Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ano ang Gagawin Ko sa Aking Buhay?

Ano ang Gagawin Ko sa Aking Buhay?

KABANATA 38

Ano ang Gagawin Ko sa Aking Buhay?

“Noong una, hindi ko masyadong iniisip ang kinabukasan. Pero habang papalapit na ang graduation, napag-isip-isip kong mapapasabak na pala ako sa totoong daigdig, kailangan ko nang magtrabaho. At kailangan ko nang suportahan ang sarili ko.”​—Alex.

IPAGPALAGAY na maglalakbay ka sa isang malayong lugar. Malamang na titingin ka muna sa isang mapa para malaman mo kung alin ang pinakamagandang ruta. Ganiyang-ganiyan ang pagpaplano sa kinabukasan. “Marami kang pagpipilian,” ang sabi ni Michael, isang kabataang naglilingkod ngayon sa isa sa mga tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova. Paano ka pipili? “Depende kung ano ang tunguhin mo sa buhay,” ang sabi ni Michael.

Ang isang tunguhin ay gaya ng isang lugar na gusto mong puntahan. Hindi ka makakarating doon kung wala kang tiyak na ruta. Sa ibang salita, mas mabuting tingnan mo muna ang mapa at planuhin kung saan ka dadaan. Kung gagawin mo ito, masusunod mo ang payo sa Kawikaan 4:26: “Patagin mo ang landasin ng iyong paa.” Ganito naman ang salin dito ng Contemporary English Version: “Alamin mo kung saan ka pupunta.”

Sa darating na mga taon, gagawa ka ng maraming mabibigat na pasiya may kinalaman sa pagsamba sa Diyos, sa trabaho, pag-aasawa, pamilya, at sa iba pang mahahalagang bagay. Mas makapagpapasiya ka nang tama kung alam mo ang tunguhin mo. At habang pinaplano mo ang gagawin mo sa buhay, may isang bagay na hindi mo puwedeng bale-walain.

“Alalahanin ang Lumikha sa Iyo”

Para maging maligaya ka, dapat mong seryosohin ang sinabi ng matalinong haring si Solomon: “Alalahanin ang Lumikha sa iyo habang bata ka pa.” (Eclesiastes 12:1, Biblia ng Sambayanang Pilipino) Sa ibang salita, dahil gusto mong paluguran ang Diyos, titiyakin mong lahat ng iyong pasiya ay kaayon ng kaniyang kalooban.

Bakit mahalaga na magkaroon ng ganitong priyoridad? Sinasabi ng Bibliya sa Apocalipsis 4:11: “Ikaw ang karapat-dapat, Jehova, na Diyos nga namin, na tumanggap ng kaluwalhatian at ng karangalan at ng kapangyarihan, sapagkat nilalang mo ang lahat ng bagay, at dahil sa iyong kalooban ay umiral sila at nalalang.” Ang lahat ng nabubuhay na nilalang sa langit at sa lupa ay may malaking utang-na-loob sa Maylalang. Nagpapasalamat ka ba dahil binigyan ka niya ng “buhay at ng hininga at ng lahat ng mga bagay”? (Gawa 17:25) Hindi ka ba napapakilos na tumanaw ng utang-na-loob sa Diyos na Jehova bilang pasasalamat sa lahat ng ibinigay niya sa iyo?

Palibhasa’y laging nasa isip ang kanilang Maylalang, maraming kabataang Saksi ni Jehova ang pumasok sa buong-panahong paglilingkod. Pag-isipan ang ilan sa kapana-panabik na paraan ng paglilingkod na puwede mong gawin.

Pagpapayunir. Gumugugol ang mga regular pioneer ng mas maraming oras sa paglilingkod. Dahil sa pagsasanay at karanasan, lalo silang nagiging mahusay na tagapagturo ng Bibliya.

Paglilingkod kung saan mas malaki ang pangangailangan. Lumilipat ang ilan sa mga lugar na kaunti lang ang mga nangangaral tungkol sa Kaharian. Ang iba naman ay nag-aaral ng ibang wika at naglilingkod sa kalapit na kongregasyon na banyaga ang wika o lumilipat pa nga sa ibang bansa. *

Paglilingkod bilang misyonero. Ang kuwalipikadong mga payunir na malusog at malakas ang pangangatawan ay sinasanay para sa paglilingkod sa ibang mga bansa. Kapana-panabik at kasiya-siya ang buhay nila bilang mga misyonero.

Paglilingkod sa Bethel. Naglilingkod ang mga miyembro ng pamilyang Bethel sa mga tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova. Sa ilang bansa, kasama sa trabaho nila ang paggawa at paghahatid ng mga literatura sa Bibliya.

Internasyonal na paglilingkod. Dumadayo ang internasyonal na mga lingkod sa ibang bansa para tumulong sa pagtatayo ng mga Kingdom Hall, Assembly Hall, at mga pasilidad ng sangay.

Ministerial Training School. Ang kuwalipikadong mga elder at ministeryal na lingkod na walang asawa ay sinasanay sa pagsasalita sa publiko at sa iba’t ibang gawain ng organisasyon. Ang ilang nagtapos dito ay ipinadadala sa ibang bansa.

Planuhin ang Gagawin Mo sa Iyong Buhay

Ang buong-panahong paglilingkod ay isang marangal na tunguhin, at nagdudulot ito ng maraming pagpapala. Pero kailangan mo munang magplano. Halimbawa, tanungin ang iyong sarili, ‘Mayroon ba akong mga kakayahan at kasanayan na magagamit ko para suportahan ang aking sarili?’

Talagang gusto ni Kelly na magpayunir, kaya nagplano siya kung ano ang trabahong papasukin niya. “Kailangan kong pumili ng trabahong makakasuporta sa paglilingkod ko,” ang sabi niya.

Nag-enrol si Kelly sa isang vocational program sa haiskul. Nakatulong ito para maabot niya ang pangunahing tunguhin niya. “Gusto kong maglingkod nang buong panahon,” ang sabi ni Kelly. “Ang lahat ng iba pang bagay ay pangalawahin na lamang.” Maligaya si Kelly sa ginawa niyang pasiya. “Para sa akin, ito ang pinakamagandang desisyon na ginawa ko,” ang sabi niya.

Humingi ng Tulong

Kung naglalakbay ka sa isang lugar na hindi mo kabisado, baka kailangan mong magtanong ng direksiyon. Puwede mo ring gawin iyan kapag nagpaplano ka para sa kinabukasan mo. Humingi ka ng payo sa iba. Ganito ang sabi sa Kawikaan 20:18: “Sa pamamagitan ng payo ay matibay na natatatag ang mga plano.”

Makakatulong sa iyo nang malaki ang mga magulang mo. Pero puwede ka ring humingi ng payo sa ibang may-gulang na Kristiyanong namumuhay ayon sa makadiyos na karunungan. “Tularan mo ang mga adultong may mabuting halimbawa sa inyong kongregasyon o sa kalapit na mga kongregasyon,” ang payo ng 27-anyos na si Roberto, isang miyembro ng pamilyang Bethel.

Higit sa lahat, gusto kang tulungan ng Diyos na Jehova na makagawa ng mga pasiya sa buhay na magbibigay sa iyo ng walang-hanggang kaligayahan. Kaya humingi ka ng tulong sa kaniya para ‘patuloy mong maunawaan kung ano ang kaniyang kalooban’ hinggil sa kinabukasan mo. (Efeso 5:17) Sa bawat aspekto ng buhay mo, sundin ang payo ng Kawikaan 3:5, 6: “Magtiwala ka kay Jehova nang iyong buong puso at huwag kang manalig sa iyong sariling pagkaunawa. Sa lahat ng iyong mga lakad ay isaalang-alang mo siya, at siya mismo ang magtutuwid ng iyong mga landas.”

Para sa higit pang impormasyon, panoorin ang DVD na “Young People Ask​—What Will I Do With My Life?” Makukuha ito sa mahigit 30 wika

[Talababa]

TEMANG TEKSTO

“‘Subukin ninyo ako . . . ,’ ang sabi ni Jehova ng mga hukbo, ‘kung hindi ko bubuksan sa inyo ang mga pintuan ng tubig sa langit at ibubuhos sa inyo ang isang pagpapala hanggang sa wala nang kakulangan.’”​—Malakias 3:10.

TIP

Makipag-usap sa mga matagal nang nasa buong-panahong paglilingkod. Tanungin sila kung bakit nila pinili ang karerang iyon at kung paano sila pinagpala.

ALAM MO BA . . . ?

Kuryente ang nagpapaandar sa isang kasangkapan. Sa katulad na paraan, ang banal na espiritu ng Diyos ang magpapakilos sa iyo na gumawa nang higit pa sa paglilingkod sa Kaniya.​—Gawa 1:8.

ANG PLANO KONG GAWIN!

Para maging mas maligaya ako sa paglilingkod, kakausapin ko si ․․․․․

Ang mga gusto kong itanong sa (mga) magulang ko hinggil sa bagay na ito ay ․․․․․

ANO SA PALAGAY MO?

● Anu-ano ang iyong mga kakayahan at kasanayan?

● Paano mo magagamit ang mga kakayahan mo para purihin si Jehova?

● Anong uri ng buong-panahong paglilingkod na binanggit sa kabanatang ito ang pinakagusto mo?

[Blurb sa pahina 313]

“Hangang-hanga ako sa mga magulang ko. Hindi nawawala ang sigasig nila sa paglilingkod at matagumpay nilang nahaharap ang mga kahirapan sa buhay. Pinasigla rin nila akong pumasok sa buong-panahong paglilingkod. Lahat ng ito ay nakatulong sa akin.”​—Jarrod

[Kahon sa pahina 314]

Worksheet

Mga Tunguhin Ko

Lagyan ng tsek ang mga gusto mong maging tunguhin, at punan din ang mga patlang. Kung may iba ka pang tunguhin, isulat din ito.

Tunguhin sa Paglilingkod

□ Dagdagan ang oras ko sa paglilingkod. Gagawin ko itong ․․․․․ oras bawat buwan

□ Makapamahagi ng ․․․․․ literatura bawat buwan

□ Gamitin ang Bibliya kapag nakikipag-usap tungkol sa aking pananampalataya

□ Gumawa ng ․․․․․ pagdalaw-muli bawat buwan

□ Magpasimula ng isang pag-aaral sa Bibliya

Iba pang mga tunguhin: ․․․․․

Tunguhin sa Pag-aaral

□ Magbasa ng ․․․․․ pahina ng Bibliya bawat araw

□ Maghanda para sa mga lingguhang pagpupulong

□ Magsaliksik tungkol sa sumusunod na mga paksa sa Bibliya: ․․․․․

Tunguhin sa Kongregasyon

□ Magkomento ng kahit isang beses sa bawat pulong

□ Kausapin ang isang mas matanda sa akin na gusto kong makilala nang higit pa

□ Dumalaw sa isang may-edad na o isang miyembro ng kongregasyon na mahina ang kalusugan

Iba pang mga tunguhin: ․․․․․

Petsa Ngayon ․․․․․

Pagkalipas ng anim na buwan, tingnan kung naabot mo ang mga tunguhin mo. Puwede mong baguhin o dagdagan ang mga ito kung kinakailangan.

[Larawan sa pahina 312]

Makakatulong ang pagkakaroon ng mga tunguhin para hindi masayang ang lakas mo sa mga bagay na wala namang patutunguhan