Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Paano Ko Mapoprotektahan ang Sarili Ko sa Seksuwal na Pang-aabuso?

Paano Ko Mapoprotektahan ang Sarili Ko sa Seksuwal na Pang-aabuso?

KABANATA 32

Paano Ko Mapoprotektahan ang Sarili Ko sa Seksuwal na Pang-aabuso?

Bawat taon, milyun-milyon ang nare-rape o namomolestiya, at ipinapakita ng mga pananaliksik na karamihan sa mga biktima ay kabataan. Halimbawa, sa Estados Unidos, tinatayang kalahati sa lahat ng biktima ng rape ay wala pang 18 anyos. Dahil napakalaganap ng ganitong pang-aabuso, napakahalagang pag-usapan ang paksang ito.

“Ang bilis ng mga pangyayari. Bigla niya akong sinunggaban at isinalya. Nanlaban ako. Inilabas ko ang pepper spray ko pero tinabig niya ang kamay ko. Sumisigaw ako pero walang boses na lumalabas. Itinulak ko siya, sinipa, sinuntok, at kinalmot. Pero nang saksakin niya ako, bigla akong nanghina.”​—Annette.

NAPAKARAMING kaso ngayon ng seksuwal na pang-aabuso, at mga kabataan ang kadalasang biktima. Ang kabataang si Annette ay nabiktima ng hindi niya kakilala. Ang iba naman ay ng kapitbahay nila. Ganiyan ang nangyari kay Natalie, na sampung taóng gulang nang mamolestiya ng tin-edyer nilang kapitbahay. “Takót na takót ako at hiyang-hiya na magsumbong,” ang sabi niya.

Maraming kabataan din ang namolestiya ng mga kapamilya nila. “Mula noong 5 taóng gulang ako hanggang mag-12, minomolestiya ako ng tatay ko,” ang sabi ni Carmen. “Nagkaroon lang ako ng lakas ng loob na komprontahin siya noong 20 na ako. Sabi niya, pinagsisihan niya naman ito, pero pagkalipas lang ng ilang buwan, pinalayas niya ako sa bahay.”

Napakarami ngayong nang-aabuso​—mga kapitbahay, kaibigan, o kapamilya. a Pero hindi na bago ang ganitong pambibiktima sa mga bata. Nangyayari na rin ito kahit noong panahon ng Bibliya. (Joel 3:3; Mateo 2:16) Ngayon, nabubuhay tayo sa panahong mapanganib. Marami ang “walang likas na pagmamahal” kaya napakaraming kabataang babae (kahit mga lalaki) ang napagsasamantalahan. (2 Timoteo 3:​1-3) Kahit nag-iingat ka, puwede ka pa ring mabiktima. Pero may magagawa ka para maprotektahan ang iyong sarili. Narito ang ilang tip:

Maging alerto. Kapag nasa labas ka, maging alerto sa mga nangyayari sa paligid. May mga lugar na talagang delikado, lalo na kung gabi. Hangga’t maaari, huwag dumaan sa mga lugar na iyon o kaya’y siguraduhing may kasama ka.​—Kawikaan 27:12.

Huwag magbigay ng maling impresyon. Huwag mag-flirt o manamit nang napakaseksi. Baka isipin ng iba na nang-aakit ka​—o hindi ka tatanggi kapag may nagyaya sa iyo na makipag-sex.​—1 Timoteo 2:​9, 10.

Magtakda ng limitasyon. Kung may kasintahan ka, pag-usapan ninyo kung ano ang angkop at di-angkop na paggawi. b Magtakda ng limitasyon at umiwas sa mga alanganing sitwasyon para hindi ka mapagsamantalahan.​—Kawikaan 13:10.

Huwag matakot magsalita. Walang masama kung sasabihin mong, “Tumigil ka!” o “Alisin mo ‘yang kamay mo!” Huwag kang matakot na iwan ka ng boyfriend mo. Kung makikipag-break siya sa iyo dahil dito, okey lang. Hindi mo kailangan ng ganiyang kasintahan! Ang bagay sa iyo, isang tunay na lalaki na irerespeto ang iyong pagkababae at prinsipyo. c

Maging maingat kapag nag-i-Internet. Huwag magbigay ng personal na impormasyon o mag-post ng mga picture na magbibigay ng ideya sa iba kung nasaan ka. d Kung nakatanggap ka ng mahalay na mensahe, makabubuting huwag mag-reply. Wala silang magagawa sa iyo kung hindi ka kakagat sa pain nila.

Mas magiging ligtas ka kung susundin mo ang mga nabanggit na hakbang. (Kawikaan 22:3) Pero siyempre, hindi mo laging kontrolado ang sitwasyon. Halimbawa, baka wala kang mahanap na kasama kung minsan, o hindi mo maiwasang dumaan sa delikadong lugar. Posibleng doon ka pa nga mismo nakatira.

Baka mula sa sariling karanasan, alam mo na puwede ka pa ring mabiktima kahit ginawa mo na ang lahat. Gaya ng nangyari kay Annette, na nabanggit sa simula, maaaring napakabilis ng pangyayari at hindi ka nakapanlaban. O gaya ni Carmen, baka isa ka ring walang kalaban-laban at inosenteng bata nang maabuso ka. Kadalasan na, iniisip ng mga biktima na kasalanan nila ang nangyari. Ano ang gagawin mo kung ganiyan din ang pakiramdam mo?

Kung Nagi-guilty Ka

Hanggang ngayon, nagi-guilty pa rin si Annette sa nangyari. “Sarili ko ang kalaban ko,” ang sabi niya. “Lagi kong naaalala ang gabing iyon. Naiisip ko, sana mas nanlaban pa ako. Ang totoo, nang masaksak ako, hindi na ako nakagalaw sa sobrang takot. Pero sinisisi ko pa rin ang sarili ko kasi dapat sana, may ginawa pa ako.”

Sinisisi rin ni Natalie ang sarili niya. “Hindi ako dapat basta-basta nagtiwala,” ang sabi niya. “Sinabihan na kami ng mga magulang namin na dapat lagi kaming magkasama ng kapatid ko kapag naglalaro sa labas, pero hindi ako nakinig. Kaya parang binigyan ko ng pagkakataon ang kapitbahay namin na pagsamantalahan ako. Sobrang nasaktan ang pamilya ko, at pakiramdam ko, ako ang may kasalanan. ‘Yan ang pinakamasakit.”

Kung kagaya mo sina Annette at Natalie at sinisisi mo rin ang iyong sarili, ano ang puwede mong gawin? Una sa lahat, tandaan na hindi mo gusto ang nangyari. May mga nagsasabing hindi masisisi ang mga lalaki, at baka ginusto pa nga iyon ng biktima. Pero sino ba naman ang gustong ma-rape? Kung biktima ka ng ganitong karumal-dumal na krimen, wala kang kasalanan!

Napakadaling basahin ang pananalitang “wala kang kasalanan,” pero baka nahihirapan kang kumbinsihin ang sarili mo na totoo ito. Pinabibigatan naman ng iba ang kanilang sarili dahil hindi nila ipinagtatapat ang nangyari. Pero kung mananahimik ka, sino ang talo​—ang nang-abuso sa iyo o ikaw? Huwag kang paagrabyado. May magagawa ka.

Ipagtapat ang Nangyari

Nang magkapatung-patong ang problema ng tapat na si Job, sinabi niya: “Ako ay magbubulalas ng aking pagkabahala tungkol sa aking sarili. Ako ay magsasalita sa kapaitan ng aking kaluluwa!” (Job 10:1) Makikinabang ka kung gagawin mo rin iyan. Kung ipagtatapat mo sa isang pinagkakatiwalaang kaibigan ang nangyari, matutulungan ka nito na maka-recover.

Kung isa kang Kristiyano, mahalagang sabihin mo sa mga elder sa kongregasyon ang nangyari. Bilang maibiging pastol, titiyakin nila sa iyo na hindi ka nadungisan dahil sa kasalanan ng iba. Iyan ang napatunayan ni Annette. Sinabi niya: “Nakipag-usap ako sa isang malapít na kaibigan, at pinayuhan niya akong lumapit sa mga elder sa kongregasyon namin. Buti na lang, sinunod ko siya. Ilang beses nila akong kinausap at sinabi sa akin ang mga kailangan kong marinig​—na hindi ko ito kasalanan. Wala akong kasalanan.”

Kung magtatapat ka sa iba at ilalabas ang nadarama mo, maiiwasan mong madaig ng galit at hinanakit. (Awit 37:8) Kung matagal mo na itong itinatago, gagaan ang pakiramdam mo oras na may mapagsabihan ka. Ganiyan ang naranasan ni Natalie nang magtapat siya sa mga magulang niya. “Sinuportahan nila ako,” ang sabi niya. “Sinabi nilang huwag akong mahiyang magkuwento, at nakatulong iyon para hindi maipon ang lungkot at galit na nararamdaman ko.” Malaking tulong din sa kaniya ang panalangin. “Natulungan ako ng pakikipag-usap sa Diyos,” ang sabi niya, “lalo na noong mga panahong hindi ko pa kayang magtapat sa iba. Kapag nananalangin ako, nasasabi ko lahat, kaya napapanatag ako.” e

Mararamdaman mo rin ang “panahon ng pagpapagaling.” (Eclesiastes 3:3) Humingi ng tulong sa maaasahang mga kaibigan, gaya ng mga elder na itinulad sa “taguang dako sa hangin at dakong kublihan sa bagyong maulan.” (Isaias 32:2) Ingatan ang iyong pisikal at emosyonal na kalusugan. Kailangan mo rin ng sapat na pahinga. Higit sa lahat, umasa sa Diyos ng buong kaaliwan, kay Jehova, na nangangako ng isang bagong sanlibutan kung saan “ang mga manggagawa ng kasamaan ay lilipulin, ngunit yaong mga umaasa kay Jehova ang siyang magmamay-ari ng lupa.”​—Awit 37:9.

[Mga talababa]

a May mga babaing nabibiktima ng date rape​—pinupuwersa silang makipag-sex, o kaya’y hinahaluan ng droga ang inumin nila o pagkain para hindi makapanlaban.

b May higit pang impormasyon sa Tomo 2, Kabanata 4.

c Siyempre, ganiyan din ang dapat gawin ng lalaki kapag pine-pressure siya ng babae na makipag-sex.

d May higit pang impormasyon sa Tomo 2, Kabanata 11.

e Kung minsan, dumaranas ng matinding depresyon ang mga biktima ng pang-aabuso. Sa ganitong kaso, makabubuting magpatingin sa doktor. Para sa higit pang impormasyon kung paano haharapin ang depresyon, tingnan ang Kabanata 13 at 14 ng aklat na ito.

TEMANG TEKSTO

“Sa mga huling araw ay darating ang mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan. Sapagkat ang mga tao ay magiging mga maibigin sa kanilang sarili, . . . mga walang likas na pagmamahal, . . . mga walang pagpipigil sa sarili, mga mabangis, mga walang pag-ibig sa kabutihan.”​—2 Timoteo 3:​1-3.

TIP

Kung naging biktima ka ng seksuwal na pang-aabuso, maglista ng mga teksto na makakapagpagaan ng loob mo. Puwede mong isama ang Awit 37:28; 46:1; 118:​5-9; Kawikaan 17:17; at Filipos 4:​6, 7.

ALAM MO BA . . . ?

Sa Estados Unidos, kakilala ng mahigit 90 porsiyento ng mga menor-de-edad na biktima ang nang-abuso sa kanila.

ANG PLANO KONG GAWIN!

Kung naiisip kong kasalanan ko ang nangyari, ang gagawin ko ay ․․․․․

Ang mga gusto kong itanong sa (mga) magulang ko hinggil sa bagay na ito ay ․․․․․

ANO SA PALAGAY MO?

● Bakit makabubuting isumbong ang pang-aabuso?

● Ano ang puwedeng mangyari​—sa iyo at sa iba​—kung mananahimik ka?

[Blurb sa pahina 232]

“Napakahirap ipagtapat ang nangyari, pero ito ang pinakamabuting gawin. Maaalis nito ang galit at lungkot mo at maibabalik ang lakas mo.”​—Natalie

[Kahon sa pahina 230]

“Kung Mahal Mo Ako . . . ”

May mga seksuwal na mang-aabuso na hindi gumagamit ng dahas. Sa halip, sinasamantala nila ang damdamin ng mga babae. Halimbawa, baka sabihin nila, “Walang masama sa gagawin natin,” “Huwag kang mag-alala, walang makakaalam,” o gaya ng binanggit sa Kabanata 24 ng aklat na ito, “Kung mahal mo ako, papayag ka.” Huwag kang magpapaloko. Gusto ka lang niyang pagsamantalahan. Ang totoo, sarili niya ang iniisip niya, hindi ikaw. Ang tunay na lalaki, uunahin ang kapakanan mo at determinadong sumunod sa moral na pamantayan ng Diyos. (1 Corinto 10:24) Hindi niya iisiping parausan lang ang mga babae. Sa halip, ituturing niyang ‘kapatid na babae ang mga nakababatang babae nang may buong kalinisan.’​—1 Timoteo 5:​1, 2.

[Larawan sa pahina 233]

Kung biktima ka ng pang-aabuso, napakabigat ng iyong dinadala. Humingi ka ng tulong​—makipag-usap ka