Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pag-ibig Na Kaya Ito?

Pag-ibig Na Kaya Ito?

KABANATA 29

Pag-ibig Na Kaya Ito?

Sagutin ang sumusunod:

1. Para sa iyo, ano ang “pag-ibig”? ․․․․․

2. Ano naman ang “pagkahumaling”? ․․․․․

3. Sa palagay mo, ano ang kaibahan ng dalawa? ․․․․․

WALANG kahirap-hirap mo sigurong nasagot ang mga tanong. Ang dali nga namang ipaliwanag ang pagkakaiba ng pag-ibig at pagkahumaling​—kung hindi ka “in love.”

Pero magbabago ang lahat ng iyan kapag dumating ang dreamgirl o dreamboy mo. Heto at patay na patay ka sa kaniya, at wala nang ibang mahalaga sa iyo. In love na in love ka. Pero pag-ibig na kaya talaga iyan​—o pagkahumaling lang? Paano mo malalaman? Para masagot iyan, tingnan muna natin kung ano na ang ipinagbago ng pananaw mo sa di-kasekso. Halimbawa, pag-isipan ang sumusunod na tanong:

● Ano ang tingin mo sa di-kasekso noong limang taóng gulang ka pa lang?

● Ano ang tingin mo ngayon sa di-kasekso?

Malamang na sa sagot mo, makikitang nagbago na ang tingin mo sa di-kasekso mula nang magbinata ka o magdalaga. “Maganda pala ang mga babae. Parang hindi naman sila ganiyan kaganda noon,” ang sabi ni Brian, 12. Napansin naman ni Elaine, 16, ang pagbabago, ilang taon pa lang ang nakakaraan. “Lahat ng mga kaibigan ko, boys ang pinag-uusapan,” ang sabi niya, “at ako, ang dali kong magka-crush.”

Ngayong nagkakagusto ka na sa di-kasekso, ano ang gagawin mo? Huwag magpanggap na wala kang nararamdaman, kasi siguradong magpapatindi lang ito sa nadarama mo. Sa halip, gamitin ang yugtong ito para mamulat sa tunay na kahulugan ng paghanga, pagkahumaling, at pag-ibig. Kung mauunawaan mo ang pagkakaiba ng tatlong ito, maiiwasan mong masaktan at matutulungan kang makahanap ng tunay na pag-ibig.

PAGHANGA → Ang nakikita ng mata mo

“Puro na lang babae ang pinag-uusapan namin ng mga kaibigan ko. Susubukan naming ibahin ang topic pero oras na may dumaang magandang babae, balik sa dati!”​—Alex.

“Ang dali kong ma-attract sa binatang tumitingin sa mata kapag kausap ka, maganda ang ngiti, at confident lumakad.”​—Laurie.

Normal lang na humanga ka sa magaganda o guwapo. Pero ingat ka. Bakit? Kasi mapandaya ang hitsura. Sinasabi ng Bibliya: “Gaya ng gintong singsing na pang-ilong na nasa nguso ng baboy, gayon ang babaing maganda ngunit humihiwalay sa katinuan.” (Kawikaan 11:22) Siyempre, totoo rin iyan sa mga lalaki.

PAGKAHUMALING → Ang itinitibok ng puso mo

“Meron akong crush na crush nung 12 ako. Noong hindi ko na siya crush, na-realize ko na kaya ko lang pala siya naging crush, kasi laging boys ang pinag-uusapan naming magkakaibigan​—eh nagkataong lalaki siya, ayun!”​—Elaine.

“Marami akong naging crush, pero ganda lang ang nakita ko sa kanila. Nung makilala ko na sila, hindi pala kami bagay.”​—Mark.

Kapag nahumaling ka, baka akala mo, pag-ibig na ito. Totoo, parehong sangkot ang damdamin sa pag-ibig at pagkahumaling. Pero magkaibang-magkaiba ang dalawang ito. Ang nahuhumaling ay naaakit lang sa panlabas na mga katangian. Bulag siya sa mga kahinaan ng isa at pinalalabis ang magagandang katangian. Kaya ang pagkahumaling ay kasinrupok ng kastilyong buhangin. “Hindi ito nagtatagal,” ang sabi ni Fiona. “Puwedeng patay na patay ka ngayon sa isang tao, at pagkalipas ng isang buwan, ganun pa rin ang nadarama mo​—pero sa ibang tao na.”

PAG-IBIG → Ang sinasabi ng isip mo

“Sa pag-ibig, may dahilan kung bakit mo nagugustuhan ang isa, at maganda ang dahilang iyon​—hindi makasarili.”​—David.

“Yung tunay na pag-ibig, lumalalim habang nagtatagal. Sa una, magkaibigan lang kayo. Unti-unti, nakikilala mo siya. At unti-unti ring nabubuo yung feelings mo para sa kaniya.”​—Judith.

Sa pag-ibig, nakikita ng isang tao ang positibong mga katangian at kahinaan ng nagugustuhan niya. Kaya nga sa paglalarawan ng Bibliya, ang pag-ibig ay hindi lang basta damdamin. Sinasabi nito na “ang pag-ibig ay may mahabang pagtitiis at mabait. . . . Tinitiis nito ang lahat ng bagay, pinaniniwalaan ang lahat ng bagay, inaasahan ang lahat ng bagay, binabata ang lahat ng bagay. Ang pag-ibig ay hindi kailanman nabibigo.” (1 Corinto 13:​4, 7, 8) Naipapakita ng taong umiibig ang mga katangiang ito kahit alam niyang may mga kahinaan ang taong minamahal niya. Hindi siya nagbubulag-bulagan.

Halimbawa ng Tunay na Pag-ibig

Ang ulat ng Bibliya tungkol kina Jacob at Raquel ay napakagandang halimbawa ng tunay na pag-ibig. Nagkakilala ang dalawa sa balon kung saan paiinumin ni Raquel ang mga tupa ng kaniyang tatay. Agad nagustuhan ni Jacob si Raquel​—‘maganda at balingkinitan’ kasi siya.​—Genesis 29:​17, Magandang Balita Biblia.

Pero tandaan na ang tunay na pag-ibig ay hindi tumitingin sa panlabas na anyo lang. Hindi lang basta nagandahan si Jacob kay Raquel. Sinasabi ng Bibliya na hindi nagtagal, ‘inibig ni Jacob si Raquel.’​—Genesis 29:18.

Happy ending na ba? Hindi pa. Pitong taon pang pinaghintay ng tatay ni Raquel si Jacob bago mapangasawa si Raquel. Nasubok ang pag-ibig ni Jacob. Kung pagkahumaling lang ang nararamdaman niya, susuko siya. Tunay na pag-ibig lang ang makapaghihintay nang ganoon katagal. Kaya ano ang nangyari? Sinasabi ng Bibliya: “Naglingkod si Jacob nang pitong taon para kay Raquel, ngunit sa kaniyang paningin ay naging tulad iyon ng ilang araw lamang dahil sa pag-ibig niya rito.”​—Genesis 29:20.

Ano ang matututuhan mo sa halimbawa nina Jacob at Raquel? Na tunay na pag-ibig lang ang talagang nagtatagal. At hindi ito sa panlabas na anyo lang tumitingin. Baka nga hindi mo mapansin sa umpisa ang talagang bagay sa iyo, gaya ng nangyari kay Barbara. May nakilala siyang isang binata na hindi niya gaanong gusto​—noong una. “Pero habang nakikilala ko siya,” ang sabi ni Barbara, “nagbago ang mga bagay-bagay. Nakita kong nagmamalasakit si Stephen sa ibang tao at lagi niyang inuuna ang iba. Alam kong magiging mabuti siyang asawa. Unti-unting nahulog ang loob ko sa kaniya.” Ang resulta? Isang matagumpay na pag-aasawa.

Kung may nagugustuhan ka at nasa edad ka na para mag-asawa, paano mo malalaman kung tunay na pag-ibig na ito? Imbes na pakinggan ang itinitibok ng puso mo, makinig sa sinasabi ng iyong isip at sa simulain ng Bibliya. Huwag tumingin sa hitsura lang. Huwag magmadali. Tandaan na madaling nawawala ang pagkahumaling. Pero ang tunay na pag-ibig, lalong tumitibay habang nagtatagal at nagiging “isang sakdal na bigkis ng pagkakaisa.”​—Colosas 3:14.

Makakahanap ka rin ng tunay na pag-ibig​—kung hindi ka basta magpapadala sa nakikita mo (paghanga) o sa itinitibok ng iyong puso (pagkahumaling). Matutulungan ka ng susunod na tatlong pahina para magawa iyan.

MARAMI KA PANG MABABASA TUNGKOL SA PAKSANG ITO SA TOMO 2, KABANATA 1 AT 3

SA SUSUNOD NA KABANATA

Natagpuan mo na siya! Pero paano mo malalaman kung handa ka nang mag-asawa?

TEMANG TEKSTO

“Ang pag-ibig ay hindi mapapatay ng maraming tubig, ni matatangay man ito ng mga ilog.”​—Awit ni Solomon 8:7.

TIP

Para malaman mo kung gaano mo talaga kakilala ang nagugustuhan mo, sagutan ang worksheet sa Tomo 2, pahina 39 (para sa mga babae) at pahina 40 (para sa mga lalaki).

ALAM MO BA . . . ?

Ang mga kabataang papalit-palit ng kasintahan ay parang “nagpapraktis” na makipagdiborsiyo pagkatapos magpakasal.

ANG PLANO KONG GAWIN!

Para malaman ko kung pagkahumaling o pag-ibig ang nararamdaman ko, ang gagawin ko ay ․․․․․

Ang mga gusto kong itanong sa (mga) magulang ko hinggil sa bagay na ito ay ․․․․․

ANO SA PALAGAY MO?

● Ang mga tao ay likas na naaakit sa di-kasekso. Bakit ganiyan ang pagkakalalang ng Diyos sa mga tao?

● Bakit maraming tin-edyer ang nabibigo sa “pag-ibig”?

[Blurb sa pahina 207]

“Ang pag-ibig, kayang daigin ang anumang hadlang. Ang pagkahumaling, madaling nawawala kapag nagbago ang mga kalagayan o nagkaproblema. Mahabang panahon ang kailangan para lumago ang tunay na pag-ibig.”​—Daniella

[Kahon sa pahina 209]

Worksheet

Ano ang Gagawin Mo?

Tatlong buwan nang magkasintahan sina Michael at Judy. Sabi ni Judy, “in love na in love” siya kay Michael. Alagang-alaga kasi siya ni Michael​​—sinasabi pa nga nito kung ano ang dapat niyang isuot at kung sino lang ang puwede niyang makasama. Parang prinsesa ang turing niya kay Judy​—puwera lang noong isang linggo. Sinampal ni Michael si Judy dahil “nahuli” siyang nakikipag-usap sa ibang lalaki.

Sabi ng lalaki: “Alam naman ni Judy na takót na takót akong mawala siya. Naiisip ko pa nga lang na aagawin siya sa akin ng ibang lalaki, galít na galít na ako! Hindi ko naman siya gustong sampalin. Nagawa ko lang ‘yun dahil ayokong tumitingin siya sa ibang lalaki. Saka, nagsori na ‘ko!”

Sabi ng babae: “Sabi ng mga magulang ko, possessive si Mike. Pero mataas lang talaga ang standard niya. Ni minsan nga, hindi niya ako pinilit na gumawa ng mahalay. Yung pananampal niya sa akin? Hindi ko sinabi ‘yun sa mga magulang ko. Eh kasalanan ko rin naman, nakikipag-usap ako sa ibang lalaki. Flattered ako kung minsan ‘pag nagseselos siya. Nagsori na siya, at saka nag-promise na hindi na niya uulitin ‘yon.”

Ikaw naman: May nakikita ka bang mga indikasyon na hindi maganda ang kauuwian ng relasyong ito? Kung mayroon, ano? ․․․․․

Ano ang dapat gawin ni Judy? ․․․․․

Ano ang gagawin mo? ․․․․․

[Kahon sa pahina 210]

Worksheet

Ano ang Gagawin Mo?

Dalawang buwan nang magkasintahan sina Ethan at Alyssa. Alam ni Ethan na palaban si Alyssa, lalo na sa mga magulang niya. Lagi ngang nakikipagtalo si Alyssa sa kanila, at madalas, siya ang panalo. Naging “eksperto” na siya rito kaya suko sa kaniya ang mga magulang niya. Ipinagyayabang ni Alyssa kay Ethan na kayang-kaya niyang bilugin ang ulo nila.

Ang sabi ng lalaki: “Prangka si Alyssa. Hindi siya papatalo​—kahit sa mga magulang niya. Nakakainis naman kasi ang daddy niya, kaya nauubos ang pasensiya ni Alyssa. Pero hindi naman siya puro sigaw. Kaya niyang umiyak, ngumuso, o maglambing​—para lang makuha ang gusto niya sa daddy at mommy niya.”

Ang sabi ng babae: “Wala akong pakialam kung sino ka, sasabihin ko ang gusto kong sabihin, kahit masaktan ka pa. Kilala na ako ni Ethan. Alam na niya kung paano ako makitungo sa mga magulang ko.”

Ikaw naman: May nakikita ka bang mga indikasyon na hindi maganda ang kauuwian ng relasyong ito? Kung mayroon, ano? ․․․․․

Ano ang dapat gawin ni Ethan? ․․․․․

Ano ang gagawin mo? ․․․․․

[Kahon sa pahina 211]

Worksheet

Pag-ibig o Pagkahumaling?

Hulaan ang nawawalang salita sa sumusunod na mga komento. Isulat ang mga salitang pag-ibig o pagkahumaling sa patlang.

1. “Ang ․․․․․ ay bulag at ayaw mamulat sa katotohanan.”​—Calvin.

2. “Kung kailangan kong magpanggap kapag kasama ko ang babaing gusto ko, ․․․․․ iyon.”​—Thomas.

3. “May ugali siyang kinaiinisan mo, pero kung ito ay ․․․․․, siya pa rin ang gugustuhin mong makasama at aayusin ninyo ang problema.”​—Ryan.

4. “Kung ang tinitingnan mo lang ay ang pinagkakasunduan ninyo, ․․․․․ iyon.”​—Claudia.

5. “Kung ․․․․․ ito, hindi mo itatago kung sino ka.”​—Eve.

6. “Makasarili ang ․․․․․ kasi ang iniisip mo lang ay ang gusto mo​—halimbawa, baka gusto mo lang masabi na may boyfriend ka.”​—Allison.

7. “Sa ․․․․․, nakikita mo ang mga pagkakamali at kakaibang ugali niya pero kaya mo siyang pagpasensiyahan.”​—April.

8. “Sa ․․․․․, hindi mo alam kung bakit gusto mo siya​—basta gusto mo siya.”​—David.

9. “Kung perpekto ang tingin mo sa kaniya, ․․․․․ iyon.”​—Chelsea.

10. “Sa ․․․․․, hindi ka na titingin sa iba, kasi gusto mong maging tapat sa kaniya.”​—Daniel.

Sagot: Pagkahumaling: 1, 2, 4, 6, 8, 9. Pag-ibig: 3, 5, 7, 10.

[Larawan sa pahina 204, 207]

Ang pagkahumaling ay kasinrupok ng kastilyong buhangin​—madaling gumuguho sa hampas ng alon