Bakit Nagawa Akong Saktan ng Kaibigan Ko?
KABANATA 10
Bakit Nagawa Akong Saktan ng Kaibigan Ko?
“Malapít na kaibigan ko si Kerry. Araw-araw ko siyang sinusundo pagkatapos ng trabaho, kasi wala siyang kotse. Pero di-nagtagal, napansin kong sinasamantala na niya ang kabaitan ko.
“Dali-dali siyang sasakay sa kotse habang walang-tigil sa kate-text o katatawag sa cellphone. Kahit minsan ay hindi siya nagpasalamat sa akin, at hindi na rin siya nag-abot ng pang-gasolina. Puro pamimintas ang naririnig ko tuwing magsasalita siya. Inis na inis ako sa sarili ko dahil ang tagal kong nagpauto sa kaniya!
“Isang araw, mahinahon kong ipinaliwanag kay Kerry na hindi ko na siya masusundo pagkatapos ng trabaho. Iniwasan na niya ako mula noon—lalo ko tuloy napatunayan na kinakaibigan lamang niya ako dahil may nakukuha siya sa akin. Ang sakit!”—Nicole.
MAAARI itong mangyari kahit sa matalik na magkaibigan. Sa umpisa, halos hindi na sila mapaghiwalay; pero biglang-bigla naman ay ayaw na nilang kibuin ang isa’t isa. Bakit kaya tumatabang ang dating napakatamis na pagkakaibigan?
● Para kay Jeremy, nagbago ang lahat nang lumipat sa napakalayong lugar ang kaniyang matalik na kaibigan. “Mula noon, ni minsan ay hindi na niya ako tinawagan,” ang sabi ni Jeremy, “at talagang nasaktan ako.”
● Napansin ni Kerrin na nagbabago ang ugali ng kaniyang best friend na limang taon na niyang kaibigan. “Nag-alala ako nang husto sa nagiging ugali niya at sa paraan niya ng pagsasalita,” ang sabi ni Kerrin. “Kung anu-ano na ang sinasabi niya tungkol sa mga bagay na mahalaga para sa akin. Nang pag-usapan namin ang tungkol dito, sinabi niyang traidor ako at nagmamalinis. Sinabi rin niyang masama na ang nagiging epekto sa kaniya ng aming pagkakaibigan!”
● Walang kaide-ideya si Gloria kung bakit bigla siyang iniwasan ng kaniyang malapít na kaibigan. “Noong una, magkasundung-magkasundo kami,” ang sabi ni Gloria, “at sinabi niyang parang kapatid na ang turing niya sa akin. Pero biglang-bigla, ayaw na niya akong makasama, at kung anu-ano na lang ang idinadahilan niya.”
● Nagsimula ang problema nina Laura at Daria nang sulutin ni Daria ang nobyo ni Laura. “Ang tagal-tagal nilang mag-usap sa telepono, eh alam naman niyang magkasintahan na kami,” ang sabi ni Laura. “Trinaidor ako ng pinakamatalik kong kaibigan at inagaw pa niya ang lalaking mapapangasawa ko sana!”
Bakit Nasisira ang Pagkakaibigan?
Lahat tayo ay nagkakamali. Kaya natural lamang na sa kalaunan, maaaring may masabi o magawa ang isang kaibigan na makasasakit sa iyo. Aminin na natin, may mga pagkakataon din namang tayo ang nakasakit sa iba. (Eclesiastes 7:22) “Lahat tayo ay hindi sakdal, kaya maaaring magkainisan tayo paminsan-minsan,” ang sabi ng kabataang si Lisa. Kadalasan, ang mga tampuhang dulot ng maliit na di-pagkakaunawaan ay nadadaan sa mabuting usapan.
Kung minsan naman, ang pagtabang ng pagkakaibigan ay hindi dahil sa maling sinabi o ginawa ng isang kaibigan. Baka unti-unti lang ninyong napag-isip-isip na magkaiba pala kayo. Habang lumalaki ka kasi, nagbabago ang mga bagay na gusto mo—pati na ang gusto ng iyong kaibigan. Ano ang magagawa mo kung unti-unti nang nagkakalayo ang loob ninyong magkaibigan?
Kung Paano Aayusin ang Nasirang Pagkakaibigan
Ano ang gagawin mo kapag napunit ang paborito mong damit? Itatapon mo na lang ba ito? o tatahiin mo? Depende ’yan kung gaano kalaki ang punit at kung gaano kahalaga sa iyo ang damit na iyon. *
Kung paboritung-paborito mo ito, gagawa’t gagawa ka ng paraan para maayos ito. Karaniwan nang ganiyan din sa nasirang pagkakaibigan. Makikipag-ayos ka ba o hahayaan mo na lang na tuluyang masira ang inyong pagkakaibigan? Nakadepende iyan sa situwasyon at sa pagpapahalaga mo sa inyong ugnayan.Halimbawa, kung nasaktan ka sa sinabi o ginawa ng isang kaibigan, baka puwedeng palampasin mo na lang ang nangyari at sundin ang payo sa Awit 4:4: ‘Magsalita ka sa iyong puso, sa iyong higaan, at manahimik ka.’ Kaya sa halip na putulin agad ang inyong pagkakaibigan, mag-isip ka muna nang mabuti. Talaga bang intensiyon niya na saktan ka? Kung hindi ka naman sigurado, bakit mo siya pag-iisipan nang masama? Karaniwan na, maaaring ‘takpan mo na lamang ng pag-ibig ang maraming kasalanan.’—1 Pedro 4:8.
Pag-isipan mo rin kung may nagawa kang isang bagay na nakaragdag sa problema. Halimbawa, kung ipinagsabi ng kaibigan mo ang iyong sekreto, baka hindi ka naman naging maingat. Baka mas mabuting hindi mo na Kawikaan 15:2) Kung gayon nga, tanungin ang iyong sarili, ‘May kailangan ba akong baguhin para mas igalang ako ng aking kaibigan?’
lamang sinabi sa kaniya ang sekreto mong iyon. O baka ikaw rin naman ang nagbigay ng dahilan para kantiyawan ka—hindi kaya masyado kang madaldal o padalus-dalos magsalita? (“Ano Ba’ng Nangyari sa Atin?”
Pero paano kung hindi mo basta-basta na lamang mapalalampas ang nangyari? Kung gayon, makabubuting kausapin mo ang iyong kaibigan. Pero huwag na huwag mong gagawin ito kapag galít ka. Sinasabi ng Bibliya: “Ang taong nagngangalit ay pumupukaw ng pagtatalo, ngunit ang mabagal sa pagkagalit ay nagpapatahimik ng pag-aaway.” (Kawikaan 15:18) Kaya magpalamig ka muna ng ulo bago kayo mag-usap.
Kapag nakikipag-usap ka na sa iyong kaibigan, tandaan na hindi mo layunin na ‘gumanti ng masama para sa masama.’ (Roma 12:17) Sa halip, gusto mong magkaunawaan kayo at maibalik ang inyong pagkakaibigan. (Awit 34:14) Kaya sabihin sa kaniya ang talagang niloloob mo. Maaari mong sabihin, “Ang tagal na rin naman nating magkaibigan. Pero bakit tayo nagkaganito? Ano ba’ng nangyari sa atin?” Kapag alam mo na ang ugat ng problema, mas madali nang maaayos ang gusot. Pero kung ayaw kang kibuin ng iyong kaibigan, huwag kang mag-alala. Ang mahalaga ay sinikap mong makipagpayapaan.
Tandaan na bagaman “may mga magkakasamang nagsisiraan,” mayroon din namang “kaibigang mas malapít pa kaysa sa isang kapatid.” (Kawikaan 18:24) Oo, maaaring magkatampuhan paminsan-minsan kahit ang matalik na magkaibigan. Kapag nagkatampuhan kayo, sikapin mong makipag-ayos. Ang totoo, kung sinisikap mong lutasin ang mga di-pagkakaunawaan, katibayan ito na nagiging maygulang ka na.
MARAMI KA PANG MABABASA TUNGKOL SA PAKSANG ITO SA TOMO 1, KABANATA 8
Baka maraming oras na nakikipag-chat sa Internet ang ilan sa mga kaibigan mo. Ano kaya ang gustung-gusto nila rito?
[Talababa]
^ par. 15 May ilang indibiduwal na hindi mabuting maging kaibigan, lalo na kung parang hindi na maka-Kristiyano ang paggawi nila.—1 Corinto 5:11; 15:33.
TEMANG TEKSTO
“Kung posible, hangga’t nakasalalay sa inyo, makipagpayapaan kayo sa lahat ng tao.”—Roma 12:18.
TIP
Huwag agad mag-isip ng kung anu-ano tungkol sa iyong kaibigan. Tanungin muna siya kung ano ang tunay na nangyari.—Kawikaan 18:13.
ALAM MO BA . . . ?
Maganda ang ugnayan ng magkaibigan kapag iginagalang nila ang pribadong buhay ng bawat isa. (Kawikaan 25:17) Pero kung masyadong seloso ang isa at gusto niyang nasa kaniya ang lahat ng atensiyon, masisira ang pagkakaibigan.
ANG PLANO KONG GAWIN!
Kung kailangan kong kausapin ang isang kaibigan dahil nasaktan niya ako, ang sasabihin ko ay ․․․․․
Para hindi masira ang aming pagkakaibigan kahit may ginawa siya sa akin na nakakainis, ang gagawin ko ay ․․․․․
Ang mga gusto kong itanong sa (mga) magulang ko hinggil sa bagay na ito ay ․․․․․
ANO SA PALAGAY MO?
● Bakit kaya unti-unting nagkakalayo ang loob ng ilang magkakaibigan?
● Anu-anong pagkakamali ng iyong kaibigan ang mapalalampas mo, at anu-ano naman ang ipakikipag-usap mo sa kaniya?
● Kung nasaktan ka ng iyong kaibigan, anu-ano ang maaari mong matutuhan mula rito?
● Anong pag-iingat ang kailangan mong gawin para hindi ka masaktan ng iyong kaibigan?
[Blurb sa pahina 95]
“Kung maibabalik ko lang, hindi sana ako naging mapaghanap sa aking kaibigan. Mas nakinig sana ako sa kaniya at sinuportahan siya, sa halip na ipagdiinan ang kaniyang mga pagkakamali. Ngayon, alam ko nang tumitibay ang pagkakaibigan kapag magkasama ninyong nalalampasan ang mga problema.”—Keenon
[Larawan sa pahina 94]
Ang tampuhan ng magkaibigan ay gaya ng punit sa damit—maaari pa itong ayusin