Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Bakit Bawal Akong Mag-enjoy?

Bakit Bawal Akong Mag-enjoy?

KABANATA 37

Bakit Bawal Akong Mag-enjoy?

Para kay Allison, tin-edyer sa Australia, Lunes ng umaga ang pinakanakaka-stress na araw sa school.

“Pinag-uusapan ng lahat kung ano’ng ginawa nila nung weekend,” ang sabi niya. “Parang ang saya-saya nila; ikinukuwento nila kung ilang party ang napuntahan nila at kung ilang boys ang nahalikan nila​—pati kung paano sila nakipaghabulan sa mga pulis . . . Parang nakakatakot, pero exciting! Okey lang sa mga magulang nila kahit alas singko na ng umaga sila umuwi. Magsisimula pa lang silang gumimik, ako dapat tulog na!

“At pagkatapos nilang magkuwento, tatanungin naman nila ako kung ano’ng ginawa ko. Ako? Dumalo ng pulong. Nangaral. Pakiramdam ko, napag-iiwanan ako. Kaya sinasabi ko na lang sa kanila na wala akong ginawa. Tapos sasabihin nila na sana sumama na lang ako sa kanila.

“Akala mo tapos na ang problema ko? Hindi pa! Kinabukasan, paplanuhin na nila ang gagawin nila sa susunod na weekend! At tutunganga na naman ako habang nagkukuwentuhan sila. Talagang nakaka-out of place!”

GANIYAN din ba ang Lunes mo? Baka pakiramdam mo, ikinulong ka ng mga magulang mo sa bahay, samantalang ang saya-saya sa labas​—o para bang nasa amusement park ka pero ayaw ka namang pasakayin sa mga ride. Hindi naman sa gusto mong gawin ang lahat ng ginagawa ng ibang kabataan. Gusto mo lang mag-enjoy paminsan-minsan. Alin sa mga ito ang gustung-gusto mong gawin ngayong weekend?

□ magsayaw

□ manood ng concert

□ iba pa

□ mag-party

□ manood ng sine ․․․․․

Kailangan mong maglibang. Ang totoo, gusto ng iyong Maylalang na maging masaya ang iyong kabataan. (Eclesiastes 3:1, 4) At sa maniwala ka man o hindi, iyan din ang gusto ng mga magulang mo. Pero malamang na gusto nilang matiyak ang dalawang bagay: (1) kung ano ang gagawin mo at (2) kung sino ang mga kasama mo.

Ano ang gagawin mo kung yayain ka ng mga kaibigan mo pero hindi mo alam kung papayag ang mga magulang mo? Pag-isipan ang tatlong opsyon at ang posibleng resulta ng mga ito.

OPSYON A HUWAG MAGPAALAM​—SAMA KA NA LANG

Kung bakit maiisip mo ang opsyong ito: Gusto mong magpasikat sa mga kaibigan mo at ipakitang kaya mo nang magdesisyon. Iniisip mong mas marunong ka sa iyong mga magulang, o hindi ka gaanong bilib sa desisyon nila.​—Kawikaan 14:18.

Ang posibleng resulta: Baka nga humanga sa iyo ang mga kaibigan mo, pero makikita naman nila na kaya mo palang lokohin ang mga magulang mo. At kung kaya mo itong gawin sa iyong mga magulang, iisipin nila na kaya mo rin itong gawin sa kanila. Isa pa, kapag nabisto ka ng mga magulang mo, masasaktan sila at malamang na maparusahan ka pa! Kaya hindi magandang opsyon na sumuway sa kanila at basta na lang sumama sa mga kaibigan mo.​—Kawikaan 12:15.

OPSYON B HUWAG MAGPAALAM​—HUWAG SUMAMA

Kung bakit maiisip mo ang opsyong ito: Sa tingin mo, kuwestiyunable ang gusto nilang gawin at ang ilan sa mga makakasama mo ay hindi mabuting impluwensiya. (1 Corinto 15:33; Filipos 4:8) O baka naman gusto mong sumama pero takot kang magpaalam.

Ang posibleng resulta: Kung hindi ka sasama dahil sa tingin mo ay mali ito, hindi ka mahihirapang magpaliwanag sa mga kaibigan mo. Pero kung hindi ka sasama dahil takot ka lang magpaalam, magmumukmok ka na lang sa bahay at maaawa sa sarili mo.

OPSYON C MAGPAALAM​—MAGBAKA-SAKALI

Kung bakit maiisip mo ang opsyong ito: Kinikilala mo ang awtoridad ng iyong mga magulang at mahalaga sa iyo ang kanilang desisyon. (Colosas 3:20) Mahal mo sila at alam mong masasaktan sila kung basta ka na lang sasama sa mga kaibigan mo. (Kawikaan 10:1) Kung magpapaalam ka, may pagkakataon ka ring magpaliwanag.

Ang posibleng resulta: Mararamdaman ng mga magulang mo na minamahal mo sila at iginagalang. At kung sa tingin nila ay makatuwiran naman ang paalam mo, baka payagan ka nila.

Bakit Hindi Sila Payag Kung Minsan?

Paano kung hindi ka payagan ng mga magulang mo? Baka sumamâ ang loob mo. Pero kung maiintindihan mo ang dahilan nila, mas madali mong matatanggap ang kanilang desisyon. Ano kaya ang posibleng mga dahilan? Pag-isipan ang sumusunod:

Mas marunong sila at makaranasan. Kung magsu-swimming ka sa beach, malamang na mas gusto mo na may mga lifeguard. Bakit? Dahil nakikita ng mga lifeguard ang panganib na hindi mo mapapansin kapag nasa tubig ka na at nag-e-enjoy.

Sa katulad na paraan, dahil mas marunong at makaranasan ang mga magulang mo, mas nakikita nila ang panganib. Tulad ng mga lifeguard sa beach, gusto nilang mag-enjoy ka. Pero gusto rin nila na makaiwas ka sa mga panganib na makakasira ng kaligayahan mo sa buhay.

Mahal ka nila. Gusto kang protektahan ng mga magulang mo. Hangga’t maaari, gusto ka nilang pagbigyan dahil mahal ka nila. Pero nag-iisip muna silang mabuti, kasi ayaw nilang magsisi sa bandang huli. Papayag lang sila kung natitiyak nilang hindi ka mapapahamak.

Kung Paano Mo Sila Mapapapayag

Apat na bagay ang kailangan.

Maging tapat: Dapat kang maging tapat sa sarili mo at itanong: ‘Ano ba ang totoong dahilan ko? Gusto ko bang sumama dahil iyon talaga ang gusto kong gawin, o gusto ko lang maging “in”? O baka naman dahil nandun ang crush ko?’ Maging tapat ka rin sa mga magulang mo. Malalaman at malalaman nila kung bakit mo gustong sumama. Kasi dumaan din sila sa pagiging kabataan, at kilala ka nila. Kung magsasabi ka ng totoo, matutuwa sila at makikinabang ka sa kanilang payo. (Kawikaan 7:1, 2) Pero kung magsisinungaling ka, mawawalan sila ng tiwala sa iyo at lalo ka nilang hindi papayagan.

Humanap ng tiyempo: Huwag kulitin ang iyong mga magulang kung busy sila o kauuwi lang mula sa trabaho. Hintayin mo muna silang marelaks. Huwag ka ring magpapaalam kung kailan gipit na sa panahon. Ayaw ng mga magulang mo na minamadali sila sa pagdedesisyon. Pahahalagahan nila kung magpapaalam ka nang maaga.

Maging espesipiko: Huwag maglihim. Ipaliwanag sa kanila kung ano talaga ang gusto mong gawin. Ayaw ng mga magulang ang sagot na “Hindi ko po alam,” lalo na kapag itinatanong nila: “Sino’ng mga kasama mo?” “May kasama ba kayong matanda?” o “Anong oras kayo uuwi?”

Magkaroon ng tamang saloobin: Huwag isiping kontrabida ang mga magulang mo. Ituring mo silang kakampi​—dahil kakampi mo naman talaga sila. Kung ganiyan ang saloobin mo, hindi ka magiging palaban at mas malamang na pumayag sila. Huwag sabihing “Wala kayong tiwala sa akin,” “Pero pupunta po lahat ng kaibigan ko,” o “Bakit po yung mga kaibigan ko pinayagan?” Ipakita sa iyong mga magulang na nauunawaan at nirerespeto mo ang kanilang desisyon. Sa gayon, irerespeto ka rin nila. At sa susunod na magpaalam ka, mas malamang na pumayag sila.

MARAMI KA PANG MABABASA TUNGKOL SA PAKSANG ITO SA TOMO 2, KABANATA 32

TEMANG TEKSTO

“Magpakarunong ka, anak ko, at pasayahin mo ang aking puso.”​—Kawikaan 27:11.

TIP

Kung pupunta ka sa isang party, planuhin mo na ang gagawin o sasabihin mo para makaalis ka sakaling hindi na maganda ang nangyayari. Sa gayon, mananatiling malinis ang konsiyensiya mo.

ALAM MO BA . . . ?

Sigurista ang mapagmahal na mga magulang. Kung malabo sa kanila kung ano talaga ang ipinagpapaalam mo, o nahahalata nilang may itinatago ka, malamang na hindi sila pumayag.

ANG PLANO KONG GAWIN!

Kung nakokonsiyensiya ako sa napapanood ko sa sine o sa nakikita o naririnig ko sa party, ang gagawin ko ay ․․․․․

Ang mga gusto kong itanong sa (mga) magulang ko hinggil sa bagay na ito ay ․․․․․

ANO SA PALAGAY MO?

● Kapag nagpapaalam ka sa mga magulang mo, bakit kaya maaaring mag-alangan kang sabihin ang lahat ng detalye?

● Kung napapayag mo ang mga magulang mo dahil may itinago kang mahalagang detalye, ano kaya ang puwedeng mangyari?

[Blurb sa pahina 268]

“Ang dami kong palpak na desisyon nung bata ako. May mga pinaggagawa akong ‘exciting’ sa simula, pero ipinahamak ako sa huli. Aanihin mo rin talaga ang ginagawa mo. Sana nakinig ako sa mga magulang ko.”​—Brian

[Larawan sa pahina 269]

Tulad ng mga lifeguard sa beach, mas nakikita ng mga magulang mo ang panganib