Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Bakit Ayaw sa Akin ng mga Lalaki?

Bakit Ayaw sa Akin ng mga Lalaki?

KABANATA 27

Bakit Ayaw sa Akin ng mga Lalaki?

Alam niyang sikát ako, kasi sinabi ko sa kaniya na maraming nagkakagusto sa akin. Nung ikuwento ko sa kaniya yung kapalpakan ng mga kaibigan ko, natawa siya. At alam niyang matalino ako​—kasi ilang beses kong itinama ang mga sinabi niya. Kailan niya kaya ako ide-date?

Maganda sana siya, kaso ang babaw niya! Halos hindi ako makasingit kapag siya ang nagsasalita. Lagi pa niya akong binabara! Paano kaya ako makaka-exit?

INIISIP mo bang walang nagkakagusto sa iyo? Ganiyan ang pakiramdam ng maraming babae, kahit ang mga babaing sa tingin mo’y marami ang magkakagusto! Halimbawa, nariyan si Joanne. Maganda siya, matalino, at mahusay magsalita. Pero sinabi niya: “Ayaw yata sa akin ng mga lalaki. May mga nagustuhan ako na nagkagusto rin sa akin, kaso bandang huli, iniwasan na nila ako!”

Ano ba ang hinahanap ng mga lalaki sa isang babae? Ano ang ayaw nila? Ano ang puwede mong gawin para mapansin ka ng isang disenteng binata?

Ang Dapat Gawin

Kilalanin ang iyong sarili. Malamang na nagsimula kang magka-crush nang magdalaga ka. Baka hindi lang isa ang crush mo. Normal lang iyan. Pero kung ibibigay mo kaagad ang matamis mong ‘Oo’ sa unang lalaking magpapatibok ng puso mo, malamang na makahadlang ito sa iyong emosyonal at espirituwal na pagsulong. Kailangan ang panahon para mapasulong ang magagandang katangian, ‘mabago ang iyong pag-iisip,’ samakatuwid nga, maging matured pagdating sa mahahalagang bagay, at maabot ang ilan sa iyong mga goal.​—Roma 12:2; 1 Corinto 7:36; Colosas 3:​9, 10.

Totoo, maraming lalaki ang nagkakagusto sa mga babaing wala pang paninindigan o inosente. Pero panlabas na anyo lang ang tinitingnan nila, hindi ang pagkatao. Ang isang matalinong binata ay hahanap ng babaing may magagandang katangiang makakatulong sa isang relasyon.​—Mateo 19:6.

Sabi ng mga lalaki: “Gusto ko ang babaing may sariling disposisyon at paninindigan.”​—James.

“Gusto ko yung babaing nagsasabi ng talagang nasa isip niya pero magalang, at hindi lang tango nang tango sa sinasabi ko. Kahit gaano pa siya kaganda, naaasiwa ako sa babaing ang sinasabi lang ay yung gusto kong marinig.”​—Darren.

Ano ang masasabi mo sa mga komento nila?

․․․․․

Matutong gumalang. Kung pagmamahal ang hanap mo, paggalang naman ang hanap ng mga lalaki. Kaya nga sinasabi ng Bibliya sa asawang lalaki na dapat niyang ibigin ang kaniyang asawa, pero pinapayuhan naman nito ang asawang babae na magkaroon ng “matinding paggalang” sa kaniyang asawa. (Efeso 5:33) Sa isang surbey sa daan-daang kabataang lalaki, mahigit 60 porsiyento ang nagsabing mas mahalaga ang paggalang kaysa sa pag-ibig. Ipinakikita ng isa pang surbey na ganiyan din ang opinyon ng mahigit 70 porsiyento ng mga adultong lalaki.

Hindi naman ibig sabihin nito na maging sunud-sunuran ka na lang​—na hindi ka dapat magbigay ng sarili mong opinyon. (Genesis 21:​10-12) Pero depende sa paraan mo ng pagsasabi kung magugustuhan ka o iiwasan ng isang binata. Kung lagi mo na lang siyang kinokontra o itinatama sa mga sinasabi niya, baka isipin niyang hindi mo siya iginagalang. Pero kung pakikinggan mo siya at pupurihin ang magaganda niyang punto, malamang na tanggapin din niya at pahalagahan ang iyong opinyon. Siyempre pa, mapapansin din ng isang mahusay na binata kung iginagalang mo ang iyong mga kapamilya at ang ibang tao.

Sabi ng mga lalaki: “Para sa akin, respeto ang pinakamahalaga sa pasimula ng isang relasyon. Yung pag-ibig, nadedebelop ‘yan.”​—Adrian.

“Kapag kaya akong igalang ng babae, sa tingin ko, kaya niya akong mahalin.”​—Mark.

Ano ang masasabi mo sa komento nila?

․․․․․

Maging malinis sa katawan at mahinhin sa pananamit. Bago ka pa man magsalita, marami nang nasabi tungkol sa iyo ang pananamit at pag-aayos mo. Kung maayos at mahinhin ito, maganda ang magiging impresyon sa iyo. (1 Timoteo 2:9) Kung burara ito o mahalay, tiyak na pangit ang magiging tingin sa iyo!

Sabi ng mga lalaki: “Makikilala mo ang isang babae sa kaniyang pananamit. Kapag burara o mapang-akit siyang manamit, malamang na kulang siya sa pansin.”​—Adrian.

“May datíng sa akin ang babae kapag mabango siya, maayos ang buhok, at maganda ang boses. May nagustuhan akong magandang babae, pero na-turn off ako nung makita kong hindi siya malinis sa katawan.”​—Ryan.

“Kapag masyadong seksing manamit ang isang babae, tiyak na maraming mapapalingon sa kaniya. Pero hindi siya ang tipo ng babae na gusto kong maging girlfriend.”​—Nicholas.

Ano ang masasabi mo sa komento nila?

․․․․․

Ang Hindi Dapat Gawin

Huwag kang mag-flirt. May panghalina ang mga babae at kaya nilang impluwensiyahan ang mga lalaki​—sa ikabubuti man o ikasasama. (Genesis 29:​17, 18; Kawikaan 7:​6-23) Kung lagi mong gagamitin ang kakayahang ito sa lahat ng lalaking nakikilala mo, baka isipin ng marami na flirt ka.

Sabi ng mga lalaki: “Makatabi mo pa lang ang isang magandang babae at magkadikit ang balikat n’yo, may ibang feeling na, parang may kuryente. Kaya tingin ko, nagpi-flirt ang babae kapag hawak siya nang hawak sa lalaking kausap niya.”​—Nicholas.

“Kung mahilig humawak sa braso ng lalaki ang isang babae o kaya’y mahilig magpa-cute sa lahat ng lalaki, tingin ko, flirt siya, at hindi ko type ang ganung babae.”​—José.

Huwag mo siyang “sakalin.” Kapag ikinasal na ang magkasintahan, “isang laman” na sila ayon sa Bibliya. (Genesis 2:24) Hindi na nila malayang magagawa ang maraming bagay na nagagawa nila noong binata’t dalaga pa sila. May sumpaan na sila sa isa’t isa. (1 Corinto 7:​32-34) Pero kung nililigawan ka pa lang ng isang binata, huwag kang umasang ibibigay niya sa iyo ang lahat ng atensiyon niya, at hindi rin siya dapat umasang iikot sa kaniya ang mundo mo. * Ang totoo, kung hahayaan mo siyang magbigay ng panahon sa mga kaibigan niya, baka mas magkainteres siya sa iyo. At ang paraan niya ng paggamit ng kalayaang iyon ang magsasabi sa iyo kung ano ang pagkatao niya.​—Kawikaan 20:11.

Sabi ng mga lalaki: “Nakakasakal kapag lahat na lang ng galaw ko ay inaalam ng babae at sa akin na lang umiikot ang mundo niya.”​—Darren.

“Kapag text nang text sa akin ang babaing kailan ko lang nakilala at gusto niyang malaman kung sinu-sino ang kasama ko, lalo na kapag babae, aba, mag-iisip-isip na ako.”​—Ryan.

“Hindi ko type ang babaing ayaw kang pasamahin sa mga lakad ng kaibigan mong lalaki at naiinis kapag hindi mo siya niyayaya.”​—Adrian.

Ano ang masasabi mo sa komento ng mga binatang nabanggit sa subtitulong ito?

․․․․․

Pahalagahan ang Iyong Sarili

Malamang na may kilala kang mga babae na gagawin ang lahat mapansin lang ng lalaki. Ibinababa ng iba ang sarili nila para lang magka-boyfriend​—o magkaasawa pa nga. Pero tandaan, ‘aanihin mo ang iyong inihasik.’ (Galacia 6:​7-9) Kung hindi mo pinahahalagahan ang sarili mo at ang iyong pamantayan, baka mauwi ka sa lalaking hindi rin nagpapahalaga sa iyo at sa pamantayan mo.

Ang totoo, hindi lahat ng lalaki ay magkakagusto sa iyo​—at mas maganda nga iyon! Pero kung aalagaan mo ang iyong panloob at panlabas na kagandahan, lalo kang magiging ‘mahalaga sa paningin ng Diyos’​—at magugustuhan ka ng lalaking nararapat sa iyo.​—1 Pedro 3:4.

SA SUSUNOD NA KABANATA

Kung lalaki ka, naitatanong mo rin ba, ‘Bakit ayaw sa akin ng mga babae?’

[Talababa]

^ par. 30 Siyempre, kapag may plano nang magpakasal ang dalawa, mas malaki na ang pananagutan nila sa isa’t isa.

TEMANG TEKSTO

“Ang halina ay maaaring magbulaan, at ang kariktan ay maaaring walang-kabuluhan; ngunit ang babaing may takot kay Jehova ang siyang nagkakamit ng papuri para sa kaniyang sarili.”​—Kawikaan 31:30.

TIP

Huwag mag-make up nang makapal. Baka isipin ng iba na masyado kang papansin o gandang-ganda sa sarili.

ALAM MO BA . . . ?

Kung napaka-demanding mo sa boyfriend mo at hindi mo siya binibigyan ng kalayaan, baka masira ang relasyon ninyo.

ANG PLANO KONG GAWIN!

Ang katangian na pasusulungin ko ay ․․․․․

Ang mga gusto kong itanong sa (mga) magulang ko hinggil sa bagay na ito ay ․․․․․

ANO SA PALAGAY MO?

● Paano mo maipapakita na nirerespeto mo ang iniisip at nadarama ng isang binata?

● Paano mo maipapakita na may pagpapahalaga ka sa sarili?

[Blurb sa pahina 190]

“Aminado akong madali akong magka-crush sa magagandang babae. Pero turn off agad ako kapag wala silang magandang goal. Malakas ang datíng ng isang babae kung alam niya ang gagawin niya sa buhay​—lalo na kung naabot na niya ang ilan sa mga goal niya.”​—Damien

[Larawan sa pahina 191]

Ang pag-ibig at paggalang ay tulad ng dalawang gulong ng bisikleta​​—pareho itong mahalaga