Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ano ang Masama sa Patagong Pakikipag-date?

Ano ang Masama sa Patagong Pakikipag-date?

KABANATA 2

Ano ang Masama sa Patagong Pakikipag-date?

Gulung-gulo ang isip ni Jessica. Nagsimula ang lahat nang magkagusto sa kaniya ang kaeskuwela niyang si Jeremy. “Ang guwapu-guwapo niya,” ang sabi ni Jessica, “at sinasabi ng mga kaibigan ko na siya na ang pinakadisenteng binata na makikilala ko. Mga babae na nga ang nanliligaw sa kaniya, pero wala siyang gusto sa kanila. Ako lang talaga ang gusto niya.”

Di-nagtagal, niyaya ni Jeremy si Jessica na makipag-date sa kaniya. Ipinaliwanag ni Jessica na Saksi ni Jehova siya kaya hindi siya papayagang makipag-date sa isang di-kapananampalataya. “Pero may naisip si Jeremy,” ang sabi ni Jessica. “Huwag na lang daw naming ipaalam sa mga magulang ko na magdi-date kami.”

KUNG niyayaya ka ng isang nagugustuhan mo na mag-date kayo, ano ang gagawin mo? Baka magulat ka kapag nalaman mong pumayag si Jessica sa plano ni Jeremy. “Kumbinsido ako na kung makikipag-date ako sa kaniya, matuturuan ko siyang mahalin si Jehova,” ang sabi niya. Ano ang naging resulta? Malalaman natin mamaya. Alamin muna natin kung bakit natutukso ang ilan na makipag-date nang patago.

Kung Bakit Nila Ginagawa Ito

Bakit nakikipag-date nang patago ang ilan? Ganito ang maikling paliwanag ng kabataang si David, “Alam nilang hindi papayag ang kanilang mga magulang, kaya hindi na lang nila ito sinasabi sa kanila.” Binanggit ni Jane ang isa pang posibilidad. “Patagong nakikipag-date ang ilan bilang pagrerebelde,” ang sabi niya. “Kung pakiramdam mo’y tinatrato ka pa rin na parang bata, gagawin mo na lang ang gusto mong gawin nang hindi na nagpapaalam sa iyong mga magulang.”

May naiisip ka pa bang ibang dahilan kung bakit natutukso ang ilan na makipag-date nang patago? Kung mayroon, isulat ang mga ito sa ibaba.

․․․․․

Alam mo naman na iniuutos ng Bibliya na sundin mo ang iyong mga magulang. (Efeso 6:1) At kung tutol ang mga magulang mo na makipag-date ka, tiyak na may mabuti silang dahilan. Gayunman, huwag kang magtataka kung naiisip mo pa rin na:

 ● Parang napag-iiwanan ako dahil ako na lamang ang hindi nakikipag-date.

● May gusto ako sa isang di-kapananampalataya.

● Gusto kong makipag-date sa isang kapananampalataya, pero napakabata ko pa para mag-asawa.

Malamang na alam mo na ang sasabihin ng mga magulang mo hinggil sa mga bagay na iyan. At kumbinsido ka naman na tama sila. Pero baka pareho kayo ng nadarama ni Manami, na nagsabi: “Napakatindi ng panggigipit na makipag-date, kaya hindi ko mapanindigan kung minsan ang pasiya kong huwag munang makipag-date. Para sa mga kabataan sa ngayon, hindi ka normal kung hindi ka nakikipag-date. At saka hindi masaya kapag nagsosolo ka!” Ang ilan na nasa gayong situwasyon ay nagsimulang makipag-date, at inililihim nila ito sa kanilang mga magulang. Paano?

“Huwag Daw Namin Itong Ipagsasabi”

Ang mismong termino na “patagong pakikipag-date” ay nagpapahiwatig na kailangan mong magsinungaling sa paanuman, at ito talaga ang gagawin mo para hindi kayo mabisto. Para maitago ng ilan ang kanilang relasyon, madalas na nag-uusap na lamang sila sa telepono o sa Internet. Kapag nakikita sila ng ibang tao, parang magkaibigan lang sila, pero pagdating sa kanilang mga e-mail, tawag sa telepono, at mga text message, higit pa sila sa magkaibigan.

May isa pang ginagawa ang mga kabataan para hindi mahalatang nagdi-date sila. Kunwari ay panggrupo ang lakad nila, pero sa dakong huli ay nagpapares-pares din sila. Ganito ang sabi ni James: “Minsan, niyaya kami na magkita-kita sa isang lugar bilang isang grupo. Wala kaming kaalam-alam na planado na pala ang lahat para makapag-date ang dalawa sa mga kasama namin. Huwag daw namin itong ipagsasabi.”

Gaya ng ikinuwento ni James, kadalasan nang kasabuwat ang mga kaibigan sa patagong pakikipag-date. “Karaniwan na, isang kaibigan ang nakaaalam sa situwasyon pero nananahimik na lamang siya para hindi siya mabansagang ‘sumbungera,’” ang sabi ni Carol. Kung minsan, napipilitan talaga silang magsinungaling. “Para hindi mabisto ng kanilang mga magulang na nakikipag-date sila, maraming kabataan ang hindi nagsasabi ng totoo kung saan sila nagpupunta,” ang sabi ng 17-anyos na si Beth. Ganiyan mismo ang ginawa ni Misaki, 19 anyos. Sinabi niya: “Nag-iimbento ako ng mga kuwento para hindi mabisto ang pakikipag-date ko. Pero pagdating sa iba pang mga bagay, hindi ako nagsisinungaling para hindi masira ang tiwala sa akin ng mga magulang ko.”

Ang mga Panganib ng Patagong Pakikipag-date

Kung natutukso kang makipag-date nang patago​—o kung ginagawa mo na ito​—pag-isipan ang sumusunod na mga tanong:

Saan ito hahantong? Gusto mo na ba siyang pakasalan? “Kung nakikipag-date ka nang wala namang intensiyong mag-asawa, para kang nag-aalok ng isang bagay na hindi mo naman ipinagbibili,” ang sabi ng 20-anyos na si Evan. Ano ang maaaring maging resulta nito? Sinasabi ng Kawikaan 13:12: “Ang inaasam na nagluluwat ay nagpapasakit ng puso.” Maaatim mo bang saktan ang isa na minamahal mo? Isa pang babala: Kung patago kang nakikipag-date, hindi ka mapapayuhan ng iyong mga magulang at iba pang mga adulto na nagmamalasakit sa iyo. Dahil dito, malamang na matukso kang gumawa ng seksuwal na imoralidad.​—Galacia 6:7.

Ano ang nadarama ng Diyos na Jehova sa ginagawa ko? Sinasabi ng Bibliya: “Ang lahat ng bagay ay hubad at hayagang nakalantad sa mga mata niya na pagsusulitan natin.” (Hebreo 4:13) Kaya kung inililihim mo ang iyong pakikipag-date​—o ang pakikipag-date ng iyong kaibigan​—alam na ito ni Jehova. At kung nagsisinungaling ka, dapat ka talagang mabahala. Galit ang Diyos na Jehova sa pagsisinungaling. Sa katunayan, sinasabi ng Bibliya na ang “bulaang dila” ay isa sa pangunahing mga bagay na kinapopootan niya!​—Kawikaan 6:16-19.

Itigil ang Patagong Pakikipag-date

Makabubuting sabihin mo sa iyong mga magulang o sa isang maygulang na Kristiyanong adulto ang tungkol sa anumang lihim na pakikipagrelasyon mo. At kung isang kaibigan mo ang patagong nakikipag-date, magiging kasabuwat ka kung pagtatakpan mo siya. (1 Timoteo 5:22) Isipin mo: Ano kaya ang madarama mo kung may mangyari sa kaniyang hindi maganda dahil patago siyang nakikipag-date? Hindi ba may pananagutan ka kahit paano?

Bilang ilustrasyon: Ipagpalagay nating isang kaibigan mo na may diyabetis ang panakaw na kumakain ng napakaraming matatamis na pagkain. Paano kung matuklasan mo ito pero nakiusap ang kaibigan mo na huwag mo siyang isusumbong? Ano ang mas mabuti mong gawin​—pagtakpan ang iyong kaibigan o gumawa ng hakbang para hindi tuluyang manganib ang kaniyang kalusugan?

Parang ganiyan din ang situwasyon mo kung alam mong patagong nakikipag-date ang iyong kaibigan. Huwag kang mag-alala kung tuluyan mang masira ang inyong pagkakaibigan. Balang-araw, mapag-iisip-isip din ng isang tunay na kaibigan na para sa kabutihan niya ang ginawa mo.​—Awit 141:5.

Paglilihim o Pagiging Pribado Lamang?

Siyempre pa, hindi lahat ng paglilihim may kaugnayan sa pakikipag-date ay maituturing na panlilinlang. Halimbawa, ipagpalagay nating gusto ng isang binata at isang dalaga na higit silang magkakilala, pero ayaw muna nila itong ipaalam sa maraming tao. Marahil gaya ng sinabi ng kabataang si Thomas, “ayaw nilang makantiyawan ng, ‘Uy, eh ’di kasalan na ’yan!’”

Masama ang epekto ng sobrang panggigipit ng iba. (Awit ni Solomon 2:7) Kaya sa umpisa, ayaw munang ipaalam ng ilan sa maraming tao ang tungkol sa kanilang relasyon. (Kawikaan 10:19) “Magbibigay ito ng panahon sa dalawang tao na pag-isipan kung talagang seryoso sila sa isa’t isa,” ang sabi ng 20-anyos na si Anna. “Kung talagang seryoso na nga sila, saka lamang nila ito sasabihin sa iba.”

Pero hindi naman tama na ilihim mo ang iyong relasyon sa mga taong dapat makaalam nito, gaya ng iyong mga magulang o mga magulang ng iyong ka-date. Kung ayaw mong ipaalam kahit kanino ang tungkol sa iyong pakikipag-date, dapat mong tanungin ang iyong sarili kung bakit. Dahil ba alam mong may makatuwirang dahilan ang mga magulang mo na tumutol?

“Alam Ko Na ang Dapat Kong Gawin”

Nang mabalitaan ni Jessica, na nabanggit sa pasimula, ang karanasan ng isang kabataang Kristiyano na katulad din niya ang kalagayan, natauhan siya at ipinasiya niyang itigil ang patagong pakikipag-date kay Jeremy. “Nang malaman ko na nakipagkalas siya,” ang sabi ni Jessica, “alam ko na ang dapat kong gawin.” Madali bang makipagkalas? Hindi! “Siya ang kaisa-isang binatang nagustuhan ko,” ang sabi ni Jessica. “Iniyakan ko rin iyon nang ilang linggo.”

Pero mahal ni Jessica si Jehova. At bagaman pansamantala siyang napalihis, gusto niya talagang gawin kung ano ang tama. Nang maglaon, naghilom din ang sugat ng kaniyang damdamin. “Mas matibay na ngayon ang aking kaugnayan kay Jehova,” ang sabi ni Jessica. “Kaylaki ng pasasalamat ko na lagi siyang nagbibigay ng patnubay sa tamang panahon!”

SA SUSUNOD NA KABANATA

Ipagpalagay nating handa ka nang makipag-date, at natagpuan mo na ang taong gusto mo. Pero paano mo malalaman kung magiging mabuti siyang asawa?

TEMANG TEKSTO

Nais nating gumawi nang matapat sa lahat ng bagay.’​Hebreo 13:18.

TIP

Hindi naman kailangang malaman ng buong mundo ang tungkol sa pakikipag-date mo. Pero kailangan mo itong sabihin sa mga dapat makaalam nito. Kadalasan nang kasama rito ang iyong mga magulang at ang mga magulang ng iyong ka-date.

ALAM MO BA . . . ?

Pagtitiwala ang pundasyon ng tumatagal na mga relasyon. Kung patago kang nakikipag-date, masisira ang tiwala sa iyo ng mga magulang mo at makaaapekto ito sa kaugnayan mo sa iyong ka-date.

ANG PLANO KONG GAWIN!

Kung patago akong nakikipag-date sa isang kapuwa Kristiyano, ang gagawin ko ay ․․․․․

Kung patagong nakikipag-date ang kaibigan ko, ang gagawin ko ay ․․․․․

Ang mga gusto kong itanong sa (mga) magulang ko hinggil sa bagay na ito ay ․․․․․

ANO SA PALAGAY MO?

● Pag-isipan ang  tatlong situwasyon na binanggit sa pahina 22 at nasa makakapal na letra. Alin sa mga ito ang maaaring nadarama mo kung minsan?

● Sa halip na patagong makipag-date, ano ang gagawin mo kapag nasa gayon kang situwasyon?

● Kung alam mong patagong nakikipag-date ang kaibigan mo, ano ang gagawin mo, at bakit?

[Blurb sa pahina 27]

“Itinigil ko ang patagong pakikipag-date. Oo, masakit ito dahil araw-araw ko siyang nakikita sa iskul namin. Pero mas alam ng Diyos na Jehova ang magiging resulta ng mga bagay-bagay, hindi tulad natin. Kailangan lamang nating magtiwala kay Jehova.”​—Jessica

[Larawan sa pahina 25]

Kapag pinagtatakpan mo ang isang kaibigan na patagong nakikipag-date, parang pinagtatakpan mo ang isang may diyabetis na panakaw na kumakain ng napakaraming matatamis na pagkain