Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Paano Ko Gagawing Kasiya-siya ang Pagsamba sa Diyos?

Paano Ko Gagawing Kasiya-siya ang Pagsamba sa Diyos?

KABANATA 38

Paano Ko Gagawing Kasiya-siya ang Pagsamba sa Diyos?

Nakahilata ang 16-anyos na si Josh. Nakatayo ang nanay niya sa may pinto. “Joshua, bangon na!” ang sabi nito. “Alam mo namang pulong ngayong gabi, ’di ba?” Saksi ni Jehova ang pamilya ni Josh, at regular na bahagi ng kanilang pagsamba ang pagdalo sa mga Kristiyanong pagpupulong. Pero nitong huli, tinatamad nang dumalo si Josh.

“Nay naman, kailangan ko ba talagang dumalo?” ang angal niya.

“Tama na’ng reklamo. Magbihis ka na. Male-late na naman tayo!” ang sabi ng nanay niya, sabay alis.

“Pero Nay,” ang pahabol ni Josh habang ’di pa nakakalayo ang nanay niya. “Hindi dahil iyan ang relihiyon ninyo, iyan na rin ang relihiyon ko.” Alam niyang narinig siya ng nanay niya dahil huminto ang mga yabag nito. Pero hindi na ito sumagot at nagpatuloy na sa paglalakad.

Medyo nakonsiyensiya si Josh. Hindi naman niya gustong saktan ang nanay niya. Pero wala rin siyang planong magsori. Wala na siyang magawa kundi . . .

Magbuntung-hininga at magbihis. Saka bumulung-bulong siya sa sarili: “Balang-araw, ako na ang magdedesisyon para sa sarili ko. Hindi naman ako katulad ng mga nasa Kingdom Hall. Hindi talaga ako bagay maging Kristiyano!”

PAREHO ba kayo ni Josh? May pagkakataon bang habang nasisiyahan ang iba sa Kristiyanong gawain, ikaw naman ay napipilitan lang? Halimbawa:

● Para bang dagdag na assignment lang sa iyo ang pag-aaral ng Bibliya?

● Ayaw mo bang mangaral sa bahay-bahay?

● Naiinip ka ba sa pulong?

Kung oo ang sagot mo, huwag kang masiraan ng loob. Puwede ka ring masiyahan sa paglilingkod sa Diyos. Tingnan natin kung paano.

HAMON 1 Pag-aaral ng Bibliya

Bakit hindi madali? Baka hindi ka talaga mahilig mag-aral. Mainipin ka​—hiráp mag-concentrate at di-makatagal sa upuan! Isa pa, baka pagód ka na sa dami ng pinag-aralan mo sa school.

Bakit dapat gawin? Pinatnubayan ng Diyos ang pagsulat ng Bibliya. Ito rin ay “magagamit sa pagtuturo ng katotohanan, . . . sa pagtutuwid sa likong gawain, at sa pag-akay sa matuwid na pamumuhay.” (2 Timoteo 3:16, Magandang Balita Biblia) Sa pag-aaral ng Bibliya at pagbubulay-bulay sa mga nabasa mo, lalawak ang iyong kaalaman. Tandaan, kailangan ang pagsisikap. Kung gusto mong maging mahusay sa isang isport, kailangan mong pag-aralan ang laro at praktisin ito. Kung gusto mong maging malusog, kailangan mong mag-ehersisyo. Kung gusto mong makilala ang iyong Maylalang, kailangan mong mag-aral ng Salita ng Diyos.

Ang sabi ng ibang kabataan. “Pagtuntong ng haiskul, nakita kong kailangan kong gumawa ng malaking desisyon. Ang daming kalokohan ng mga kaeskuwela ko. Kaya naitanong ko, ‘Iyan din ba ang gusto kong gawin? Totoo ba talaga ang itinuturo sa akin ng mga magulang ko?’ Kailangan kong alamin ang sagot.”​—Tshedza.

“Mula pagkabata, tinuruan na ako ng katotohanan. Pero kailangan kong mapatunayan ito sa sarili ko. Sasamba ako sa Diyos dahil gusto ko​—hindi dahil gusto ng pamilya ko.”​—Nelisa.

Ang puwede mong gawin. Mag-iskedyul ng personal na pag-aaral sa Bibliya. Ikaw ang pumili ng gusto mong pag-aralan. Ano kaya ang puwede mong unahin? Bakit hindi mo suriin ang iyong paniniwala, marahil sa tulong ng aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? a

Simulan mo na! Lagyan ng ✔ ang dalawa o tatlong paksa sa Bibliya na gusto mong matutuhan nang higit​—o, kung gusto mo, isulat ang ilan sa mga paksang naiisip mo.

□ May Diyos ba?

□ Paano ako makakatiyak na ginabayan ng Diyos ang pagsulat ng Bibliya?

□ Bakit makatuwirang maniwala sa paglalang imbes na sa ebolusyon?

□ Ano ang Kaharian ng Diyos, at paano ko mapapatunayan na umiiral ito?

□ Paano ko ipaliliwanag kung ano ang nangyayari kapag namatay ang tao?

□ Ano ang nakakakumbinsi sa akin na totoo ang pagkabuhay-muli?

□ Paano ko matitiyak kung alin ang tunay na relihiyon?

․․․․․

HAMON 2 Pangangaral

Bakit hindi madali? Nakakanerbiyos ipakipag-usap sa iba ang Bibliya​—lalo na kung makikita ka ng kaeskuwela mo.

Bakit dapat gawin? Una, inutusan ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod: “Gumawa ng mga alagad . . . , na itinuturo sa kanila na tuparin ang lahat ng mga bagay na iniutos ko sa inyo.” (Mateo 28:19, 20) Isa pa, ipinakikita ng mga pag-aaral na sa ilang lupain, karamihan sa mga kabataan ay naniniwala sa Diyos at sa Bibliya. Pero wala silang tunay na pag-asa. Dahil nag-aaral ka ng Bibliya, maibabahagi mo ang mismong impormasyong kailangan nila! Kung gagawin mo ito, mas magiging maligaya ka, at higit sa lahat, mapapasaya mo ang puso ni Jehova.​—Kawikaan 27:11.

Ang sabi ng ibang kabataan. “Naghanda kami ng kaibigan ko ng epektibong mga introduksiyon, at pinag-aralan namin kung paano dadalaw muli at haharapin ang mga pagtutol. Mas nae-enjoy ko ngayon ang pangangaral.”​—Nelisa.

“Ang laki ng naitulong sa akin ng isang sister! Anim na taon ang tanda niya sa akin. Isinasama niya ako sa pangangaral. Minsan nag-aalmusal pa kami sa labas. Nagbago ang pananaw ko dahil sa mga tekstong ipinabasa niya. Dahil sa magandang halimbawa niya, natuto akong magpakita ng higit na interes sa mga tao. Ang laki ng utang na loob ko sa kaniya!”​—Shontay.

Ang puwede mong gawin. Matapos humingi ng pahintulot sa mga magulang mo, humanap ng isang kakongregasyon na mas matanda sa iyo, na puwede mong makasama sa pangangaral. (Gawa 16:1-3) Sinasabi ng Bibliya: “Sa pamamagitan ng bakal, ang bakal ay napatatalas. Gayundin pinatatalas ng isang tao ang mukha ng iba.” (Kawikaan 27:17) Malaking tulong ang pagsama sa mga makaranasan. “Masarap kasama ang mga mas matanda sa iyo,” ang sabi ni Alexis, 19.

Simulan mo na! Isulat sa ibaba ang pangalan ng isang kakongregasyon na makakatulong sa iyo sa pangangaral, bukod sa iyong mga magulang.

․․․․․

HAMON 3 Pagdalo sa Pulong

Bakit hindi madali? Maghapon ka nang nakaupo sa eskuwela, pero uupo ka pa ulit nang mahigit isang oras para makinig ng mga pahayag mula sa Bibliya.

Bakit dapat gawin? Pinapayuhan ng Bibliya ang mga Kristiyano: “Isaalang-alang natin ang isa’t isa upang mag-udyukan sa pag-ibig at sa maiinam na gawa, na hindi pinababayaan ang ating pagtitipon, gaya ng kinaugalian ng iba, kundi nagpapatibayang-loob sa isa’t isa, at lalung-lalo na samantalang inyong nakikita na papalapit na ang araw.”​—Hebreo 10:24, 25.

Ang sabi ng ibang kabataan. “Kailangan talagang paghandaan ang mga pulong. Minsan kailangan mo lang kumbinsihin ang sarili mo na mag-aral. Kapag nakapaghanda ka, masisiyahan ka sa pulong kasi nakakasunod ka sa tinatalakay, at nakakapagkomento pa.”​—Elda.

“Nung nakakapagkomento na ako, mas nae-enjoy ko na ang pulong.”​—Jessica.

Ang puwede mong gawin. Maglaan ng panahon sa paghahanda, at hangga’t maaari, magkomento. Mas madarama mong bahagi ka ng pulong.

Bilang paglalarawan: Saan ka mas mag-e-enjoy​—sa panonood ng isang isport sa TV o sa paglalaro mismo nito? Siyempre mas enjoy ka kung kasali ka at hindi tagapanood lang. Ganiyan din sana ang maging pananaw mo sa mga Kristiyanong pagpupulong.

Simulan mo na! Isulat sa ibaba kung kailan ka puwedeng maglaan ng kahit 30 minuto bawat linggo para maghanda sa isang pulong ng kongregasyon.

․․․․․

Napatunayan ng maraming kabataan ang sinasabi ng Awit 34:8: “Tikman ninyo at tingnan na si Jehova ay mabuti.” Masisiyahan ka ba kung ikukuwento lang sa iyo ang tungkol sa isang napakasarap na pagkain? Hindi ba’t mas okey kung matitikman mo ito? Ganiyan din sa pagsamba sa Diyos. Tikman mo at tingnan kung gaano kasarap makibahagi rito. Sinasabi ng Bibliya na ang isa na hindi lang basta tagapakinig kundi tagatupad din ay “magiging maligaya sa paggawa niya nito.”​—Santiago 1:25.

SA SUSUNOD NA KABANATA

Ano ang tunguhin mo? Paano mo ito maaabot? Alamin.

[Talababa]

a Inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

TEMANG TEKSTO

“Magbagong-anyo kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong pag-iisip, upang mapatunayan ninyo sa inyong sarili ang mabuti at kaayaaya at sakdal na kalooban ng Diyos.”​—Roma 12:2.

TIP

Magdala ng notebook at kumuha ng nota sa mga Kristiyanong pagpupulong. Kapag ginawa mo ito, mabilis na lilipas ang oras at mas madali kang matututo!

ALAM MO BA . . . ?

Hindi naman masamang suriin mo ang iyong mga paniniwala. Kung magtatanong ka at magsasaliksik, makikita mo kung tama nga ang mga natutuhan mo tungkol sa Diyos.​—Gawa 17:11.

ANG PLANO KONG GAWIN!

Maglalaan ako ng ․․․․․ minuto bawat araw para sa pagbabasa ng Bibliya at ․․․․․ naman bawat linggo para maghanda sa mga Kristiyanong pagpupulong.

Para hindi lumipad ang isip ko habang nagpupulong, ang gagawin ko ay ․․․․․

Ang mga gusto kong itanong sa (mga) magulang ko hinggil sa bagay na ito ay ․․․․․

Ano sa Palagay Mo?

● Bakit parang tinatamad kung minsan ang isang tin-edyer na dumalo sa pulong, mag-aral ng Bibliya, at mangaral?

● Alin sa tatlong ito ang gusto mong pasulungin?

[Blurb sa pahina 278]

“Ang relihiyong kinabibilangan ko ay hindi lang basta relihiyon ng magulang ko​—relihiyon ko ito. Si Jehova ang aking Diyos, at hindi ko hahayaang sirain ng anuman ang kaugnayan ko sa kaniya.”​—Samantha

[Kahon/Mga larawan sa pahina 280, 281]

May Tunguhin Sila

Sinasabi ng Bibliya: “Hindi ninyo nalalaman kung ano ang magiging buhay ninyo bukas.” (Santiago 4:14) Walang pinipiling edad ang kamatayan. Habang binabasa mo ang karanasan nina Catrina at Kyle, pansinin kung paanong sa maikling buhay nila ay nakagawa sila ng mabuting pangalan sa harap ni Jehova dahil sa pagtatakda at pag-abot ng espirituwal na mga tunguhin.​—Eclesiastes 7:1.

Namatay si Catrina sa edad na 18. Pero 13 pa lang siya, naisulat na niya ang kaniyang “plano sa buhay”​—isang listahan ng mga tunguhin niya. Kasama rito ang buong-panahong paglilingkod, pagboboluntaryo kung saan mas malaki ang pangangailangan, at pagtatayo ng mga Kingdom Hall kasama ng tatay niya. Isinulat niya: “Inialay ko na sa Diyos na Jehova ang buhay ko!” Gusto ni Catrina na “mamuhay ayon sa pamantayan ng Diyos at mapasaya siya.” Sa kaniyang libing, inilarawan si Catrina bilang isang “magandang dalaga na itinakda ang kaniyang buong buhay sa paglilingkod kay Jehova.”

Bata pa si Kyle, tinuruan na siyang magkaroon ng mga tunguhin. Pero namatay siya sa edad na 20 dahil sa isang aksidente sa sasakyan. Nakita ng mga kamag-anak ni Kyle ang “goal book” na ginawa niya kasama ng kaniyang nanay noong apat na taóng gulang pa lang siya. Ilan sa mga tunguhin niya ang magpabautismo, magpahayag sa Kingdom Hall, at maglingkod sa punong tanggapan ng mga Saksi ni Jehova para makatulong sa paglalathala ng mga literaturang tumutulong sa mga tao na makilala ang Diyos. Nang tingnan ng nanay niya ang aklat, sinabi nito, “Naabot niya ang lahat ng tunguhin niya.”

Ikaw, ano ang tunguhin mo? Hindi mo alam kung ano ang mangyayari bukas, kaya huwag sayangin ang bawat araw. Gaya nina Catrina at Kyle, gamitin ang panahon mo sa pinakamainam na paraan. Tularan si apostol Pablo, na nagsabi noong huling bahagi ng kaniyang buhay: “Naipaglaban ko na ang mainam na pakikipaglaban, natakbo ko na ang takbuhin hanggang sa katapusan, natupad ko na ang pananampalataya.” (2 Timoteo 4:7) Matutulungan ka ng susunod na kabanata na magawa iyan!

[Larawan sa pahina 274, 275]

Kung gusto mong maging malusog, kailangan mong mag-ehersisyo. Kung gusto mong maging malusog sa espirituwal, kailangan mong mag-aral ng Salita ng Diyos