Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ano ba ang Masama sa Labis na Pag-inom?

Ano ba ang Masama sa Labis na Pag-inom?

KABANATA 34

Ano ba ang Masama sa Labis na Pag-inom?

Sagutin ang sumusunod na tanong. Lagyan ng ✔ ang kahon na katapat ng iyong sagot.

Malakas bang uminom ang ilan sa mga kaibigan mo o umiinom na kahit napakabata pa?

□ Oo □ Hindi

Pine-pressure ka bang uminom ng mga kaibigan mo?

□ Oo □ Hindi

Nasubukan mo na ba ang binge drinking?

□ Oo □ Hindi

KUNG natutukso kang maglasing o uminom kahit napakabata mo pa, hindi ka nag-iisa. Maraming kabataan ang nagpapakalabis sa pag-inom. Ang ilan ay nakikisali sa binge drinking. * Ano ba ang binge drinking? Simple lang ang sagot ng iba​—pag-inom para malasing. Pero nagbigay ng mas detalyadong paliwanag ang National Institute on Alcohol Abuse and Alcoholism ng Estados Unidos. Sinabi nito na ang binge drinking ay “pangkaraniwan nang tumutukoy sa pag-inom ng lima o higit pang magkakasunod na tagay para sa mga lalaki, at apat o higit pa para sa mga babae.”

Pero tanungin ang sarili, ‘Bakit ko ba talaga gustong uminom at ano ba ang magiging epekto nito sa akin?’ Subukang sagutin ang sumusunod na tanong. Lagyan ng ang kahon na katapat ng iyong sagot, at tingnan sa ibaba kung tama ang sagot mo.

a. Umiinom ang mga kabataan dahil gusto lang nila ang lasa ng alak.

□ Tama □ Mali

b. Dahil malakas pa ang mga kabataan, walang masyadong epekto sa kanila ang labis na pag-inom.

□ Tama □ Mali

c. Hindi nakamamatay ang labis na pag-inom.

□ Tama □ Mali

d. Ipinagbabawal ng Bibliya ang pag-inom ng alak.

□ Tama □ Mali

e. Walang ibang masamang epekto ang labis na pag-inom kundi mahinang kalusugan.

□ Tama □ Mali

a. Umiinom ang mga kabataan dahil gusto lang nila ang lasa ng alak. Sagot​—Mali. Sa isang surbey sa Australia, 36 na porsiyento ng mga kabataan ang nagsabing umiinom sila para hindi ma-out of place sa mga party. Ayon naman sa isang surbey sa Estados Unidos, 66 na porsiyento ang nagsabing na-pressure sila ng mga kaibigan na uminom. At lagpas sa kalahati ang nagsabing gusto nilang makalimot sa problema.

b. Dahil malakas pa ang mga kabataan, walang masyadong epekto sa kanila ang labis na pag-inom. Sagot​—Mali. Ganito ang sabi ng isang artikulo sa magasing Discover: “Ipinahihiwatig ng bagong pananaliksik na nasa panganib ang mga kabataang manginginom.” Bakit? “Ang mga tin-edyer na malakas uminom ay nagdudulot ng malaking pinsala sa kanilang kakayahang mag-isip.”

May kaugnayan din ang labis na pag-inom sa pagdami ng tagihawat, maagang pagkulubot ng balat, pagtaba, at pagkalulong sa alak o droga. Puwede rin nitong mapinsala ang nervous system, atay, at puso.

c. Hindi nakamamatay ang labis na pag-inom. Sagot​—Mali. Nagkukulang ng oksiheno ang utak dahil sa sobrang pag-inom at unti-unting nasisira ang mahahalagang sangkap ng katawan. Ilan sa mga sintomas nito ay pagsusuka, pagkawala ng malay, at mabagal o iregular na paghinga. Sa ilang kaso, puwede itong makamatay.

d. Ipinagbabawal ng Bibliya ang pag-inom ng alak. Sagot​—Mali. Hindi ipinagbabawal ng Bibliya ang pag-inom ng alak, ni ang pagsasaya ng mga kabataan. (Awit 104:15; Eclesiastes 10:19) Pero siyempre, dapat nasa legal na edad ka na para uminom.​—Roma 13:1.

Gayunman, nagbababala ang Bibliya laban sa labis na pag-inom. Sinasabi sa Kawikaan 20:1: “Ang alak ay nagpapababa sa dangal ng isang tao.” (Magandang Balita Biblia) Baka gumawi ka nang kahiya-hiya dahil sa alak at mawala ang respeto sa iyo ng iba. Totoo, mag-e-enjoy ka pansamantala, pero kung magpapakalabis ka, ‘kakagat itong tulad ng serpiyente,’ at marami kang magiging problema.​—Kawikaan 23:32.

e. Walang ibang masamang epekto ang labis na pag-inom kundi mahinang kalusugan. Sagot​—Mali. Kung lasing ka, wala kang laban sa gustong manakit o mang-rape sa iyo. Magiging banta ka rin sa kaligtasan ng iba dahil puwede kang makagawa ng mga bagay na hindi mo naman normal na gagawin. At kung lasing ka, “hindi ka makakapag-isip at makakapagsalita nang malinaw.” (Kawikaan 23:33, Today’s English Version) Kaya puwede kang malagay sa kahihiyan! Puwede rin itong makasira sa pagkakaibigan, makaapekto sa pag-aaral at pagtatrabaho, magtulak sa iyo na gumawa ng krimen, at maglugmok sa iyo sa kahirapan.​—Kawikaan 23:21.

Higit sa lahat, pag-isipan ang epekto ng labis na pag-inom sa kaugnayan mo kay Jehova. Gusto niyang paglingkuran mo siya nang “iyong buong pag-iisip”​—hindi ng isip na napinsala na ng alak! (Mateo 22:37) Hinahatulan ng Salita ng Diyos ang “pagpapakalabis sa alak” pati na ang mga “paligsahan sa pag-inom.” (1 Pedro 4:3) Salungat ito sa kalooban ng ating Maylalang at hadlang sa pagkakaroon ng malapít na kaugnayan sa Diyos.

Ano ang Gagawin Mo?

Gagaya ka na lang ba sa mga kabataang malakas uminom? Sinasabi ng Bibliya: “Hindi ba ninyo alam na kung patuloy ninyong inihaharap sa kaninuman ang inyong sarili bilang mga alipin upang sundin siya, kayo ay mga alipin niya sapagkat sinusunod ninyo siya?” (Roma 6:16) Papayag ka bang maging alipin ng ibang kabataan o ng alak?

Pero paano kung naging bisyo mo na ang pag-inom? Humingi agad ng tulong sa iyong mga magulang o sa isang matured na kaibigan. Manalangin kay Jehova. Siya ay “isang tulong na kaagad na masusumpungan sa panahon ng mga kabagabagan.” (Awit 46:1) At dahil malakas ang hatak ng mga kasama, baka kailangan mo ring pumili ng bagong mga kaibigan. * Hindi madaling gumawa ng mga pagbabago, pero sa tulong ni Jehova, magtatagumpay ka.

SA SUSUNOD NA KABANATA

Puwedeng madaig ang pagkaadik sa droga. Alamin kung paano.

[Mga talababa]

^ par. 10 Tingnan ang kahon na “ Sinu-sino ang Gumagawa Nito?” sa pahina 249.

^ par. 32 May higit pang impormasyon sa Kabanata 8 at 9 ng aklat na ito at Kabanata 15 ng Tomo 2.

TEMANG TEKSTO

“Ang lasenggo . . . ay sasapit sa karalitaan.”​—Kawikaan 23:21.

TIP

Isipin kung bakit gusto mong uminom ng alak. Pagkatapos, mag-isip ng ibang mas mainam na paraan para mag-enjoy at magrelaks.

ALAM MO BA . . . ?

Ayon sa isang pag-aaral sa Estados Unidos, “ang mga madalas sumali sa binge drinking ay walong ulit na mas malamang na umabsent sa klase, hindi makaabot sa deadline ng mga project at assignment, masaktan o masugatan, at makasira ng ari-arian.”

ANG PLANO KONG GAWIN!

Kung magyaya ng inuman ang mga kaibigan ko, ang sasabihin ko ay ․․․․․

Ang mga gusto kong itanong sa (mga) magulang ko hinggil sa bagay na ito ay ․․․․․

ANO SA PALAGAY MO?

● Bakit kaya gusto ng mga kaibigan mo na may kasama sila sa paglalasing?

● Mas marami kayang magkakagusto sa iyo kung malakas kang uminom? Bakit ganiyan ang sagot mo?

[Blurb sa pahina 250]

“Kapag niyayaya ako ng mga kaeskuwela ko sa inuman, sinasabi kong hindi ko kailangan ang alak para mag-enjoy.”​—Mark

[Kahon sa pahina 249]

 Sinu-sino ang Gumagawa Nito?

Ayon sa isang pag-aaral sa mga estudyante sa haiskul sa Inglatera, Scotland, at Wales, mga 25 porsiyento ng mga edad 13 at 14, at mga 50 porsiyento naman ng mga edad 15 at 16, ang “nagsabing ‘nakapagpatumba’ sila ng limang sunud-sunod na bote sa iisang sesyon.” Ayon sa U.S. Department of Health and Human Services, “mga 10.4 milyong kabataan na edad 12 hanggang 20 ang umamin na umiinom sila. Sa bilang na iyon, 5.1 milyon ang mga binge drinker, at 2.3 milyon sa mga binge drinker ang nakikisali sa binge drinking nang di-kukulangin sa limang beses sa isang buwan.” Ipinakita ng isang pag-aaral sa mga kabataan sa Australia na mas maraming babae kaysa sa lalaki ang nakikisali sa binge drinking​—na umiinom ng mga 13 hanggang 30 tagay bawat sesyon!

[Larawan sa pahina 251]

Ang alak ay kumakagat na gaya ng ahas