Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Paano Ko Makakasundo ang mga Kapatid Ko?

Paano Ko Makakasundo ang mga Kapatid Ko?

KABANATA 6

Paano Ko Makakasundo ang mga Kapatid Ko?

Gaano kayo ka-close ng mga kapatid mo? I-rate ito mula 1 hanggang 5; 1 ang “pinakamalayo” at 5 ang “pinakamalapit.” ․․․․․

MAY mga magkapatid na talagang close sa isa’t isa. Halimbawa, sinabi ni Felicia, 19, “Isa sa mga best friend ko ang 16-anyos kong kapatid na si Irena.” Sinabi naman ni Carly, 17, tungkol sa kuya niyang si Eric na 20 anyos: “Super close kami ni Kuya. Hindi kami nag-aaway.”

Pero marami rin ang katulad nina Lauren at Marla. “Lahat na lang pinag-aawayan namin,” ang sabi ni Lauren, “kahit maliliit na bagay.” O baka pareho kayo ni Alice, 12. Ganito ang sinabi niya tungkol sa kuya niyang si Dennis na 14 anyos: “Nakakainis siya! Basta na lang pumapasok sa kuwarto ko at ‘nanghihiram’ nang walang paalam. Isip-bata talaga siya!”

Para ba kayong aso’t pusa ng kapatid mo? Totoo, pananagutan ng mga magulang na tiyaking laging nagkakasundo ang pamilya. Pero darating ang panahon na makikisama ka sa iba na hindi mo kapamilya. Kaya ngayon pa lang, dapat matutuhan mo na ito.

Isipin ang mga naging pag-aaway ninyong magkapatid. Ano ang madalas ninyong pag-awayan? Tingnan ang listahan sa ibaba, at lagyan ng ✔ ang sitwasyong nagpapainit ng ulo mo.

Personal na gamit. “Nanghihiram” siya nang walang paalam.

Magkaibang ugali. Makasarili siya o walang konsiderasyon o pakialamero/a.

Privacy. Pumapasok siya sa kuwarto ko nang hindi kumakatok; nagbabasa siya ng mga e-mail ko o text message nang walang paalam.

Iba pa ․․․․․

Kung naiinis ka sa kapatid mo dahil utos siya nang utos o laging nakikialam, baka mapunô ka na. Pero ang sabi ng isang kawikaan sa Bibliya: “Ang pagpisil sa ilong ang nagpapalabas ng dugo, at ang pagpiga ng galit ang naglalabas ng pag-aaway.” (Kawikaan 30:33) Kaya kung nagkikimkim ka ng sama ng loob, tiyak na sasabog ka sa galit, kung paanong tiyak na lalabas ang dugo sa ilong mo kapag pinisil ito. Lalala lang ang problema. (Kawikaan 26:21) Paano maiiwasang mauwi sa mainitang pagtatalo ang pagkainis mo? Ang unang hakbang ay alamin kung ano talaga ang problema.

Simpleng Away o Malalim na Problema?

Ang problema ng mga magkakapatid ay parang tagihawat. Ibabaw lang ng tagihawat ang nakikita natin. Hindi natin nakikita ang impeksiyon. Sa katulad na paraan, ang pag-aaway ng magkakapatid ay “ibabaw” lang ng mas malalim na problema.

Puwede mong tirisin ang tagihawat. Pero imbes na gumaling, baka magpalala lang ito sa impeksiyon at mag-iwan ng peklat. Mas mabuti kung gagamutin mo ang impeksiyon para hindi ito lumala. Ganiyan din pagdating sa problema mo sa iyong kapatid. Alamin mo kung ano talaga ang problema, o ang ugat ng pag-aaway. Sa paggawa nito, masusunod mo rin ang payo ng matalinong haring si Solomon: “Ang kaunawaan ng tao ay tunay na nagpapabagal ng kaniyang galit.”​—Kawikaan 19:11.

Halimbawa, sinabi ni Alice, na binanggit kanina, tungkol sa kapatid niyang si Dennis, “Basta na lang siya pumapasok sa kuwarto ko at ‘nanghihiram’ nang walang paalam.” Iyan ang pinag-aawayan nila. Pero ano sa tingin mo ang talagang problema? Malamang, may kaugnayan sa paggalang. Puwedeng pagbawalan ni Alice si Dennis na pumasok sa kaniyang kuwarto o gamitin ang kaniyang mga gamit. Pero hindi iyan ang solusyon sa problema at baka lumala pa nga ito. Sa kabilang banda, kung makukumbinsi ni Alice si Dennis na igalang ang kaniyang privacy at personal na mga gamit, tiyak na magkakasundo sila.

Matutong Ayusin o Iwasan ang Di-pagkakasundo

Bahagi lang ng solusyon ang pag-alam sa talagang problema ninyong magkapatid. Ano ang puwede mong gawin para maayos ang problema at hindi na ito maging dahilan ng pag-aaway? Subukan ang sumusunod na hakbang.

1. Magkaroon ng kasunduan. Balikan ang tinukoy mong pinag-aawayan ninyong magkapatid. Subukan kung makagagawa kayo ng kasunduan para maayos ito. Halimbawa, kung personal na gamit ang pinag-aawayan ninyo, puwede ninyong pagkasunduan, Una: “Laging magpaalam bago kumuha ng gamit ng iba.” Ikalawa: “Igalang ang karapatan ng kapatid mo na sabihin, ‘Hindi mo puwedeng gamitin iyan.’” Sa paggawa ng kasunduan, tandaan ang utos ni Jesus: “Lahat ng mga bagay, kung gayon, na ibig ninyong gawin ng mga tao sa inyo, gayundin ang dapat ninyong gawin sa kanila.” (Mateo 7:12) Sa ganitong paraan, makakagawa kayo ng makatuwirang mga kasunduan. Pagkatapos, ipaalam ito sa inyong mga magulang para matiyak kung sang-ayon sila rito.​—Efeso 6:1.

2. Sundin ang napagkasunduan. Isinulat ni apostol Pablo: “Ikaw ba, na nagtuturo sa iba, ay hindi nagtuturo sa iyong sarili? Ikaw, na nangangaral na ‘Huwag magnakaw,’ nagnanakaw ka ba?” (Roma 2:21) Paano mo ito maikakapit? Halimbawa, kung gusto mong igalang ng kapatid mo ang iyong privacy, kailangan mo ring kumatok muna bago pumasok sa kaniyang kuwarto o magpaalam bago basahin ang kaniyang mga e-mail o text message.

3. Huwag kaagad magalit. Bakit magandang payo ito? Dahil sinasabi ng isang kawikaan sa Bibliya na “mangmang lamang ang madaling magalit at nagtatanim ng sama ng loob.” (Eclesiastes 7:9, Contemporary English Version) Kung madali kang ma-offend, ikaw ang talo. Totoo, may magagawa o masasabi ang kapatid mo na makasasakit sa iyo. Pero tanungin ang sarili, ‘Nagawa ko na rin kaya iyon sa kaniya?’ (Mateo 7:1-5) “Noong 13 anyos ako, feeling ko, ako ang pinakamagaling,” ang sabi ni Jenny, “sa tingin ko, opinyon ko ang pinakaimportante at dapat masunod. Ang nakababata ko namang kapatid ang ganiyan ngayon. Kaya sinisikap kong huwag mainis sa mga sinasabi niya.”

4. Magpatawad at lumimot. Kailangang pag-usapan at ayusin ang mabibigat na problema. Pero dapat mo bang komprontahin ang kapatid mo sa tuwing nagkakamali siya? Matutuwa ang Diyos na Jehova kung handa kang “palampasin ang pagsalansang.” (Kawikaan 19:11) Sinabi ni Alison, 19: “Kadalasan na, naaayos namin ng kapatid kong si Rachel ang aming di-pagkakasundo. Pareho kaming madaling magsori at pinag-uusapan namin ang sa tingin namin ay dahilan ng away. Kung minsan, kapag inis ako, dinadaan ko na lang sa tulog. Kinabukasan, okey na ’ko, parang walang nangyari.”

5. Hingin ang tulong ng inyong mga magulang. Kung hindi ninyo maayos ang isang mabigat na problema, puwedeng tumulong ang inyong mga magulang. (Roma 14:19) Pero tandaan na kung naaayos ninyong magkapatid ang inyong di-pagkakasundo nang hindi lumalapit sa kanila, tanda ito na matured na kayo.

6. Pahalagahan ang magagandang katangian ng iyong mga kapatid. Malamang na may katangian ang mga kapatid mo na hinahangaan mo. Isulat ang isang katangian na gusto mo sa bawat isa sa kanila.

Pangalan

․․․․․

Ang gusto ko sa kaniya

․․․․․

Sa halip na laging tingnan ang pagkakamali ng mga kapatid mo, bakit hindi maghanap ng pagkakataon na sabihin sa kanila ang magaganda nilang katangian?​—Awit 130:3; Kawikaan 15:23.

Sinasabi sa Bibliya na maaaring maging mas malapít ka sa ibang tao kaysa sa kapatid mo. (Kawikaan 18:24) Pero mapapatibay ninyong magkakapatid ang inyong ugnayan kung ‘patuloy ninyong pagtitiisan ang isa’t isa,’ kahit na ‘may dahilan kayong magreklamo.’ (Colosas 3:13) Sa gayon, malamang na hindi ka na masyadong maiinis sa mga kapatid mo. At sila rin sa iyo!

SA SUSUNOD NA KABANATA

Paano mo malalaman kung handa ka nang bumukod?

TEMANG TEKSTO

“Makilala nawa ng lahat ng tao ang inyong pagkamakatuwiran.”​—Filipos 4:5.

TIP

Kung may kapatid kang mahirap pakisamahan, maging positibo. Isipin mo na lang, natutulungan ka niyang malinang ang mahahalagang katangian sa buhay!

ALAM MO BA . . . ?

Kapag bumukod ka na, may ibang mga tao na maaaring makainis sa iyo​—mga katrabaho at iba pa na manhid, makasarili, at walang galang. Kaya sa bahay pa lang, dapat matuto ka nang makisama.

ANG PLANO KONG GAWIN!

Ang ilan sa mga kasunduang puwede naming gawin ng (mga) kapatid ko ay ․․․․․

Para hindi mainis sa akin ang (mga) kapatid ko, ang gagawin ko ay ․․․․․

Ang mga gusto kong itanong sa (mga) magulang ko hinggil sa bagay na ito ay ․․․․․

ANO SA PALAGAY MO?

● Bakit mahalagang matukoy kung may malalim na dahilan ang away ninyong magkapatid?

● Ano sa tingin mo ang lamáng mo sa iba dahil may kapatid ka?

[Blurb sa pahina 46]

“Kung wala akong mga kapatid, hindi siguro ganito kasaya ang buhay ko. Kaya ang masasabi ko sa mga may kapatid, ‘Mahalin n’yo sila!’”​—Marilyn

[Kahon sa pahina 42]

Worksheet

Alamin ang Talagang Problema

Paano mo kaya madaling matutukoy kung ano talaga ang problema ninyong magkapatid? Basahin ang talinghaga ni Jesus tungkol sa anak na naglayas at lumustay sa kaniyang mana. (Lucas 15:11-32) Pansinin ang naging reaksiyon ng kuya nang bumalik ang kaniyang nakababatang kapatid. Saka sagutin ang sumusunod na mga tanong.

Ano ang ikinagalit ng kuya? ․․․․․

Sa palagay mo, ano ang talagang problema? ․․․․․

Ano ang ginawa ng ama para malutas ang problema? ․․․․․

Ano ang kailangang gawin ng kuya para maayos ang problema? ․․․․․

Ngayon, mag-isip ng isang bagay na pinagtalunan ninyong magkapatid kamakailan, at sagutin ang sumusunod na mga tanong. ․․․․․

Ano ang pinag-awayan ninyo? ․․․․․

Sa palagay mo, ano kaya ang talagang problema? ․․․․․

Ano ang puwede ninyong pagkasunduan para maayos ang problema at hindi na maulit pa? ․․․․․

[Larawan sa pahina 43]

Ang di-pagkakasundo ng magkakapatid ay parang tagihawat​—ang “impeksiyon” o ang talagang problema ang dapat solusyunan