Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Bakit Takót Akong Magpatotoo sa School?

Bakit Takót Akong Magpatotoo sa School?

KABANATA 17

Bakit Takót Akong Magpatotoo sa School?

“Marami sana akong pagkakataon para masabi sa mga kaeskuwela ko ang paniniwala ko, pero pinapalampas ko iyon.”​—Kaleb.

“Nagtanong ang teacher namin kung ano ang masasabi namin sa ebolusyon. Pagkakataon ko na sana ’yon, pero kinabahan ako. Hindi ako nakapagsalita. Pagkatapos ng klase, lungkot na lungkot ako.”​—Jasmine.

KUNG kabataang Kristiyano ka, malamang na nakaka-relate ka kina Kaleb at Jasmine. Gaya nila, pinahahalagahan mo ang katotohanan sa Bibliya na natutuhan mo at gusto mong sabihin ito sa iba. Kaya lang, baka natatakot ka. Paano lalakas ang loob mo? Gawin ang sumusunod:

1. Alamin ang kinatatakutan mo. Kapag gusto mong sabihin sa iba ang iyong paniniwala, puwede kang maunahan ng takot! Pero minsan, nakakabawas ng kaba kung matutukoy mo ang kinatatakutan mo.

Kumpletuhin ang pangungusap:

● Kapag ipinakipag-usap ko sa school ang aking mga paniniwala, ang kinatatakutan kong mangyari ay ․․․․․

Kung natatakot ka man, hindi ka nag-iisa, kasi ganiyan din ang ibang kabataang Kristiyano. Halimbawa, sinabi ni Christopher, 14, “Baka pagtawanan ako ng iba at ipagkalat na weird ako.” Si Kaleb naman na nabanggit sa simula ay nagsabi, “Kinakabahan ako, kasi baka may magtanong sa akin, tapos ’di ko masagot.”

2. Tanggapin ang hamon. May dahilan ba talaga para matakot ka? Mayroon naman. Sinabi ni Ashley, 20: “May mga kabataan na kunwari interesado sa paniniwala ko. ’Yun pala, pipilipitin nila yung mga sinabi ko at kakantiyawan ako sa harap ng iba.” Ganito ang naranasan ni Nicole, 17: “Ikinumpara ng kaeskuwela ko yung isang teksto sa Bible niya sa Bible ko, at magkaiba ang mga pananalita nito. Sabi niya iba raw ang Bible ko. Nagulat ako! Hindi ko alam ang sasabihin ko.” a

Nakakatakot nga ang ganitong mga sitwasyon! Pero imbes na iwasan ito, tanggapin na bahagi iyan ng buhay mo bilang Kristiyano. (2 Timoteo 3:12) Ang sabi ni Matthew, 13, “Sinabi ni Jesus na pag-uusigin ang mga tagasunod niya, kaya asahan natin na hindi lahat, magugustuhan tayo o ang ating mga paniniwala.”​—Juan 15:20.

3. Isipin ang mga pakinabang. May ibinubunga bang maganda ang hindi magandang sitwasyon? Oo ang sagot ni Amber, 21. “Mahirap magpaliwanag sa mga taong hindi naniniwala sa Bibliya,” ang sabi niya, “pero nakakatulong ito para lalo mong maintindihan ang pinaniniwalaan mo.”​—Roma 12:2.

Balikan ang sitwasyong inilarawan mo sa unang hakbang. Mag-isip ng dalawang mabuting bagay na puwede nitong ibunga.

1 ․․․․․

2 ․․․․․

Isipin: Kung sasabihin mo sa iba ang mga paniniwala mo, paano ito makakabawas sa panggigipit sa iyo? Paano ito makakatulong sa iyo na magkaroon ng kumpiyansa? Paano ito magpapatibay ng kaugnayan mo sa Diyos na Jehova? Ano ang madarama Niya sa iyo?​—Kawikaan 23:15.

4. Maghanda. “Ang puso ng matuwid ay nagbubulay-bulay upang makasagot,” ang sabi sa Kawikaan 15:28. Pag-isipan hindi lang kung ano ang sasabihin mo kundi pati ang mga puwede nilang itanong. Mag-research tungkol sa mga paksang ito at maghanda ng mga puwede mong isagot.​—Tingnan ang chart na “ Planuhin ang Sagot Mo,” sa pahina 127.

5. Magsimula. Ngayong handa ka na, paano ka magsisimula? May opsyon ka. Ang pagsasabi sa iba ng iyong paniniwala ay parang paglangoy: May iba na unti-unting lumulusong sa tubig; may iba naman na tumatalon agad. Sa katulad na paraan, puwede ka munang makipagkuwentuhan ng walang kinalaman sa relihiyon at tingnan kung magiging interesado ang kausap mo. Pero kung masyado kang nag-aalala dahil hindi ka sigurado sa magiging resulta, mas mabuting ‘tumalon ka na agad.’ (Lucas 12:11, 12) “Kapag iniisip kong magpapatotoo ako, parang ang hirap, pero kapag nagawa ko na, ang dali lang pala! ang sabi ni Andrew, 17. “Basta nasimulan mo na, tuluy-tuloy na ’yon!” b

6. Mag-isip bago sumagot. “Ang matalinong tao ay nag-iisip muna bago kumilos,” ang isinulat ni Solomon. (Kawikaan 13:16, Today’s English Version) Kung paanong hindi ka tatalon sa mababaw na tubig, hindi ka rin papatol sa mababaw at walang-kuwentang pagtatalo. Tandaan, may panahon para magsalita at panahon para tumahimik. (Eclesiastes 3:1, 7) May mga pagkakataong maging si Jesus ay hindi sumagot sa mga tanong sa kaniya.​—Mateo 26:62, 63.

Kung sasagot ka man, maikli lang at mataktika. Halimbawa, kung kantiyawan ka ng kaeskuwela mo, ‘Bakit takót kang manigarilyo?’ puwede mong sabihin, ‘Ayokong magkasakit!’ Depende sa sagot niya kung magpapaliwanag ka pa o hindi na.

Makakatulong sa iyo ang anim na hakbang na binanggit sa kabanatang ito para maging ‘handa ka na ipagtanggol’ ang iyong paniniwala. (1 Pedro 3:15) Siyempre, nenerbiyusin ka pa rin kahit handa ka. Pero ganito ang napansin ni Alana, 18: “Kapag naipaliwanag mo ang iyong mga paniniwala kahit kabado ka, ang sarap ng pakiramdam​—nadaig mo ang iyong takot at hinarap mo ang hamon kahit hindi mo siguradong magtatagumpay ka. At kung nagtagumpay ka, mas masaya! Naglakas-loob ka kasing magsalita.”

SA SUSUNOD NA KABANATA

Nakaka-stress ba ang school? Ano ang puwede mong gawin?

[Mga talababa]

a Iba-iba ang mga pananalita sa mga salin ng Bibliya. Pero may ilang salin na mas malapit sa orihinal na mga wikang ginamit sa pagsulat ng Bibliya.

b Tingnan ang kahong “ Simulan ang Pag-uusap,” sa pahina 124.

TEMANG TEKSTO

“Laging [maging] handang gumawa ng pagtatanggol sa harap ng bawat isa na humihingi sa inyo ng katuwiran para sa pag-asa na nasa inyo, ngunit ginagawa iyon taglay ang mahinahong kalooban at matinding paggalang.”​—1 Pedro 3:15.

TIP

Imbes na sabihin sa mga kaklase mo kung ano ang dapat o hindi nila dapat paniwalaan, matatag na sabihin kung ano ang pinaniniwalaan mo at kung bakit para sa iyo, makatuwiran ang mga ito.

ALAM MO BA . . . ?

Baka may mga kaklase ka na hanga sa iyo dahil sumusunod ka sa pamantayan ng Bibliya; nahihiya lang silang magtanong tungkol sa paniniwala mo.

ANG PLANO KONG GAWIN!

Ang kaklase ko na puwede kong kausapin tungkol sa paniniwala ko ay si [magsulat ng isa o higit pa] ․․․․․

Ang paksa na puwede niyang magustuhan ay ․․․․․

Ang gusto kong itanong sa (mga) magulang ko hinggil sa bagay na ito ay ․․․․․

ANO SA PALAGAY MO?

● Bakit kaya kinakantiyawan ka ng mga kaeskuwela mo sa mga paniniwala mo?

● Kapag sinasabi mo sa iba ang paniniwala mo, bakit mahalagang magsalita ka nang may kumpiyansa?

[Blurb sa pahina 126]

“Noong bata ako, ayaw kong mapaiba sa mga kaedaran ko. Pero na-realize ko na mas masaya ako dahil sa mga paniniwala ko. ’Yun ang nagpalakas ng loob ko na huwag ikahiya ang relihiyon ko.”​—Jason

[Kahon sa pahina 124]

 Simulan ang Pag-uusap

“Ano ang plano mo sa bakasyon?” [Pagkatapos niyang sumagot, sabihin mo naman ang plano mo, gaya ng pagdalo sa kombensiyon o pagpapalawak ng iyong ministeryo.]

● Bumanggit ng isang balita, saka magtanong: “Nabalitaan mo ba ’yon? Ano’ng masasabi mo dun?”

“Sa tingin mo, makakaahon pa kaya sa krisis [o sa iba pang problema] ang daigdig? [Hayaang sumagot.] Bakit mo nasabi ’yan?”

“Ano’ng relihiyon mo?”

“Ano’ng gusto mong mangyari sa buhay mo limang taon mula ngayon?” [Pagkatapos niyang sumagot, sabihin mo naman ang iyong espirituwal na mga tunguhin.]

[Chart sa pahina 127]

 (Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Worksheet

Planuhin ang Sagot Mo

Kopyahin ito!

Mungkahi: Pag-usapan ang chart na ito kasama ng mga magulang mo at ng ibang kabataang Kristiyano. Kumpletuhin ang chart. Pagkatapos, mag-isip ng iba pang puwedeng itanong ng mga kaklase mo at planuhin ang sagot mo.

Neutralidad

Tanong

Bakit hindi ka kumakanta ng pambansang awit? Hindi mo ba mahal ang bansa natin?

Sagot

Nirerespeto ko ang bansa natin, pero hindi ko ito sinasamba. Alam mo, yung pambansang awit, panalangin na rin ’yun.

Susunod na Tanong

Ibig mong sabihin hindi ka makikipaglaban para sa bansa natin?

Sagot

Hindi, at hindi rin makikipaglaban sa atin ang milyun-milyong Saksi ni Jehova sa ibang bansa.

Dugo

Tanong

Bakit hindi kayo nagpapasalin ng dugo?

Sagot

Kasi sabi ng Bibliya, umiwas sa dugo. Pero tumatanggap naman kami ng alternatibo sa dugo at safe ito kasi hindi ka manganganib na magka-AIDS.

Susunod na Tanong

Eh pa’no kung mamamatay ka kapag ’di ka nagpasalin ng dugo? Hindi ka ba mapapatawad ng Diyos?

Sagot

․․․․․

Sariling Pasiya

Tanong

Si ano Saksi rin ’di ba? O bakit siya puwede, ikaw hindi?

Sagot

Itinuturo sa amin ang mga kahilingan ng Diyos, pero hindi naman kami bine-brainwash. Kaya depende sa bawat isa sa amin ang pagpapasiya.

Susunod na Tanong

Ibig sabihin magkakaiba kayo ng pamantayan?

Sagot

․․․․․

Paglalang

Tanong

Bakit hindi ka naniniwala sa ebolusyon?

Sagot

Bakit naman ako maniniwala? Ang mga siyentipiko nga, iba-iba ang sinasabi, mga eksperto na ’yon!

Susunod na Tanong

․․․․․

Sagot

․․․․․

[Larawan sa pahina 125]

Ang pagsasabi sa iba ng iyong paniniwala ay parang paglangoy. Puwedeng unti-unti kang lumusong​—o tumalon agad!