Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Paano Ko Makakasundo ang Teacher Ko?

Paano Ko Makakasundo ang Teacher Ko?

KABANATA 20

Paano Ko Makakasundo ang Teacher Ko?

Sino ang paborito mong teacher? ․․․․․

Bakit paborito mo siya? ․․․․․

Sino naman ang teacher na pinakaayaw mo? ․․․․․

MAKAKAPILI ka ng mga kaibigan, pero sa maraming taon mo sa school, hindi ka makakapili ng mga teacher. Puwede namang gusto mo silang lahat, gaya ni David, 18, na nagsabi: “Wala akong naging problema sa mga teacher ko. Nirerespeto ko sila, at gusto rin nila ako.”

Pero baka may teacher kang gaya ng kay Sarah, 11: “Napakasungit niya! At hindi ko siya maintindihan. Minsan, kulang siya sa paliwanag. Minsan naman, sobra-sobra.” Kung hindi mo makasundo ang teacher mo, ano sa palagay mo ang problema? Kailangan mo itong matukoy para malaman mo kung paano ito lulutasin. Lagyan ng ✔ ang (mga) kahon sa ibaba, o isulat ang sarili mong sagot.

□ Malabong magturo ang teacher ko

□ Mababa siyang magbigay ng grade

□ May paboritismo ang teacher ko

□ Sobra siyang magdisiplina

□ Lagi niya akong pinag-iinitan

□ Iba pa ․․․․․

Ano ang makakatulong sa iyo para maharap ang ganiyang sitwasyon? Una, sundin ang payo ni apostol Pedro: “Kayong lahat ay magkaroon ng magkakatulad na pag-iisip, na nagpapakita ng pakikipagkapuwa-tao.” (1 Pedro 3:8) Paano ka makikipagkapuwa-tao kung napakasungit ng teacher mo? Tingnan natin ang ilang katotohanan tungkol sa mga teacher.

Hindi perpekto ang mga teacher. May kani-kaniya silang sumpong, problema, at oo, itinatangi. “Kung ang sinuman ay hindi natitisod sa salita,” ang sabi ng alagad na si Santiago, “ang isang ito ay taong sakdal, na may kakayahang rendahan din ang kaniyang buong katawan.” (Santiago 3:2) Sinabi ni Brianna, 19: “Napakasungit ng teacher namin sa math at laging nakasigaw. Nahihirapan tuloy kaming irespeto siya.” Ano kaya ang isang dahilan kung bakit ganoon ang teacher niya? Sinabi niya, “Napakagulo ng mga kaklase ko, tapos sinasadya pa nilang inisin ang teacher namin.”

Tiyak na mas gusto mo kapag pinapalampas ng teacher mo ang mga pagkakamali mo, lalo na kapag masyado ka nang nai-stress. Kaya mo rin bang gawin iyon para sa teacher mo? Kung nagsungit siya kamakailan, isulat kung ano ang nangyari at kung bakit ganoon ang reaksiyon niya.

․․․․․

May mga paborito ang mga teacher. Isipin ang mga hamon sa teacher mo: Gaano karami sa mga estudyante ang talagang gustong mag-aral? Gaano karami sa mga gustong mag-aral ang handang makinig at kayang mag-concentrate sa subject sa loob ng kalahating oras o higit pa? Gaano karaming estudyante ang nagbubunton sa mga teacher ng kanilang galit? Ngayon, isipin mong teacher ka at magtuturo ka sa 20, 30, o higit pang estudyante at nakakaantok para sa marami sa kanila ang subject mo. Hindi ba natural lang na magbigay ka ng higit na atensiyon sa mga estudyanteng interesado sa itinuturo mo?

Totoo, nakakainis nga kung halatang-halata ang paboritismo ng teacher mo. Sinabi ni Natasha tungkol sa isang teacher niya: “Magbibigay siya ng deadline sa buong klase para sa mga assignment, pero pagdating sa mga football player, maluwag siya. Eh pa’no, siya kasi ang assistant coach ng team.” Kung ganiyan din ang sitwasyon mo, tanungin ang sarili, ‘Hindi ba sapat ang natututuhan ko sa kaniya?’ Kung sapat naman, bakit ka maiinis o maiinggit?

Isulat sa ibaba kung ano ang puwede mong gawin para maipakita mo sa teacher mo na interesado ka sa itinuturo niya.

․․․․․

Nami-misinterpret ng mga teacher ang mga estudyante. Minsan, nagkakabanggaan ang teacher at estudyante dahil sa di-pagkakaunawaan o magkaibang personalidad. Halimbawa, ang pagiging palatanong ay puwedeng lumabas na pagrerebelde, o ang kaunting kakulitan ay puwedeng mapagkamalang kawalang-galang o pagiging isip-bata.

Ano ang gagawin mo kung nami-misinterpret ka rin ng teacher mo? Sinasabi ng Bibliya: “Huwag gumanti kaninuman ng masama para sa masama. . . . Kung posible, hangga’t nakasalalay sa inyo, makipagpayapaan kayo sa lahat ng tao.” (Roma 12:17, 18) Kaya huwag kalabanin ang teacher mo. Iwasang makipagtalo. Huwag mong hayaang may maibutas siya sa iyo. Sa halip, kaibiganin mo siya. ‘Ha? Kaibiganin? Siya?’ baka itanong mo. Oo, dapat mo siyang respetuhin. Batiin siya kapag pumapasok ka sa klase niya. Kapag lagi kang magalang​—at ngingitian pa nga siya paminsan-minsan​—baka magbago rin ang tingin niya sa iyo.​—Roma 12:20, 21.

Madalas ma-misinterpret si Ken ng mga teacher niya. “Masyado akong mahiyain,” ang sabi niya, “at hindi ako nakikipag-usap sa mga teacher ko.” Paano niya hinarap ang problema? “Na-realize ko na gusto nila akong tulungan. Kaya sinikap kong kilalanin silang lahat. Nang gawin ko ’yun, ang laki ng improvement sa grade ko.”

Siyempre, may mga teacher na magsusungit pa rin kahit maganda ang ipinapakita mo. Pero magtiyaga ka lang. Isinulat ni Haring Solomon: “Ang tiyaga at malumanay na pakikipag-usap ay nakakakumbinsi sa isang tagapamahala [o guro] at nakakalutas ng anumang problema.” (Kawikaan 25:15, Contemporary English Version) Kung naging unfair ang teacher mo, manatiling kalmado at makipag-usap nang malumanay. Malamang na magbago rin ang tingin niya sa iyo.​—Kawikaan 15:1.

Kapag unfair ang teacher mo o nami-misinterpret ka niya, ano ang unang reaksiyon mo?

․․․․․

Ano sana ang mas magandang reaksiyon?

․․․․․

Paglutas sa Partikular na mga Isyu

Unang hakbang pa lang ang pag-unawa sa mga limitasyon ng teacher mo. Ano naman ang gagawin mo para malutas ang ilang partikular na isyu? Halimbawa, paano kung isa sa mga sumusunod ang reklamo mo?

Ang baba ng grade na ibinigay niya. “Matataas ang grade ko,” ang sabi ni Katrina. “Pero ibinagsak ako ng teacher ko sa science kahit pasado naman talaga ako. Kinausap ng mga magulang ko ang principal. Tinaasan naman ng teacher ang grade ko pero konti lang, kaya medyo inis pa rin ako.” Kung ganiyan din ang sitwasyon mo, huwag mong basta sugurin at akusahan ang teacher mo. Sa halip, tularan ang karakter sa Bibliya na si Natan. Napakahirap ng atas niya​—kailangan niyang ilantad ang malaking kasalanan ni Haring David. Pero hindi siya basta sumugod sa palasyo at inakusahan si David. Sa halip, mataktika niyang kinausap ang hari.​—2 Samuel 12:1-7.

Sa katulad na paraan, maging mapagpakumbaba at mahinahon. Kung magmamaktol ka o pagbibintangan ang teacher mo na hindi siya marunong magturo, hindi ka mananalo. Maging mature. Lapitan ang teacher mo at itanong kung puwede mong malaman ang sistema niya sa pagbibigay ng grade. Makinig na mabuti. Isinulat ni Solomon: “Kapag ang isa ay sumasagot sa isang bagay bago niya marinig iyon, kamangmangan ito sa kaniya at kahihiyan.” (Kawikaan 18:13) Matapos mong marinig ang paliwanag niya, makikita mo kung saan siya malamang na nagkamali sa pagbibigay ng grade sa iyo. Kahit hindi mabago ang grade mo, makapag-iiwan ka naman ng mabuting impresyon dahil sa pagiging mature mo.

Unfair ang teacher ko. Tingnan ang nangyari kay Rachel. Laging matataas ang grade niya. Pero nagbago ito pagtuntong niya ng Grade 7. “Gusto talaga akong ibagsak ng teacher ko,” ang sabi ni Rachel. Ang problema? Ayaw ng teacher sa relihiyon niya.

Ano ang nangyari? Sinabi ni Rachel: “Kapag unfair ang ibinibigay na grade sa akin ng teacher ko, sinasamahan ako ni Mommy para kausapin siya. Bandang huli, hindi na niya ako pinag-initan.” Kung ganiyan din ang problema mo, huwag kang matakot na magsabi sa iyong mga magulang. Malamang na makipag-usap sila sa teacher mo at, kung kinakailangan, sa administrasyon ng school para maayos ang problema.

Ang Pakinabang ng Pagtitiyaga

Totoo, may mga gusot na hindi madaling plantsahin. Kung minsan, kailangan mo talagang magtiis. “Ang sama ng ugali ng isang teacher ko,” ang sabi ni Tanya. “Lagi niya kaming iniinsulto at tinatawag na bobo. Nung una, napapaiyak ako, pero natuto rin akong huwag na lang pansinin ang mga pang-iinsulto niya. Basta nagpokus lang ako sa subject niya kaya hindi niya ako masyadong napag-initan. Iilan lang kami na nakakuha ng magandang grade. Pagkaraan ng dalawang taon, napatalsik siya.”

Kapag natutuhan mong pagtiisan ang isang masungit na teacher, sa hinaharap, makakaya mo ring pagtiisan ang isang masungit na boss. At mas mapapahalagahan mo ang mababait na teacher.

SA SUSUNOD NA KABANATA

Lagi ka bang naghahabol ng oras? Alamin kung paano mo mababadyet ang iyong panahon.

TEMANG TEKSTO

“Lahat ng mga bagay, kung gayon, na ibig ninyong gawin ng mga tao sa inyo, gayundin ang dapat ninyong gawin sa kanila.”​—Mateo 7:12.

TIP

Kung nakakaantok magturo ang teacher mo, magpokus sa subject, hindi sa kaniya. Kumuha ng notes, magalang na magtanong, at maging interesado sa itinuturo niya. Malamang na gayahin ka rin ng mga kaklase mo.

ALAM MO BA . . . ?

Malamang na napakaraming beses nang itinuro ng teacher mo ang iyu’t iyon ding mga leksiyon. Baka siya mismo, nagsasawa na kaya nahihirapan siyang maging kasinsigla gaya nang una niyang ituro ang mga ito.

ANG PLANO KONG GAWIN!

Para ganahan ako kahit nakakaantok ang isang subject, ang gagawin ko ay ․․․․․

Kung sa tingin ko ay unfair sa akin ang teacher ko, ang gagawin ko ay ․․․․․

Ang mga gusto kong itanong sa (mga) magulang ko hinggil sa bagay na ito ay ․․․․․

ANO SA PALAGAY MO?

● Bakit mahalagang magpokus sa subject at hindi sa teacher?

● Paano makakaapekto sa pakikitungo sa iyo ng teacher mo ang ipinapakita mong interes sa kaniyang subject?

[Blurb sa pahina 146]

“Kinakaibigan ko ang mga teacher ko. Alam ko ang pangalan nila, at kapag nakakasalubong ko sila, nakikipagkuwentuhan ako kahit sandali.”​—Carmen

[Larawan sa pahina 145]

Ang mga teacher ay parang tuntungang-bato. Matutulungan ka nilang makatawid mula sa kawalang-alam tungo sa karunungan​—pero siyempre, ikaw ang hahakbang