Mabuting Halimbawa—Asap
Mabuting Halimbawa—Asap
Mahirap ang situwasyon ni Asap. Nakikita niya sa palibot niya ang mga taong lumalabag sa mga batas ng Diyos at parang hindi naman sila napaparusahan! Nag-isip tuloy si Asap kung sulit ba talaga ang pagsisikap na paluguran ang Diyos. “Tunay na walang kabuluhan ang paglilinis ko ng aking puso at ang paghuhugas ko ng aking mga kamay sa kawalang-sala,” ang sabi niya. Pero matapos pag-isipang mabuti ang bagay na ito, nagbago ang pananaw ni Asap. Napag-isip-isip niyang pansamantala lamang ang anumang kasiyahang nararanasan ng masasama. Ano ang konklusyon ni Asap? “Bukod sa iyo,” ang sabi niya kay Jehova sa isang awit, “wala na akong ibang kaluguran sa lupa.” —Awit 73:3, 13, 16, 25, 27.
Minsan siguro nagdududa ka rin kung sulit ba talagang mamuhay ayon sa mga pamantayan ng Diyos. Pero tularan mo si Asap, at tingnan mong mabuti kung ano ang kalagayan ng mga hindi sumusunod sa mga batas ng Diyos. Talaga bang may kapayapaan sila? May natuklasan ba silang sekreto kung paano magiging maligaya na hindi alam ng mga tapat sa Diyos? Matapos pag-isipang mabuti ang mga bagay-bagay, tiyak na masasabi mo rin ang mga pananalita ni Asap: “Ang paglapit sa Diyos ay mabuti para sa akin.”—Awit 73:28.