Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Paano Kung Nag-aaway Sina Tatay at Nanay?

Paano Kung Nag-aaway Sina Tatay at Nanay?

KABANATA 24

Paano Kung Nag-aaway Sina Tatay at Nanay?

Nag-aaway ba sa harap mo ang tatay at nanay mo? Kung oo, alin sa mga ito ang pinakamadalas nilang pagtalunan?

□ Pera

□ Gawain sa bahay

□ Kamag-anak

□ Ikaw

Ano ang gusto mong sabihin sa mga magulang mo tungkol sa nagiging epekto sa iyo ng pag-aaway nila? Isulat sa ibaba ang sagot mo.

․․․․․

NATURAL lamang na maapektuhan ka ng pag-aaway ng iyong mga magulang. Kasi, mahal mo sila, at sa kanila ka nakasandal. Kaya baka mag-alala ka nang husto kapag naririnig mong nagtatalo sila. Baka naman pareho kayo ng naiisip ng dalagitang si Marie, na nagsabi, “Nahihirapan akong irespeto ang mga magulang ko. Paano kasi, parang sila mismo walang respeto sa isa’t isa.”

Kapag nakita mong nag-aaway ang mga magulang mo, magigising ka sa masaklap na katotohanang hindi pala sila perpekto gaya ng iniisip mo. Dahil dito, baka kung anu-ano na ang maisip mo. Kapag dumadalas o tumitindi ang pag-aaway nila, baka mag-alala kang maghihiwalay na sila. “Kapag naririnig kong nag-aaway ang tatay at nanay ko,” ang sabi ni Marie, “naiisip kong maghihiwalay na sila at mapipilitan akong mamili kung kanino ako sasama sa kanilang dalawa. Natatakot din akong magkahiwa-hiwalay kaming magkakapatid.”

Bakit nag-aaway ang mga magulang, at ano ang maaari mong gawin kapag nangyari iyon?

Kung Bakit Nag-aaway ang mga Magulang

Karaniwan na, ‘napagtitiisan naman [ng iyong mga magulang] ang isa’t isa sa pag-ibig.’ (Efeso 4:2) Pero sinasabi ng Bibliya: “Ang lahat ay nagkasala at nagkukulang sa kaluwalhatian ng Diyos.” (Roma 3:23) Hindi perpekto ang mga magulang mo. Kaya hindi ka dapat magtaka kung nagkakainisan man sila, at paminsan-minsan ay mauwi ang pagkakainisang iyon sa pagtatalo.

Tandaan mo rin na nabubuhay tayo sa “mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan.” (2 Timoteo 3:1) Dahil sa hirap ng buhay, dami ng bayarin, at problema sa trabaho, nagkakaroon ng tensiyon ang pagsasama ng mag-asawa. At kung parehong nagtatrabaho ang mga magulang mo, baka magturuan pa sila kung sino ang mag-aasikaso sa ilang gawaing-bahay.

Kaya huwag kang mag-alala kaagad kung nagtatalo man ang mga magulang mo. Hindi naman ibig sabihin nito na masisira na ang kanilang pagsasama. Malamang na mahal pa rin naman nila ang isa’t isa​—kahit na magkaiba ang opinyon nila sa ilang bagay.

Bilang ilustrasyon: Nasubukan mo na bang manood ng sine kasama ng malapít mong mga kaibigan? Baka magkakaiba ang naging opinyon ninyo tungkol sa palabas. Oo, kahit ang mga taong malapít sa isa’t isa ay maaaring magkaroon ng magkakaibang pananaw sa ilang bagay. Ganiyan din siguro ang mga magulang mo. Baka pareho nilang alam na kailangang mag-ipon at huwag magsayang ng pera, pero magkaiba ang opinyon nila kung paano babadyetin ang pera; pareho silang nagpaplano ng bakasyon para sa pamilya, pero magkaiba ang gusto nila pagdating sa pagrerelaks; o pareho nilang gustong makapagtapos ka, pero magkaiba ang paraan nila para pasiglahin kang mag-aral.

Oo, kahit na nagmamahalan ang dalawang tao, maaaring magkaiba pa rin paminsan-minsan ang opinyon nila sa mga bagay-bagay. Pero siyempre ayaw mo pa ring marinig na nagtatalo ang mga magulang mo. Kaya ano ang mabuti mong gawin?

Kung Ano ang Puwede Mong Gawin

Maging magalang. Baka agad kang naiinis kapag parang aso’t pusa ang nanay at tatay mo. Kasi kung tutuusin, sila ang dapat na unang magpakita ng mabuting halimbawa, hindi ikaw. Pero dapat mo pa rin silang irespeto. Kung hindi, lalo lamang titindi ang tensiyon sa pamilya ninyo. Higit sa lahat, inuutusan ka ng Diyos na Jehova na igalang at sundin ang iyong mga magulang​—kahit na hindi ito madali para sa iyo.​—Exodo 20:12; Kawikaan 30:17.

Pero paano kung ikaw mismo ang dahilan ng pagtatalo ng iyong mga magulang? Halimbawa, ipagpalagay nating isa lang sa mga magulang mo ang Saksi ni Jehova. Kung sumasama ka sa iyong Kristiyanong magulang sa pagsamba kay Jehova, maaaring magkaroon ng problema at kailangan mong manindigan at ipaliwanag sa iyong di-Saksing magulang ang mga paniniwala mo sa Bibliya. (Mateo 10:34-37) Gawin mo ito “taglay ang mahinahong kalooban at matinding paggalang.” Ang mabuting halimbawa mo sa bagay na ito ay baka makaantig sa magulang mong hindi Saksi at balang-araw ay maakay siya sa katotohanan.​—1 Pedro 3:15.

Maging neutral. Paano kung pinapipili ka ng mga magulang mo kung sino ang kakampihan mo sa kanila, gayong wala namang kinalaman sa iyo ang kanilang pag-aaway? Manatiling neutral. Para hindi ka masangkot sa away nila, maaari mong sabihin sa magalang na paraan: “Tay, Nay, mahal ko po kayo pareho. Kaya huwag po sana ninyo akong papiliin kung sino ang kakampihan ko. Kayo po mismo ang makakalutas sa problema ninyo.”

Makipag-usap. Ipaalam mo sa iyong mga magulang kung ano ang nagiging epekto sa iyo ng kanilang pag-aaway. Makipag-usap kapag malamig ang ulo nila at sa palagay mo’y handa silang makinig sa iyo. Sabihin mo sa magalang na paraan na nababahala ka, sumasama ang loob mo, at natatakot pa nga kapag nag-aaway sila.​—Kawikaan 15:23; Colosas 4:6.

Kung Ano ang Hindi Mo Dapat Gawin

Huwag kang umastang tagapayo. Bata ka pa, kaya hindi mo kayang remedyuhan ang away ng tatay at nanay mo. Bilang ilustrasyon: Kunwari ay pasahero ka ng isang maliit na eroplano at narinig mong nagtatalo ang piloto at ang kaniyang co-pilot. Siguradong mag-aalala ka. Pero ano ang mangyayari kung magmamarunong ka at didiktahan mo ang mga piloto kung paano paliliparin ang eroplano o kung makikialam ka sa kontrol ng mga piloto?

Sa katulad na paraan, kung makikialam ka sa problema ng iyong mga magulang, baka lalo pang lumala ang situwasyon. Sinasabi ng Bibliya: “Dahil sa kapangahasan ang isa ay lumilikha lamang ng pagtatalo, ngunit sa mga nagsasanggunian ay may karunungan.” (Kawikaan 13:10) Malamang na mas malulutas ng mga magulang mo ang problema kung pag-uusapan nila ito nang silang dalawa lamang.​—Kawikaan 25:9.

Huwag ka nang makigulo. Masakit sa tainga kapag nakakarinig ka ng dalawang taong nagbabangayan. Kaya bakit makikisali ka pa? Kahit gustung-gusto mo nang makialam sa away nila, tandaan mo na ang mga magulang mo at hindi ikaw ang dapat lumutas sa pagtatalo nila. Kaya sikaping ikapit ang payo ng Bibliya na huwag maging “mapakialam sa mga bagay-bagay ng ibang tao.” (1 Pedro 4:15) Huwag nang makisawsaw sa gulo.

Huwag pagsabungin ang iyong mga magulang. May ilang kabataan na napag-aaway ang kanilang mga magulang dahil sa pagnanais na makuha ang gusto nila. Halimbawa, kapag hindi sila pinagbigyan ng kanilang nanay sa gusto nilang mangyari, magpapaawa sila sa tatay nila para kampihan sila. Baka makuha mo nga ang gusto mo sa tusong paraan, pero lalo lamang tatagal ang gusot sa inyong pamilya.

Huwag mong hayaang maapektuhan ng iginagawi nila ang paggawi mo. Gumagawa ng kalokohan ang kabataang si Peter para makaganti sa kaniyang tatay na laging nambubulyaw at nananakit sa kanila. “Gusto kong sumamâ ang loob niya,” ang sabi ni Peter. “Galit na galit ako sa kaniya dahil sa ginagawa niya sa nanay ko at sa aming magkapatid.” Natauhan din si Peter, pero inani niya ang mga resulta ng kaniyang ginawa. Ang aral? Lalo lamang lalala ang problema sa bahay kung gagawa ka ng hindi maganda.​—Galacia 6:7.

Isulat kung aling punto sa kabanatang ito ang kailangan mong pasulungin. ․․․․․

Maliwanag na hindi mo makokontrol ang mga magulang mo para hindi na sila mag-away. Pero siguradong matutulungan ka ni Jehova na manatiling matatag kapag nababalisa ka dahil sa kanilang pag-aaway.​—Filipos 4:6, 7; 1 Pedro 5:7.

Sikaping ikapit ang mga mungkahing nabanggit. Sa kalaunan, baka maantig ang mga magulang mo at sikapin nilang ayusin ang kanilang problema. Malay mo, baka magkasundo rin sila.

SA SUSUNOD NA KABANATA

Paano kung iisa ang magulang sa tahanan ninyo? Paano mo haharapin ang mga hamon?

TEMANG TEKSTO

“Ang inyong pananalita nawa ay laging may kagandahang-loob.”​—Colosas 4:6.

TIP

Kung dumadalas at tumitindi ang away ng iyong mga magulang, magalang mong imungkahi na humingi sila ng tulong.

ALAM MO BA . . . ?

Kahit na nagmamahalan ang dalawang tao, maaaring hindi sila magkasundo paminsan-minsan.

ANG PLANO KONG GAWIN!

Kapag nag-aaway ang mga magulang ko, ang gagawin ko ay ․․․․․

Kung gusto ng mga magulang ko na kampihan ko ang isa sa kanila, ang sasabihin ko ay ․․․․․

Ang mga gusto kong itanong sa (mga) magulang ko hinggil sa bagay na ito ay ․․․․․

ANO SA PALAGAY MO?

Bakit nag-aaway ang ilang magulang?

Bakit hindi mo kasalanan kapag nag-aaway ang mga magulang mo?

Ano ang matututuhan mo sa iginagawi ng mga magulang mo?

[Blurb sa pahina 201]

“Kapag nagtatalo ang tatay at nanay ko, iniisip ko na lang na hindi sila perpekto at na may mga problema rin silang gaya ko. Nakatulong ito sa akin.”​—Kathy

[Kahon/Mga larawan sa pahina 206, 207]

Paano Kung Maghiwalay ang mga Magulang Ko?

Kapag naghiwalay ang mga magulang mo, paano ka kikilos nang may katalinuhan kahit na masyado kang naapektuhan ng nangyari? Pag-isipan ang sumusunod na mungkahi:

Huwag masyadong umasa. Natural lamang na gusto mong magkabalikan ang mga magulang mo, kaya baka gumawa ka ng mga paraan para mangyari iyon. Ganito ang naalaala ni Anne: “Kahit hiwalay na ang mga magulang ko, lumalabas pa rin kaming pamilya paminsan-minsan. Magbubulungan kami ng ate ko, ‘Mauna na tayo para makapagsolo sila.’ Pero parang walang epekto. Hindi rin sila nagkabalikan.”

Sinasabi ng Kawikaan 13:12: “Ang inaasam na nagluluwat ay nagpapasakit ng puso.” Para hindi mo na mapabigatan ang sarili mo, tandaan na mga magulang mo ang magpapasiya kung ano ang gusto nilang gawin sa kanilang buhay. Hindi ikaw ang dahilan ng paghihiwalay nila, at malamang na wala ka ring magagawa para magkabalikan sila.​—Kawikaan 26:17.

Huwag magkimkim ng galit. Masama ang magiging epekto sa iyo ng pagkikimkim ng galit sa iyong mga magulang. Ganito ang naalaala ni Tom na nadama niya noong 12 anyos siya: “Galít na galít ako sa tatay ko. Ayokong amining napopoot ako sa kaniya. Pero ang totoo, ang sama-sama ng loob ko sa kaniya. Mahal niya daw kami, eh iniwan nga niya kami.”

Pero kapag naghiwalay ang mga magulang mo, hindi ito laging nangangahulugan na isa lamang sa kanila ang may kasalanan. Malamang na hindi nila sinabi sa iyo ang lahat​— ang naging problema nila o kung bakit sila naghiwalay; baka nga sila mismo, hindi rin ito maintindihan. Hindi mo alam ang buong pangyayari, kaya huwag kang gumawa ng mga espekulasyon at sisihin ang sinuman sa mga magulang mo. (Kawikaan 18:13) Totoo, hindi mo maiaalis na magalit ka, at natural lamang na sumamâ ang loob mo sa umpisa. Pero kung magkikimkim ka ng galit at mag-iisip na gumanti, magkakaroon ito ng masamang epekto sa iyong pagkatao. Kaya nga sinasabi sa atin ng Bibliya: “Iwasan mo ang galit at iwanan mo ang pagngangalit.”​—Awit 37:8.

Maging makatotohanan. Kung may ilang kabataan na nasusuklam sa magulang na umiwan sa kanila, may iba namang halos umidolo na sa magulang na umabandona sa kanila. Halimbawa, isang kabataan ang may tatay na alkoholiko at babaero. Ilang beses na silang iniwan ng kaniyang tatay, hanggang sa tuluyan na nga itong makipagdiborsiyo sa kaniyang nanay. Pero sinabi ng kabataang ito na hindi niya maintindihan kung bakit noon, halos sambahin na niya ang kaniyang tatay!

Ganiyan ang karaniwang nangyayari. Sa isang bansa, kapag nagdiborsiyo ang mga magulang, mga 90 porsiyento ng mga bata ang naiiwan sa kanilang nanay at padalaw-dalaw lamang sa kanilang tatay. Kaya karaniwan nang ang nanay ang araw-araw na nag-aasikaso sa pangangailangan ng mga bata​—kasama na ang pagdidisiplina sa mga ito. Kahit na may sustento mula sa tatay, madalas na kinakapos pa rin sa badyet ang nanay. Kumusta naman ang tatay? Mas maginhawa ang buhay niya, kasi wala na siyang gaanong responsibilidad. Kaya kapag dumadalaw ang mga bata sa kanilang tatay, nag-e-enjoy sila at marami silang natatanggap na regalo! Kapag si Nanay naman ang kasama nila, lahat tinitipid at puro bawal pa. Nakalulungkot, iniwan ng ilang kabataan ang kanilang Kristiyanong magulang para sumama sa mayaman at kunsintidor na di-Saksing magulang.​—Kawikaan 19:4.

Kung natutukso kang gawin iyan, pag-isipan kung ano talaga ang mahalaga para sa iyo. Tandaan, kailangan mo ng gabay at disiplina. Iyan ang pinakamainam na maibibigay ng magulang mo dahil makakaapekto ito nang husto sa iyong pagkatao at sa buhay mo. ​—Kawikaan 4:13.

[Larawan sa pahina 202, 203]

Ang isang kabataang nagdidikta sa kaniyang mga magulang kung paano lulutasin ang kanilang pagtatalo ay gaya ng isang pasaherong nagdidikta sa mga piloto kung paano paliliparin ang eroplano