Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

May Dobleng Pamumuhay Ako​—Sino ang Dapat Makaalam?

May Dobleng Pamumuhay Ako​—Sino ang Dapat Makaalam?

KABANATA 16

May Dobleng Pamumuhay Ako​—Sino ang Dapat Makaalam?

□ Pag-inom ng alak

□ Pakikisama sa mga taong para sa mga magulang mo ay hindi mabuting kaibiganin

□ Pakikinig sa masamang musika

□ Pagpunta sa maingay at magulong mga parti

□ Patagong pakikipag-date

□ Panonood ng marahas o imoral na mga pelikula o paglalaro ng marahas na mga video game

□ Pagmumura o malaswang pananalita

TINGNAN ang listahan sa naunang pahina. Ginagawa mo ba ang mga ito? Itinatago mo ba ito sa iyong mga magulang? Kung oo, alam mo naman sigurong mali ang mga gawaing ito. Baka nga nakokonsiyensiya ka pa habang ginagawa mo ang mga ito. (Roma 2:15) Pero natatakot ka namang ipagtapat ang kasalanan mo sa iyong mga magulang. At dahil nag-aalala ka sa malamang na maging reaksiyon nila, baka ikatuwiran mo, “Mas mabuti sigurong huwag na lang nilang malaman para wala na lang problema.” Pero hindi mo ba alam na ang ginagawa mong paglilihim ay maituturing na dobleng pamumuhay? Bakit kaya nagagawa mo ito?

Kung Bakit Nakakaengganyong Magsarili

Sinasabi ng Bibliya na sa kalaunan, “iiwan ng lalaki ang kaniyang ama at ang kaniyang ina.” (Genesis 2:24) Totoo rin iyan sa kababaihan. Natural lamang na gusto mong makatayo sa sarili mong paa at makapagdesisyon ka nang hindi dinidiktahan ng iba. Kaya kapag may gustong gawin ang mga anak at ayaw namang pumayag ng mga magulang dahil alam nilang hindi ito makabubuti​—o mali pa nga​—nagrerebelde ang ilang kabataan.

Totoo, may mga magulang na talaga namang sobrang higpit. “Halos hindi kami makapanood ng anumang palabas sa sine,” ang reklamo ng kabataang si Kim. Sinabi pa niya, “Para kay Tatay, lahat na yata ng musika, bawal!” Dahil sa sobrang higpit ng kanilang mga magulang, naiinggit ang ilang kabataan sa kanilang mga kaedad na tila mas malaya kaysa sa kanila.

Binanggit ng kabataang babae na si Tammy ang isa pang dahilan kung bakit may dobleng pamumuhay ang ilang kabataan​—nais nilang magustuhan sila at tanggapin ng kanilang mga kaeskuwela. “Natuto akong magmura sa paaralan,” ang sabi niya. “Hindi na ako naaasiwa kapag kasama ko ang mga kaeskuwela ko. Sinubukan ko ring manigarilyo at uminom hanggang sa malasing. Tapos, kung kani-kanino ako nakikipag-date​—siyempre patago, dahil istrikto ang tatay at nanay ko at hindi nila ako pinapayagang makipag-date.”

Ganiyan din ang naging karanasan ng binatilyong si Pete: “Pinalaki akong isang Saksi ni Jehova. Pero ayaw na ayaw kong tuksuhin ako ng ibang bata.” Ano ang ginawa ni Pete? “Nakipagsabayan ako sa kanila,” ang sabi niya. “Nagsisinungaling ako at umiimbento ng kung anu-anong dahilan kung bakit hindi ako nakakatanggap ng regalo tuwing may okasyon.” Noong una, maliliit na bagay lamang ang ikinokompromiso ni Pete, pero di-nagtagal, nakagawa na siya ng mas malulubhang pagkakasala.

Walang Maitatago kay Jehova

Hindi na bago ang dobleng pamumuhay. Inakala ng mga Israelita noon na mapagtatakpan nila ang mali nilang ginagawa. Pero nagbabala si propeta Isaias: “Sa aba niyaong mga nagpapakatalamak sa pagkukubli ng panukala mula kay Jehova, at niyaong ang mga gawa ay naganap sa madilim na dako, habang sinasabi nila: ‘Sino ang nakakakita sa atin, at sino ang nakakakilala sa atin?’” (Isaias 29:15) Nakalimutan ng mga Israelita na nakikita ng Diyos ang kanilang ginagawa. Nang dumating ang takdang panahon, pinarusahan sila ni Jehova sa kanilang mga kasalanan.

Ganiyan din sa ngayon. Maitatago mo sa iyong mga magulang ang ginagawa mong kalokohan, pero hindi sa Diyos na Jehova. “Walang nilalang na hindi hayag sa kaniyang paningin,” ang sabi ng Hebreo 4:13, “kundi ang lahat ng bagay ay hubad at hayagang nakalantad sa mga mata niya na pagsusulitan natin.” Kaya niloloko mo lang ang sarili mo kapag may itinatago kang kasalanan. Tandaan, hindi mo puwedeng dayain ang Diyos sa pamamagitan ng pakitang-taong debosyon kapag dumadalo ka sa mga pulong ng kongregasyon. Alam ni Jehova kung sino ang ‘nagpaparangal sa kaniya sa kanilang mga labi, ngunit ang puso ay malayung-malayo sa kaniya.’​—Marcos 7:6.

Alam mo bang nasasaktan si Jehova kapag ang mga mananamba niya ay may dobleng pamumuhay? Si Jehova, masasaktan? Oo! Nang maghimagsik laban sa Kautusan ng Diyos ang mga Israelita noon, “pinasakitan nila maging ang Banal ng Israel.” (Awit 78:41) Tiyak na nasasaktan si Jehova sa ngayon kapag ang mga kabataan na pinalaki “sa disiplina at pangkaisipang patnubay ni Jehova” ay patagong gumagawa ng kasalanan!​—Efeso 6:4.

Ituwid ang mga Bagay-bagay

Tandaan, pananagutan mo sa Diyos, sa iyong mga magulang, at sa iyong sarili na aminin ang ginagawa mong lihim na kasalanan. Totoo, baka mapahiya ka at madisiplina kapag umamin ka. (Hebreo 12:11) Halimbawa, kung namihasa ka na sa pagsisinungaling at panlilinlang, ikaw mismo ang sumisira sa tiwala ng iyong mga magulang. Kaya huwag kang mabibigla kapag naging mas mahigpit sila sa iyo kaysa dati. Anuman ang mangyari, pinakamabuti pa ring ipagtapat mo ang iyong kasalanan. Bakit?

Pag-isipan ang ilustrasyong ito: Ipagpalagay na namamasyal kayong pamilya sa gubat. Nang malingat ang iyong mga magulang, sinuway mo ang utos nila na huwag kang lumayo, kaya hindi mo nasundan ang rutang dinaraanan nila at naligaw ka. Nahulog ka ngayon sa kumunoy at unti-unti ka nang lumulubog. Mahihiya ka bang humingi ng tulong? Matatakot ka ba na baka mapagalitan ka ng iyong mga magulang dahil hindi ka nakinig sa kanila? Hindi! Sisigaw ka nang ubod-lakas para humingi ng tulong.

Sa katulad na paraan, kung mayroon kang dobleng pamumuhay, kailangang-kailangan mo ng tulong. Oo, hindi mo na maibabalik ang kahapon at ang nangyari ay nangyari na. Pero nasa mga kamay mo pa rin ang iyong kinabukasan. Gaano man kasakit at kahirap ang magtapat sa mga magulang, isang katalinuhan na humingi ng tulong bago pa tuluyang masira ang iyong buhay at ang iyong pamilya. Kung talagang pinagsisisihan mo ang iyong mga ginawa, kaaawaan ka ni Jehova.​—Isaias 1:18; Lucas 6:36.

Kaya ipagtapat ang totoo sa iyong mga magulang. Ihanda mo ang iyong sarili sa magiging reaksiyon nila dahil talagang masasaktan sila. Tanggapin ang kanilang disiplina. Kung gagawin mo ito, mapagagalak mo ang iyong mga magulang at ang Diyos na Jehova. Makakahinga ka rin nang maluwag dahil alam mong malinis na ang iyong konsiyensiya.​—Kawikaan 27:11; 2 Corinto 4:2.

SA SUSUNOD NA KABANATA

Kasundung-kasundo mo ang iyong mga kaklase. Pero bakit dapat mag-ingat sa pakikipagkaibigan sa kanila?

TEMANG TEKSTO

“Siyang nagtatakip ng kaniyang mga pagsalansang ay hindi magtatagumpay, ngunit siyang nagtatapat at nag-iiwan ng mga iyon ay pagpapakitaan ng awa.”​—Kawikaan 28:13.

TIP

Huwag mong bale- walain ang iyong mga pagkakamali, pero huwag mo ring hatulan ang iyong sarili. Tandaan na handang magpatawad si Jehova.​—Awit 86:5.

ALAM MO BA . . . ?

Kapag inuusig ka ng iyong budhi, may idudulot itong mabuti; mauudyukan ka nitong ituwid ang maling ginagawa mo. Pero kapag namimihasa ka sa paggawa ng mali, ang iyong budhi ay magiging manhid, na parang balat na napaso at kumapal dahil sa peklat.​—1 Timoteo 4:2.

ANG PLANO KONG GAWIN!

Kung mayroon akong dobleng pamumuhay, ipagtatapat ko ito kay ․․․․․

Para makayanan ko ang anumang disiplina, ang gagawin ko ay ․․․․․

Ang mga gusto kong itanong sa (mga) magulang ko hinggil sa bagay na ito ay ․․․․․

ANO SA PALAGAY MO?

● Ano ang nagtutulak sa ilang kabataan na magkaroon ng dobleng pamumuhay?

● Ano ang ilan sa mga kahihinatnan ng dobleng pamumuhay?

● Bakit makabubuting iwan ang dobleng pamumuhay?

[Blurb sa pahina 140]

“Sa umpisa pa lang, dapat ipakilala na ng mga kabataan na sila’y mga Kristiyanong sumusunod sa mataas na mga pamantayang moral. Kung hindi, lalo lang silang mahihirapan.”​—Linda

[Larawan sa pahina 141]

Kung waring lumulubog ka na sa kumunoy dahil sa iyong dobleng pamumuhay, kailangan mong humingi ng tulong