Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Paano Kung Ginigipit Ako ng Iba?

Paano Kung Ginigipit Ako ng Iba?

KABANATA 15

Paano Kung Ginigipit Ako ng Iba?

“Kabi-kabila ang panggigipit sa paaralan​—sigarilyo, droga, sex. Alam mong mali ang gustong ipagawa sa iyo ng mga kaeskuwela mo. Pero darating ka sa punto na gusto mong patunayan sa kanila na hindi ka duwag.”​—Eve.

NORMAL lamang na naisin mong magustuhan ka at tanggapin ng iba. Iyan mismo ang dahilan kung bakit mahirap paglabanan ang panggigipit ng iba. Halimbawa, kung pinalaki ka sa turong Kristiyano, alam mong mali ang paglalasing at pakikipag-sex nang hindi kasal. (Galacia 5:19-21) Pero hinihikayat ka naman ng marami sa iyong mga kaeskuwela na subukan ang mga ito. Alam talaga kaya nila ang pinapasok nila at ginusto kaya nila iyon? Malamang na hindi. Kadalasan nang naimpluwensiyahan lamang sila ng iba. Nais nilang magustuhan at tanggapin sila kaya hinahayaan nilang diktahan sila ng iba. Ganoon ka rin ba? O kaya mong ipaglaban ang iyong paniniwala?

Minsan nang nagpadala sa panggigipit ang kapatid ni Moises na si Aaron. Nangyari ito nang palibutan siya at hikayatin ng mga Israelita na gumawa ng diyos para sa kanila. Naging sunud-sunuran siya sa gusto nilang mangyari. (Exodo 32:1-4) Biruin mo​—ito mismo ang lalaking humarap kay Paraon at buong-tapang na naghatid ng mensahe ng Diyos sa kaniya! (Exodo 7:1, 2, 16) Pero nang gipitin siya ng kapuwa niya mga Israelita, nagpadaig siya sa kanila. Lumilitaw na mas kaya pa niyang manindigan sa harap ng hari ng Ehipto kaysa manindigan sa harap ng kaniyang mga kababayan!

Eh, ikaw naman? Nahihirapan ka bang ipaglaban ang alam mong tama? Gusto mo bang maharap nang may lakas ng loob ang panggigipit ng iba? Kaya mo iyon! Ang kailangan mong gawin ay patiunang pag-isipan ang panggigipit na maaaring mapaharap sa iyo at kung ano ang gagawin mo kung sakaling mangyari ito. Narito ang apat na hakbang na tutulong sa iyo na magawa ito.

1. Patiunang pag-isipan ang puwedeng mangyari. (Kawikaan 22:3) Kadalasan, malalaman mo kung ano ang puwedeng maging problema. Halimbawa, papalapit ka sa mga kaeskuwela mo at nakita mong naninigarilyo sila. Posible kayang alukin ka rin nilang manigarilyo? Kung patiuna mong napag-isipan ang puwedeng maging problema, madali mo itong mahaharap o maiiwasan.

2. Mag-isip. (Hebreo 5:14) Maaari mong tanungin ang iyong sarili, ‘Ano kaya ang madarama ko sa dakong huli kung maging sunud-sunuran ako sa mga kaeskuwela ko?’ Baka nga makuha mo ang loob nila pansamantala. Pero ano naman kaya ang madarama mo kapag mga magulang mo na o mga kapuwa Kristiyano ang kasama mo? Handa ka bang ipagpalit ang kaugnayan mo sa Diyos para lamang pagbigyan ang iyong mga kaeskuwela?

3. Magpasiya. (Deuteronomio 30:19) Dalawa lamang ang pagpipilian ng lahat ng lingkod ng Diyos: maging tapat at umani ng pagpapala, o maging di-tapat at umani ng masaklap na mga bunga. Tama ang ipinasiya ng mga lalaking gaya nina Jose, Job, at Jesus; mali naman ang naging pasiya nina Cain, Esau, at Hudas. Eh ikaw naman, ano ang pipiliin mo?

4. Kumilos. Baka maisip mong ito ang pinakamahirap na hakbang. Nagkakamali ka! Kung patiuna mo nang napag-isipan ang puwedeng mangyari at buo na ang pasiya mo, baka magulat kang napakadali naman palang panindigan ang paniniwala mo​—at makakahinga ka nang maluwag. (Kawikaan 15:23) Huwag kang mag-alala​—hindi mo naman kailangang sermunan tungkol sa Bibliya ang mga kaeskuwela mo. Baka sapat nang sabihing ayaw mo. O para ipakitang hindi na magbabago ang desisyon mo, maaari mong sabihin:

“Huwag n’yo akong isama diyan!”

“Hindi ko gawain ’yan!”

“Kayo naman, parang hindi n’yo ’ko kilala!”

Mahalagang tumanggi kaagad at panindigan iyon. Kung gagawin mo ito, baka magulat ka kapag tinantanan ka na nila agad! Pero paano kung tuyain ka nila? Paano kung sabihin nilang, “Bakit, duwag ka ba?” Tandaan mo na ginigipit ka lang nila. Ano ang puwede mong gawin? Narito ang tatlo sa mga puwede mong gawin.

Maaari mong saluhin ang panunuya sa iyo. (“Tama kayo, duwag ako!” Saka sabihin ang iyong dahilan.)

Maaari mong sanggahin ang panggigipit sa pamamagitan ng pagsasabi ng iyong paninindigan nang hindi nakikipagtalo hinggil dito.

Maaari mong ibalik ang panggigipit. Sabihin kung bakit ka tumanggi at saka mo sila gamitan ng lohika. (“Akala ko pa naman alam n’yong masama sa katawan ang manigarilyo!”)

Kung ayaw ka pa rin nilang tigilan, umalis ka na! Kung hindi, lalo ka lamang nilang gigipitin. Oo, umatras ka nga, pero tandaan mo: Ikaw ang kumontrol sa situwasyon. Hindi ka naging sunud-sunuran sa kanila!

Baka tuyain ka ng ilan sa mga kaeskuwela mo at sabihin sa iyo na hindi ka marunong gumawa ng sarili mong desisyon. Pero hindi iyon totoo, yamang gusto ni Jehova na ikaw mismo ang magpasiya na sumunod sa kaniya dahil alam mong tama iyon. (Roma 12:2) Kaya bakit ka papayag na gawin kang tau-tauhan ng iyong mga kaeskuwela? (Roma 6:16) Ipaglaban mo kung ano ang alam mong tama!

Totoong nariyan lagi ang panggigipit. Pero may sarili kang isip at paninindigan, at puwede mong kontrolin ang situwasyon. At ikaw pa rin ang magpapasiya!​—Josue 24:15.

MARAMI KA PANG MABABASA TUNGKOL SA PAKSANG ITO SA TOMO 1, KABANATA 9

SA SUSUNOD NA KABANATA

Dalawa ba ang iyong pagkatao? Bakit makabubuti sa iyo na malaman ito ng mga magulang mo?

TEMANG TEKSTO

“Siyang lumalakad na kasama ng marurunong ay magiging marunong, ngunit siyang nakikipag-ugnayan sa mga hangal ay mapapariwara.”​—Kawikaan 13:20.

TIP

Para lalong lumakas ang loob mo na harapin ang mga panggigipit, magbasa ka ng mga karanasan ng modernong-panahong mga lingkod ni Jehova na matagumpay na nakapanindigan sa kung ano ang tama.

ALAM MO BA . . . ?

Isang taon pagkagradweyt ninyo, iilan na lamang sa inyong magkakaklase ang magkikita-kita. Baka nga hindi na matandaan ng marami sa iyong mga kaklase ang pangalan mo. Pero hindi tulad nila, laging interesado sa kapakanan mo ang iyong pamilya, lalung-lalo na ang Diyos na Jehova.​—Awit 37:23-25.

ANG PLANO KONG GAWIN!

Para maging handa ako sa panggigipit ng iba, ang gagawin ko ay ․․․․․

Kapag ginigipit ako ng iba na gumawa ng masama, ang gagawin ko ay ․․․․․

Ang mga gusto kong itanong sa (mga) magulang ko hinggil sa bagay na ito ay ․․․․․

ANO SA PALAGAY MO?

● Sa anu-anong situwasyon maaari mong magamit ang apat na hakbang na tinalakay sa kabanatang ito?

● Ano ang puwedeng mangyari kapag nagpadala ka sa panggigipit ng iba?

● Anu-ano ang ilan sa magagawa mo para mapaglabanan mo ang panggigipit ng iba?

[Blurb sa pahina 131]

“Dahil alam ng marami na Saksi ako, nirerespeto nila ako. Kung may pag-uusapan silang hindi maganda, sasabihin nila, ‘Mike, may pag-uusapan kami, kaya kung gusto mong umalis, mauna ka na.’”​—Mike

[Chart sa pahina 132, 133]

Worksheet

Plano Ko Laban sa Panggigipit

Sampol

1 Patiunang Mag-isip

Ano ang tukso? Paninigarilyo.

Saan ito malamang na mangyari? Sa pasilyo ng paaralan.

2 Mag-isip

Ano’ng mangyayari kung magpapadala ako?

Malulungkot si Jehova at ang mga magulang ko. Makokonsensiya ako. Mahihirapan na akong tumanggi sa susunod kapag naulit ito.

Ano’ng mangyayari kung tatanggi ako?

Baka kantiyawan ako. Baka layuan pa nga ako ng ilan sa mga kaeskuwela ko. Pero mapasasaya ko si Jehova, at magiging mas matatag ako.

3 Magpasiya

Kung nagpadala ako, baka dahil ito sa

hindi ako handa sa panggigipit. Mas mahalaga sa akin ang mga kaeskuwela ko kaysa kay Jehova.

Tatanggi ako dahil

alam kong malulungkot si Jehova at puwede akong magkasakit kapag nanigarilyo ako.

4 Kumilos

Ako ay

tatanggi at aalis.

Panunuya ng Kaeskuwela

Kung sasabihin sa akin ng kaeskuwela ko: “Sige na, manigarilyo ka muna. Duwag ka kapag tinanggihan mo ito!”

Ang puwede kong gawin sa ganitong panggigipit ay

Saluhin ito

“Oo, tama ka, duwag ako. Takot akong manigarilyo dahil ayokong magkakanser.”

Sanggahin ito

“Sayang lang ang sigarilyo mo sa akin.”

Ibalik ito

“Salamat na lang. Akala ko pa naman alam mong masama sa katawan ang manigarilyo!”

TANDAAN: Umalis kaagad kapag ayaw ka pa rin nilang tigilan. Kung hindi, mas malaki ang tsansa na madaig ka nila. Ngayon, ikaw naman ang magsulat sa susunod na pahina.

Plano Ko Laban sa Panggigipit

Kopyahin ito!

1 Patiunang Mag-isip

Ano ang tukso? ․․․․․

Saan ito malamang na mangyari? ․․․․․

2 Mag-isip

Ano’ng mangyayari kung magpapadala ako?

․․․․․

Ano’ng mangyayari kung tatanggi ako?

․․․․․

3 Magpasiya

Kung nagpadala ako, baka dahil ito sa . . .

․․․․․

Tatanggi ako dahil . . .

․․․․․

4 Kumilos

․․․․․

Ako ay . . .

․․․․․

Panunuya ng Kaeskuwela

Kung sasabihin sa akin ng kaeskuwela ko: ․․․․․

Ang puwede kong gawin sa ganitong panggigipit ay

Saluhin Ito

․․․․․

Sanggahin Ito

․․․․․

Ibalik Ito

․․․․․

Ensayuhin ang iyong mga sagot kasama ng magulang mo o ng isang may-gulang na kaibigan.

[Larawan sa pahina 135]

Kung magpapadala ka sa panggigipit ng iba, magiging tau-tauhan ka nila