Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Paano Ko Maiiwasan ang Homoseksuwalidad?

Paano Ko Maiiwasan ang Homoseksuwalidad?

KABANATA 28

Paano Ko Maiiwasan ang Homoseksuwalidad?

“Noong tin-edyer ako, pinaglalabanan ko ’yung nararamdaman ko, kasi nagkakagusto ako sa kapuwa ko lalaki. Alam ko, hindi tama ang nararamdaman ko.”​—Olef.

“Isa o dalawang beses na akong nakipaghalikan sa kaibigan kong babae. Pero nagkakagusto pa rin ako sa mga lalaki, kaya iniisip ko, baka bisexual ako.”​—Sarah.

SASANG-AYON ang karamihan na di-gaya noong nakalipas na mga dekada, lantaran na ngayon kung pag-usapan ang tungkol sa homoseksuwalidad. Subukan mong magsalita laban dito, at malamang na mapaaway ka! Ganito ang sabi ng 16-anyos na si Amy, “Sinabihan ako ng isang babae na nagtatangi ako ng lahi, kasi ang pagtutol ko raw sa homoseksuwalidad ay katumbas na rin ng pagtatangi ng lahi!”

Dahil halos lahat ay puwede na ngayon, maraming kabataan ang nag-eeksperimento at nakikipagrelasyon sa kapuwa nila lalaki o babae. “Maraming babae sa iskul namin ang nagsasabing sila’y tomboy, bisexual, o ‘bi-curious’ [gustong sumubok na makipag-sex sa mga lalaki at babae para malaman ang pagkakaiba nito],” ang sabi ng 15-anyos na si Becky. Ganiyan din sa paaralan nina Christa, 18 anyos. “Dalawang kaklase kong babae ang nagyaya sa akin na makipag-sex,” ang sabi niya. “Sinulatan ako ng isa kung gusto ko raw maranasang makipag-sex sa kapuwa ko babae.”

Yamang lantaran na ngayon ang pakikipagrelasyon sa kapuwa lalaki/babae, baka itanong mo: ‘Talaga nga kayang masama ang homoseksuwalidad? Paano kung nagkakagusto ako sa kapuwa ko lalaki/babae? Ibig bang sabihin nito, homoseksuwal ako?’

Ano ang Pangmalas ng Diyos sa Homoseksuwalidad?

Sa ngayon, hindi na isyu para sa maraming tao​—maging sa ilang lider ng relihiyon​—ang homoseksuwalidad. Subalit napakaliwanag ng sinasabi ng Salita ng Diyos, ang Bibliya. Sinasabi nito sa atin na lalaki at babae ang nilalang ng Diyos na Jehova at ang pagsisiping ay nilayon niya para lamang sa lalaki at babaing mag-asawa. (Genesis 1:27, 28; 2:24) Kaya nga hindi nakapagtatakang hinahatulan ng Bibliya ang homoseksuwal na mga gawain.​—Roma 1:26, 27.

Sinasabi ng ilan na laos na ang Bibliya. Pero sa palagay mo, bakit kaya iyan agad ang komento nila? Hindi kaya dahil salungat sa pananaw nila ang sinasabi ng Bibliya? Tinatanggihan ng marami ang Salita ng Diyos dahil iba ang itinuturo nito sa gusto nilang paniwalaan. Pero pilipit at makitid ang pananaw na iyan, at hindi tayo dapat magpaimpluwensiya rito!

Eh paano nga kung nagkakagusto ka sa kapuwa mo lalaki/babae? Ibig bang sabihin nito, homoseksuwal ka na? Hindi naman. Tandaan, ikaw ay nasa “kasibulan ng kabataan,” ang panahon kung kailan sadyang madali kang makaramdam ng seksuwal na pagnanasa. (1 Corinto 7:36) Kaya kung paminsan-minsan ay nagkakagusto ka sa kapuwa mo lalaki/babae, huwag kang mag-alala. Hindi ito nangangahulugan na homoseksuwal ka na. Karaniwan nang lumilipas din ang gayong damdamin. Ang mahalaga ay umiwas ka sa homoseksuwal na mga gawain. Paano mo ito magagawa?

Manalangin. Makiusap ka kay Jehova gaya ng ginawa ni David: “Siyasatin mo ako, O Diyos, at kilalanin mo ang aking puso. Suriin mo ako, at alamin mo ang aking mga nakababalisang kaisipan, at tingnan mo kung sa akin ay may anumang nakasasakit na lakad, at patnubayan mo ako sa daan ng panahong walang takda.” (Awit 139:23, 24) Maaari kang palakasin ni Jehova at bigyan ng kapayapaan na “nakahihigit sa lahat ng kaisipan.” Ang kapayapaang ito ang ‘magbabantay sa iyong puso at sa iyong kakayahang pangkaisipan,’ at magbibigay sa iyo ng “lakas na higit sa karaniwan” para hindi ka madala ng maling mga pagnanasa.​—Filipos 4:6, 7; 2 Corinto 4:7.

Mag-isip ng mga bagay na nakapagpapatibay. (Filipos 4:8) Basahin ang Bibliya araw-araw. Malaki ang maitutulong nito para mahubog ang iyong isip at puso. (Hebreo 4:12) Ganito ang sabi ng kabataang si Jason: “Napakalaki ng epekto sa akin ng Bibliya​—lalo na ang mga tekstong gaya ng 1 Corinto 6:9, 10 at Efeso 5:3. Binabasa ko ang mga tekstong ito kapag nakakaramdam ako ng maling mga pagnanasa.”

Iwasan ang pornograpya at anumang bagay na may kinalaman sa homoseksuwalidad. (Colosas 3:5) Iwasan ang anumang bagay na pupukaw ng imoral na mga pagnanasa. Kasama rito ang pornograpya, ilang pelikula at palabas sa TV, at marahil ay mga magasin na may larawan ng seksi o maskuladong mga modelo na halos wala nang saplot. Kapag natatangay ang isip mo sa maruruming bagay, ibaling ito sa mga bagay na kapaki-pakinabang. “Kapag parang gusto ko nang bumigay,” ang sabi ng isang kabataang lalaki, “binubulay-bulay ko ang paborito kong teksto sa Bibliya.”

Siyempre, may mga magsasabing hindi mo na kailangang pahirapan pa ang iyong sarili, na ‘sundin mo na lang ang nararamdaman mo’ at ‘tanggapin kung ano ka talaga.’ Pero sinasabi ng Bibliya na kaya mong daigin ang maling mga pagnanasa! Halimbawa, may binabanggit sa Bibliya na ilang Kristiyano noong unang siglo na dating mga homoseksuwal pero nagbago. (1 Corinto 6:9-11) Kaya kung nakadarama ka ng maling mga pagnanasa, mapaglalabanan mo rin ito.

Paano kung hindi maalis-alis ang pagnanasa mo sa kapuwa mo lalaki o babae? Huwag ka pa ring susuko! Kinasusuklaman ni Jehova ang homoseksuwal na mga gawain. Kaya kailangan talagang paglabanan ng isang taong nagkakaroon ng homoseksuwal na mga pagnanasa ang kaniyang damdamin. At mayroon siyang magagawa​—puwede niyang iwasan ang homoseksuwal na mga gawain.

Gamitin nating ilustrasyon ang isang taong “madaling magngalit.” (Kawikaan 29:22) Baka madaling magsiklab ang kaniyang galit noon. Pero nang mag-aral siya ng Bibliya, natutuhan niya na kailangan niyang magpigil ng sarili. Ibig bang sabihin nito, hindi na siya kailanman magagalit? Hindi naman. Pero dahil alam niya ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa di-masupil na galit, kokontrolin niya ang kaniyang sarili para hindi sumiklab ang kaniyang galit.

Ganiyan din ang isang taong nagkakagusto sa kapuwa niya babae o lalaki na ngayon ay may alam na sa sinasabi ng Bibliya tungkol sa homoseksuwal na mga gawain. Kung minsan, baka makadama pa rin siya ng maling pagnanasa. Pero kung tutularan niya ang pangmalas ni Jehova hinggil sa homoseksuwalidad, mapalalakas siya na labanan ang pagnanasang iyon.

Huwag Sumuko!

Kung may pinaglalabanan kang pagnanasa sa kapuwa mo lalaki o babae, baka pareho kayo ng nadarama ng isang kabataan na nagsabi: “Sinisikap ko naman na labanan ang nadarama ko. Humingi na ako ng tulong kay Jehova sa panalangin. Nagbabasa ako ng Bibliya. Nakapakinig na ako ng mga pahayag hinggil sa paksang ito. Pero naguguluhan pa rin ako at hindi ko na alam kung ano pa ang dapat kong gawin.”

Kung ganiyan din ang situwasyon mo, hindi biro ang pinaglalabanan mo. Walang madaling lunas. Pero kung gusto mong mapasaya ang Diyos, dapat kang sumunod sa Kaniyang mga pamantayang moral, kahit na napakahirap nito para sa iyo. Huwag mong kalilimutan na nauunawaan ng Diyos ang pinaglalabanan mong damdamin at nagpapakita siya ng awa sa mga naglilingkod sa kaniya. * (1 Juan 3:19, 20) Kung susundin mo ang mga utos ng Diyos, pagpapalain ka​—tatanggap ka ng “malaking gantimpala.” (Awit 19:11) Ngayon pa lang, magiging maligaya na ang iyong buhay sa kabila ng maligalig na situwasyon sa sanlibutang ito.

Kaya magtiwala ka sa Diyos, at labanan mo ang maling mga pagnanasa. (Galacia 6:9) ‘Kamuhian mo ang balakyot, at kumapit ka sa mabuti.’ (Roma 12:9) Kung magsisikap ka, darating ang panahon na mas makokontrol mo na ang iyong maling mga pagnanasa. Higit sa lahat, kung iiwasan mo ang homoseksuwal na mga gawain, may pag-asa kang mabuhay nang walang hanggan sa matuwid na bagong sanlibutan ng Diyos.

SA SUSUNOD NA KABANATA

Paano mo makokontrol ang iyong pagnanasa sa isang di-kasekso?

[Talababa]

^ par. 21 Ang isang Kristiyano na nakagawa ng kahalayan ay dapat humingi ng tulong sa mga matatanda sa kongregasyon.​—Santiago 5:14, 15.

TEMANG TEKSTO

“Suriin mo ako, at alamin mo ang aking mga nakababalisang kaisipan, at tingnan mo kung sa akin ay may anumang nakasasakit na lakad.”​—Awit 139:23, 24.

TIP

Para maunawaan mo ang kahulugan ng pagiging tunay na lalaki, pag-aralan mo ang halimbawa ni Jesus. (1 Pedro 2:21) Isa siyang sakdal na huwaran sa pagpapakita ng lakas ng loob at kahinahunan.

ALAM MO BA . . . ?

Bagaman hindi mo maaalis sa sarili mo na magkaroon ng mga pagnanasa, makokontrol mo naman ang iyong kilos. Kaya mong labanan ang maling pagnanasa at huwag magpadaig dito.

ANG PLANO KONG GAWIN!

Kung may magtanong sa akin kung bakit hinahatulan ng Bibliya ang homoseksuwalidad, ang sasabihin ko ay ․․․․․

Kung may magsasabi sa akin na hindi patas ang sinasabi ng Bibliya, ang sasabihin ko sa kaniya ay ․․․․․

Ang mga gusto kong itanong sa (mga) magulang ko hinggil sa bagay na ito ay ․․․․․

ANO SA PALAGAY MO?

Bakit hindi sinasang-ayunan ng Diyos ang homoseksuwalidad?

Ano ang puwede mong gawin para maiwasan mo ang homoseksuwalidad?

Kung gaya ng Diyos ay hindi ka sang-ayon sa homoseksuwalidad, ibig bang sabihin nito ay homophobic ka (nasusuklam sa mga bakla o tomboy)?

[Blurb sa pahina 236]

“Naimpluwensiyahan ako ng pilipit na pananaw ng sanlibutan kaya lalo lang akong nalito kung homoseksuwal ba ako. Ngayon, umiiwas na ako sa anuman o sinumang nagtataguyod ng homoseksuwalidad.”​—Anna

[Larawan sa pahina 233]

Ang lahat ng kabataan ay kailangang magpasiya​—tatanggapin ba nila ang mababang pamantayan ng sanlibutan hinggil sa sekso o susundin nila ang mataas na pamantayang moral na nakasaad sa Salita ng Diyos?