Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Programa Ukol sa Edukasyon

Mga Programa Ukol sa Edukasyon

Kilalang-kilala ang mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig sa kanilang gawain ukol sa edukasyon sa Bibliya.

DAHIL sa pagpapahalaga nila sa kanilang gawaing pagtuturo ng Bibliya, maaaring akalain ng iba na hindi sila interesado sa sekular na edukasyon. Subalit hindi totoo iyan. Upang makapagturo sa iba, ang isang guro ay dapat na matuto muna, at ito’y nangangailangan ng wastong pagsasanay at instruksiyon. Kaya bukod pa sa paggamit na mabuti ng sekular na pinag-aralan, ang mga Saksi ni Jehova ay nakinabang na sa loob ng maraming taon sa iba’t ibang mga programa ukol sa edukasyon at sa mga paaralang pinangangasiwaan ng Samahang Watch Tower. Ang mga ito’y nakatulong sa mga Saksi at sa iba pa upang pasulungin ang kanilang mga sarili sa paraang mental, moral, at espirituwal.

Halimbawa, sa maraming bansa ang mga Saksi ay napaharap sa isang natatanging hamon​—kung papaano tuturuan ang mga tao na kakaunti lamang ang pinag-aralan o hindi nagkaroon ng pagkakataong tumanggap ng wastong edukasyon at sa gayo’y hindi natutong bumasa o sumulat. Upang masapatan ang pangangailangang ito, nag-organisa ang Samahang Watch Tower ng mga programa sa pagbasa’t pagsulat.

Halimbawa, sa Nigeria, ang mga klase sa pagbasa’t pagsulat ay pinaiiral na ng mga Saksi ni Jehova mula pa noong 1949. Nang sumapit ang 1961, libu-libong taga-Nigeria ang sa gayo’y natutong bumasa, at ipinakikita ng naiingatang ulat na sa pagitan ng 1962 at 1994, isang kabuuang 25,599 pang mga adulto ang tinuruang bumasa’t sumulat sa mga klaseng ito. Ipinakikita ng kamakailang pagsusuri na mahigit sa 90 porsiyento ng mga Saksi ni Jehova sa Nigeria ang marunong bumasa’t sumulat, kung ihahambing sa wala pang 50 porsiyento ng natitirang populasyon. Sa Mexico, pinasimulan ng Samahang Watch Tower ang mga klase sa pagbasa’t pagsulat noong 1946. Noong 1994, mahigit sa 6,500 katao ang tinuruang bumasa’t sumulat. Sa pagitan ng 1946 at 1994, mahigit sa 127,000 ang natulungang maging edukado. Ang mga klase sa pagbasa’t pagsulat ay naorganisa rin sa maraming iba pang bansa, gaya ng Bolivia, Cameroon, Honduras, at Zambia.

Ang mga programang ito sa pagbasa’t pagsulat ay karaniwang kinikilala ng mga awtoridad sa edukasyon sa mga lupaing nagsasagawa nito. Halimbawa, sa Mexico, isang tagapaglingkod publiko ang sumulat: “Nagpapasalamat ako sa inyong pakikipagtulungan, at sa ngalan ng pamahalaan ng estado ipinaaabot ko sa inyo ang kanilang buong taimtim na pagbati dahil sa inyong napakabuting progresibong gawain para sa kapakinabangan ng mga tao sa pagdadala ng liwanag ng kaalaman sa mga hindi marunong bumasa’t sumulat. . . . Hangad ko ang inyong tagumpay sa inyong gawaing pagtuturo.”

Ang Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro

Ang mga estudyante sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro ay tumatanggap ng pagsasanay sa pagbasa at pagsasalita sa madla

Palibhasa’y napakalaki ng kanilang pagpapahalaga sa kanilang gawaing pagtuturo sa Bibliya, nagsisikap ang mga Saksi ni Jehova na mapasulong pa ang kanilang kakayahang magpaliwanag sa iba ng mga turo ng Bibliya. Upang mailaan ang ganitong uri ng tulong, sa bawat isa sa mahigit na 75,000 kongregasyon sa buong daigdig, isang pulong na tinatawag na Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro ang ginaganap linggu-linggo. Lahat ng nakatala, mga Saksi man o hindi, ay naghahalinhinan sa pagbibigay ng maikling presentasyon sa mga tagapakinig tungkol sa isang patiunang-piniling paksa. Anuman ang edad nila, ang mga estudyante pagkaraan ay tumatanggap ng payo mula sa instruktor sa layuning sanayin sila sa kakayahan ng pagbasa at pagsasalita sa madla. Maging ang mga pinakabata, kapag marunong na silang bumasa, ay maaaring magpatala at tumanggap ng ganitong pagsasanay, na napatunayang kapaki-pakinabang din sa kanila sa ibang bahagi, kasali na ang kanilang sekular na pag-aaral. Maraming edukador ang nagkomento na ang mga estudyanteng Saksi ay napakagagaling magpahayag ng kanilang sarili.

Ang pagbabasa ay masiglang iminumungkahi sa kanilang mga kongregasyon, at ang bawat pamilya ay hinihimok ding magkaroon ng isang aklatang pampamilya na may iba’t ibang publikasyon

Karagdagan pa, ang bawat kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova ay hinihimok na magkaroon sa Kingdom Hall nito, o dakong pinagpupulungan, ng isang aklatan na naglalaman ng mga pantulong sa Bibliya, diksiyunaryo, at iba pang mga reperensiya. Ang aklatang ito ay magagamit ng lahat ng dumadalo sa mga pulong sa Kingdom Hall. Ang pagbabasa ay masiglang iminumungkahi sa kanilang mga kongregasyon, at ang bawat pamilya ay hinihimok ding magkaroon ng isang aklatang pampamilya na may iba’t ibang publikasyon upang masapatan ang pangangailangan ng mga bata at matatanda.

Iba Pang mga Paaralan

Ang Samahang Watch Tower ay mayroon ding mga paaralan para sa pagsasanay ng mga lalaki at babaing misyonero, gayundin ng mga paaralan para sa pagsasanay ng mga lalaking may ministeryal na mga pananagutan sa lokal na mga kongregasyon. Ang mga paaralang ito ay karagdagang katibayan na ang mga Saksi ni Jehova ay lubhang nagpapahalaga sa edukasyon.