Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Paano Tataas ang Kumpiyansa Ko sa Sarili?

Paano Tataas ang Kumpiyansa Ko sa Sarili?

KABANATA 12

Paano Tataas ang Kumpiyansa Ko sa Sarili?

Oo Hindi

Kapag humaharap ka sa salamin, gusto mo ba ang nakikita mo? □ □

Naniniwala ka bang may talento ka? □ □

Kaya mo bang harapin ang panggigipit ng iba? □ □

Kaya mo bang tanggapin ang mga puna sa iyo? □ □

Kaya mo bang palampasin ang pamimintas ng iba? □ □

Nararamdaman mo bang minamahal ka? □ □

Iniingatan mo ba ang kalusugan mo? □ □

Masaya ka ba para sa iba kapag nagtatagumpay sila? □ □

Sa tingin mo ba’y matagumpay ka sa buhay? □ □

Kung ang sagot mo sa ilang tanong sa itaas ay “hindi,” baka nabubulagan ka lang sa magaganda mong katangian dahil wala kang kumpiyansa sa sarili. Makakatulong sa iyo ang kabanatang ito.

KADALASAN nang insecure ang mga kabataan sa kanilang hitsura o kakayahan, lalo na kung naikukumpara nila ang kanilang sarili sa iba. Ganiyan ka rin ba? Kung oo, hindi ka nag-iisa!

“Nasisiraan ako ng loob dahil sa mga kapintasan ko. Numero uno akong pintasera sa sarili ko.”​—Leticia.

“Gaano ka man kaganda o kaguwapo, makakakita’t makakakita ka ng mas may hitsura sa iyo.”​—Haley.

“Nako-conscious ako kapag may ibang kasama. Takót akong magmukhang walang sinabi.”​—Rachel.

Kung ganiyan din ang nadarama mo, huwag mawalan ng pag-asa. May makakatulong sa iyo. Tingnan ang tatlong bagay na magpapataas ng kumpiyansa mo.

Tumulong sa Iba

Sabi ng Bibliya: “May higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap.”​—Gawa 20:35.

Ibig sabihin: Kapag tumutulong ka sa iba, tinutulungan mo rin ang sarili mo. Paano? Sinasabi ng Bibliya: “Ang taong mapagbigay ay uunlad; ang nagpapaginhawa sa iba ay magiginhawahan din.” (Kawikaan 11:25, Ang Biblia​—Bagong Salin sa Pilipino) Hindi ba’t totoo namang ang sarap ng pakiramdam kapag nakakatulong ka? *

“Iniisip ko kung paano ako makakatulong sa iba at sa mga kakongregasyon. Gumaganda ang pakiramdam ko kapag nabibigyan ko sila ng panahon at pagmamahal.”​—Breanna.

“Malaking tulong sa akin ang ministeryong Kristiyano kasi dahil dito, mas naiisip ko ang iba kaysa sa sarili ko.”​—Javon.

Tandaan: Huwag maghintay ng kapalit kapag tumutulong ka. (Mateo 6:2-4) Wala itong mabuting maidudulot sa iyo. Mahahalata ng iba kung ano talaga ang motibo mo.​—1 Tesalonica 2:5, 6.

Ang gagawin mo: Mag-isip ng isang taong natulungan mo noon. Sino siya, at ano ang naitulong mo sa kaniya?

․․․․․

Ano ang nadama mo nang matulungan mo siya?

․․․․․

Mag-isip ng iba pa na puwede mong tulungan at isulat kung ano ang maitutulong mo.

․․․․․

Makipagkaibigan

Sabi ng Bibliya: “Ang tunay na kaibigan ay umiibig sa lahat ng panahon, at isang kapatid na ipinanganganak kapag may kabagabagan.”​—Kawikaan 17:17.

Ibig sabihin: Malaking tulong ang mabuting kaibigan kapag may problema ka. (1 Samuel 18:1; 19:2) Lumalakas ang loob mo kapag alam mong may karamay ka. (1 Corinto 16:17, 18) Kaya maging malapít sa mga taong may positibong impluwensiya sa iyo.

“Hindi ka pababayaan ng mga tunay na kaibigan.”​—Donnell.

“Minsan, ang kailangan mo lang, yung malaman na may totoong nagmamalasakit sa iyo. Kapag ganun, pakiramdam mo, importante ka.”​—Heather.

Tandaan: Tiyaking ang pinipili mong mga kaibigan ay yaong tanggap kung sino ka. Hindi mo kailangang magpanggap para lang tanggapin nila. (Kawikaan 13:20; 18:24; 1 Corinto 15:33) Kung gagawa ka ng hindi tama para lang magustuhan ng iba, bababa ang tingin mo sa sarili at madarama mong ginamit ka lang.​—Roma 6:21.

Ang gagawin mo: Isulat ang pangalan ng kaibigan mo na makakatulong sa iyo na magkaroon ng higit na kumpiyansa sa sarili.

․․․․․

Bakit hindi mag-iskedyul ng panahon para makasama siya?​—Pansinin: Hindi naman kailangang kaedad mo siya.

Huwag Masiraan ng Loob Kapag Nagkamali Ka

Sabi ng Bibliya: “Ang lahat ay nagkasala at nagkukulang sa kaluwalhatian ng Diyos.”​—Roma 3:23.

Ibig sabihin: Walang taong perpekto. Kung minsan, talagang makakapagsalita ka o makakagawa pa nga ng mali. (Roma 7:21-23; Santiago 3:2) Bagaman hindi mo maiiwasang magkamali, makokontrol mo naman ang reaksiyon mo sa mga ito. Sabi ng Bibliya: “Pitong beses mang bumagsak ang taong matuwid, tumatayo uli siya.”​—Kawikaan 24:16, Ang Biblia​—Bagong Salin sa Pilipino.

“Kung minsan, bumababa ang tingin natin sa sarili kapag ikinukumpara natin ang ating mga kapintasan sa magagandang katangian ng iba.”​—Kevin.

“Lahat tayo may mga kapintasan, pero may magagandang katangian din. Ipagpasalamat mo yung magaganda; yung mga kapintasan naman, pagsikapan mong baguhin.”​—Lauren.

Tandaan: Hindi mo dapat gawing dahilan ang di-kasakdalan para mamihasa sa kasalanan. (Galacia 5:13) Kung sinasadya mong magkasala, masisira ang kaugnayan mo sa Diyos na Jehova​—na pinakamahalaga sa lahat!​—Hebreo 10:26, 27.

Ang gagawin mo: Isulat ang isang katangian na gusto mo pang pasulungin.

․․․․․

Ilagay sa tabi nito ang petsa ngayon. Magsaliksik sa salig-Bibliyang mga publikasyon kung paano mo ito mapapasulong, at tingnan ang pagsulong mo sa loob ng isang buwan.

Ang Iyong Tunay na Halaga

Sinasabi ng Bibliya na “ang Diyos ay mas dakila kaysa sa ating mga puso.” (1 Juan 3:20) Ibig sabihin, nakikita niya ang magaganda mong katangian na baka hindi mo nakikita. Pero magbabago ba ang tingin sa iyo ng Diyos dahil may kapintasan ka? Kung may $100 ka na may punit, itatapon mo ba ito o iisiping walang halaga? Siyempre hindi! Isang daang dolyar pa rin ito​—may punit man o wala.

Sa katulad na paraan, hindi ka nawawalan ng halaga sa paningin ng Diyos dahil lang sa mga kapintasan mo. Nakikita niya ang pagsisikap mong mapasaya siya kahit sa tingin mo’y maliit lang ang nagagawa mo. Oo, tinitiyak ng Bibliya na ‘ang Diyos ay hindi liko upang limutin ang iyong gawa at ang pag-ibig na ipinakita mo para sa kaniyang pangalan.’​—Hebreo 6:10.

SA SUSUNOD NA KABANATA

Nadadaig ka ba kung minsan ng sobrang kalungkutan? Ano ang puwede mong gawin?

[Talababa]

^ par. 21 Kung isa kang Saksi ni Jehova, isipin ang malaking kagalakan kapag ibinabahagi mo sa iba ang mensahe ng Kaharian.​—Isaias 52:7.

TEMANG TEKSTO

“Patunayan ng bawat isa kung ano ang kaniyang sariling gawa, at kung magkagayon ay magkakaroon siya ng dahilan na magbunyi may kinalaman sa kaniyang sarili lamang, at hindi kung ihahambing sa ibang tao.”​—Galacia 6:4.

TIP

Huwag mong pahinain ang loob mo sa pagsasabing, ‘Lagi na lang akong palpak’ o ‘Wala na ’kong ginawang tama.’ Hindi naman totoo iyan. Tanggapin mong nagkakamali ka, pero huwag mong kalilimutan na may nagagawa ka ring mabuti.

ALAM MO BA . . . ?

Kung ano ang tingin mo sa iyong sarili, iyon din ang magiging tingin sa iyo ng iba . . . at iyon din ang magiging trato nila sa iyo.

ANG PLANO KONG GAWIN!

Kapag pinipintasan ako ng ibang kabataan, ang gagawin ko ay ․․․․․

Kapag wala na akong makita kundi kapalpakan ko, ang gagawin ko ay ․․․․․

Ang mga gusto kong itanong sa (mga) magulang ko hinggil sa bagay na ito ay ․․․․․

ANO SA PALAGAY MO?

● Bakit madaling mawalan ng kumpiyansa sa sarili ang mga kabataan?

● Bakit mahalagang magkaroon ng kumpiyansa sa sarili?

[Blurb sa pahina 88]

“May taong napakaganda, pero feeling niya pangit siya. May tao namang hindi masyadong maganda, pero feeling niya siya ang pinakamaganda. Depende lang ’yan kung may kumpiyansa ka o wala.”​—Alyssa

[Larawan sa pahina 90]

Kung paanong hindi nababawasan ang halaga ng pera kahit may punit ito, hindi rin nababawasan ang halaga mo sa paningin ng Diyos kahit may mga kapintasan ka