Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Bakit ang Higpit sa Bahay?

Bakit ang Higpit sa Bahay?

KABANATA 22

Bakit ang Higpit sa Bahay?

Ano ang ilan sa mga “batas” na ipinatutupad sa bahay ninyo? ․․․․․

Sa palagay mo, masyado bang mahigpit ang mga ito?

□ Oo □ Hindi

Para sa iyo, alin sa mga ito ang pinakamahirap sundin? ․․․․․

ANG mga magulang mo o ang mga nagpapalaki sa iyo ang nagtatakda ng mga bagay na dapat at hindi mo dapat gawin. Kasali rito ang tungkol sa paggawa mo ng takdang-aralin, mga gawain sa bahay, at oras ng pag-uwi, pati na ang mga limitasyon sa panonood mo ng TV, at sa paggamit ng telepono at computer. Baka hinihigpitan ka rin nila hinggil sa paggawi mo sa eskuwelahan at pagpili ng mga kaibigan.

Pakiramdam mo ba’y wala ka nang kalayaan dahil sa mga restriksiyong ito? Baka katulad ka rin ng mga kabataang ito:

“Inis na inis ako noon dahil kailangan kong umuwi nang maaga! Samantalang ’yung iba, puwedeng gabing-gabi nang umuwi.”​—Allen.

“Nakakainis, pati paggamit ko ng cellphone, binabantayan. Ginagawa nila akong bata!”​—Elizabeth.

“Gusto yata ng mga magulang ko na buruhin ako sa bahay! Parang ayaw nila akong magkaroon ng mga kaibigan.”​—Nicole.

Bagaman madalas na nalalabag ng mga kabataan ang “batas” ng kanilang mga magulang, kumbinsido naman ang marami sa kanila na kailangan din ang mga iyon para magkaroon ng kaayusan sa bahay. Pero kung talagang mahalaga ang mga “batas” sa bahay, bakit kaya nakakairita ang ilan sa mga ito?

“Hindi Na ’Ko Bata!”

Baka naiinis ka sa mga “batas” sa bahay dahil iniisip mong parang bata ang turing sa iyo. Gusto mong sabihin, “Hindi na ’ko bata!” Pero tandaan mo na gusto lang naman ng mga magulang mo na proteksiyunan ka at lumaki kang responsable.

Gayunman, baka maisip mong hindi na nagbago ang mga “batas” sa bahay kahit malaki ka na. Baka pakiramdam mo’y nasasakal ka na, gaya ng kabataang si Brielle, na nagsabi ng ganito hinggil sa kaniyang mga magulang: “Parang hindi sila dumaan sa pagiging tin-edyer. Hindi ako puwedeng magsalita o gumawa ng sarili kong desisyon.” Ganiyan din ang nadarama ng kabataang si Allison. “Tingin sa akin ng mga magulang ko 10 taóng gulang pa lang ako, eh 18 na ’ko,” ang sabi niya. “Sana naman magtiwala sila sa akin!”

Mas mahirap sumunod sa mga “batas” sa bahay kapag nakikita mong waring mas maluwag ang mga magulang mo sa iba mong mga kapatid. Iyan mismo ang nadama ng binatang si Matthew noong tin-edyer pa siya. Sinabi niya tungkol sa kaniyang nakababatang kapatid at mga pinsan, “Lagi na lang silang nakakalusot!”

Mas Mabuti Kaya Kung Walang mga “Batas”?

Malamang na gusto mo ring makalaya sa kontrol ng iyong mga magulang. Pero talaga kayang mas mapapabuti ka kung wala silang mga restriksiyon sa iyo? Baka may kakilala kang mga kaedaran mo na pinapayagang umuwi ng bahay kahit anong oras, magsuot ng kahit anong damit na magustuhan nila, at maglakwatsa kahit saan at kahit kailan nila gustuhin. Baka masyadong abala ang mga magulang ng mga kabataang ito kaya hindi na nila napapansin ang ginagawa ng kanilang mga anak. Anuman ang dahilan, ipinakikita ng Bibliya na napapahamak ang mga anak na pinalaki sa gayong paraan. (Kawikaan 29:15) Ang mga batang kinukunsinti ng kanilang mga magulang ay karaniwan nang lumalaking makasarili, kaya naman hindi nakapagtatakang maraming tao sa daigdig ngayon ang walang pag-ibig.​—2 Timoteo 3:1-5.

Sa halip na mainggit sa mga kabataang laki sa layaw, isipin mong ang mga “batas” ng iyong mga magulang ay katibayan na mahal ka nila at nagmamalasakit sila sa iyo. Ang mga magulang na nagtatakda ng makatuwirang limitasyon ay tumutulad sa Diyos na Jehova, na nagsabi hinggil sa kaniyang bayan: “Pagkakalooban kita ng kaunawaan at tuturuan kita hinggil sa daan na dapat mong lakaran. Magpapayo ako habang ang aking mata ay nakatingin sa iyo.”​—Awit 32:8.

Pero kung minsan, baka maisip mong masyado kang hinihigpitan ng iyong mga magulang. Ano ang mabuti mong gawin?

Matutong Makipag-usap

Mahalaga na matuto kang makipag-usap kung gusto mong mabigyan ka ng higit na kalayaan o kung gusto mong mas maunawaan ang mga restriksiyon na ibinibigay sa iyo ng mga magulang mo. ‘Pero sinubukan ko nang makipag-usap sa mga magulang ko, hindi rin umubra!’ baka sabihin ng ilan. Kung ganiyan ang nadarama mo, tanungin ang iyong sarili, ‘Mayroon ba akong dapat pasulungin sa paraan ko ng pakikipag-usap?’ Napakalaking tulong ang pag-uusap para (1) maunawaan ka ng iba at (2) maunawaan mo kung bakit hindi ka laging napagbibigyan. Kaya kung ayaw mong ituring kang parang bata, huwag kang maging asal-bata kapag nakikipag-usap. Paano mo ito gagawin?

Matutong magpigil. Mahalagang magpigil sa sarili kapag nakikipag-usap. Sinasabi ng Bibliya: “Inilalabas ng hangal ang kaniyang buong espiritu, ngunit siyang marunong ay nagpapanatili nitong mahinahon hanggang sa huli.” (Kawikaan 29:11) Kaya huwag kang magreklamo, magmukmok, at mag-alboroto. Kung minsan, baka gusto mo nang ibagsak ang pinto o magdabog kapag pinagbabawalan ka. Pero kung ganiyan ang gagawin mo, imbes na payagan ka sa gusto mong mangyari, baka lalo ka lang nilang higpitan.

Isipin ang motibo ng iyong mga magulang. Sinabi ng kabataang Kristiyano na si Tracy, na lumaki sa isang pamilyang may nagsosolong magulang, “Tinatanong ko ang sarili ko, ‘Bakit kaya ako hinihigpitan ng nanay ko?’” Naisip ni Tracy, “Gusto niya kasing maging mas mabuting tao ako.” (Kawikaan 3:1, 2) Magiging mas madali sa iyo na makipag-usap sa iyong mga magulang kung uunawain mo ang dahilan ng kanilang paghihigpit.

Halimbawa, paano kung alanganin ang mga magulang mo na pahintulutan kang pumunta sa isang parti? Sa halip na makipagtalo, puwede mo silang tanungin kung papayag sila sakaling magsama ka ng isang kaibigang maygulang at pinagtitiwalaan nila. Hindi man sila pumayag sa iyong mungkahi, baka makaisip ka ng mas magandang opsyon kung uunawain mo ang dahilan ng kanilang pag-aalala.

Ipakita mong mapagkakatiwalaan ka. Gamitin nating ilustrasyon ang isang taong umutang sa bangko. Kung hindi siya pumapalya sa obligasyon niyang magbayad sa takdang panahon, magtitiwala sa kaniya ang bangko at baka makautang pa nga siya nang mas malaki sa hinaharap. Ganiyan din sa bahay. Obligasyon mong sumunod sa iyong mga magulang. Kung ipinapakita mong responsable ka​—kahit sa maliliit na bagay​—malamang na higit ka nilang pagtiwalaan. Pero kung lagi mong binibigo ang iyong mga magulang, huwag kang magtaka kung mabawasan o tuluyan nang mawala ang tiwala sa iyo ng mga magulang mo.

Kapag Hindi Ka Nakasunod

May mga pagkakataong hindi ka nakakasunod sa iyong mga magulang​—baka hindi mo nagawa ang trabaho sa bahay na nakatoka sa iyo, nagbabad ka sa telepono, o ginabi ka nang uwi. (Awit 130:3) Malamang na sitahin ka ng mga magulang mo. Ano ang gagawin mo para hindi na lalong uminit ang ulo nila?

Magsabi ng totoo. Huwag mag-imbento ng kuwento. Kung gagawin mo ’yon, mawawala pa ang anumang natitirang tiwala sa iyo ng mga magulang mo. Kaya maging tapat ka at huwag maglihim sa kanila. (Kawikaan 28:13) Huwag ka nang mangatuwiran. Huwag mo ring isiping maliit na bagay lang ang nangyari at sabihing, ‘Para ’yun lang!’ At laging tandaan na “ang sagot, kapag mahinahon, ay pumapawi ng pagngangalit.”​—Kawikaan 15:1.

Magsori. Angkop na humingi ka ng dispensa sa mga magulang mo dahil sa idinulot mong pag-aalala, pagkadismaya, o abala. Baka nga gumaan pa ang parusa nila sa iyo kung gagawin mo ito. Pero dapat, mula sa puso ang paghingi mo ng sori.

Tanggapin ang parusa nang maluwag sa kalooban. (Galacia 6:7) Baka tutulan mo agad ang parusa sa iyo, lalo na kung sa tingin mo’y hindi ito makatuwiran. Pero kung handa kang panagután ang nagawa mo, katibayan ito na maygulang ka na. Ang pinakamagandang gawin mo ay sikaping maibalik ang tiwala sa iyo ng iyong mga magulang.

Isulat sa ibaba kung alin sa tatlong puntong nabanggit sa itaas ang kailangan mong pasulungin. ․․․․․

Tandaan, kinokontrol ng mga magulang mo ang iyong kilos dahil responsibilidad ka nila. Kaya nga sinasabi ng Bibliya na obligasyon mong sumunod sa “utos ng iyong ama” at “kautusan ng iyong ina.” (Kawikaan 6:20) Pero hindi mo dapat isipin na masisira ang buhay mo dahil sa paghihigpit nila. Ang totoo, ipinangangako ni Jehova na kung magpapasakop ka sa iyong mga magulang, ‘mapapabuti ka’!​—Efeso 6:1-3.

MARAMI KA PANG MABABASA TUNGKOL SA PAKSANG ITO SA TOMO 1, KABANATA 3

SA SUSUNOD NA KABANATA

May magulang ka bang lulong sa droga o alak? Alamin kung ano ang maaari mong gawin.

TEMANG TEKSTO

“Parangalan mo ang iyong ama at ang iyong ina . . . upang mapabuti ka.”​—Efeso 6:2, 3.

TIP

Kung gusto mong bigyan ka ng iyong mga magulang ng higit na kalayaan, ipakita mo munang masunurin ka. Kapag nakita nilang masunurin ka at mapagkakatiwalaan, mas malamang na pagbigyan nila ang mga gusto mo.

ALAM MO BA . . . ?

Ayon sa pag-aaral, kapag ang mga magulang ay nagtatakda ng mga tuntunin sa maibiging paraan, ang kanilang mga anak ay posibleng maging mas mahusay sa klase, marunong makisama, at masayahin.

ANG PLANO KONG GAWIN!

Kung may nalabag akong “batas” sa bahay, ang sasabihin ko sa mga magulang ko ay ․․․․․

Para pagkatiwalaan ako ng aking mga magulang, ang gagawin ko ay ․․․․․

Ang mga gusto kong itanong sa (mga) magulang ko hinggil sa bagay na ito ay ․․․․․

ANO SA PALAGAY MO?

Bakit kaya parang masyadong mahigpit ang mga magulang mo kung minsan?

Bakit may pagkakataong naghihinanakit ka sa mga restriksiyon?

Paano mo mapasusulong ang paraan mo ng pakikipag-usap sa iyong mga magulang?

[Blurb sa pahina 183]

“Kapag bata ka pa, akala mo’y alam mo na ang lahat. Kaya madali kang mainis sa mga magulang mo kapag pinagbabawalan ka nila. Pero para sa kapakanan naman natin ang paghihigpit nila.”​—Megan

[Kahon sa pahina 186]

Talaga Bang may Paboritismo?

Kung minsan ba ay naitatanong mo, ‘Bakit kaya hindi pare-pareho ang pakikitungo ng mga magulang ko sa aming magkakapatid?’ Kung iyan ang nadarama mo, tandaan: Ang parehong pakikitungo ay hindi laging patas, at ang patas na pakikitungo ay hindi laging pareho. Makakatulong sa iyo kung pag-iisipan mo ito: Hindi ba talaga naibibigay sa iyo ang pangangailangan mo? Halimbawa, kung kailangan mo ng payo, tulong, o suporta ng iyong mga magulang, lagi ba silang nasa tabi mo? Kung oo, masasabi mo bang hindi sila patas? Dahil magkakaiba kayong magkakapatid, hindi talaga puwedeng pare-pareho ang pakikitungo nila sa inyo sa lahat ng pagkakataon. Iyan ang naunawaan ni Beth, na 18 anyos na ngayon. Ganito ang sabi niya: “Magkaibang-magkaiba kami ng kapatid kong lalaki kaya natural lang na magkaiba rin ang pakikitungo sa amin. Nagtataka talaga ako kung bakit hindi ko ito naintindihan noon.”

[Kahon/Larawan sa pahina 189]

Worksheet

Makipag-usap sa Iyong mga Magulang!

Tinalakay sa naunang dalawang kabanata kung ano ang magagawa mo kapag pinupuna ka o hinihigpitan ng iyong mga magulang. Paano kung sa tingin mo’y masyadong istrikto ang mga magulang mo pagdating sa mga bagay na ito? Paano mo sila kakausapin tungkol dito?

Makipag-usap sa kanila kapag hindi ka tensiyonado at hindi sila masyadong abala.

Sabihin ang totoong nadarama mo, pero huwag maging masyadong emosyonal. Maging magalang sa pakikipag-usap sa kanila.

Kung sa tingin mo’y ikaw na lang lagi ang nakikita ng iyong mga magulang, puwede mong sabihin: “Nagsisikap naman po akong gawin ang tama, pero nahihirapan ako kung lagi na lang po akong pinupuna. Puwede po ba nating pag-usapan ito?”

Isulat sa ibaba kung paano mo pasisimulan ang pakikipag-usap sa iyong mga magulang hinggil sa paksang ito.

․․․․․

TIP: Gamitin ang tinalakay sa Kabanata 21 para simulan ang pag-uusap. Malamang na gusto rin ng mga magulang mo na pag-usapan ninyo ang kabanatang ito.

Kung sa tingin mo naman ay masyado kang hinihigpitan ng mga magulang mo, puwede mong sabihin: “Gusto ko pong ipakita sa inyo na responsable ako para mapagkatiwalaan ninyo ako at mabigyan ng higit na kalayaan. Ano po ba ang dapat kong pasulungin?”

Isulat sa ibaba kung paano mo pasisimulan ang pakikipag-usap sa iyong mga magulang hinggil sa paksang ito.

․․․․․

TIP: Repasuhin ang Tomo 1, Kabanata 3, na pinamagatang “Papaano Ko Magagawang Mabigyan Ako ng Higit na Kalayaan ng Aking mga Magulang?” Pagkatapos, batay sa nabasa mo, isulat ang mga tanong na gusto mong ipakipag-usap sa iyong mga magulang.

[Larawan sa pahina 184, 185]

Ang pagsunod sa iyong mga magulang ay gaya ng obligasyong magbayad ng utang sa bangko​—kapag hindi ka pumapalya sa iyong obligasyon, lálaki ang tiwala nila sa iyo