ang tumangging yumukod sa harap ng istatuwa na itinayo ng hari ng Babilonya na si Nabucodonosor

Muli, walang intensiyon ang mga Saksi ni Jehova na huwag igalang ang anumang pamahalaan o ang namamahala nito sa pamamagitan ng pagtangging sumaludo sa bandila. Iyo’y dahil lamang sa ayaw nila, sa pamamagitan ng isang gawang pagsamba, na yumukod o sumaludo sa isang imahen na kumakatawan sa Estado. Itinuturing nila iyon na katulad ng paninindigang pinangatawanan ng tatlong kabataang lalaking Hebreo noong panahon ng Bibliya na tumangging yumukod sa harap ng istatuwa na itinayo ng hari ng Babilonya na si Nabucodonosor sa kapatagan ng Dura. (Daniel, kabanata 3) Kaya nga, samantalang ang iba’y sumasaludo at sumusumpa ng katapatan, ang mga anak ng mga Saksi ni Jehova naman ay tinuruang sumunod sa kanilang sinanay-sa-Bibliyang budhi. Samakatuwid, sila’y tahimik at buong-paggalang na umiiwas na makisali. Sa gayunding kadahilanan, minamarapat ng mga batang Saksi na huwag makisali kapag inaawit o tinutugtog ang mga pambansang awit.

Ang Karapatan ng mga Magulang

Sa ngayon, karamihan sa mga bansa ay gumagalang sa karapatan ng mga magulang na bigyan ang kanilang mga anak ng mga relihiyosong tagubilin kasuwato ng kanilang mga pananalig. Ang karapatang ito’y sinusuportahan ng lahat ng relihiyon, gaya ng inilalarawan sa batas ng canon na ipinatutupad pa rin ng Iglesya Katolika: “Dahil sa sila ang nagbigay ng buhay sa kanilang mga anak, ang mga magulang ay nasa ilalim ng napakahigpit na pananagutang turuan sila, at may karapatang gawin ang bagay na iyon; kaya nga marapat lamang sa mga magulang na pangunahing paglaanan ang kanilang mga anak ng isang Kristiyanong edukasyon ayon sa doktrina ng Iglesya.”​—Canon 226.

Hinihimok ang mga bata na magmalasakit sa iba

Wala nang hinihiling pang iba ang mga Saksi ni Jehova. Bilang nagmamalasakit na mga magulang, sinisikap nilang itanim ang tunay na Kristiyanong moralidad sa kanilang mga anak at ikintal sa kanila ang pag-ibig sa kapuwa at paggalang sa pag-aari ng iba. Hangad nilang sundin ang payong ibinigay ni apostol Pablo sa mga Kristiyano sa Efeso: “Mga magulang, huwag ninyong pakitunguhan ang inyong mga anak sa paraang sila’y magagalit. Sa halip, palakihin sila sa Kristiyanong disiplina at tagubilin.”​—Efeso 6:​4, Today’s English Version.

Mga Nababahaging Sambahayan Dahil sa Relihiyon

Sa ilang pamilya, isang magulang lamang ang Saksi ni Jehova. Sa ganitong kalagayan, hinihimok ang magulang na Saksi na kilalanin din ang karapatan ng di-Saksing magulang na turuan ang mga anak ayon sa kaniyang mga relihiyosong pananalig. Ang mga anak na napahantad sa magkaibang relihiyosong paniniwala ay bihirang dumaranas ng masamang epekto, kung mayroon man. * Ang totoo, lahat ng anak ay kailangang magpasiya kung anong relihiyon ang kanilang susundin. Natural lamang, hindi lahat ng mga bata ay pumipili na sundin ang mga simulaing relihiyoso ng kanilang mga magulang, Saksi ni Jehova man o hindi.

Ang Karapatan ng mga Bata sa Kalayaan ng Budhi

Kailangan din po ninyong mabatid na ang mga Saksi ni Jehova ay lubhang nagpapahalaga sa Kristiyanong budhi ng bawat isa. (Roma, kabanata 14) Ang Kombensiyon hinggil sa Karapatan ng Bata, na inilakip ng General Assembly of the United Nations noong 1989, ay kumilala sa karapatan ng bata sa “kalayaan ng pag-iisip, budhi, at relihiyon” at ang karapatan na “malayang ipahayag ang kaniyang opinyon at isaalang-alang ang opinyong iyan sa anumang bagay o paraan na makaaapekto sa bata.”

Walang dalawang bata ang eksaktong magkatulad. Samakatuwid, makatuwiran lamang na asahan ang ilang pagkakaiba sa mga pasiyang ginagawa ng mga batang Saksi o ibang estudyante may kinalaman sa ilang gawain at atas sa paaralan. Nagtitiwala kami na kayo’y sumasang-ayon din sa simulain ng kalayaan ng budhi.

^ Tungkol sa mga anak ng mag-asawang may magkaibang relihiyon, ganito ang komento ni Steven Carr Reuben, Ph.D., sa kaniyang aklat na Raising Jewish Children in a Contemporary World: “Ang mga anak ay nalilito kapag ang mga magulang ay namumuhay sa patuloy na pagkakaila, pagkalito, paglilihim, at pag-iwas sa mga isyu tungkol sa relihiyon. Kapag ang mga magulang ay prangka, tapat, walang-pag-aalinlangan sa kaniyang pinaniniwalaan, sa pamantayang moral, at sa ipinagdiriwang, ang mga anak ay lumalaking taglay ang seguridad at sariling kahalagahan may kinalaman sa relihiyon na kailangang-kailangan sa pagpapasulong ng kanilang pangkalahatang pagpapahalaga sa sarili at pagkilala sa kanilang dako sa daigdig.”