Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Magiging Mabuti Kaya Siyang Asawa?

Magiging Mabuti Kaya Siyang Asawa?

KABANATA 3

Magiging Mabuti Kaya Siyang Asawa?

Sagutin ang sumusunod na tanong:

Sa ngayon, anu-anong katangian ang hinahanap mo sa isang mapapangasawa? Sa listahan sa ibaba, lagyan ng ang apat na katangian na itinuturing mong pinakamahalaga.

□ Guwapo/Maganda □ May matibay na kaugnayan sa Diyos

□ Palakaibigan □ Mapagkakatiwalaan

□ Popular □ Malinis sa moral

□ Palabiro □ May tunguhin sa buhay

Noong mas bata ka pa, nagkaroon ka ba ng crush? Sa listahan sa itaas, lagyan ng × ang pinakagusto mo noon na katangian ng taong iyon.

WALANG masama sa alinman sa mga katangiang nasa itaas. Maganda naman ang bawat isa sa mga katangiang ito. Pero sasang-ayon ka siguro na ang mga katangiang nagugustuhan mo sa crush mo noong bata ka pa ay ang di-gaanong mahahalagang katangian na gaya ng nakalista sa gawing kaliwa.

Ngunit habang nagkakaedad ka, alam mo na kung ano ang mas mahalaga, gaya ng nakalista sa gawing kanan. Halimbawa, natatanto mo nang ang pinakamagandang dalaga sa inyong lugar ay hindi naman pala masyadong mapagkakatiwalaan o na ang pinakapopular na binata sa inyong klase ay marami naman palang ginagawang kalokohan. Kung lampas ka na sa kasibulan ng kabataan, malamang na ang mas mahahalagang katangian na ang tinitingnan mo para masagot mo ang tanong na, “Magiging mabuti kaya siyang asawa?”

Kilalanin Muna ang Iyong Sarili

Bago mo pag-isipan kung sino kaya ang mabuting mapangasawa mo, kailangan mo munang kilalaning mabuti ang iyong sarili. Para makilala mo nang higit ang iyong sarili, sagutin ang sumusunod na mga tanong:

Ano ang magagandang katangian ko? ․․․․․

Ano ang mga kahinaan ko? ․․․․․

Ano ang gusto kong maging trato sa akin ng mapapangasawa ko at ano ang kailangan kong gawin para mapalapít ako sa Diyos? ․․․․․

Hindi madaling makilala ang iyong sarili, pero makatutulong ang mga tanong sa itaas upang unti-unti mong magawa ito. Miyentras mas kilala mo ang iyong sarili, mas madali kang makahahanap ng makakatulong sa iyo upang maging mas mabuti kang tao. * Paano kung sa tingin mo ay natagpuan mo na ang taong iyon?

Puwede Na Ba ang Kahit Sino?

“Puwede ba kitang ligawan?” Maaari kang mayamot o mapalundag sa tuwa kapag tinanong ka ng ganiyan. Kasi, depende ito sa kung sino ang nagtanong sa iyo. Ipagpalagay nang pumayag ka at sa kalaunan ay naging kasintahan mo siya. Paano mo malalaman sa loob ng panahong magkasama kayo na magiging mabuti siyang asawa para sa iyo?

Sabihin nating gusto mong bumili ng bagong sapatos. Pumunta ka sa mall at nakakita ka ng isang pares na nagustuhan mo. Isinuot mo ang sapatos, pero nadismaya ka nang makita mong hindi ito sukát sa iyo. Ano ang gagawin mo? Bibilhin mo pa rin ba ang sapatos? O hahanap ka ng iba? Maliwanag, mas magandang isauli ang sapatos at humanap ng iba. Hindi nga makatuwirang magsuot ng sapatos na hindi sukát sa iyo!

Ganiyan din sa pagpili ng mapapangasawa. Sa paglipas ng panahon, baka marami kang magustuhang di-kasekso. Pero hindi puwede ang kahit sino na lamang. Siyempre pa, ang gusto mong makasama ay yaong makakasundo mo​—isa na tamang-tama sa iyong personalidad at kapareho mo ng tunguhin. (Genesis 2:18; Mateo 19:4-6) Nasumpungan mo na ba ang taong iyon? Kung oo, paano mo masasabi na magiging mabuti siyang asawa?

Huwag Tumingin sa Panlabas Lamang

Para masagot ang huling tanong na iyan, kilalaning mabuti ang iyong kasintahan. Pero maging maingat! Baka ang tinitingnan mo lamang ay ’yung gusto mong makita. Kaya sa halip na magmadali, sikaping alamin ang tunay na pagkatao ng iyong kasintahan. Hindi ito madaling gawin. Pero iyan naman ang inaasahan. Bilang paglalarawan: Ipagpalagay na gusto mong bumili ng kotse. Anu-ano ang titingnan mong mabuti rito? Ang porma lamang ba? Hindi ba higit pa rito ang dapat mong tingnan​—marahil ang kondisyon ng makina nito?

Mas seryoso ang paghahanap ng mapapangasawa kaysa sa pagpili ng isang kotse. Pero ang tinitingnan ng marami sa mga nagdi-date ay ang panlabas na katangian lamang. Ang agad lamang nilang nakikita ay ang pagkakatulad nila: ‘Pareho ang musikang gusto namin.’ ‘Pareho kami ng paboritong gawain.’ ‘Nagkakasundo kami sa lahat ng bagay!’ Gayunman, gaya ng nabanggit na, kung ikaw ay talagang lampas na sa kasibulan ng kabataan, higit pa sa panlabas na mga katangian ang hahanapin mo. Batid mong kailangan mong makilala ang “lihim na pagkatao ng puso.”​—1 Pedro 3:4; Efeso 3:16.

Halimbawa, sa halip na magpokus lamang sa mga bagay na pinagkakasunduan ninyo, mas makikilala mo siya pagdating sa mga bagay na hindi kayo nagkakasundo. Sa ibang pananalita, ano ang nagiging reaksiyon niya kapag may pinagtatalunan kayo​—ipinipilit ba niya ang gusto niya, marahil nagpapadala sa “silakbo ng galit” o nagbibitiw ng “mapang-abusong pananalita”? (Galacia 5:19, 20; Colosas 3:8) O baka naman makatuwiran siya​—handang magparaya alang-alang sa kapayapaan kung wala namang nalalabag na mga simulain ng Bibliya?​—Santiago 3:17.

Ito ang isa pang bagay na dapat isaalang-alang: Ang tao bang ito ay dominante, seloso, o mahilig magmaniobra ng ibang tao? Gusto ba niyang malaman ang lahat ng kilos mo? “May alam akong mga magkasintahan na nag-aaway dahil naiinis ’yung isa kapag hindi ipinaaalam ng kasintahan niya kung saan ito nagpupunta,” ang sabi ni Nicole. “Sa palagay ko, malaking problema iyon.”​—1 Corinto 13:4.

Ang mga bagay na tinalakay natin ay pangunahin nang may kaugnayan sa personalidad at paggawi. Gayunman, importante ring malaman mo ang reputasyon ng iyong kasintahan. Ano ang tingin sa kaniya ng iba? Baka magandang kausapin mo ang mga medyo matagal nang nakakakilala sa taong ito, gaya ng mga may-gulang na sa kongregasyon. Sa ganoong paraan, malalaman mo kung siya ay “may mabuting ulat.”​—Gawa 16:1, 2.

Marami kang malalaman tungkol sa kasintahan mo kung itatala mo ang iyong personal na mga obserbasyon sa kaniya upang makita mo kung nakaaabot siya sa mga pamantayang natalakay na.

Personalidad ․․․․․

Paggawi ․․․․․

Reputasyon ․․․․․

Makikinabang ka rin kung titingnan mo ang kahon na “ Magiging Mabuti Kaya Siyang Asawang Lalaki?” sa pahina 39 o “ Magiging Mabuti Kaya Siyang Asawang Babae?” sa pahina 40. Ang mga tanong na makikita sa mga kahong ito ay tutulong sa iyo na malaman kung magiging mabuting asawa ang iyong kasintahan.

Paano kung pagkatapos mong pag-isipan ang mga bagay-bagay ay makita mong hindi pala siya magiging mabuting asawa? Kung ganiyan ang kalagayan, napapaharap ka sa isang seryosong tanong:

Dapat ba Kaming Maghiwalay?

Kung minsan, mas mabuti pa ang maghiwalay. Pansinin ang karanasan ni Jill. “Noong una,” ang sabi niya, “natutuwa ako dahil laging nag-aalalá ang kasintahan ko kung nasaan ako, kung ano ang ginagawa ko, at kung sino ang kasama ko. Pero umabot ito sa punto na wala na akong nakakasamang iba kundi siya. Nagseselos pa nga siya kapag kasama ko ang pamilya ko​—lalo na kapag kasama ko ang tatay ko. Nang tapusin ko ang relasyon namin, para bang nabunutan ako ng tinik!”

Ganiyan din ang nangyari kay Sarah. Naobserbahan niya na ang kasintahan niyang si John ay sarkastiko, mapaghanap, at walang modo. “Minsan,” ang naalaala ni Sarah, “atrasado siya nang tatlong oras sa pagsundo sa akin sa bahay namin! Hindi man lamang niya binati ang nanay ko nang pagbuksan siya ng pinto, at pagkatapos ay sinabi niya: ‘Tara na. Late na tayo.’ Hindi niya sinabing, ‘Late ako,’ kundi ‘Late na tayo.’ Humingi man lang sana siya ng paumanhin o nagpaliwanag. Higit sa lahat, iginalang man lang sana niya ang nanay ko!” Sabihin pa, hindi naman basta masisira ang isang relasyon dahil minsang gumawi nang hindi maganda ang kasintahan mo. (Awit 130:3) Pero nang matanto ni Sarah na magaspang talaga ang ugali ni John, nagpasiya si Sarah na tapusin na ang kanilang relasyon.

Paano kung mapagtanto mo, gaya nina Jill at Sarah, na ang kasintahan mo ay hindi pala magiging mabuting asawa? Kung gayon, huwag ipagwalang-bahala ang iyong damdamin! Bagaman masakit, baka mas makabubuting putulin na ang inyong relasyon. Sinasabi ng Kawikaan 22:3: “Matalino ang nakakakita ng kapahamakan at nagkukubli.” Halimbawa, kung isa o higit pa sa mga palatandaan ng malulubhang problema na nasa pahina 39 at 40 ang makita mo sa iyong kasintahan, makabubuting tapusin na ang inyong relasyon​—hangga’t hindi siya nagbabago. Totoo, hindi madaling makipaghiwalay. Ngunit panghabambuhay ang pag-aasawa. Mas mabuti nang pansamantalang masaktan ngayon kaysa sa magsisi habambuhay!

Kung Paano Mo Ito Sasabihin

Paano mo sasabihin sa kaniya na gusto mo nang tapusin ang inyong relasyon? Una, pumili ng tamang lugar at pagkakataon. Saan at kailan? Buweno, kung ikaw ang nasa situwasyon niya, paano mo gustong pakitunguhan ka? (Mateo 7:12) Gusto mo bang putulin niya ang relasyon ninyo sa harap ng ibang tao? Malamang na hindi. Hindi magandang tapusin ang isang relasyon sa pamamagitan ng pagsasabi nito sa answering machine ng telepono, text, o e-mail, maliban na lamang kung angkop ito dahil sa kalagayan. Sa halip, pumili ng tamang oras at lugar para mapag-usapan ninyo ang seryosong bagay na ito.

Ano ang dapat mong sabihin kapag magkaharap na kayo? Hinimok ni apostol Pablo ang mga Kristiyano na ‘magsalita ng katotohanan’ sa isa’t isa. (Efeso 4:25) Kaya ang pinakamainam na gawin ay maging mataktika pero matatag. Sabihin nang maliwanag kung bakit sa tingin mo ay hindi magiging matagumpay ang inyong relasyon. Hindi mo naman kailangang sermunan siya o isa-isahin sa kaniya ang mga pagkakamali niya. Sa halip na sabihing, “Ikaw kasi” o “Hindi ka kasi,” mas mabuti pang gumamit ng mga salitang nagpapakita sa nadarama mo​—“Ang kailangan ko ay isang taong . . .” o “Sa palagay ko, dapat na nating tapusin ang relasyong ito dahil . . .”

Hindi ka dapat magdalawang-isip o magpadala sa sinasabi niya. Tandaan, seryoso ang dahilan mo kaya ka makikipaghiwalay. Kaya huwag na huwag kang padadala sa tusong pamamaraan niya para baguhin ang isip mo. “Nang putulin ko ang relasyon namin ng dati kong kasintahan,” ang sabi ng dalagang si Lori, “lagi niyang ipinakikita sa akin na malungkot siya. Sa palagay ko, ginagawa niya ito para maawa ako sa kaniya. Naaawa rin ako sa kaniya pero pinanindigan ko ang desisyon ko.” Gaya ni Lori, dapat na alam mo kung ano ang gusto mo. Pangatawanan mo ang iyong pasiya. Ang iyong hindi ay mangahulugang hindi.​Santiago 5:12.

Pagkatapos ng Paghihiwalay

Natural lamang na malungkot ka pagkatapos ninyong maghiwalay. Baka madama mo pa nga ang gaya ng nadama ng salmista na nagsabi: “Ako ay nagulumihanan, ako ay napayukod nang lubusan; buong araw akong naglalakad na malungkot.” (Awit 38:6) Baka himukin ka ng ilang nagmamalasakit na kaibigan na makipagbalikan ka sa dati mong kasintahan. Pero mag-ingat! Ikaw at hindi ang nagmamalasakit mong mga kaibigan ang magdurusa kung gagawin mo iyan. Kaya huwag kang matakot. Sa halip, panindigan mo ang iyong pasiya​—kahit na nalulungkot ka rin sa nangyari.

Sa dakong huli, tiyak na lilipas din ang kirot na nadarama mo. Samantala, maaari kang gumawa ng positibong mga hakbang, gaya ng sumusunod, para makayanan mo ang situwasyong ito.

Sabihin ang iyong nadarama sa isang kapalagayang-loob. * (Kawikaan 15:22) Idalangin kay Jehova ang bagay na ito. (Awit 55:22) Maging abala. (1 Corinto 15:58) Huwag magmukmok! (Kawikaan 18:1) Makisama agad sa mga taong makapagpapatibay sa iyo. Sikaping magtuon ng pansin sa positibong mga bagay.​—Filipos 4:8.

Sa kalaunan, baka may makilala ka ring iba. Walang alinlangan na sa pagkakataong iyon, mas balanse na ang pananaw mo. Marahil sa panahong iyon, ang magiging sagot mo sa tanong na “Magiging mabuti kaya siyang asawa?” ay oo!

MARAMI KA PANG MABABASA TUNGKOL SA PAKSANG ITO SA TOMO 1, KABANATA 31

SA SUSUNOD NA KABANATA

Kapag nakikipag-date, ano ang dapat na maging limitasyon sa pagpapakita ng pagmamahal sa isa’t isa?

[Mga talababa]

^ par. 17 Higit mong makikilala ang iyong sarili kung pag-iisipan mo ang mga tanong sa Kabanata 1, sa ilalim ng subtitulong “Handa Ka Na Bang Mag-asawa?”

^ par. 45 Makatutulong sa iyo ang iyong mga magulang o iba pang adulto, gaya ng mga Kristiyanong elder. Anong malay mo, baka pinagdaanan din nila ang gayong situwasyon noong nasa kabataan sila.

TEMANG TEKSTO

“Sa pamamagitan nga ng kaniyang mga gawa ay ipinakikilala ng isang bata kung ang kaniyang gawain ay dalisay at matuwid.”​—Kawikaan 20:11.

TIP

Makibahagi kayong dalawa sa mga gawaing makatutulong sa inyo na makilala ang isa’t isa:

● Magkasamang mag-aral ng Salita ng Diyos.

● Obserbahan ang isa’t isa habang nakikibahagi sa mga pulong ng kongregasyon at sa ministeryo.

● Tumulong sa paglilinis ng Kingdom Hall at sa mga proyekto ng pagtatayo.

ALAM MO BA . . . ?

Paulit-ulit na ipinakikita ng pagsasaliksik na kadalasang nauuwi sa diborsiyo ang pag-aasawa ng mga taong magkaiba ang relihiyon.

ANG PLANO KONG GAWIN!

Kung nagkakagusto ako sa isang di-kapananampalataya, ang gagawin ko ay ․․․․․

Para malaman ko ang reputasyon ng aking kasintahan, ang gagawin ko ay ․․․․․

Ang mga gusto kong itanong sa (mga) magulang ko hinggil sa bagay na ito ay ․․․․․

ANO SA PALAGAY MO?

Anong magagandang katangian ang dapat mong pasulungin upang maging matagumpay ang iyong pag-aasawa?

Anong mahahalagang katangian ang dapat mong hanapin sa isang mapapangasawa?

Ano ang maaaring maging problema kapag nag-asawa ka ng isang di-kapananampalataya?

Paano mo malalaman ang pagkatao, paggawi, at reputasyon ng iyong kasintahan?

[Blurb sa pahina 37]

“Kung paano tinatrato ng kasintahan mo ang kaniyang pamilya, iyon din ang magiging trato niya sa iyo.”​—Tony

[Kahon sa pahina 34]

“Huwag Kayong Makipamatok Nang Kabilan”

“Huwag kayong makipamatok nang kabilan sa mga di-sumasampalataya.” Maaaring iniisip mong makatuwiran naman ang simulaing iyan ng Bibliya sa 2 Corinto 6:14. Gayunpaman, baka nagkakagusto ka pa rin sa isang di-kapananampalataya. Bakit? Kung minsan baka naaakit ka lamang sa kaniyang pisikal na hitsura. “Lagi kong nakikita ang dalagitang ito kapag may klase ng P.E. sa gym,” ang sabi ng binatilyong si Mark. “Siya mismo ang lumalapit sa akin para makipag-usap. Kaya madaling nahulog ang loob ko sa kaniya.”

Kung kilala mo ang iyong sarili at naniniwala ka sa mga pamantayang natutuhan mo sa Bibliya​—at kung sapat na ang iyong pagkamaygulang anupat hindi ka na pinangingibabawan ng iyong damdamin​—alam mo na ang dapat mong gawin. Oo, ang taong ito​—siya man ay napakaganda, napakaguwapo, o waring napakabait​—ay hindi makapagpapatibay sa iyong kaugnayan sa Diyos.​—Santiago 4:4.

Sabihin pa, kung nahulog na ang loob ninyo sa isa’t isa, hindi madaling makipaghiwalay​—gaya ng naranasan ng dalagitang si Cindy. “Araw-araw ko siyang iniiyakan,” ang sabi niya. “Siya na lamang palagi ang nasa isip ko, kahit na sa panahon ng Kristiyanong pagpupulong. Mahal na mahal ko siya at mas gusto ko pang mamatay kaysa mawala siya sa akin.” Gayunman, di-nagtagal ay nakita rin ni Cindy na tama pala ang payo ng nanay niya na huwag siyang makipag-date sa isang di-kapananampalataya. “Mabuti na lamang at nakipaghiwalay ako sa kaniya,” ang sabi ni Cindy. “Buo ang tiwala ko na ibibigay ni Jehova ang aking mga pangangailangan.”

Pareho ba kayo ng situwasyon ni Cindy? Kung oo, hindi mo kailangang harapin ito nang mag-isa! Maaari mong kausapin ang iyong mga magulang. Iyan ang ginawa ni Jim nang mahumaling siya sa isang dalaga sa paaralan. “Hiniling ko rin nang dakong huli ang tulong ng aking mga magulang,” ang sabi niya. “Malaki ang naitulong nito sa akin para mapagtagumpayan ko ang damdaming ito.” Matutulungan ka rin ng mga elder sa inyong kongregasyon. Bakit hindi ipakipag-usap sa isa sa kanila ang pinagdaraanan mo?​—Isaias 32:1, 2.

[Kahon/Larawan sa pahina 39]

 Worksheet

Magiging Mabuti Kaya Siyang Asawang Lalaki?

Mahahalagang Bagay na Dapat Mong Alamin Tungkol sa Kaniya

◻ Paano niya ginagamit ang kaniyang awtoridad?​—Mateo 20:25, 26.

◻ Ano ang kaniyang mga tunguhin?​—1 Timoteo 4:15.

◻ Sinisikap ba niya ngayong maabot ang mga tunguhing ito?​—1 Corinto 9:26, 27.

◻ Paano niya tinatrato ang kaniyang pamilya?​—Exodo 20:12.

◻ Sinu-sino ang kaniyang mga kaibigan?​—Kawikaan 13:20.

◻ Ano ang gustung-gusto niyang pag-usapan?​—Lucas 6:45.

◻ Ano ang pananaw niya sa pera?​—Hebreo 13:5, 6.

◻ Anong uri ng libangan ang gusto niya?​—Awit 97:10.

◻ Paano niya ipinakikita ang kaniyang pag-ibig kay Jehova?​—1 Juan 5:3.

Magagandang Katangian Niya

◻ Masipag ba siya?​—Kawikaan 6:9-11.

◻ Responsable ba siya sa paghawak ng pera?​—Lucas 14:28.

◻ Maganda ba ang reputasyon niya?​—Gawa 16:1, 2.

◻ Makonsiderasyon ba siya?​—Filipos 2:4.

Palatandaan ng Malubhang Problema

◻ Magagalitin ba siya?​—Kawikaan 22:24.

◻ Hinihikayat ka ba niyang gumawa ng seksuwal na imoralidad?​—Galacia 5:19.

◻ Nananakit ba siya sa pisikal o berbal na paraan?​—Efeso 4:31.

◻ Mahilig ba siyang uminom ng alak?​—Kawikaan 20:1.

◻ Seloso ba siya at makasarili?​—1 Corinto 13:4, 5.

[Kahon/Larawan sa pahina 40]

 Worksheet

Magiging Mabuti Kaya Siyang Asawang Babae?

Mahahalagang Bagay na Dapat Mong Alamin Tungkol sa Kaniya

◻ Paano ba siya nagpapasakop sa loob ng pamilya at sa kongregasyon?​—Efeso 5:21, 22.

◻ Paano niya tinatrato ang kaniyang pamilya?​—Exodo 20:12.

◻ Sinu-sino ang kaniyang mga kaibigan?​—Kawikaan 13:20.

◻ Ano ang gustung-gusto niyang pag-usapan?​—Lucas 6:45.

◻ Ano ang pananaw niya sa pera?​—1 Juan 2:15-17.

◻ Ano ang kaniyang mga tunguhin?​—1 Timoteo 4:15.

◻ Sinisikap ba niya ngayong maabot ang mga tunguhing ito?​—1 Corinto 9:26, 27.

◻ Anong uri ng libangan ang gusto niya?​—Awit 97:10.

◻ Paano niya ipinakikita ang kaniyang pag-ibig kay Jehova?​—1 Juan 5:3.

Magagandang Katangian Niya

◻ Masipag ba siya?​—Kawikaan 31:17, 19, 21, 22, 27.

◻ Responsable ba siya sa paghawak ng pera?​—Kawikaan 31:16, 18.

◻ Maganda ba ang reputasyon niya?​—Ruth 3:11.

◻ Makonsiderasyon ba siya?​—Kawikaan 31:20.

Palatandaan ng Malubhang Problema

◻ Mahilig ba siyang makipagtalo?​—Kawikaan 21:19.

◻ Hinihikayat ka ba niyang gumawa ng seksuwal na imoralidad?​—Galacia 5:19.

◻ Nananakit ba siya sa pisikal o berbal na paraan?​—Efeso 4:31.

◻ Mahilig ba siyang uminom ng alak?​—Kawikaan 20:1.

◻ Selosa ba siya at makasarili?​—1 Corinto 13:4, 5.

[Larawan sa pahina 30]

Hindi magkakasya ang kahit na anong sukat ng sapatos lamang; sa katulad na paraan, hindi magiging mabuting asawa ang kahit sino na lamang

[Larawan sa pahina 31]

Kapag pumipili ng kotse, mahalaga na tingnang mabuti hindi lamang ang porma nito. Lalo nang higit sa pagpili ng mapapangasawa!