Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ano ang Masama sa Paninigarilyo?

Ano ang Masama sa Paninigarilyo?

KABANATA 33

Ano ang Masama sa Paninigarilyo?

Lagyan ng ✔ ang dahilan kung bakit mo gustong manigarilyo.

□ Curious lang

□ Pantanggal ng stress

□ Maging “in”

□ Para pumayat

NILAGYAN mo ba ng tsek ang alinman sa mga nabanggit sa pahina 237? Kung oo, pareho kayo ng dahilan ng ibang mga kabataang naninigarilyo o gustong sumubok nito. a Halimbawa:

Curious lang. “Gusto ko lang ma-experience, kaya kinuha ko yung sigarilyong inaalok ng classmate ko. Saka ako nagtago at nanigarilyo.”​—Tracy.

Para matanggal ang stress at maging “in.” “Yung mga kaeskuwela ko, makahithit lang ng isang stick, tanggal na ang stress. Siyempre, gusto ko ring maalis ang stress ko.”​—Nikki.

Para pumayat. “Naninigarilyo ang ibang babae para huwag tumaba​—mas madali ’yun kaysa mag-diet!”​—Samantha.

Pero bago ka manigarilyo, mag-isip muna. Huwag kang parang isda na basta na lang kumakagat sa pain. Totoo, may makukuha itong kapirasong pagkain, pero buhay nito ang kapalit! Sa halip, sundin ang payo ng Bibliya, at gamitin ang iyong “malinaw na kakayahan sa pag-iisip.” (2 Pedro 3:1) Sagutin ang sumusunod.

Ano ba Talaga ang Alam Mo sa Paninigarilyo?

Sagutin kung tama o mali.

a. Nakakabawas ng stress ang paninigarilyo.

□ Tama □ Mali

b. Maibubuga ko naman ang halos lahat ng usok.

□ Tama □ Mali

c. Hindi ko pa mararamdaman ang epekto ng paninigarilyo ngayon.

□ Tama □ Mali

d. Mas maraming magkakagusto sa akin kung maninigarilyo ako.

□ Tama □ Mali

e. Ako lang ang apektado kung maninigarilyo ako.

□ Tama □ Mali

f. Okey lang sa Diyos kahit manigarilyo ako.

□ Tama □ Mali

Mga Sagot

a. Mali. Stress lang na dulot ng withdrawal symptom ang pansamantalang naiibsan ng paninigarilyo. At natuklasan ng mga siyentipiko na ang nikotina ay nagpapataas pa nga ng level ng stress hormone.

b. Mali. Ipinakikita ng ilang pag-aaral na mahigit 80 porsiyento ng sangkap ng usok ng sigarilyo ang naiiwan sa katawan.

c. Mali. Totoo, may mga epekto ang paninigarilyo na sa pagtanda mo pa aanihin. Pero ang ibang epekto, mararamdaman mo na ngayon. Halimbawa, ang ilan ay naaadik na pagkahithit lang ng isang stick. Hihina ang baga mo, malamang na lagi kang ubuhin, at maagang kukulubot ang balat mo. Nanganganib ka ring makaranas ng panic attack, depresyon, at sexual dysfunction.

d. Mali. Ayon sa mananaliksik na si Lloyd Johnston, ang mga tin-edyer na naninigarilyo ay “di-gaanong nagugustuhan ng karamihan sa kanilang di-kasekso.”

e. Mali. Libu-libo ang namamatay taun-taon dahil nakakalanghap sila ng usok ng sigarilyo ng iba. Makakasamâ ito sa iyong kapamilya, kaibigan, at pati sa mga alagang hayop.

f. Mali. Kung gusto mong mapasaya ang Diyos, dapat kang maging malinis mula sa “bawat karungisan ng laman.” (2 Corinto 7:1) Pinarurumi ng paninigarilyo ang katawan. Kaya kung maninigarilyo ka, ipinapahamak mo, hindi lang ang sarili mo at ang iba, kundi pati ang pakikipagkaibigan mo sa Diyos.​—Mateo 22:39; Galacia 5:19-21.

Kung Paano Tatanggi

Ano ang gagawin mo kung alukan ka ng sigarilyo? Karaniwan na, epektibo ang simple at direktang sagot, gaya ng “Salamat, pero hindi ako naninigarilyo.” Pero paano kung pinipilit ka o kinakantiyawan pa nga? Tandaan na karapatan mong gumawa ng sariling desisyon. Puwede mong sabihin:

● “Ayoko, masama ’yan sa kalusugan.”

● “Ayoko pang mamatay, marami pa akong gustong gawin sa buhay.”

● “Hindi ba ako puwedeng magdesisyon para sa sarili ko?”

Pero gaya ng mga kabataang sinipi sa simula ng kabanatang ito, baka sarili mo ang pinakamatindi mong kalaban. Kung gayon, tanungin ang sarili:

● ‘Talaga bang makakabuti sa akin ang paninigarilyo? Halimbawa, kung maninigarilyo ako para lang tanggapin ng iba, tatanggapin ba talaga nila ako kahit iyon lang ang pagkakatulad namin? Gusto ko bang maging kaibigan ang mga taong natutuwa kapag sinisira ko ang kalusugan ko?’

● ‘Ano ang hihinging kapalit ng paninigarilyo sa aking bulsa, kalusugan, at dignidad?’

● ‘Handa ko bang ipagpalit sa isang stick ng sigarilyo ang pakikipagkaibigan ko sa Diyos?’

Pero paano kung bisyo mo na ang paninigarilyo? Paano mo ito maihihinto?

Kung Paano Hihinto

1. Maging kumbinsido. Ilista ang mga dahilan kung bakit gusto mong huminto at lagi itong tingnan. Puwede mong isulat na gusto mong maging malinis sa harap ng Diyos​—isang napakatibay na dahilan para huminto sa paninigarilyo.​—Roma 12:1; Efeso 4:17-19.

2. Humingi ng tulong. Kung pasekreto kang naninigarilyo, panahon na para ipagtapat ito sa mga dapat makaalam. Sabihin sa kanila na gusto mo nang huminto at hingin ang kanilang suporta. Kung gusto mong maglingkod sa Diyos, hingin ang kaniyang tulong sa panalangin.​—1 Juan 5:14.

3. Magtakda ng petsa kung kailan ka hihinto. Bigyan ang sarili ng di-lalampas sa dalawang-linggong palugit at markahan sa kalendaryo ang petsang napili mo. Sabihin ito sa iyong mga kapamilya at kaibigan.

4. Itapon ang lahat ng sigarilyo. Bago dumating ang petsa ng paghinto mo, tingnang mabuti ang iyong kuwarto, kotse, at mga damit para tiyaking wala ka nang nakatagong sigarilyo. Itapon ang mga ito, pati na ang mga lighter, posporo, at ashtray.

5. Ibsan ang withdrawal symptom. Uminom ng maraming fruit juice o tubig, at matulog nang mahaba. Tandaan na pansamantala lang ang hirap, pero permanente ang pakinabang!

6. Umiwas sa tukso. Iwasan ang mga lugar at sitwasyong makakatukso sa iyong manigarilyo. Baka kailangan mo ring layuan ang mga kasamahan mong naninigarilyo.​—Kawikaan 13:20.

Huwag Magpadaya

Bawat taon, bilyun-bilyong dolyar ang ginagastos ng mga kompanya ng tabako para sa advertisement. Sino ang target nila? Ganito ang sabi sa dokumento ng isang kompanya ng tabako: “Ang mga tin-edyer ngayon ang magiging suki natin.”

Huwag mong payamanin ang mga kompanya ng tabako. Bakit ka kakagat sa pain nila? Hindi interesado sa kapakanan mo ang mga kompanyang ito ni ang mga kasamahan mong naninigarilyo. Imbes na makinig sa kanila, pakinggan ang payo ng Bibliya “upang makinabang ka.”​—Isaias 48:17.

SA SUSUNOD NA KABANATA

Pine-pressure ka ba ng mga kaibigan mo na uminom? Bakit dapat na alam mo ang iyong mga limitasyon?

[Talababa]

a Bagaman ang kabanatang ito ay para sa mga naninigarilyo, kapit din sa mga ngumunguya ng tabako ang mga problema at panganib na tinatalakay rito.

TEMANG TEKSTO

“Linisin natin ang ating sarili sa lahat ng nakapagpaparumi sa ating katawan.”​—2 Corinto 7:1, Magandang Balita Biblia.

TIP

Huwag lokohin ang sarili sa pagsasabing, ‘Isang hithit lang.’ Marami ang bumabalik sa dating bisyo dahil dito.​—Jeremias 17:9.

ALAM MO BA . . . ?

Ang smokeless tobacco​—gaya ng tabakong nginunguya​—ay nag-iiwan ng mas maraming nikotina sa katawan kumpara sa sigarilyo. May mga 25 sangkap ito na nakakakanser, kaya mas malamang na magkakanser sa lalamunan at bibig ang gumagamit nito.

ANG PLANO KONG GAWIN!

Kung pine-pressure ako ng kaeskuwela ko na manigarilyo, ang gagawin ko ay ․․․․․

Ang mga gusto kong itanong sa (mga) magulang ko hinggil sa bagay na ito ay ․․․․․

ANO SA PALAGAY MO?

● Kahit alam mo na ang mga panganib ng paninigarilyo, bakit puwedeng matukso ka pa rin?

● Ano ang nakakakumbinsi sa iyo na masamang manigarilyo?

[Blurb sa pahina 240]

“Kapag may nag-aalok sa akin ng sigarilyo, ngumingiti lang ako sabay sabing, ‘Salamat na lang, ayokong magkakanser.’”​—Alana

[Kahon/Larawan sa pahina 241]

Masama ba Talaga ang Marijuana?

“May mga nagsasabing matatakasan mo ang problema kapag gumamit ka ng marijuana,” sabi ni Ellen na taga-Ireland, “at wala raw itong masamang epekto.” May narinig ka na rin bang nagsabi ng ganiyan? Alamin ang totoo.

Maling akala. Walang masamang epekto ang marijuana.

Ang totoo. Ito ang mga napatunayan at hinihinalang epekto ng marijuana: pagiging malilimutin, paghina ng ulo, problema sa kakayahang magkaanak, at paghina ng resistensiya. Ang gumagamit nito ay posibleng magkaroon ng sakit sa isip at makaranas ng bigla-bigla o sobrang pagkabalisa. Ang mga batang ipinagbuntis ng mga babaing nagma-marijuana ay malamang na magkaroon ng problema sa paggawi at mahirapang magpokus at magdesisyon.

Maling akala. Mas safe ang marijuana kaysa sigarilyo.

Ang totoo. Kumpara sa tabako, mas marami nang apat na beses ang tar na iniiwan ng marijuana sa palahingahan mo at mas marami nang limang beses ang nakalalasong carbon monoxide na sumasama sa dugo mo. Limang stick lang ng marijuana, isang kaha na ng sigarilyo ang katumbas kung dami ng sangkap na nakakakanser ang pag-uusapan.

Maling akala. Hindi nakakaadik ang marijuana.

Ang totoo. Madaling maadik sa marijuana ang mga tin-edyer na may mental at emosyonal na problema. Ang iba naman, naaadik kapag matagal nang gumagamit. Ipinakikita rin ng mga pag-aaral na ang mga tin-edyer na gumagamit ng marijuana ay mas malamang na gumamit ng iba pang droga, gaya ng cocaine.

[Kahon/Mga larawan sa pahina 244, 245]

Epekto ng Sigarilyo sa Katawan

Baka nakakita ka na ng mga advertisement ng sigarilyo na may magaganda at matitipunong modelo. Pero tingnan mo ang mga larawan ng totoong epekto ng paninigarilyo sa katawan mo.

Bibig at lalamunan Sanhi ng kanser

[Larawan]

Dilang may kanser

Puso Pinatitigas at pinasisikip ang mga arterya kaya nagkukulang ang suplay ng oksiheno sa puso at tumataas nang apat na beses ang panganib na magkaroon ng sakit sa puso

[Larawan]

Baradong arterya

Baga Sinisira ang air sac, pinapamaga ang palahingahan, at pinatataas nang 23 beses ang panganib na magkakanser sa baga

[Larawan]

Baga ng naninigarilyo

Utak Pinatataas ng hanggang apat na beses ang panganib na maistrok

Balat Pinakukulubot

Ngipin Minamantsahan

Sikmura Sanhi ng kanser

Lapay Sanhi ng kanser

Pantog Sanhi ng kanser

Bato Sanhi ng kanser

[Larawan sa pahina 239]

Gaya ng isdang kumakagat sa pain, ang naninigarilyo ay pansamantalang nag-e-enjoy pero nagbabayad ng malaki